Seminary
Unit 19: Day 4, Alma 38


Unit 19: Day 4

Alma 38

Pambungad

Ang anak ni Alma na si Siblon ay naglingkod na kasama niya bilang misyonero sa mga Zoramita. Pagkatapos ng misyong ito, si Alma ay nagpahayag ng kagalakan sa katatagan at katapatang ipinakita ni Siblon habang dumaranas ng pag-uusig sa mga Zoramita. Pinatotohanan ni Alma kay Siblon ang kapangyarihan ni Jesucristo na magligtas at nagpayo sa kanya na patuloy na ituro ang ebanghelyo.

Alma 38:1–3

Nagpahayag ng kagalakan si Alma dahil sa katapatan ni Siblon

Isipin sandali ang isang pagkakataon na nagalak ang iyong mga magulang dahil sa mabuting desisyon na nagawa mo o ng isa sa mga miyembro ng pamilya o dahil sa ginagawa mo sa iyong buhay.

pamilya sa hapag-kainan

Basahin ang Alma 38:1–3, at hanapin ang mga pariralang naglalarawan kung ano ang nadarama ni Alma kay Siblon at bakit. Isulat ang ilan sa mga pariralang nahanap mo:

Mula sa mga talatang ito natutuhan natin ang alituntuning ito: Kapag nasimulan natin sa ating kabataan ang pagiging matatag at matapat sa pagsunod sa mga kautusan, makapagbibigay tayo ng malaking kagalakan sa ating mga magulang.

  1. journal iconItanong sandali sa isa sa iyong mga magulang, tagapangalaga, o lider ng Simbahan kung paano nakaapekto sa kanya ang iyong mabubuting desisyon. Isulat ang kanilang mga sagot sa iyong scripture study journal.

Alma 38:4–9

Nagpatotoo si Alma tungkol sa kapangyarihang magligtas ng Tagapagligtas

Ipinaalala ni Alma kay Siblon na kapwa nila naranasan ang kapangyarihang magligtas ng Tagapagligtas, bagama’t sa magkakaibang paraan. Basahin ang Alma 38:4–8, at kumpletuhin ang chart sa ibaba. Gamitin din ang nalaman mo tungkol kay Siblon mula sa Alma 38:2–3 at ang natutuhan mo tungkol kay Alma mula sa iba pang mga kabanata sa Aklat ni Mormon na makatutulong sa pagkumpleto mo ng chart.

Siblon (Alma 38:2–5)

Alma (Alma 38:6–8)

Saan siya iniligtas?

Paano niya natanggap ang pagpapala ng pagliligtas?

Mula sa karanasan ni Siblon, matututuhan natin: Kung titiisin natin ang lahat ng bagay at magtitiwala sa Diyos, ililigtas Niya tayo mula sa mga pagsubok, mga suliranin, at mga paghihirap at dadakilain sa huling araw. Mula sa karanasan ni Alma natutuhan din natin: Upang matanggap ang kapatawaran sa ating mga kasalanan at makadama ng kapayapaan sa ating kaluluwa, dapat tayong sumampalataya kay Jesucristo at hingin ang Kanyang awa.

Ang Christus
  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Ano ang matututuhan mo mula sa tala nina Siblon at Alma tungkol sa kapangyarihan ng Tagapagligtas na iligtas ka?

    2. Pumili ng isa sa mga alituntunin na nakasulat sa bold letter sa kasunod na talata, at sumulat ng ilang pangungusap kung paano mo maipamumumuhay ang alituntuning iyon.

Basahin ang Alma 38:9, at alamin ang nais ni Alma na matutuhan ni Siblon. Maaari mong markahan ang isang parirala sa talatang ito na sa palagay mo ay buod ng nais ni Alma na maunawaan ng kanyang anak.

Isipin ang isang pagkakataon na iniligtas ka ng kapangyarihan ng Tagapagligtas mula sa mga pagsubok, mga problema, o mga kasalanan. Ano ang ginawa mo para mahanap ang kaligtasang iyon? May mga pagsubok o mga kasalanan ka ba sa iyong buhay ngayon? Paano ka makababaling sa Tagapagligtas para maligtas?

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Sa iyong palagay, bakit mahalagang malaman mo na ang tanging “daan o pamamaraan” na maliligtas ka ay sa pamamagitan ng Tagapagligtas? (Tingnan sa Alma 38:9).

Alma 38:10–15

Pinayuhan ni Alma si Siblon na patuloy na palaguin ang kanyang mabubuting katangian

Mag-isip ng isang titser o lider ng Simbahan na may mabuting impluwensya sa iyong buhay. Isipin ang mga katangian ng taong iyon na hinahangaan mo.

Tulad ng nakatala sa Alma 38:10–15, hinikayat ni Alma si Siblon na patuloy na paunlarin ang mga katangian na tutulong sa kanya sa patuloy niyang pagtuturo ng ebanghelyo at paglilingkod sa mga tao. Ang mga ipinayo ni Alma kay Siblon ay magagamit ng sinumang nagnanais na maimpluwensyahan sa kabutihan ang iba sa pamamagitan ng paglilingkod, pagtuturo, at iba pang mga paraan. Pag-aralan ang Alma 38:10–15, at tukuyin ang anumang payo na sa palagay mo ay mas makatutulong sa iyo. Maaari mong markahan ang natukoy mo.

  1. journal iconNasa ibaba ang isang tulong sa pag-aaral para lalo mo pang maunawaan at maipamuhay ang ipinayo ni Alma sa kanyang anak na si Siblon (tingnan sa Alma 38:10–15). Mula sa kaliwang column pumili ng dalawa o tatlong bahagi ng payo ni Alma na sa palagay mo ay mapakikinabangan mo nang husto. Kumpletuhin ang kaugnay na mga aktibidad sa pag-aaral sa kanang column. Isulat ang iyong sagot sa iyong scripture study journal.

    Alma 38:10–12 Tulong sa Pag-aaral

    Payo ni Alma

    Mga Aktibidad sa Pag-aaral

    “Maging masigasig at mahinahon sa lahat ng bagay” (Alma 38:10).

    Ang isang taong masigasig ay ibinibigay ang kanyang patuloy at masiglang paggawa sa mga gawain sa buhay. Ang isang taong mahinahon ay nagtitimpi sa lahat ng bagay at may pagpipigil sa sarili. Sa iyong scripture study journal, isulat kung bakit kailangan ang dalawang katangiang ito kapag naglilingkod sa mga tao. Isulat kung paano ka mas magiging masigasig o mahinahon sa isa o higit pang aspeto ng iyong buhay at paano ito makatutulong sa iyo na mas epektibong mapaglingkuran ang iba.

    “Tiyaking hindi ka inaangat sa kapalaluan; oo, tiyaking hindi ka nagmamalaki” (Alma 38:11).

    Ang kapalaluan sa mga banal na kasulatan, ay kapag ang isang tao ay mas nagtiwala sa kanyang sarili kaysa sa Diyos. Ibig sabihin din nito ay iniisip ng isang tao na mas mahusay siya sa iba. Ang kabaliktaran ng kapalaluang ito ay kababaang-loob. Sinisikap ng mga taong mapagkumbaba na ituring ang iba gaya ng pagturing nila sa kanilang sarili, at mahal nila ang Diyos at inuuna Siya sa kanilang buhay. Isulat sa iyong scripture study journal kung ano ang maaaring mangyari kung ang isang miyembro ng Simbahan ay palalo at mayabang sa kanyang tungkulin. Isipin ang iyong tungkulin sa Simbahan o ang iba mo pang oportunidad na makapaglingkod. Sumulat ng isa o dalawang paraan na gagawin mo para maging mapagkumbaba at maiwasan ang kapalaluan o pagyayabang kapag naglilingkod ka.

    “Gumamit ng katapangan, subalit hindi mapanupil” (Alma 38:12).

    Ang ibig sabihin ng maging matapang ay magkaroon ng tiwala na nasa atin ang Diyos at tutulungan tayo na gumawa nang walang takot sa ating paglilingkod sa Kanya. Ang ibig sabihin ng maging mapanupil ay ipilit ang ating mga paniniwala o gusto sa iba nang hindi iniisip ang kanilang mga pangangailangan at nadarama. Sa iyong scripture study journal, isulat kung bakit kaya nais ng Panginoon na maging matapang tayo. Magsulat din ng isang paraan na magagamit mo ang payo na gumamit ng katapangan ngunit hindi mapanupil sa iyong paghahangad na paglingkuran ang iba.

    “Pigilin ang lahat ng iyong silakbo ng damdamin” (Alma 38:12).

    Ang ibig sabihin ng pigilin ay supilin o kontrolin. Ang silakbo ng damdamin ay isang matinding emosyon. Pag-isipang mabuti ang mga sumusunod na tanong at isulat ang iyong mga sagot sa iyong scripture study journal: Sa iyong palagay, bakit mahalagang pigilin ang silakbo ng ating damdamin—sa madaling salita, supilin o kontrolin ang ating matinding emosyon? Sa iyong palagay, paano makatutulong ang pagpigil ng iyong silakbo ng damdamin upang mapuspos ka ng pagmamahal? Ano ang gagawin mo para masunod mo ang ipinayo ni Alma na pigilin ang lahat ng iyong silakbo ng damdamin?

    “Nagpipigil mula sa katamaran” (Alma 38:12).

    Tingnan ang kahulugan ng “Tamad, Katamaran” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.lds.org). Pumili ng dalawa sa mga talatang nakalista sa paksang iyan, at pag-aralan ang mga ito. Isulat ang natutuhan mo mula sa mga scripture verse na ito sa iyong scripture study journal. Isulat kung paano tutulong sa iyo ang payo na huwag maging tamad upang mapaglingkuran nang mas mabuti ang iba. Sa huli, magsulat ng isang paraang gagawin mo para hindi ka maging tamad.

Ang ipinayo ni Alma kay Siblon sa Alma 38:10–15 ay nagtuturo ng alituntuning ito: Ang pagpapalago ng mabubuting katangian ay naghahanda sa atin na magturo at maglingkod sa iba. Pag-isipan kung paano mapagpapala ng pagpapalago ng mabubuting katangian na nabasa mo sa Alma 38 ang iyong buhay at ang buhay ng mga tao sa paligid mo.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Alma 38 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: