Seminary
Unit 27: Day 1, 3 Nephi 23


Unit 27: Day 1

3 Nephi 23

Pambungad

Pagkatapos banggitin ang mga salita ni Isaias, iniutos ni Jesucristo sa mga Nephita na saliksikin ang mga salita ng mga propeta. Sinabihan din ng Tagapagligtas ang mga Nephita dahil sa hindi pagiging masigasig sa pagsusulat sa talaan.

3 Nephi 23:1–5

Iniutos ni Jesucristo sa mga tao na saliksikin ang mga salita ng mga propeta

Isipin ang mga karanasan mo sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan nitong nakaraang taon. Magsulat ng ilang salita o maiikling parirala na naglalarawan ng mga pagpapalang dumating sa iyong buhay dahil sa pag-aaral mo ng mga banal na kasulatan.

Tingnan ang mga isinulat mo at isipin kung ano ang maituturo sa iyo ng mga pagpapalang ito tungkol sa kahalagahan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

Pagkatapos banggitin ang ilan sa mga itinuro ni Isaias (tingnan sa 3 Nephi 22), iniutos ni Jesucristo sa mga tao na masigasig na saliksikin ang mga salita ni Isaias at ng mga propeta. Basahin ang 3 Nephi 23:1–5, at tukuyin kung bakit sinabi ng Tagapagligtas na dapat nating saliksikin ang mga salita ni Isaias at ng mga propeta. Maaari mong markahan ang mga salita at mga parirala na tutulong sa iyo na maalaala ang natutuhan mo.

Ang isang dahilan kung bakit iniutos sa atin na pag-aralan ang mga salita ni Isaias ay dahil “siya ay nangusap na tumatalakay sa lahat ng bagay hinggil sa [pinagtipanang tao ng Panginoon] na sambahayan ni Israel” (3 Nephi 23:2). Dahil nakipagtipan ka sa Panginoon, ikaw ay kabilang sa sambahayan ni Israel. Ang mga isinulat ni Isaias ay tungkol sa iyo. Ang isa pang dahilan kung bakit dapat nating pag-aralan ang mga salita ni Isaias ay dahil ang lahat ng ito ay matutupad (tingnan sa 3 Nephi 23:3).

Pansinin sa 3 Nephi 23:1 na partikular na iniutos ni Jesucristo sa mga Nephita na “masigasig ninyong saliksikin ang mga [salita ni Isaias].”

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Ano sa palagay mo ang pagkakaiba ng pagbabasa ng mga salita ng mga propeta at masigasig na pagsasaliksik ng mga ito?

    2. Anong mga paraan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan ang makatutulong sa iyo na masaliksik ang mga salita ni Isaias at ng mga propeta nang epektibo at makabuluhan? (Maaari mong rebyuhin ang lesson Unit 1: Day 1, “Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan,” para maalaala ang ilang mahahalagang tulong sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan.)

Napansin ni Elder Merrill J. Bateman, isang emeritus member ng Pitumpu, ang ilan sa mga pagpapalang dumarating sa ating buhay kapag sinasaliksik natin ang mga salita ng mga propeta: “May mga tiyak na pagpapalang matatamo kapag sinaliksik ng isang tao ang mga banal na kasulatan. Kapag pinag-aaralan ng isang tao ang mga salita ng Panginoon at sinusunod ang mga ito, siya ay mas mapapalapit sa Tagapagligtas at magkakaroon ng mas matinding hangarin na mamuhay nang matwid. Nadaragdagan ang lakas na mapaglabanan ang mga tukso, at nadaraig ang mga espirituwal na kahinaan. Napapagaling ang mga espirituwal na sugat” (“Coming unto Christ by Searching the Scriptures,” Ensign, Nob. 1992, 28).

Basahin ang 3 Nephi 23:5, at alamin ang mga ipinangako ng Tagapagligtas sa ating lahat kung pag-aaralan natin ang mga banal na kasulatan at gagawin ang paanyayang nakasaad sa mga ito.

  1. journal iconKunwari ay may kaibigan o kapamilya ka na nahihirapang pag-aralan nang regular ang mga banal na kasulatan. Gamit ang natutuhan mo sa 3 Nephi 23:1–5, isulat kung ano ang maaari mong sabihin sa taong ito para hikayatin siyang pag-aralan nang masigasig ang mga salita ng mga propeta at magkaroon ng magandang karanasan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

3 Nephi 23:6–14

Pinagsabihan ni Jesucristo ang Kanyang mga disipulo dahil hindi nila naitala ang mahahalagang pangyayari

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball:

Pangulong Spencer W. Kimball

“Binigyang-diin mismo ng Panginoong Jesucristo ang malaking kahalagahan ng pagsulat sa talaan sa mga Nephita at mga Lamanita [tingnan sa 3 Nephi 23:6–13]. …

“Natutuwa ako na hindi ako ang napagsabihan, bagama’t ito ay ginawa nang buong kahinahunan, dahil sa hindi ko nagawa ang aking obligasyon na sumulat nang regular sa aking mga talaan. …

“… Tandaan, pinagsasabihan ng Tagapagligtas ang hindi nagtatala ng mahahalagang pangyayari” (“The Angels May Quote from It,” New Era, Peb. 2003, 32, 34–35).

Ang natitirang bahagi ng 3 Nephi 23 ay naglalaman ng tala na inilarawan ni Pangulong Kimball, nang pagsabihan ng Panginoon ang mga Nephita sa hindi pagtatala ng ilang mahahalagang pangyayari sa kanilang mga talaan. Basahin ang 3 Nephi 23:6–11, at tukuyin ang hindi naitala ng mga Nephita. Sa iyong palagay, bakit mahalaga para sa mga Nephita na itala ang katuparan ng propesiyang ito ni Samuel, ang Lamanita? Paano nakatulong ang pagkakaroon ng tala na iyan sa Aklat ni Mormon sa ating panahon?

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Bakit magiging mahalaga para sa iyo ang isulat ang mga espirituwal na karanasan at mga pahiwatig ng Espiritu sa iyong buhay?

Kung may espirituwal na pangyayari sa iyong buhay kamakailan na hindi mo naisulat, maaari mo itong isulat ngayon sa iyong personal journal. Sapat na ang isang simpleng notebook o pad paper sa pagsusulat ng sariling journal. Basahin ang 3 Nephi 23:12–14, at alamin ang ginawa ng Tagapagligtas pagkatapos sundin ng mga Nephita ang utos na isulat ang katuparan ng propesiya ni Samuel, ang Lamanita.

“[Ipinaliwanag ng Tagapagligtas] ang lahat ng banal na kasulatan,” na ibig sabihin ay ipinaliwanag Niya ang kahulugan ng mga banal na kasulatan.

Basahin ang 3 Nephi 24:1, at pansinin ang pagkakatulad ng unang bahagi ng talatang ito sa nangyari sa 3 Nephi 23:12–14. Pansinin na matapos itala ng mga Nephita ang itinuro sa kanila ni Jesucristo, binigyan Niya sila ng dagdag na kaalaman at paghahayag sa pamamagitan ng pagpapaliwanag sa mga bagay na iyon.

Batay sa natutuhan mo sa 3 Nephi 23:6–14, kumpletuhin ang sumusunod na alituntunin: Sa pagsusulat ko ng mga sagradong pahiwatig at mga pangyayari, inaanyayahan ko ang .

Kabilang sa iba pang posibleng sagot, maaari mong makumpleto ang alituntunin sa itaas nang ganito: Sa pagsusulat ko ng mga sagradong pahiwatig at mga pangyayari, inaanyayahan ko ang Panginoon na bigyan ako ng mas maraming paghahayag.

Upang lubos na maunawaan ang katotohanang nalaman mo, basahin ang sumusunod na dalawang pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Richard G. Scott

“Ang kaalaman na nairekord nang mabuti ay magagamit sa oras ng pangangailangan. Ang mahahalagang espirituwal na impormasyon ay dapat itago sa sagradong lugar na nagpapakita sa Panginoon kung paano ninyo ito pahalagahan. Kapag ganito ang ginawa ninyo ay malamang na makatanggap pa kayo ng dagdag na liwanag” (“Acquiring Spiritual Knowledge,” Ensign, Nob. 1993, 88).

Itinuro ni Elder Richard G. Scott, “Isulat sa talaang maiingatan ninyo ang mahahalagang bagay na natutuhan ninyo mula sa Espiritu. Matutuklasan ninyo na sa pagsusulat ng mahahalagang impresyon, kadalasa’y mas marami pang darating. Gayundin, magagamit ninyo ang kaalamang natamo ninyo habambuhay” (“Pagtatamo ng Kaalaman at ng Lakas para Gamitin Ito nang Buong Talino,” Liahona, Ago. 2002, 32).

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Bakit sa iyong palagay ang pagsulat o pagrekord ng mga paghahayag na natanggap natin mula sa Panginoon ay makatutulong sa atin na makatanggap ng marami pang paghahayag?

    2. Paano nakatutulong ang paglalaan ng oras na isulat o irekord ang impluwensya ng Panginoon sa ating buhay para makapagpasalamat tayo sa Kanya para sa mga pagpapala?

Maaaring nag-aalala ka na hindi ka nagkaroon ng mga espesyal o sagradong karanasan na maisusulat. Sinabi ni Elder John H. Groberg, isang emeritus member ng Pitumpu, tungkol sa bagay na ito: “May mga tao na magsasabing, ‘Wala akong kahit anong maisusulat. Walang espirituwal na nangyari sa akin.’ Sinasabi ko, ‘Magsimula sa pagsulat, at mangyayari ang mga espirituwal na bagay. Ang mga ito ay nariyan lang, ngunit mas mapapansin natin ang mga ito kapag nagsulat tayo’” (“Writing Your Personal and Family History,” Ensign, Mayo 1980, 48).

Masisimulan mong gawin ang natutuhan mo tungkol sa pagtatala ng mga espirituwal na karanasan sa pamamagitan ng pagdadala ng papel, notebook, o journal sa susunod na linggo. Isulat ang anumang pahiwatig, impresyon, karanasan, o damdamin na nadama mo sa buong linggo. Isulat din kung paano ka nahikayat na kumilos ayon sa mga pahiwatig na iyong natanggap. Pagkatapos mong sundin ito, isulat ang iyong karanasan.

Sabihin sa isang tao (isang kapamilya, kaibigan, o lider ng Simbahan) ang tungkol sa iyong plano na magkaroon ng talaan ng iyong mga espirituwal na karanasan. Maaari mong anyayahan ang taong ito na samahan ka sa gawaing ito sa pamamagitan ng pagsulat din ng ilan sa sarili niyang mga espirituwal na karanasan. Sa pag-anyaya sa isa pang tao na gawin din ito, maaaring mahikayat at maireport ninyo sa isa’t isa ang patuloy na paggawa ninyo nito. Gayunman, dapat ninyong alalahanin na hindi kinakailangan—at maaaring hindi angkop—na ibahagi ang inyong mga sagradong karanasan sa isa’t isa.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang 3 Nephi 23 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: