Seminary
Unit 26: Day 2, 3 Nephi 18


Unit 26: Day 2

3 Nephi 18

Pambungad

Sa pagtapos ni Jesucristo sa unang araw ng Kanyang ministeryo sa mga Nephita, pinangasiwaan Niya ang sakramento at iniutos sa mga tao na manalangin sa tuwina sa Ama at maging mabuti sa lahat ng tao. Nangako ang Tagapagligtas ng malalaking pagpapala sa mga susunod sa mga kautusang ito. Pagkatapos ay tinagubilinan Niya ang Kanyang mga Nephitang disipulo hinggil sa kanilang ministeryo sa Simbahan. Bago umakyat sa langit, ipinagkaloob Niya sa kanila ang kapangyarihang magbigay ng kaloob na Espiritu Santo.

3 Nephi 18:1–14

Pinangasiwaan ni Jesucristo ang sakramento sa mga Nephita

Basahin ang sumusunod na kuwento ni Elder Gerald N. Lund, na naglingkod bilang miyembro ng Pitumpu, at isipin kung ano kaya ang pakiramdamam kung ikaw ang lalaki sa kuwentong ito:

“Ilang taon na ang nakararaan, may isang kawili-wiling artikulo na [may] kuwento tungkol sa pag-akyat ng bundok [mountain climbing] na nagbigay ng magandang sagot sa tanong na ‘Ano ang maaari nating gawin bilang mga walang silbing tagapaglingkod para mapasalamatan ang ginawa ni Cristo para sa atin?’

“Ang artikulo ay tungkol sa isang lalaking nagngangalang Czenkusch na may-ari ng isang climbing school. … Ipinaliwanag ni Czenkusch sa mga nag-iinterbyu ang belay system sa pag-akyat ng bundok. Ito ang paraan para magprotektahan ng mga umaakyat [climber] ang kanilang sarili para hindi sila mahulog. Ang isang climber ay dapat nasa ligtas na posisyon at itinatali ang lubid para sa isa pang climber, karaniwan sa kanyang sariling katawan. Ibig sabihin ng ‘Naka-belay ka na,’ ay ‘Nahigpitan ko na ang tali mo. Kung may anumang mangyari, pipigilin ko ang pagbagsak mo.’ Mahalagang bahagi ito sa pag-akyat ng bundok. Ngayon pansinin ang sumunod sa artikulo: ‘Belay system ang nagdulot ng pinakamaganda at pinakamasamang pangyayari kay Czenkusch. Si Czenkusch ay nahulog mula sa isang mataas na libis, nahatak ang tatlong mechanical support at nahila ang kanyang belayer [isang taong tumitiyak na ligtas ang climber] mula sa kinatatayuan nito. Napigilan ang pagbagsak niya, nang pabaligtad, 10 talampakan mula sa lupa nang haltakin ng kanyang nakalambitin na belayer ang lubid gamit ang lakas ng kanyang mga nakaunat na bisig. “Iniligtas ni Don ang buhay ko,” sabi ni Czenkusch. “Paano mo pasasalamatan ang isang taong tulad niya? Regaluhan siya ng isang lumang climbing rope para sa Pasko? Hindi, alalahanin mo siya. Lagi mo siyang aalalahanin”’ [Eric G. Anderson, “The Vertical Wilderness,” Private Practice, Nob. 1979, 21; idinagdag ang pagbibigay-diin]” (“The Grace and Mercy of Jesus Christ,” sa Jesus Christ: Son of God, Savior, ed. Paul H. Peterson, Gary L. Hatch, and Laura D. Card [2002], 48).

Basahin ang 3 Nephi 18:1–11, at alamin ang iniutos ni Jesucristo sa mga Nephita na gawin upang maalaala nila Siya. Maaari mong markahan ang mga salitang pag-alaala at naaalaala, aalalahanin sa mga talata 7 at 11. Sa iyong palagay, bakit mahalagang laging alalahanin ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas para sa iyo? Ano ang maiiba sa kilos mo kapag naaalaala mo ang Tagapagligtas?

Ang utos ng Tagapagligtas na alalahanin ang Kanyang katawan at dugo ay makabuluhan lalo na sa mga tao dahil katatapos lang nilang mahipo ang mga sugat sa Kanyang katawan. Bagama’t hindi mo nakita ang mga sugat sa katawan ng Tagapagligtas, tulad ng mga tao sa Aklat ni Mormon, maaari mong alalahanin ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo habang tumatanggap ka ng sakramento.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, sagutin ang sumusunod na tanong: Paano nakatulong sa iyo ang pag-alaala sa sakripisyo ng Tagapagligtas sa sacrament meeting upang makadama ka ng pasasalamat sa Kanya?

Ang mga salita ni Jesucristo na nakatala sa 3 Nephi 18:7–11 ay nagtuturo ng mga sumusunod na alituntunin: Kapag tumatanggap tayo ng sakramento, pinatutunayan natin sa Ama na handa tayong gawin ang lahat ng iniuutos Niya. Kapag tumatanggap tayo ng sakramento, pinatutunayan natin sa Ama na palagi nating aalalahanin si Jesucristo. Basahing mabuti ang 3 Nephi 18:7–11, at markahan ang mga salita o parirala na nagtuturo ng mga alituntuning ito. Kapag binasa mo ang talata 11, isipin kung ano ang madarama mo kung sinabi ng Tagapagligtas ang mga salitang iyon sa iyo.

  1. journal iconPumili ng dalawa sa mga sumusunod na tanong at isulat ang sagot sa iyong scripture study journal:

    1. Ano ang ilang aspeto ng buhay at ministeryo ng Tagapagligtas na maaaring maalaala mo sa ordenansa ng sakramento?

    2. Ano ang maaari mong gawin upang laging maalaala ang Tagapagligtas sa iba pang mga araw?

    3. Kung taos-puso mong pagsisikapan na alalahanin ang Tagapagligtas sa sacrament meeting, paano ito makakaapekto sa iyo sa susunod na linggo?

Tukuyin ang isa pang alituntunin na itinuro sa 3 Nephi 18:7, 11 sa pamamagitan ng pagkumpleto sa sumusunod na pahayag sa paglalagay ng isang parirala na nagpapaliwanag kung ano ang ipinangako ng Tagapagligtas sa mga yaong tumatanggap ng sakramento at umaalaala sa Kanya. Kapag tumatanggap tayo ng sakramento at palaging inaalaala ang Tagapagligtas, tayo ay .

tinapay at tubig
  1. journal iconIkumpara ang 3 Nephi 18:12–14 at Helaman 5:12. Sa iyong scripture study journal, isulat kung paano makatutulong sa iyo ang pagtanggap ng sakramento bawat linggo upang maisalig mo ang iyong buhay kay Jesucristo.

  2. journal iconUpang tulungan kang lalo pang maalaala ang Tagapagligtas, itala sa iyong scripture study journal ang ginawa mo bawat araw sa susunod na linggo para maalaala ang Tagapagligtas sa araw na iyon. Maaari mong idagdag kung ano ang naisip mo sa oras ng sacrament meeting o kung paano nakaimpluwensya ang pag-alaala sa Tagapagligtas sa iyong iniisip, sinasabi, at ginagawa.

3 Nephi 18:15–25

Itinuro ni Jesus sa mga Nephita na laging manalangin sa Ama at magkakasamang magtipon nang madalas

Matapos pangasiwaan ni Jesucristo ang sakramento sa mga Nephita, itinuro Niya sa kanila ang mahahalagang alituntunin tungkol sa panalangin. Ang isang alituntuning itinuro Niya ay: Kung magiging maingat tayo at laging mananalangin sa tuwina sa Ama, mapaglalabanan natin ang mga tukso ni Satanas. Kapag tayo ay maingat, tayo ay espirituwal na alisto, mapagmasid, o mapagbantay.

Basahin ang 3 Nephi 18:15–21, at markahan ang mga salita o parirala na nagtuturo ng alituntuning ipinakita sa itaas. Sa iyong palagay, bakit kailangan ang pag-iingat at pagdarasal para mapaglabanan ang tukso?

Pansinin na ang 3 Nephi 18:15, 20–21 ay isang scripture mastery reference. Maaari mong markahan ang mga talatang ito sa iyong banal na kasulatan.

  1. journal iconBasahin at pag-isipan ang mga sumusunod na tanong, at pagkatapos ay sagutin ang dalawa o mahigit pang tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Paano nakatulong sa iyo ang pagdarasal para mapaglabanan ang mga tukso ni Satanas?

    2. Ano ang maaari mong gawin para maging mas taimtim ang iyong mga personal na panalangin?

    3. Anong mga pagpapala ang nakamtan mo sa pagdarasal ninyo ng inyong pamilya? (tingnan sa 3 Nephi 18:21).

    4. Ano ang magagawa mo para matulungan ang iyong pamilya na palagi at mas taimtim na manalangin?

Kapag tayo ay nananalangin sa Ama sa Langit at mas napapalapit sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo, madalas na gusto nating tulungan ang iba na mas mapalapit din sa Kanya. Mag-isip ng isang tao na gusto mong tulungang mas mapalapit sa Tagapagligtas. Basahin ang 3 Nephi 18:22–24, at hanapin ang sumusunod na alituntunin sa mga talata: Kapag naglingkod tayo sa ating kapwa, matutulungan natin sila na lumapit kay Cristo.

Tulad ng nakatala sa 3 Nephi 18:24, itinuro ng Tagapagligtas na dapat itaas ng bawat isa sa atin ang ating ilawan nang ito ay magliwanag sa sanlibutan. Sinabi rin Niya na Siya ang ilaw na itataas natin. Itinuro ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol na itinataas natin ang ilaw ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan at pagtulad sa Kanyang halimbawa:

Elder Robert D. Hales

“Dapat tayong maging katulad ng Tagapagligtas nang anyayahan Niya tayo na ‘Pumarito ka, sumunod ka sa akin.’ Hindi ba’t magiging kasiya-siya kay Jesus kung paliliwanagin natin ang ating ilawan upang ang mga sumusunod sa atin ay susunod sa Tagapagligtas? May mga maghahanap ng liwanag [na] masayang papasok sa pasukan ng binyag papunta sa makipot at makitid na landas na humahantong sa buhay na walang hanggan (tingnan sa 2 Nephi 31). Kayo ba ang liwanag na iyon na magdadala sa kanila sa ligtas na daungan? …

“Naisip na ba ninyo na marahil kayo ang liwanag na ipinadala ng Ama sa Langit para maiuwi nang ligtas ang isang tao o ang tanglaw mula sa malayo upang ipakita ang landas pabalik sa makipot at makitid na landas na humahantong sa buhay na walang hanggan? Ang inyong liwanag ay isang tanglaw at hindi dapat ito tumigil sa pagliliwanag o iligaw ang mga taong naghahanap ng daan pauwi. …

“…Si Jesucristo ang ilaw na ibinigay sa atin upang tayo ay makasunod at malaman ang daang tatahakin. [Dalangin ko] na piliin ng bawat isa sa atin ang tama [upang] mapasigla at mapalakas natin ang mga nasa paligid natin” (“That Ye May Be Children of Light” [Church Educational System fireside para sa mga young adult, Nob. 3, 1996], 6–7).

Ang pagdarasal para sa iba, pag-anyaya sa kanila na dumalo sa mga miting ng Simbahan, at pagpapakita ng halimbawa na katulad ng kay Cristo ay mga paraan sa paglilingkod sa iba. Isipin ang nadama mo nang tularan mo ang halimbawa ni Jesucristo at tulungan ang isang tao na mas mapalapit sa Tagapagligtas. Ano ang gagawin mo sa araw na ito o sa linggong ito para magliwanag ang iyong ilawan upang ang mga sumusunod sa iyo ay susunod sa Tagapagligtas?

3 Nephi 18:26–39

Iniutos ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na maging mabait sa lahat ng tao

Pagkatapos pasimulan ng Tagapagligtas ang sakramento at ituro sa mga Nephita ang tungkol sa panalangin, bumaling Siya sa labindalawang disipulo na pinili Niya at itinuro sa kanila kung paano pamumunuan at pamamahalaan ang mga gawain ng Simbahan (tingnan sa 3 Nephi 18:26–39). Pansinin sa 3 Nephi 18:26 na tumigil ang Tagapagligtas sa pagsasalita sa mga tao at bumaling sa mga lider “na kanyang pinili.” Ang Kanyang mga mensahe sa mga talata 28–29 ay ibinigay sa mga lider ng priesthood bilang babala sa pagtutulot sa mga hindi karapat-dapat na tumanggap ng sakramento.

Dapat pagtuunan ng mga miyembro ng Simbahan ang kanilang sarili kung karapat-dapat silang tumanggap ng sakramento at hayaan ang responsibilidad sa pagpapasiya kung karapat-dapat ang ibang tao sa mga tinawag ng Panginoon, tulad ng bishop o stake president. Basahin ang 3 Nephi 18:32, at alamin ang paraang itinuro ng Tagapagligtas sa mga disipulo para pangalagaan ang mga taong naligaw ng landas. Isipin kung paano ka “patuloy na maglilingkod” sa isang kaibigan, kapamilya, o tao sa inyong ward o branch na naligaw ng landas.

scripture mastery icon
Scripture Mastery—3 Nephi 18:15, 20–21

Maaaring mag-ukol ka ng ilang minuto sa pagsasaulo ng 3 Nephi 18:15, 20–21. Isulat ang tatlong talata sa isang papel, at pagkatapos ay praktising sabihin ang mga ito. Matapos basahin ang mga ito nang ilang beses, simulang burahin ang iba’t ibang bahagi ng mga talata habang patuloy mong binibigkas ang mga ito. Maaari mong ulitin ang paraang ito hanggang mabura na ang lahat ng salita.

Habang isinasaulo mo ang mga talatang ito, isipin kung ano ang itinuturo ng Tagapagligtas. Tulad ng nakatala sa 3 Nephi 18:15, itinuro ni Jesucristo sa mga Nephita kung paano mapaglalabanan ang mga tukso ng diyablo. Pansinin ang lakas na nagmumula sa panalangin. Sa pamamagitan ng panalangin mabibigyan tayo ng lakas na mapaglabanan ang tukso.

Tulad ng nakatala sa 3 Nephi 18:20–21, itinuro ni Jesucristo na kapag nananalangin tayo nang may pananampalataya, palaging sinasagot ng Ama ang ating mga panalangin, ngunit sumasagot Siya ayon sa Kanyang plano para sa Kanyang mga anak at ayon sa alam Niyang tama. Bigkasin nang malakas ang talata 20: “At anuman ang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan, na tama, naniniwalang inyong tatanggapin, masdan, ipagkakaloob ito sa inyo.” Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng pariralang “na tama” sa talatang ito? (Maaari mong tingnan ang Santiago 4:3.)

President Gordon B. Hinckley

Ibinahagi ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang patotoong ito: “Ang Diyos, na ating Amang Walang Hanggan, ay buhay. Siya ang dakilang Tagapaglikha at Tagapamahala ng sansinukob, gayunpaman Siya ang ating Ama. Siya ang Pinakamakapangyarihan sa lahat. Maaari Siyang makausap sa panalangin. … Nakikinig ba Siya sa panalangin ng isang bata? Oo, nakikinig Siya. Sinasagot ba Niya ito? Oo, sinasagot Niya. Hindi palagi tulad ng nais natin, ngunit sumasagot Siya. Siya ay nakikinig at sumasagot” (Teachings of Gordon B. Hinckley [1997], 468).

Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol: “[Sa 3 Nephi 18:20] ipinaalala sa atin ng Tagapagligtas na ang pananampalataya, gaano man ito kalakas, ay hindi magbubunga nang salungat sa kagustuhan niya na siyang pinagmulan ng kapangyarihan nito. Ang pagsampalataya sa Panginoong Jesucristo ay laging sakop ng patakaran ng langit, sa kabutihan at kalooban at karunungan at takdang panahon ng Panginoon. Iyan ang dahilan kung bakit hindi tayo magkakaroon ng tunay na pananampalataya sa Panginoon nang hindi lubos na nananalig sa kagustuhan ng Panginoon at sa itinakdang panahon ng Panginoon” (“Faith in the Lord Jesus Christ,” Ensign, Mayo 1994, 100).

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang 3 Nephi 18 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: