Unit 26: Day 1
3 Nephi 17
Pambungad
Nang patapos na ang unang araw ni Jesucristo sa mga Nephita, nahiwatigan Niya na hindi lubos na naunawan ng maraming tao ang itinuro Niya sa kanila. Kaya, itinuro Niya sa kanila kung paano makatatanggap ng karagdagang pag-unawa. Nanangis ang mga tao nang sabihin Niya na aalis na Siya. Puno ng pagkahabag, nanatili pa sa kanila ang Tagapagligtas. Pinagaling Niya ang mga maysakit sa kanila, binasbasan ang kanilang mga anak, at nanalangin para sa kanila. Nakadama ang mga tao ng malaking kagalakan at pagmamahal para sa Tagapagligtas nang Siya ay makipag-usap at makihalubilo sa Kanila.
3 Nephi 17:1–3
Iniutos ni Jesus sa mga tao na pagbulay-bulayan ang Kanyang mga salita at manalangin na makaunawa
Ano ang ginagawa mo kapag may nabasa ka sa mga banal na kasulatan o may itinuro ang isang lider ng Simbahan na hindi mo maunawaan? Bilugan ang lahat ng angkop:
-
Binabalewala ko na lang ang itinuro.
-
Nagpapatulong ako sa isang tao para maunawaan ko ito.
-
Pinag-iisipan kong mabuti ang itinuro.
-
Hinihiling ko sa Ama sa Langit na tulungan akong makaunawa.
Ang mga pangyayaring nakatala sa 3 Nephi 17 ay naganap sa pagtatapos ng unang araw ni Jesucristo sa mga Nephita. Basahin ang 3 Nephi 17:1–3, at markahan ang sinabi ng Tagapagligtas na dapat gawin ng mga Nephita upang mas maunawaan ang itinuro Niya sa kanila. Pag-isipan kung paano makatutulong ang pag-uwi mo sa iyong tahanan upang pagbulay-bulayan at ipanalangin ang mga katotohanan ng ebanghelyo upang mas maunawaan mo ang mga ito.
Ipinaliwanag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan kung ano ang ibig sabihin ng pagbulay-bulayan. Basahin ang sumusunod na pahayag at markahan ang mga salita o parirala na nagpapaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng pagbulay-bulayan: “Ang pagbabasa, pag-aaral, at pagbubulay ay hindi magkakapareho. Nababasa natin ang mga salita at maaari tayong makakuha ng mga ideya. Nag-aaral tayo at maaari nating matuklasan ang mga huwaran at pagkakaugnay-ugnay ng mga ideya sa banal na kasulatan. Ngunit kapag nagbulay-bulay tayo, nag-aanyaya tayo ng paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu. Ang pagbubulay, para sa akin, ay ang pag-iisip at pagdarasal na ginagawa ko matapos basahin at pag-aralang mabuti ang mga banal na kasulatan” (“Maglingkod nang May Espiritu,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 60).
Basahing mabuti ang 3 Nephi 17:3, at pansinin na iniutos ng Tagapagligtas sa mga tao na “ihanda ang [kanilang] mga isip” para sa susunod na pagtuturo Niya sa kanila. Bago magpatuloy sa pag-aaral, pag-isipang mabuti kung paano mo sasagutin ang mga sumusunod na tanong: Ano ang maaari mong gawin upang maihanda ang iyong isipan bago magsimba? Bago pumunta sa seminary? Bago makinig sa pangkalahatang kumperensya? Bago pag-aralan ang mga banal na kasulatan? Ano kaya ang magagawang kaibhan sa matututuhan mo kapag naihanda mo ang iyong isipan?
Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa mga talatang ito ay: Sa pagbubulay at pagdarasal sa Ama, tayo ay mas makauunawa. (Maaari mong isulat ito sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng 3 Nephi 17:1–3.)
-
Para matulungan ka na ipamuhay ang alituntuning ito, pumili ng isa o gawin pareho ang nasa ibaba sa susunod na linggo. Isulat ang ginawa mo sa iyong scripture study journal. Isulat din kung paano nadagdagan ang iyong natutuhan sa simbahan, seminary, o pangkalahatang kumperensya o mga banal na kasulatan sa paggawa nito. Maghandang ibahagi ang journal activity na ito sa iyong titser. Gumawa rin ng plano na patuloy na pagbutihin ang isa sa mga aspetong ito sa mga susunod na linggo.
-
Ihahanda ko ang aking isipan bago ako pumunta sa simbahan o sa seminary.
-
Pagbubulayan at ipagdarasal ko ang mga narinig ko sa simbahan o sa seminary.
-
3 Nephi 17:4–25
Pinagaling ng Tagapagligtas ang mga maysakit sa mga Nephita at binasbasan ang kanilang mga anak
Isulat ang tungkol sa isang pangyayari na nakadama ka ng labis na kasiglahan at lubos na kagalakan na parang ayaw mo nang matapos ang pangyayaring iyon. Basahin ang 3 Nephi 17:4–5 at alamin kung ano ang reaksyon ng mga Nephita nang sabihin ng Tagapagligtas na babalik na Siya sa Kanyang Ama.
Tumugon ang Tagapagligtas nang may malaking pagkahabag sa mabubuting hangarin ng mga Nephita. Ang sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa iyo na mas lubos na maunawaan ang pagmamahal ni Jesucristo para sa ating lahat. Makatutulong din ito sa iyo na matuklasan ang mga katotohanan sa mga banal na kasulatan tungkol sa pagkatao at mga katangian ni Jesucristo.
-
Isulat ang mga sumusunod na scripture reference sa iyong scripture study journal. Mag-iwan ng espasyo sa ilalim ng bawat scripture reference para sa karagdagang impormasyon: 3 Nephi 17:6–10; 3 Nephi 17:11–18; 3 Nephi 17:19–25. Pag-aralan ang bawat isa sa mga scripture passage na ito, na inaalam ang mga katotohanan tungkol sa mga katangian ng Tagapagligtas—ang Kanyang pagkatao. Maghanap ng kahit tatlong katotohanan, isang katotohanan para sa bawat scripture reference, at isulat ang mga ito sa ilalim ng angkop na scripture reference.
Isa sa pinakamagiliw at pinaka-nakaaantig na mga pangyayari na inilarawan sa Aklat ni Mormon ay ang pagbabasbas ni Jesus sa maliliit na bata na naroon sa kaganapang iyon. Matutulungan tayo ng pangyayaring ito na maunawaan ang mga katangian at pagkatao ni Jesucristo. Bago niya binanggit ang nakatala tungkol sa Tagapagligtas at maliliit na bata mula sa 3 Nephi 17:11–12, 21–25, ipinahayag ni Pangulong Boyd K. Packer, “Sa ulat tungkol sa ministeryo ng Tagapagligtas sa mga Nephita, dito natin mas nakita ang Kanyang pagkatao na marahil ay hindi makikita sa iba pang ulat” (“Teach the Children,” Ensign, Peb. 2000, 16–17).
Pansinin na dinala ng mga tao ang mga maysakit at nahihirapan sa Tagapagligtas, kabilang ang mga “nahihirapan sa anumang dahilan” (3 Nephi 17:9). Ang mga paghihirap na ito ay maaaring pisikal, emosyonal, o mental. Isipin kung saan ka maaaring “nahihirapan.” Paano ka matutulungan ng Tagapagligtas sa iyong mga paghihirap kung Siya mismo ang magbabasbas sa iyo?
-
Rebyuhin ang alituntunin tungkol sa pagbubulay-bulay na natutuhan mo sa simula ng lesson na ito. Isang paraan ng pagbubulay-bulay ay isipin kunwari na naroon ka sa kaparehong sitwasyon na inilarawan sa banal na kasulatan. Pag-isipan sandali kung ano ang madarama mo kung naroon ka sa mga pangyayaring nakatala sa 3 Nephi 17. Sa iyong scripture study journal, isulat kung ano sa palagay mo ang maririnig, makikita, at madarama mo sa pangyayaring iyon at kung ano kaya ang matututuhan mo sa Tagapagligtas. Maaari mo ring ilarawan ang pagpapalang maaaring hingin mo sa Tagapagligtas.
Mag-isip ng isang pangungusap na naglalarawan ng isang katotohanan na natutuhan mo sa 3 Nephi 17:6–25. Isulat ang pangungusap sa margin ng iyong banal na kasulatan malapit sa mga talatang ito o sa iyong scripture study journal. Isa sa mga katotohanan mula sa mga banal na kasulatang ito ay: Ang Tagapagligtas ay labis na nahahabag sa atin. Bakit mahalagang malaman mo ang mga katotohanan tungkol sa pagkatao ng Tagapagligtas na natutuhan mo sa mga talatang ito?
Basahin ang sumusunod na pahayag tungkol sa pananampalataya: “Upang maakay kayo ng inyong pananampalataya sa kaligtasan, dapat itong isentro sa Panginoong Jesucristo. … Mananampalataya kayo kay Cristo kapag kayo ay nakatitiyak na Siya ay buhay, may wastong ideya tungkol sa Kanyang katauhan, at may kaalaman na sinisikap ninyong mamuhay ayon sa Kanyang kalooban” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 174).
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Paano nakatulong ang pagiging mahabagin ng Tagapagligtas sa pagsampalataya mo sa Kanya?
-
Ibahagi sa isang tao ang isang bagay na natutuhan mo tungkol sa Tagapagligtas mula sa 3 Nephi 17. Sa iyong scripture study journal, isulat ang pangalan ng taong ito at ang buod ng sinabi mo sa kanya.
Bagama’t hindi natin naranasang makasama ang Tagapagligtas tulad ng mga Nephita, darating ang araw na Siya ay makikita at maririnig ng bawat isa sa atin. Sa buong susunod na araw o dalawang araw, pag-isipang mabuti ang lesson na ito. Isipin ang pagkahabag ng Tagapagligtas kapag ipinagdarasal mo ang iyong mga naisin, kahinaan, dalamhati, at mga pagsubok.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang 3 Nephi 17 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: