Unit 32: Day 4
Moroni 10:8–26, 30–34
Pambungad
Matapos ituro kung paano magtamo ng patotoo sa katotohanan ng lahat ng bagay sa pamamagitan ng Espiritu Santo, pinayuhan ni Moroni ang mga magbabasa ng kanyang mga isinulat na kilalanin at tanggapin ang mga espirituwal na kaloob. Tinapos ni Moroni ang Aklat ni Mormon sa pagpapayo sa lahat ng tao na lumapit kay Jesucristo, manangan sa bawat mabuting kaloob na ibinibigay Niya, at maging ganap sa Kanya.
Moroni 10:8–26
Itinuro ni Moroni ang tungkol sa mga kaloob ng Espiritu at ang kanilang layunin sa gawain ng Panginoon
Isipin ang pagkakataon na pinagpala ka ng Ama sa Langit na magawa ang isang bagay na hindi mo magagawa sa sariling kakayahan mo lang. Sa kanyang huling kabanata, nagpatotoo si Moroni tungkol sa tulong at lakas na maibibigay sa atin ng Panginoon. Basahin ang Moroni 10:8, at hanapin ang parirala na naglalarawan ng mga espirituwal na kakayahan o pagpapala na ibinigay ng Ama sa Langit sa Kanyang matatapat na anak.
Ang “mga kaloob ng Diyos” na tinukoy ni Moroni sa Moroni 10:8 ay tinatawag ding “mga kaloob ng Espiritu” o “mga espirituwal na kaloob.” Maaari mong markahan ang pariralang “mga kaloob ng Diyos” sa iyong banal na kasulatan. Isulat ang sumusunod na katotohanan sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng Moroni 10:8: Ang Diyos ay nagbibigay ng mga kaloob ng Espiritu para sa kapakinabangan ng Kanyang mga anak. Ang ibig sabihin ng pariralang “kapakinabangan ng Kanyang mga anak” ay makatulong o magamit ng Kanyang mga anak.
Basahin ang Moroni 10:9–16, at markahan ang bawat espirituwal na kaloob na binanggit ni Moroni. Mahalagang malaman na ang mga espirituwal na kaloob na tinalakay ni Moroni ay ilan lamang sa maraming halimbawa ng maraming espirituwal na kaloob. Itinuro ni Elder Marvin J. Ashton ng Korum ng Labindalawang Apostol na “Binigyan ng Diyos ang bawat isa sa atin ng isa o mas marami pang espesyal na talento”:
“Isa sa malalaking trahedya ng buhay, sa tingin ko, ay kapag itinuring ng isang tao ang sarili na walang talento o kaloob. … Ang ipalagay na wala tayong talento kapag sinusukat natin ang ating sarili ayon sa tindig, talino, grado sa eskwelahan, yaman, kapangyarihan, posisyon, o panlabas na kaanyuan ay hindi makatarungan at hindi rin makatwiran. …
“… Hayaan ninyong banggitin ko ang ilang kaloob na hindi laging nakikita o napapansin ngunit napakahalaga. Ilan sa mga ito ay maaaring ang inyong mga kaloob—kaloob na hindi kitang-kita ngunit gayunpaman ay tunay at kapaki-pakinabang.
“Pag-aralan nating muli ang ilan sa di-gaanong-pansining kaloob: kaloob na humiling; kaloob na makinig; kaloob na makarinig at gumamit ng marahan at bayanad na tinig; kaloob na manangis; kaloob na umiwas na makipagtalo; kaloob na maging kalugud-lugod; kaloob na umiwas sa walang kabuluhang paulit-ulit; kaloob na hangarin yaong matwid; kaloob na huwag manghusga; kaloob na umasa sa patnubay ng Diyos; kaloob na maging disipulo; kaloob na pangalagaan ang iba; kaloob na makapagnilay-nilay; kaloob na mag-alay ng panalangin; kaloob na magbigay ng malakas na patotoo; at kaloob na tumanggap ng Espiritu Santo.
“Dapat nating tandaan na sa bawat tao ay ipinagkaloob ang isang kaloob sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos [tingnan sa D at T 46:11–12]. Tungkulin at responsibilidad nating tanggapin ang ating mga kaloob at ibahagi ang mga ito. Ang mga kaloob at kapangyarihan ng Diyos ay maaaring makamit nating lahat” (“There Are Many Gifts,” Ensign, Nob. 1987, 20).
Basahin ang Moroni 10:17, at pansinin ang turo ni Moroni na ang bawat matapat na miyembro ng Simbahan ay may kahit isang espirituwal na kaloob (tingnan din sa D at T 46:11). Itinuro ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol na mahalagang matukoy na “ang mga kaloob na Espiritu … ay makatutulong sa atin na makamit ang mithiin natin na buhay na walang hanggan.
“Ang mga kaloob na ito ng Espiritu ay saklaw ng kaloob na Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ay ang pangatlong miyembro ng walang hanggang Panguluhang Diyos at kilala bilang ang Banal na Espiritu. Ang Banal na Espiritu ay isang kaloob mula sa Diyos upang tulungan tayong magdesisyon na magtutulot na malaman at maisagawa natin ang ating misyon. …
“Sa mga huling araw na ito, ang pag-unawa sa mga kaloob na Espiritu ay ibinigay sa atin sa pamamagitan ng paghahayag na nakatala sa bahagi 46 ng Doktrina at mga Tipan. Tinukoy sa bahagi 46 ang mga partikular na kaloob ng Espiritu:
“‘Sapagkat hindi lahat ay pinagkakalooban ng lahat ng kaloob; sapagkat maraming kaloob, at sa bawat tao ay ipinagkaloob ang isang kaloob sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos’ (t. 11).
“Malinaw na itinuro sa atin na bawat isa sa atin ay binigyan ng kaloob o mga kaloob. Alam ba natin kung anong kaloob ang ibinigay sa atin? Sinisikap ba nating mahanap ang ating mga kaloob?” (“Gifts of the Spirit,” Ensign, Peb. 2002, 12).
-
Isipin ang mga espirituwal na kaloob na natanggap mo mula sa Diyos, at pagkatapos ay sagutin ang dalawa o lahat ng sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Paano nakatulong sa iyo ang mga kaloob ng Espiritu na natanggap mo?
-
Anong mga halimbawa ng mga espirituwal na kaloob ang nakita mo sa Simbahan ngayon?
-
Paano mo magagamit ang iyong mga espirituwal na kaloob para mapagpala ang buhay ng iba? Paano napagpapala ang buhay mo ng mga kaloob ng iba?
-
Isipin kung bakit madaling makita ang mga espirituwal na kaloob sa paglabas ng Aklat ni Mormon. Sa mga patlang sa ibaba, tukuyin ang mga espirituwal na kaloob na kapansin-pansin sa buhay ni Joseph Smith, tulad nang makikita sa bawat larawan:
Nagpatotoo si Moroni na dapat tayong magkaroon ng pananampalataya upang makatanggap ng mga espirituwal na kaloob. Itinuro niya na ang Diyos ay “gumagawa sa pamamagitan ng kapangyarihan, alinsunod sa pananampalataya ng mga anak ng tao, siya rin ang ngayon, at bukas, at magpakailanman” (Moroni 10:7). Basahin ang Moroni 10:19, 24, at tukuyin kung ano ang humahadlang sa pagtanggap at pagkilala ng mga tao sa mga espirituwal na kaloob.
-
Isulat sa iyong scripture study journal ang sa palagay mo ay dahilan kung bakit hindi makilala o matanggap ng mga taong hindi naniniwala ang kapangyarihan at mga kaloob ng Diyos.
Basahin ang Moroni 10:20–23. Alamin ang itinuro ni Moroni tungkol sa mahahalagang espirituwal na kaloob tulad ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa tao. Pinatotohanan niya na ang espirituwal na kaloob na pananampalataya ay nagdudulot ng napakagandang pagpapala. Basahin ang talata 23 para makita ang pagpapalang ito. Pansinin na ang kahulugan ng salitang kapaki-pakinabang ay “kanais-nais”, at ang pariralang “lahat ng bagay na kapaki-pakinabang sa akin” ay maaaring mangahulugan ng “lahat ng bagay na nais kong gawin mo.” Maaari mong markahan ang pangungusap sa Moroni 10:23 na nagtuturo ng alituntuning ito: Kung tayo ay may pananampalataya, magagawa natin ang nais ng Ama sa Langit na gawin natin.
-
Upang tulungan kang maunawaan kung paano natupad o matutupad sa buhay mo ang alituntuning ito, sumulat ng ilang pangungusap sa iyong scripture study journal bilang sagot sa isa o sa dalawang sumusunod na pahayag:
-
Natamo ko ang pangako sa Moroni 10:23 nang …
-
Ang pangako na matatagpuan sa Moroni 10:23 ay makatutulong sa akin sa …
-
-
Isipin ang dalawang alituntunin na natutuhan mo sa Moroni 10:8–26: Ang Diyos ay nagbibigay ng mga kaloob ng Espiritu para sa kapakinabangan ng Kanyang mga anak. Kung tayo ay may pananampalataya, magagawa natin ang nais ng Ama sa Langit na gawin natin. Sa iyong scripture study journal, sagutin ang mga sumusunod na tanong:
-
Paano makatutulong sa buhay mo ngayon ang pagkaalam mo sa dalawang alituntuning ito?
-
Paano ka matutulungan ng mga alituntuning ito sa mga oportunidad na maaaring dumating sa hinaharap?
-
Moroni 10:30–34
Tinapos ni Moroni ang Kanyang talaan sa pag-anyaya sa lahat na lumapit kay Cristo at maging ganap sa Kanya
Sa iyong palagay, posible ba na maging perpekto sa buhay na ito? Ipinaliwanag ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan ang utos na maging perpekto: “Ang pagiging perpekto ay walang hanggang layunin. Bagama’t hindi tayo magiging perpekto sa mortalidad, ang pagsikapang makamtan ito ay isang kautusan, na sa huli, sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, ay makakamtan natin” (“This Is Our Day,” Ensign, Mayo 1999, 19).
Tulad ng itinuro ni Pangulong Faust, ang pagiging perpekto ay mithiing mapagsisikapan natin ngayon at makakamtan sa buhay na darating, sa tulong ng Tagapagligtas. Tinapos ni Moroni ang kanyang patotoo na itinuturo ang magagawa natin para maanyayahan ang nagpapadalisay na kapangyarihan ng Tagapagligtas sa ating buhay ngayon at sa huli ay maging ganap sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.
-
Gawin ang sumusunod na chart sa iyong scripture study journal:
Ang magagawa ko
Ang mga pangako ng Diyos
Basahin ang Moroni 10:30–33, at alamin ang (a) dapat nating gawin upang maging dalisay at sa huli ay maging ganap at (b) ang mga ipinangako ng Diyos na gagawin Niya para tulungan tayo. Isulat ang makikita mo sa angkop na column sa iyong chart.
Isulat ang sumusunod na pahayag sa ilalim ng chart sa iyong scripture study journal o sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng Moroni 10:32–33: Kung lalapit tayo kay Jesucristo, tayo ay madadalisay at magiging ganap sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.
Ang paglapit kay Cristo ay isang habambuhay na proseso na nagsisimula sa paniniwala sa Kanya at mapagkumbabang paghahangad ng Kanyang impluwensya sa ating buhay. Nagpapatuloy ang proseso sa pagtanggap sa Kanyang ebanghelyo, pagtanggap sa Kanya bilang ating Tagapagligtas, pagsisisi, pakikipagtipan sa Kanya sa pamamagitan ng mga ordenansa ng ebanghelyo, at pagtitiis nang tapat sa pagsunod sa Kanyang mga kautusan sa buong buhay natin. Sa huli lahat tayo ay nakalapit na kay Cristo kapag tayo ay naging tulad Niya; sa gayon ay makakapiling natin Siya sa kawalang-hanggan.
Ibinuod ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang huling paanyaya ni Moroni na lumapit kay Cristo, na mababasa sa Moroni 10:30–33:
“[Binibigyang-diin ng huling patotoo] ni Moroni ang pananampalataya kay Cristo, pag-asa kay Cristo, ang pag-ibig sa kapwa ni Cristo, na idinadalangin na ang tatlong dakilang katangiang ito ng Kristiyanismo, ang tatlong mahalagang alituntuning ito ng Kristiyanismo, ay magpapadalisay sa atin. …
“Ang pangwakas, ang huli at malungkot na panawagan ng saligang bato ng ating relihiyon at ng pinakatumpak na aklat na naisulat ay ang huwag humipo ng anumang maruming bagay; ang maging banal at walang bahid-dungis; ang maging dalisay. At ang kadalisayang iyan ay darating lamang sa pamamagitan ng dugo ng Kordero na pumasan ng ating mga karamdaman at dinala ang ating mga kalungkutan, ang Kordero na nasugatan dahil sa ating mga kasalanan at nabugbog dahil sa ating mga kasamaan, ang Kordero na kinamuhian at nahirapan, ngunit hindi natin pinahalagahan (tingnan sa Mosias 14). …
“Kadalisayan—sa pamamagitan ng dugo ng Kordero. Iyan ang panawagan [ng Aklat ni Mormon]” (“A Standard unto My People” [CES symposium on the Book of Mormon, Ago. 9, 1994], 15, si.lds.org).
Rebyuhin ang Moroni 10:32–33, at markahan ang mga pariralang nagbibigay-diin na ang tanging paraan upang maging perpekto tayo ay maging ganap “kay Cristo.” Ibig sabihin hindi natin maaabot ang pagiging perpekto nang mag-isa; dapat tayong umasa sa kapangyarihan at biyaya ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Isiping mabuti kung bakit kailangan natin ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo para maging dalisay at perpekto. Maaari mong markahan ang mga parirala sa Moroni 10:32–33 na nakahihikayat sa iyo na magsikap na maging dalisay at makamit ang walang hanggang layunin na maging perpekto.
Tingnan ang isinulat mo sa ilalim ng “Ang magagawa ko” sa chart sa iyong scripture study journal. Pumili ng isang nakasulat na gawain doon at pag-isipan kung paano ka magiging mas masigasig sa aspetong iyan ng buhay mo.
Basahin ang Moroni 10:34, at alamin ang katibayang ipinakita ni Moroni na nananampalataya siya kay Jesucristo at umaasang magkakaroon siya ng buhay na walang hanggan. Tayo man ay maaari ding magkaroon ng pananampalataya at pag-asa kapag pinag-aralan natin sa buong buhay natin ang Aklat ni Mormon at ipinamuhay ang mga katotohanang itinuro sa mga pahina nito.
-
Sa pagtatapos ng kursong ito ng pag-aaral sa Aklat ni Mormon, sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal, at maging handa na ibahagi ang mga sagot mo sa iyong titser:
-
Ano ang nagawang kaibhan ng pag-aaral mo ng Aklat ni Mormon sa taon na ito sa iyong buhay?
-
Anong mga lesson o alituntunin ang nakatulong sa iyo na “lumapit kay Cristo” at palakasin ang iyong pananampalataya sa Tagapagligtas?
-
Ano ang iyong patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon?
-
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Moroni 10:8–26, 30–34 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: