Unit 16: Day 1
Alma 11
Pambungad
Si Amulek ay nakipagtalo sa abugadong si Zisrom, na nang-uudyok kay Amulek na itatwa ang tunay at buhay na Diyos. Habang ipinagtatanggol niya ang kanyang pananampalataya laban sa mga pagtatangka ni Zisrom na mabitag siya, nagpatotoo si Amulek na ang kaligtasan mula sa kasalanan ay dumarating lamang sa pamamagitan ni Jesucristo. Si Amulek ay nagbigay ng malakas na patotoo na ang buong sangkatauhan ay mabubuhay na mag-uli at hahatulan ng Diyos. Dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, ikaw ay mabubuhay na mag-uli at tatayo balang-araw sa harapan ng Diyos at magbibigay ng ulat sa iyong buhay dito sa mundo.
Alma 11:1–25
Tumanggi si Amulek sa pang-uudyok ni Zisrom na ikaila na mayroong Diyos
Mag-isip ng isang bagay na pag-aari mo na napakahalaga sa iyo na hindi mo ipagbibili kahit kailan. Isipin kung bakit napakahalaga nito sa iyo. Sa Alma 11, habang patuloy na nagtuturo sina Alma at Amulek sa mga tao ng Ammonihas, isang masamang abugado na nagngangalang Zisrom ang nakipagtalo kay Amulek at inalok siya ng salapi bilang kapalit ng isang bagay na napakahalaga kay Amulek. Si Zisrom ay inilarawan sa mga banal na kasulatan bilang “isang lalaking bihasa sa mga pamamaraan ng diyablo” (Alma 11:21), ibig sabihin ay natutuhan niya kung paano gamitin ang mga estratehiya, plano, panlilinlang, at pandaraya na ginagamit din ni Satanas para matukso ang iba palayo sa kabutihan at katotohanan.
Basahing mabuti ang Alma 11:21–22, at alamin kung gaano kalaki ang halagang inalok ni Zisrom kay Amulek at kung ano ang gusto niyang gawin ni Amulek. Ang “onti” ay pinakamataas o pinakamahalaga sa mga baryang pilak ng mga Nephita (tingnan sa Alma 11:6, 11–13). Ang isang onti ay katumbas ng mga isang linggo suweldo ng isang hukom (tingnan sa Alma 11:3).
Sagutin ang mga sumusunod na tanong:
-
Kailan ka nakakita ng isang tao na tumanggi sa mga nakaaakit na bagay ng mundo, tulad ng inialok kay Amulek?
-
Paano nakahiyat sa iyo ang nakita mong ito para maging matapat ka?
Basahin ang Alma 11:23–25 para malaman mo kung paano tumugon si Amulek sa alok ni Zisrom. Pagkatapos ay sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong manwal:
-
Sa iyong palagay, bakit hindi interesado si Amulek sa alok ni Zisrom?
-
Ayon sa Alma 11:25, ano ang balak ni Zisrom sa pag-alok ng anim na onti kay Amulek?
-
Paano ito natutulad sa ginagawa ni Satanas kapag nagpapadaig sa kanyang mga tukso ang mga tao?
-
Kumpletuhin ang mga sumusunod na aktibidad sa iyong scripture study journal:
-
Upang mas maunawaan kung paano tinanggihan ni Amulek ang alok ni Zisrom, basahin ang Alma 11:22 at kumpletuhin ang sumusunod na pahayag: “Wala akong anumang na salungat sa Espiritu ng Panginoon.” Pagkatapos ay sumulat ng tatlo o apat na iba pang mga salita na mailalagay mo sa patlang na magpapakita rin ng totoong pahayag (halimbawa, maaaring ilagay ang gagawin, babasahin, isusuot, panonoorin, at isusulat).
-
Sumulat ng isang pahayag batay sa Alma 11:22 na makatutulong sa iyo na maalaala kung paano mo mapaglalabanan ang tukso sa tulong ng Espiritu Santo. Dapat nakasaad sa isusulat mo, gamit ang iyong sariling salita, ang katotohanan na kapag umaasa tayo sa Espiritu Santo, mapaglalabanan natin ang tukso.
-
Tumigil sandali sa iyong pag-aaral, at pag-isipang mabuti ang sumusunod na tanong: Paano makatutulong sa akin para mapaglabanan ang tukso ang pamumuhay sa paraang magiging sensitibo ako sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo at makasusunod ako sa Kanyang mga pahiwatig?
Basahin ang sumusunod na payo ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, upang malaman mo kung paano makatutulong sa iyo ang pag-asa sa Espiritu Santo para mapaglabanan ang mga tukso:
“Kung nakagawa kayo ng mga bagay na hindi ninyo dapat ginawa, o kung nakikisama kayo sa mga taong humihila sa inyo sa maling direksyon, panahon na para gamitin ang inyong kalayaang pumili. Makinig sa tinig ng Espiritu, at hindi kayo maliligaw ng landas. …
“… Bilang lingkod ng Panginoon, ipinapangako ko na kayo ay poprotektahan at ipagsasanggalang sa pagsalakay ng kaaway kung pakikinggan ninyo ang mga panghihikayat ng Banal na Espiritu” (“Payo sa Kabataan,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 18).
-
Para maisip ang mga posibleng pagsasabuhay ng mga bagay na iyong natutuhan, sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Ano ang ilang sitwasyon kung saan natutukso ang mga kabataan na balewalain o hindi pahalagahan ang kanilang mga patotoo para sa mga bagay ng mundo?
-
Ano ang maipapayo mo sa iyong kapwa estudyante na makatutulong sa kanya na umasa sa Espiritu Santo kapag nahaharap sa ganitong uri ng mga tukso?
-
Gamitin ang iyong natutuhan sa pamamagitan ng pag-alaala sa halimbawa ni Amulek sa susunod na matukso ka na balewalain ang iyong paniniwala o mga pinahahalagahan. Tandaan na makadarama ka ng mas malaking pagtitiwala at katiyakan kapag namumuhay ka nang karapat-dapat at sinusunod ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo.
Alma 11:26–40
Nagpatotoo si Amulek tungkol sa Anak ng Diyos at nahadlangan ang pagtatangka ni Zisrom na pasinungalingan ang kanyang salita
Tinuligsa ni Zisrom ang pananampalataya ni Amulek kay Jesucristo. Para personal na makaugnay sa nangyari matapos mabigo si Zisrom na mahimok si Amulek na ikaila na mayroong Diyos, isipin ang isang pangyayari na sinalungat ng isang tao ang iyong mga paniniwala. Basahin ang pag-uusap nina Amulek at Zisrom sa Alma 11:26–34, at basahin kung paano binaluktot ni Zisrom ang mga salita ni Amulek sa Alma 11:35.
Basahin kung paano itinama ni Amulek ang kasinungalingang ito sa Alma 11:36–37. Maaari mong markahan ang footnote 34a sa iyong banal na kasulatan, at basahin ang Helaman 5:10–11. Pagkatapos ay ipaliwanag gamit ang sarili mong mga salita ang kaibhan ng maligtas “sa ating mga kasalanan” sa maligtas “mula sa ating mga kasalanan” (idinagdag ang italics):
Basahin ang Alma 11:40, at tukuyin ang unang hakbang na sinabi ni Amulek na dapat gawin ng mga tao upang maligtas mula sa kanilang mga kasalanan. May mga tao na nagsasabing naniniwala sila kay Jesucristo ngunit ayaw naman nilang baguhin ang kanilang mga ugali. Ang maniwala sa pangalan ni Jesucristo ay nangangahulugang manampalataya sa Kanya.
Upang mas maunawaan kung paano humahantong sa pagsisisi ang “paniniwala sa kanyang pangalan” (pagsampalataya kay Jesucristo), basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan: “Kailangan natin ang malakas na pananampalataya kay Cristo upang makapagsisi. Dapat kasama sa ating pananampalataya ang ‘wastong ideya tungkol sa katauhan, pagiging perpekto, at mga katangian [ng Diyos]’ (Lectures on Faith [1985], 38). Kung naniniwala tayo na alam ng Diyos ang lahat ng bagay, na Siya ay mapagmahal, at maawain, magtitiwala tayo sa Kanya para sa ating kaligtasan nang hindi nag-aalinlangan. Mababago ng pananampalataya kay Cristo ang ating mga iniisip, paniniwala, at pag-uugali na hindi naaayon sa kalooban ng Diyos” (“Hangganan ng Ligtas na Pagbalik,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 100).
Paano ka nahikayat ng iyong pananampalataya kay Jesucristo na baguhin ang iyong mga iniisip, paniniwala, at pag-uugali?
-
Bakit kailangan ng isang tao ang pananampalataya kay Jesucristo para makapagsisi? Gamit ang natutuhan mo mula kina Amulek at Pangulong Uchtdorf, isulat sa iyong scripture study journal kung paano mo ipaliliwanag ang sumusunod na alituntunin: Ang tunay na pananampalataya kay Jesucristo ay simula ng pagtubos mula sa ating mga kasalanan.
Alma 11:41–46
Itinuro ni Amulek ang tungkol sa pagkabuhay na mag-uli at paghuhukom sa buong sangkatauhan
Bago mo basahin ang pagtatapos ng patotoo ni Amulek kay Zisrom, pag-isipan ang sumusunod na tanong: Paano nakakaapekto sa ginagawa ng isang tao ang hindi paniniwala na may buhay pagkatapos ng kamatayan?
-
Isulat ang mga salitang Pagkabuhay na Mag-uli at Paghuhukom sa dalawang magkahiwalay na column heading sa iyong scripture study journal. Pagkatapos ay basahing mabuti ang Alma 11:41–45, at maghanap hangga’t makakaya mo ng maraming impormasyon tungkol sa pagkabuhay na mag-uli at paghuhukom, at isulat ang nalaman mo sa ilalim ng bawat heading. Maaari mong isulat sa itaas ng pahina ng iyong banal na kasulatan o sa iyong scripture study journal: Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, lahat ay mabubuhay na mag-uli at hahatulan ayon sa kanilang mga gawa. Itinuro din sa mga talatang ito na ang ibig sabihin ng pagkabuhay na mag-uli ay pagsasamang muli ng ating katawan at espiritu sa kanilang “ganap na anyo” at “wastong pangangatawan,” at hindi na muling maghihiwalay pa (tingnan sa Alma 11:43, 45).
-
Sagutin ang isa o lahat ng sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Ano ang naiisip o nadarama mo kapag naiisip mo na mabubuhay kang muli at hahatulan?
-
Paano naaapektuhan ang pasiya mo kung paano mamuhay sa bawat araw ng paniniwala mo na mabubuhay kang muli at hahatulan?
-
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Alma 11 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: