Unit 32: Day 3
Moroni 10:1–7, 27–29
Pambungad
Pinayuhan ni Moroni ang mga Lamanita, at lahat ng iba pa na magbabasa ng kanyang patotoo, na alamin mismo sa kanilang sarili kung totoo ang kanyang salita sa pamamagitan ng pagtatanong sa Diyos. Itinuro niya na ang patotoo sa Aklat ni Mormon at kay Jesucristo ay magmumula sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Matapang na ipinahayag ni Moroni na tatagpuin niya ang kanyang mga mambabasa sa harapan ng hukuman ng Diyos, kung saan pagtitibayin ng Diyos ang katotohanan ng kanyang mga salita.
Moroni 10:1–7
Pinayuhan tayo ni Moroni na magtamo ng patotoo sa Aklat ni Mormon at kay Jesucristo
Rebyuhin ang mga pambungad na lesson sa Aklat ni Mormon sa unit 1 ng manwal na ito. Natatandaan mo ba kung ano ang gamit ng saligang bato sa isang arko at kung paano nauugnay ang Aklat ni Mormon sa saligang bato? Tingnan ang pambungad sa Aklat ni Mormon (matatagpuan sa simula ng aklat) at basahin ang pahayag ni Propetang Joseph Smith sa ika-anim na talata.
Inilarawan ni Propetang Joseph Smith ang Aklat ni Mormon bilang “saligang bato” ng ating relihiyon, na nangangahulugan na ang patotoo natin sa Aklat ni Mormon ay sumusuporta at nagpapalakas sa patotoo natin sa lahat ng katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Basahin ang huling talata sa pambungad ng Aklat ni Mormon at hanapin ang mga katotohanang maaaring malaman ng isang tao kung magtatamo siya ng patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon. Tulad ng saligang bato na sumusuporta sa isang arko, paano nasusuportahan at napapalakas ng Aklat ni Mormon ang iyong patotoo?
Mga 1,400 taon bago matanggap ni Joseph Smith ang mga laminang ginto, tinapos ni Moroni ang talaan ng kanyang ama sa pagsulat ng kanyang huling panghihikayat sa mga taong tatanggap ng Aklat ni Mormon sa mga huling araw (tingnan sa Moroni 10:1–2). Ang ibig sabihin ng pinapayuhan ay matinding hinihikayat ang isang tao. Ginamit ni Moroni ang salitang pinapayuhan nang walong beses sa huling kabanata ng Aklat ni Mormon. Pinayuhan niya ang lahat ng tumatanggap ng Aklat ni Mormon na sikaping magkaroon ng patotoo sa katotohanan at kabanalan ng Aklat ni Mormon.
Basahin ang Moroni 10:3–4, at tukuyin ang mga bagay na sinabi ni Moroni na dapat nating gawin para makatanggap ng patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon. Maaari mong markahan ang mga bagay na ito sa iyong banal na kasulatan. Pag-aralan ang sumusunod na impormasyon tungkol sa bawat bagay na sinabi ni Moroni na dapat nating gawin:
“[Basahin] ang mga bagay na ito”
Ang unang hakbang para mapatunayan na totoo ang Aklat ni Mormon ay basahin ito. Ikinuwento ni Elder Tad R. Callister ng Panguluhan ng Pitumpu kung paano nakatulong sa isang dalagita ang pagbabasa ng buong Aklat ni Mormon:
“Isang 14-na-taong-gulang na babae ang … [nagsabi na] kinausap niya ang isa sa mga kaibigan niya sa eskuwela tungkol sa relihiyon. Sinabi ng kaibigan niya sa kanya, ‘Anong relihiyon ang kinabibilangan mo?’
“Sagot niya, ‘Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, o mga Mormon.’
“Sagot ng kaibigan niya, ‘Alam ko ang Simbahang iyon, at alam kong hindi iyon totoo.’
“‘Paano mo nalaman?’ ang sagot niya.
“‘Kasi,’ sabi ng kaibigan niya, ‘sinaliksik ko na ito.’
“‘Nabasa mo na ba ang Aklat ni Mormon?’
“‘Hindi,’ ang sagot nito. ‘Hindi pa.’
“Sa gayon ay sumagot ang magiliw na batang ito, ‘Kung gayon ay hindi mo pa nasaliksik ang simbahan ko, dahil nabasa ko na ang bawat pahina ng Aklat ni Mormon at alam kong totoo ito’” (“Ang Aklat ni Mormon—Isang Aklat mula sa Diyos,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 76).
Sa iyong palagay, bakit kailangang mabasa natin ang aklat ni Mormon para magkaroon ng patotoo sa katotohanan nito?
“[Alalahanin] kung paano naging maawain ang Panginoon”
Ang kasunod na hakbang sa proseso ay “[alalahanin] kung paano naging maawain ang Panginoon.” Ang pag-alaala sa mga awa ng Panginoon sa ating buhay ay magpapalambot sa ating mga puso at ihahanda tayo sa pagtanggap ng Espiritu Santo. Pag-isipan ang mga pagkakataon na nadama mo ang awa ng Pangioon sa iyong buhay.
Sa simula ng Aklat ni Mormon, ipinahayag ni Nephi na sa pamamagitan ng kanyang mga isinulat ipapakita niya sa atin ang mga halimbawa ng magiliw na awa ng Panginoon (tingnan sa 1 Nephi 1:20). Sa katapusan ng Aklat ni Mormon, sinabi ni Moroni na alalahanin natin ang pagiging maawain sa atin ng Panginoon (tingnan sa Moroni 10:3). Maaari mong isulat ang cross-reference ng 1 Nephi 1:20 sa tabi ng Moroni 10:3.
-
Sa iyong scripture study journal, sagutin ang mga sumusunod na tanong:
-
Anong katibayan ng awa ng Panginoon ang nakita mo sa iyong buhay?
-
Sa iyong palagay, paano nakatutulong sa isang tao na magkaroon ng patotoo sa Aklat ni Mormon ang pag-alaala sa awa ng Panginoon?
-
Ang pag-alaala sa awa ng Panginoon sa iba at sa atin ay maghahanda sa atin na pagbulay-bulayin ang mensahe ng Aklat ni Mormon para sa atin.
“Pagbulay-bulayin ang mga yaon sa inyong mga puso”
Ang sumunod na hakbang na itinuro ni Moroni ay “pagbulay-bulayin ang mga yaon sa inyong mga puso.” Ipinaliwanag ni Elder Marvin J. Ashton ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano makatutulong sa atin ang pagbubulay-bulay upang matanggap ang Espiritu Santo sa ating buhay:
“Habang pinag-aaralan ko ang mga banal na kasulatan, nahikayat at naantig ako sa salitang pagbulay-bulayin na madalas na gamitin sa Aklat ni Mormon. Sinasabi sa mga diksyunaryo na ang ibig sabihin ng pagbulay-bulayin ay suriin, pag-isipan nang malalim, pag-aralang mabuti, at pagnilayan. … Ginamit ni Moroni ang salitang ito sa pagtatapos niya ng kanyang talaan [tingnan sa Moroni 10:3].
“Sa pagbubulay-bulay, binibigyan natin ang Espiritu ng pagkakataong mabigyan tayo ng inspirasyon at matagubilinan. Ang pagbubulay-bulay ay pag-uugnay ng puso at isipan. Sa pagbabasa natin ng mga banal na kasulatan, naaantig ang ating puso at isipan. Kung gagamitin natin ang kaloob na makapagbulay-bulay, mauunawaan natin ang mga walang-hanggang katotohanang ito at malalaman kung paano natin iuugnay ito sa mga ginagawa natin sa araw-araw. …
“Ang pagbubulay ay dapat gawin palagi upang umunlad ang isipan. Isa itong napakagandang kaloob sa mga tao na natutuhang gamitin ito. Magkakaroon tayo ng pang-unawa, kabatiran, at akmang pagsasabuhay kung gagamitin natin ang kaloob na makapagbulay-bulay” (“There Are Many Gifts,” Ensign, Nob. 1987, 20).
-
Sagutin sa iyong scripture study journal ang isa o ang lahat ng sumusunod na tanong:
-
Paano nakatulong sa iyo ang pagbubulay-bulay habang pinag-aaralan mo ang Aklat ni Mormon upang madama mo ang Espiritu Santo?
-
Ano ang maaari mong gawin para mas makapagbulay-bulay ka pa nang palagi at epektibo sa iyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan?
-
“Magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo”
Kapag ang mga tao ay may hangaring “manalangin nang tapat at may tunay na layunin,” ibig sabihin ay “kikilos sila ayon sa sagot na matatanggap nila mula sa Diyos” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2004], 126).
Natutuhan ng isang lalaking nagngangalang Rodolfo Armando Pérez Bonilla ang kahalagahan ng pagdarasal nang may tunay na layunin. Nabinyagan siya sa edad na siyam ngunit hindi aktibo sa Simbahan ang pamilya niya. Noong nagbinata na siya, nagsimula siyang mag-isip tungkol sa ebanghelyo at naranasan ang sumusunod na pangyayari:
“May mga pagkakataong ipinagdasal kong malaman ang tama, ngunit dumaan lamang ito sa isip ko at hindi isang matapat na tanong. Pagkatapos isang gabi ay ipinasiya kong manalangin nang may ‘tunay na layunin.’
“Sinabi ko sa Ama sa Langit na gusto ko Siyang makilala at maging bahagi ng Kanyang tunay na Simbahan. Nangako ako: ‘Kung ipapaalam po Ninyo sa akin kung si Joseph Smith ay tunay na propeta at kung ang Aklat ni Mormon ay totoo, gagawin ko ang anumang ipagawa Ninyo sa akin. Kung Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang tunay na Simbahan, susundin ko ito at lagi kong ipaglalaban ito.’
“Wala akong nakitang kagila-gilalas na pagpapamalas, ngunit nakadama ako ng kapayapaan at natulog na ako. Pagkaraan ng ilang oras nagising ako na malinaw na nasa isip: ‘Si Joseph Smith ay tunay na propeta, at ang Aklat ni Mormon ay totoo.’ Ang kaisipang iyon ay sinamahan ng di-maipaliwanag na kapayapaan. Nakatulog akong muli, para lamang magising kalaunan na naiisip at nadarama ko pa rin iyon.
“Simula noon, hinding-hindi ko na pinagdudahan na si Joseph Smith ay tunay na propeta. Alam ko na ito ang gawain ng Tagapagligtas at sasagutin ng Ama sa Langit ang ating taos na mga pagsamo” (“Paano Ko Nalaman,” Liahona, Okt. 2011, 64).
-
Isipin kung gaano mo kagusto na magkaroon ng malakas na patotoo tungkol sa katotohanan ng Aklat ni Mormon. Isulat sa iyong scripture study journal ang ilan sa mga bagay na nagawa mo na para magkaroon ng patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon. Pagkatapos ay isulat kung ano ang magagawa mo para magtamo ng mas malakas na patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon.
Basahin ang Moroni 10:4, at tukuyin kung ano ang pinatotohanan ni Moroni na gagawin ng Diyos para sa mga taong sumunod sa prosesong ito ng pagbabasa, pag-alaala, pagninilay, at pagtatanong. Maaari mong markahan ang pangakong ito sa banal na kasulatan. (Ang Moroni 10:4–5 ay isang scripture mastery passage.)
Basahin ang Moroni 10:5–7, at alamin kung ano pa ang ipinangako ni Moroni na malalaman natin sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Ang isang alituntuning matututuhan natin mula sa Moroni 10:3–7 ay: Kung maghahangad tayo nang may pananampalataya, magkakaroon tayo ng patotoo sa Aklat ni Mormon at kay Jesucristo sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Maaari mong isulat ito sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng mga talatang ito.
-
Gawin ang sumusunod sa iyong scripture study journal:
-
Itala kung paano napalakas ng pagbabasa, pag-alaala, pagbubulay-bulay, at pagdarasal sa taon na ito ang iyong patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon at ang mga katotohanang itinuro nito o nakatulong sa iyo na magtamo ng patotoo rito.
-
Isipin kung kailan mo nadama na nagpatotoo sa iyo ang Espiritu Santo tungkol sa katotohanan ng Aklat ni Mormon o ng isa pang katotohanan ng ebanghelyo. Mahalagang tandaan na karamihan sa mga paghahayag ay hindi dumarating sa kagila-gilalas na paraan. Karamihan sa mga tao ay makadarama ng tahimik at banayad na pahiwatig mula sa Espiritu Santo, tulad ng masaya at payapang damdamin o kapanatagan dahil natiyak ang katotohanan. Ang Espiritu ay maaari ring magpatotoo tungkol sa mga katotohanan ng ebanghelyo nang taludtod sa taludtod, na tumutulong sa atin na matutuhan ang mga katotohanan nang unti-unti sa paglipas ng panahon. Isulat ang pagkakataon na nadama mo ang nagpapatibay na patotoo ng Espiritu Santo.
-
Moroni 10:27–29
Nagpatotoo si Moroni na makikita natin siya sa hukuman ng Diyos
Basahin ang Moroni 10:27–29, at pag-isipan kung paano itinuturo ng mga talatang ito ang sumusunod na alituntunin: Ang mga tumanggap ng Aklat ni Mormon ay mananagot sa Diyos para sa kanilang pagtugon dito. Kunwari ay nagkaroon ka ng pagkakataon na makita si Moroni sa hukuman ng Diyos. Isipin kung ano ang sasabihin mo sa kanya tungkol sa Aklat ni Mormon at kung paano nito naapektuhan ang buhay mo.
Scripture Mastery—Moroni 10:4–5
Ang pagsasaulo ng Moroni 10:4–5 ay malaking tulong sa iyo sa pagbabahagi ng mensahe ng Aklat ni Mormon sa iba. Mag-ukol ng panahon na isaulo ang bawat salita nito. Ang isang paraan para magawa ito ay basahin ito nang malakas nang ilang beses. Pagkatapos ay isulat ang bawat salita nito nang tatlong beses sa isang papel o sa iyong scripture study journal. Kapag natapos ka na sa pagsulat, tingnan kung mabibigkas mo ito nang walang kopya.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Moroni 10:1–7, 27–29 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: