Seminary
Unit 20: Day 3, Alma 42


Unit 20: Day 3

Alma 42

Pambungad

Tinapos ni Alma ang kanyang payo sa kanyang naguguluhang anak na si Corianton sa pagpapaliwanag na naglaan ng paraan ang Ama sa Langit para sa mga nagkasala upang matamo nila ang awa. Itinuro niya sa kanyang anak ang tungkol sa mga kaparusahan na hinihingi ng batas ng katarungan para sa kasalanan. Nagpatotoo siya na “[tu]tugunin [ni Jesucristo] ang hinihingi ng katarungan” (Alma 42:15) sa pamamagitan ng pagdurusa para sa lahat ng nagkasala at nakahandang magsisi. Ang Panginoon ay nagbibigay ng awa sa mga nagsisisi.

Alma 42:1–14

Itinuro ni Alma kay Corianton ang tungkol sa batas ng katarungan

Ipikit sandali ang iyong mga mata at isipin kung ano kaya ang mangyayari kapag dumating na ang oras mo para sa Huling Paghuhukom. Habang sinusuri mo ang iyong buhay, gusto mo bang maging patas ang Huling Paghuhukom? Bakit gusto mong maging patas ang hatol sa iyo?

Ngayon, isipin ang kahulugan ng salitang patas. Ang isang kahulugan ng patas ay matatamo mo ang nararapat para sa iyo; ang pagiging patas ay may kaugnayan sa salitang katarungan sa banal na kasulatan.

balance scale
  1. journal iconMagdrowing ng simpleng scale sa iyong scripture study journal tulad ng nakikita mo rito. Pagkatapos ay isulat ang salitang Katarungan sa ilalim ng iyong drowing. Mag-iwan ng espasyo sa iyong journal para sa iba pang isusulat mo sa iyong drowing habang patuloy mong pinag-aaralan ang lesson.

Para matulungan ka na mas maunawaan ang konsepto ng katarungan, basahin ang sumusunod na paliwanag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Dallin H. Oaks

“Ang katarungan ay maraming kahulugan. Ang isa ay pagiging balanse o patas. Ang isang popular na simbolo ng katarungan ay ang mga iskala [scale] sa timbangan. …

“… Ang konsepto ng katarungan na ayon sa nararapat matanggap ng isang tao ay pangunahing batayan ng lahat ng mga banal na kasulatan na nagsasabing ang tao ay hahatulan alinsunod sa kanilang mga gawa” (“Sins, Crimes, and Atonement” [mensahe sa CES religious educators, Peb. 7, 1992], 1).

Inaalala ng anak ni Alma na si Corianton ang tungkol sa pagiging makatarungan ng Huling Paghuhukom. Basahin ang Alma 42:1, at markahan ang iniisip ni Corianton na hindi magiging makatarungan o makatwiran tungkol sa Huling Paghuhukom.

Alalahanin na nakagawa ng iba’t ibang kasalanan si Corianton, at ilan sa mga ito ay napakabigat (tingnan sa Alma 39:2–3); kaya, inasahan marahil ni Corianton na hindi makatarungan para sa mga nagkasala na maparusahan.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat kung bakit sa iyong palagay ay matatakot ang mga hindi nagsisi tungkol sa pagtanggap nang “ayon sa nararapat ng isang tao” sa panahon ng paghuhukom.

Sa Alma 42:2–11, sinagot ni Alma ang gumugulo sa isipan ni Corianton sa pagpapaliwanag na dahil sa Pagkahulog ni Adan nagkaroon ng pisikal na kamatayan (paghihiwalay ng katawan at espiritu sa pagkamatay ng katawan) at espirituwal na kamatayan (pagkahiwalay sa Diyos dahil sa kasalanan). Kaya nga kinakailangang gumawa ng isang plano para mabawi ang sangkatauhan mula sa kanilang nahulog na kalagayan. Kung hindi, ang buong sangkatauhan ay mananatili sa makasalanang kalagayan at magiging kaaba-aba magpakailanman alinsunod sa mga hinihingi ng katarungan.

Basahin ang Alma 42:12, at alamin kung bakit nadala ang sangkatauhan sa kanilang nahulog na kalagayan. Basahin ngayon ang Alma 42:14, at markahan ang ibinunga ng ating pagsuway na hinihingi ng katarungan. Sa idinrowing mong mga iskala sa iyong scripture study journal, isulat ang Paglabag—pagsuway o kasalanan sa ilalim ng kaliwang iskala at Kaparusahan—mahihiwalay sa piling ng Diyos sa ilalim ng kanang iskala.

  1. journal iconBasahin ang Alma 42:18. Sa iyong scripture study journal, sagutin ang mga sumusunod na tanong:

    1. Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “paggigiyagis ng budhi” (Alma 42:18)?

    2. Ano ang maaari nating gawin kapag ginigiyagis tayo ng ating budhi o nakukonsiyensya tayo?

Mula sa itinuro ni Alma, ano ang hinihingi ng batas ng katarungan kapag sumuway ang isang tao? (Dahil sa ating pagsuway, hinihingi ng batas ng katarungan na maranasan natin ang paggigiyagis at mahiwalay sa piling ng Diyos.) Isipin sandali ang isang pagkakataon na nakaranas ka ng pagsisisi at kalungkutan o paglayo ng Espiritu Santo dahil sa maling ginawa mo. Isiping lalo pang tumitindi ang nadarama mong iyon dahil sa lahat ng mga nagawa mong mali, at isipin na ang pakiramdam na iyan ay mananatili sa iyo magpakailanman.

Ayon sa itinuro ni Alma, gusto mo bang nakabatay lang ang Huling Paghuhukom sa katarungan? Gusto mo bang makuha ang “dapat mong matanggap” para sa mga maling ginawa mo?

Alma 42:15–31

Itinuro ni Alma kay Corianton ang tungkol sa plano ng awa

Ang pagiging makatarungan ng Diyos ay isa sa Kanyang mga banal na katangian. Ang mga hinihingi ng katarungan ay nagkukondena sa bawat isa sa mga anak ng Ama sa Langit at hindi nito pahihintulutan ang sinuman sa atin na makapiling Siya sa ating makasalanang kalagayan. Isipin ang sumusunod na tanong: May paraan ba para maalis ang mga hinihinging ito ng katarungan?

Maaaring sagutin ng maraming tao ang tanong na ito sa pagsasabing kung magsisisi tayo, hindi natin daranasin ang mga kaparusahan sa ating mga kasalanan. Bagama’t tama naman ang sagot na ito, mahalagang maunawaan na ang alisin o hindi ipataw ang mga kaparusahan sa mga kasalanan ay magiging hindi makatarungan dahil hindi matutugunan ang mga hinihingi ng katarungan. Itinuro ni Alma na ang pag-alis ng kaparusahan nang hindi natutugunan ang mga hinihingi ng katarungan ay hindi maaaring mangyari. Basahin ang Alma 42:25, at alamin ang mangyayari kung basta na lang aalisin ng Diyos ang mga kaparusahan sa mga kasalanan at iiwanang hindi natutugunan ang katarungan.

Isiping mabuti ang sumusunod na tanong bago basahin ang Alma 42:15 para maghanap ng sagot: Kung ang mga kaparusahan para sa ating mga kasalanan ay hindi maaalis, paano tayo magkakaroon ng kapayapaan ng budhi at maibabalik sa kinaroroonan ng Diyos?

Makatutulong na maunawaan na ang ibig sabihin ng pariralang “tugunin ang hinihingi ng katarungan” ay magbayad para sa mga kaparusahan na hinihingi ng katarungan.

Mula sa Alma 42:15 natutuhan natin: Natugunan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang mga hinihingi ng katarungan upang maipagkaloob ang awa sa mga nagsisi. Kumpletuhin ang larawan ng mga iskala na idinrowing mo sa iyong scripture study journal sa pagsusulat ng Natugunan ng awa—ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa ilalim ng pariralang “Kaparusahan …”.

  1. journal iconKunwari ay may kaibigan ka na nahihirapan dahil sa mga kasalanang ginawa niya. Sa iyong scripture study journal, isulat ang ipapaliwanag mo sa iyong kaibigan kung paano tinulutan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo na maipagkaloob sa bawat isa sa atin ang awa.

Isiping mabuti kung ano ang kahalagahan sa iyo na para sa iyo ay kusang-loob na pinagdusahan ng Tagapagligtas ang mga kaparusahan na hinihingi ng katarungan upang mapagkalooban ka ng awa?

Basahin ang Alma 42:22–24, at markahan kung ano ang mga hinihingi ni Jesucristo upang maipagkaloob sa atin ang awa. Ang ibig sabihin ng pariralang “tunay na nagsisisi” sa talata 24 ay taos-pusong pagsisisi. Batay sa nabasa mo, kumpletuhin ang sumusunod na alituntunin: Kung magsisisi tayo, tatanggap tayo ng sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Si Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay tinukoy si Jesucristo bilang tagapamagitan. Ang isang taong namamagitan ay pumapagitna sa dalawang pangkat para tumulong sa paglutas ng mga problema. Sa pagbabasa mo sa sinabi ni Pangulong Packer, alamin kung bakit kinakailangan ang Tagapagligtas para maipagkaloob ang awa sa nagkasala:

Pangulong Boyd K. Packer

“Dahil sa walang hanggang batas, ang awa ay hindi maipagkakaloob maliban kung may isang taong handa at kayang bayaran ang ating utang at tumbasan ang halaga at ayusin ang mga kasunduan para sa ikatutubos natin.

“Maliban kung may tagapamagitan, maliban kung may kaibigan tayo, ang buong katarungan ay lubos at walang awang ipapataw sa atin. Ang buong kabayaran sa lahat ng kasalanan, gaano man kababaw o kalalim, ay sisingilin sa atin nang buung-buo.

“Ngunit dapat natin itong malaman: Ang katotohanan, maluwalhating katotohanan, ay nagpapahayag na may isang Tagapamagitan. …

“Sa pamamagitan Niya, lubos na maipagkakaloob ang awa sa bawat isa sa atin nang hindi sinasalungat ang walang hanggang batas ng katarungan. …

“Ang pagkakaloob ng awa ay hindi kusang nangyayari. Ito ay sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa Kanya. Ito ay batay sa Kanyang kondisyon, sa Kanyang mapagmahal na kondisyon (“The Mediator,” Ensign, Mayo 1977, 55–56).

Aking Ama

Sa pagtapos ni Alma sa kanyang pakikipag-usap kay Corianton, ibinuod niya ang lahat ng bagay na pinagsikapan niyang maituro sa kanyang anak. Basahin ang Alma 42:26–31, at markahan ang ninanais ni Alma para kay Corianton nang maunawaan niya ang mga doktrina at mga alituntunin na itinuro sa kanya ni Alma sa kabanatang ito. Pansinin na nais ni Alma na huwag nang bigyang-katwiran pa ni Corianton ang kanyang mga kasalanan, sa halip ay “manaig [nang lubos sa kanyang] puso” (Alma 42:30) ang mga doktrina at mga alituntunin na may kaugnayan sa katarungan, awa, at Pagbabayad-sala. Paano mo tutulutang manaig nang lubos sa iyong puso ang mga doktrina at mga alituntuning ito?

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat ang isasagot mo sa sumusunod na tanong: Kung maipapahayag mo nang personal ang iyong pasasalamat sa Tagapagligtas para sa sakripisyo Niya para sa iyo, ano ang sasabihin mo sa Kanya?

Mahalagang malaman na nagsisi si Corianton at sa huli ay nakaimpluwensya nang malaki sa paglago ng Simbahan (tingnan sa Alma 49:30).

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Alma 42 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: