Unit 31: Day 3
Moroni 6
Pambungad
Sa nalalapit na pagtatapos ng kanyang mga isinulat sa mga lamina, ipinaliwanag ni Moroni kung ano ang dapat na kwalipikasyon para maging handa ang isang tao na mabinyagan sa Simbahan. Pagkatapos ay iniisa-isa niya ang mga responsibilidad ng mga miyembro ng Simbahan sa pangangalaga ng ibang mga miyembro. Ipinaliwanag din ni Moroni ang layunin ng mga pagpupulong sa Simbahan at binigyang-diin na ang mga pagpupulong ng Simbahan ay kailangang pamunuan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Moroni 6:1–3
Inilahad ni Moroni ang mga kailangan para mabinyagan
Isipin na may pitong-taong gulang kang kapatid na ilang buwan na lang ay walong taong gulang na. Sinabi ng mga magulang mo na ikaw ang magtuturo ng lesson sa family home evening tungkol sa paano maghanda para sa binyag.
-
Kung ituturo mo ang lesson na iyan ngayon mismo, ano ang ituturo mo para matulungan mo ang iyong kapatid na paghandaan ang kanyang binyag? Isulat ang mga naisip mo sa iyong scripture study journal.
Matapos isama sa kanyang talaan ang mga panalangin ng sakramento (tingnan sa Moroni 4–5), idinagdag ni Moroni ang tagubilin tungkol sa ordenansa ng binyag. Basahin ang Moroni 6:1–3, at alamin ang mga kinakailangan para mabinyagan. Maaari mong markahan sa iyong banal na kasulatan ang mga natukoy mo na mga kinakailangan.
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng ang mga nagnanais na magpabinyag ay dapat magdala ng “angkop na bunga na sila ay karapat-dapat dito”? (Moroni 6:1).
Pag-isipan kung ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng magkaroon ng “bagbag na puso at nagsisising espiritu” (Moroni 6:2) bago mabinyagan. Tulad ng nakatala sa Moroni 6:1–3, ipinaliwanag ni Moroni na sa pamamagitan ng binyag nakikipagtipan tayong taglayin ang pangalan ni Jesucristo at paglingkuran Siya hanggang wakas. Ano ang ginagawa mo para mapanatili at mapalakas mo ang iyong determinasyon na maglingkod kay Jesucristo?
-
Sa iyong scripture study journal, maglista ng ilang paraan na sinikap mong magawa mula nang bininyagan ka upang mapanatili at mapalakas ang iyong determinasyon na maglingkod kay Jesucristo.
Moroni 6:4
Ipinaliwanag ni Moroni kung paano kalingain at espirituwal na mapangalagaan ang mga miyembro ng Simbahan
Matapos ipaliwanag ang mga kailangang matugunan ng mga tao bago mabinyagan, ipinaliwanag ni Moroni kung paano mananatiling tapat sa kanilang mga tipan ang mga bagong nabinyagan. Basahin ang Moroni 6:4, at alamin ang ginawa upang matulungan na manatiling tapat ang mga bagong nabinyagan.
Ibuod ang mga nalaman mo mula sa Moroni 6:4 tungkol sa iyong mga responsibilidad sa iba pang mga miyembro ng Simbahan.
Anong mga pagpapala ang tinutukoy sa Moroni 6:4 na darating sa mga napangalagaan ng salita ng Diyos?
Ang isang mahalagang katotohanang itinuro sa Moroni 6:4 ay responsibilidad natin na alalahanin at espirituwal na pangalagaan ang ibang mga miyembro ng Simbahan.
Pinatotohanan ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng mapangalagaan ng salita ng Diyos ang bawat isa: “Karamihan sa mga tao ay hindi pumupunta sa simbahan para lamang alamin ang ilang bagong impormasyon sa ebanghelyo o makita ang mga dati nang kaibigan, bagama’t mahalaga ang lahat ng iyan. Pumupunta sila dahil gusto nila ng espirituwal na karanasan. Gusto nila ng kapayapaan. Gusto nilang mapatibay ang kanilang pananampalataya at magkaroon ng panibagong pag-asa. Sa madaling salita, gusto nilang mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos, mapalakas ng mga kapangyarihan ng langit. Tayo na mga tinawag na magsalita o magturo o mamuno ay may obligasyong tumulong na mailaan iyan, sa abot ng ating makakaya” (“A Teacher Come from God,” Ensign, Mayo 1998, 26).
Naisip mo ba minsan ang maraming tao na nagdasal para sa iyo, naghanda ng lesson para sa iyo, naghikayat sa iyo na maging aktibo sa Simbahan, at tumulong sa iyo sa mga hamon sa buhay?
-
Sa iyong scripture study journal, sumulat ng tungkol sa dalawa o tatlong tao na nakaalala sa iyo sa makabuluhang paraan o espirituwal kang pinangalagaan.
Talakayin minsan sa isang kapamilya o kaibigan kung paano ka napagpala dahil may taong nakaalala sa iyo o pinangalagaan ka ng salita ng Diyos.
Ikinuwento ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan ang tungkol sa isang deacon sa kanyang ward na naunawaan na kailangan niyang gampanan ang responsibilidad niya sa iba pang mga miyembro ng kanyang korum:
“Isa sa mga miyembro ng kanyang korum ay nakatira malapit sa aking tahanan. Ang kapitbahay na batang lalaking iyon ay hindi kailanman dumalo sa pulong ng korum ni nakagawa ng anuman para sa mga miyembro ng kanyang korum. Ang kanyang ama-amahan ay hindi miyembro at ang kanyang ina ay hindi dumadalo sa Simbahan.
“Ang panguluhan ng kanyang korum ng mga diyakono ay nagpulong isang Linggo ng umaga. … Sa pulong nila ng panguluhan, naalaala ng mga 13 gulang na pastol na iyon ang isang batang lalaki na hindi pa nakadadalo kailanman. Pinag-usapan nila kung gaano niya kailangan ang mga bagay na kanilang tinanggap. Itinalaga ng pangulo ang kanyang tagapayo upang hanapin ang naliligaw na tupang iyon.
“Kilala ko ang tagapayo, at alam kong siya’y mahiyain at alam kong sadyang mahirap ang gawain, kaya’t may paghanga akong nagmasid sa gawing harap ng aking bintana habang marahang dumadaan ang tagapayo malapit sa aking bahay, patungo sa bahay ng batang lalaking hindi pa nakadalo sa Simbahan kailanman. Ipinasok ng pastol sa kanyang bulsa ang kanyang mga kamay. Ang kanyang mga mata ay nakatuon sa lupa. Lumakad siya nang marahan, gaya rin ninyo kapag hindi ninyo tiyak kung nais ba ninyong marating ang lugar na inyong pupuntahan. Sa loob ng 20 minuto o higit pa, bumalik siyang kasabay na lumalakad ang nawalang diyakono. Ang tagpong iyon ay naulit nang mga ilang Linggo. Kasunod niyon, ang batang lalaki, na nawala at natagpuan, ay lumipat ng tirahan.
“… Subalit pagdaaan ng maraming taon, ako’y nasa isang komperensiya ng istaka, isang kontinente ang layo mula sa silid na pinagpulungan ng panguluhang iyon. Isang matandang lalaki ang lumapit sa akin at banayad na sinabing: ‘Tumira ang apo ko sa inyong [ward] maraming taon na ang nakalilipas.’ May pagmamalasakit niyang ikinuwento sa akin ang buhay ng batang lalaking iyon. At pagkatapos ay nagtanong siya kung matatagpuan ko ba ang diyakonong iyon na lumakad nang marahan sa kalsadang iyon. At sinabi niya na kung saka-sakaling magkita kami ay ipaabot ko ang pasasalamat dito at sabihin sa kanya na naaalala pa ng kanyang apo, na ngayon ay mamang-mama na, ang mga nangyari noon” (“Makipagpuyat sa Akin,” Liahona, Hulyo 2001, 45–46).
Isipin ang mga taong gusto ng Panginoon na “maalaala” o “mapangalagaan” mo. Magplano ng paraan na makatutulong ka na espirituwal na mapangalagaan sila. Isulat ang kanilang mga pangalan sa isang kapirasong papel, at ilagay ito sa lugar na makatutulong sa iyo na maalaala ang mga ito.
Moroni 6:5–9
Inilarawan ni Moroni ang layunin ng mga pagpupulong sa Simbahan at kung paano ito pamunuan
Kunwari ay may anak ka na tinedyer, na noong nakaraang ilang linggo, ay nagsabi sa iyo na ayaw na niyang magsimba dahil parang wala namang kabuluhan ito at nakakabagot pa. Isipin kung ano ang sasabihin mo para hikayatin ang iyong anak na magsimba at maunawaan ang mga tamang dahilan sa pagdalo nang regular.
Sa kanyang talaan, nabigyang-inspirasyon si Moroni na ilarawan ang mga dahilan kung bakit nagpupulong ang mga miyembro ng Simbahan noong kanyang panahon. Pag-aralan ang Moroni 6:5–6, at alamin kung paano mo kukumpletuhin ang sumusunod na pahayag: Bilang mga miyembro ng Simbahan, dapat tayong magtipon nang madalas upang .
Ibinahagi ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol ang isang bahagi ng liham mula sa kaibigan na nagbahagi ng pagbabago ng pag-uugali nito tungkol sa pagsisimba:
“Isinulat ng isang matalinong kaibigan:“‘Ilang
taon na ang lumipas, binago ko ang pag-uugali ko tungkol sa pagsisimba. Hindi na ako pumupunta sa simbahan para sa sarili ko, kundi para sa iba. Nagpasiya akong batiin ang mga taong mag-isang nakaupo, batiin ang mga bisita, … magboluntaryo sa isang gawain. …
“‘Sa madaling salita, pumupunta ako sa simbahan kada linggo para maging aktibo, hindi para tumunganga lang at makagawa ng kaibhan sa buhay ng mga tao. Dahil dito, ang pagdalo ko sa mga pulong ng Simbahan ay naging mas kawili-wili at kasiya-siya.’
“Ang lahat ng ito ay naglalarawan ng walang hanggang alituntunin na mas maligaya tayo at mas nasisiyahan kapag tayo ay gumagawa at naglilingkod dahil sa ating maibibigay, hindi dahil sa matatanggap natin” (“Hindi Makasariling Paglilingkod,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 96).
Maaaring nakumpleto mo ang pahayag sa itaas gamit ang ilan sa mga sumusunod na ideya.
Bilang mga miyembro ng Simbahan, dapat tayong magkita-kita nang madalas upang:
-
Mag-ayuno at manalangin.
-
Espirituwal na palakasin ang isa’t isa.
-
Makibahagi sa sakramento bilang pag-alaala sa Panginoong Jesucristo.
Pagnilayan ang mga naranasan mo na nagturo sa iyo ng kahalagahan ng pagdarasal o pag-aayuno kasama ang mga miyembro ng iyong ward o branch.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Paano magbabago ang iyong karanasan sa simbahan kung ang layunin mo sa pagsisimba ay espirituwal na palakasin ang iba?
-
Bakit mahalagang tumanggap palagi ng sakramento bilang pag-alaala kay Jesucristo?
-
Paano makatutulong sa iyo ang pagsisimba nang may mga layunin na nakalista sa itaas na, “mapanatili [ka] sa tamang daan”? (Moroni 6:4).
-
Basahin ang Moroni 6:7–8, at alamin kung ano ang “mahigpit na [sinunod]” ng mga miyembro ng Simbahan noong panahon ni Moroni, o sa madaling salita, ano ang talagang binigyang-pansin nila. Sa iyong palagay, bakit mahalagang turuan at hikayatin natin ang bawat isa na iwasan at pagsisihan ang kasalanan?
Pinatotohanan ni Moroni na kapag nagsisi at humingi tayo ng kapatawaran nang may tunay na layunin, mapapatawad tayo. Maaari mong markahan ang katotohanang ito sa Moroni 6:8.
Tinapos ni Moroni ang kabanatang ito sa pagtuturo kung paano dapat pamunuan ang mga pagpupulong ng Simbahan. Basahin ang Moroni 6:9, at alamin kung sino ang dapat na gumagabay sa mga pagpupulong natin sa Simbahan. Isipin ang panahon na talagang naramdaman mo ang impluwensya ng Espiritu Santo habang ikaw ay nasa isang pagpupulong sa Simbahan.
Paano naaakma sa iyo ang alituntunin na ang mga pagpupulong ng Simbahan ay dapat pamunuan ng kapangyarihan ng Espritu Santo? Kung hilingan kang magbigay ng mensahe o magturo ng lesson sa isang pulong sa Simbahan, paano mo titiyakin na ang sinasabi mo ay makatutulong para madama ang gabay at impluwensya ng Espiritu Santo sa pulong na iyon?
-
Sa iyong scripture study journal, sumulat ng plano ng mga gagawin mo sa mga pulong ng Simbahan sa darating na Linggo. Maaari mong isama ang mga paraan na gagawin mo para maanyayahan ang Espiritu Santo sa pagsamba at paano mo aalalahanin at pangangalagaan ang iba habang naroroon ka.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Moroni 6 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: