Unit 8: Day 1
2 Nephi 26–27
Pambungad
Nakita ni Nephi noon pa man ang pagdalaw ni Jesucristo sa Amerika at ang pagkalipol ng kanyang mga tao. Nakita rin ni Nephi ang mga naninirahan sa mga huling araw at binalaan sila laban sa kapalaluan, lihim na pagsasabwatan, at mga huwad na pagkasaserdote. Para mailarawan kung paano maglalaan ang Panginoon ng paraan upang malabanan natin ang mga epekto ng kasamaan at apostasiya, isinama ni Nephi ang mga propesiya ni Isaias tungkol sa Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mga huling araw.
2 Nephi 26
Ipinropesiya ni Nephi ang tungkol sa mga huling araw at inanyayahan ang lahat na lumapit kay Cristo
Nakaranas ka na ba ng lindol, matinding pagkidlat, o iba pang kalamidad o nakakita ka na ba ng mga larawan o video ng mga ito? Nakita ni Nephi na sa mga huling araw ang mga tao sa mundo “ay parurusahan ng mga pagkulog, at pagkidlat, at paglindol, at lahat ng uri ng pagkawasak” (2 Nephi 26:6). Ano ang naiisip mo kapag nababasa mo ang tungkol sa “galit ng Panginoon” (2 Nephi 26:6) o “ang paghuhukom ng Diyos” (2 Nephi 25:3)? Layunin ng mga paghuhukom o paghatol ng Diyos na pagpalain ang Kanyang mga anak—na pagsisihin ang masasama at protektahan ang mabubuti. Sa 2 Nephi 26:1–11, ipinropesiya ni Nephi ang mga pagkawask na mangyayari bago ang pagdalaw ni Jesucristo sa Amerika at sa pagkalipol ng kanyang mga tao sa katapusan dahil sa kanilang kasamaan. Basahin ang 2 Nephi 26:8–9, at alamin ang mga pagpapala na sinabi ni Nephi na darating sa kanyang mabubuting inapo. Pagkatapos ay basahin ang 2 Nephi 26:12–13, at alamin ang ipinangako sa atin kapag tayo ay mananampalataya kay Jesucristo.
-
Ipinapakita ni Jesucristo ang Kanyang sarili sa mga nananampalataya sa kanya at nagtitiis sa kabutihan. Isulat ang iyong mga sagot sa mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Paano ipinakita ni Jesucristo ang Kanyang sarili sa mga nananampalataya sa Kanya? (Tingnan sa 2 Nephi 26:13.)
-
Paano mo nasaksihan o naranasan ang ilan sa mga pagpapakita na ito ni Jesucristo?
-
Sa 2 Nephi 26:14–19, ipinropesiya ni Nephi na sa mga huling araw, matapos na manghina ang kanyang mga tao at ang mga binhi ng kanyang mga kapatid dahil sa kawalang-paniniwala, ang Aklat ni Mormon ay lalabas. Sa 2 Nephi 26:20–22, inilarawan niya na sa mga huling araw maraming tao ang mapupuno ng kapalaluan, hindi tatanggap sa mga himala ng Diyos, at aasa sa sarili nilang karunungan at kaalaman. Sa anong mga bagay o pangyayari mo nakita na natupad ang propesiya ni Nephi?
Binalaan tayo ni Nephi na ang diyablo ay gumagamit ng kapalaluan, kasakiman, at lihim na mga gawain para sirain o wasakin tayo. Sa iyong banal na kasulatan, markahan sa 2 Nephi 26:22 kung ano ang ginagawa ni Satanas para magapos tayo. Ang de-ilong lubid ay manipis na sinulid na madaling mapigtas. Gayunman kapag hinabi nang sama-sama nagiging matibay na lubid ito. Basahin ang 2 Nephi 26:32, at pansinin ang mga halimbawa ng “mga gawain ng kadiliman” na iniutos sa atin ng Panginoon na iwasan. Isipin kung paano naging “matitibay na lubid” sa 2 Nephi 26:22 ang isang hibla ng sinulid.
-
Isipin kunwari na itinuturo mo sa isang kaibigan kung paano umiwas sa mga patibong ng diyablo (Satanas). Gamit ang 2 Nephi 26:20–22, 32, sumulat ng talata sa iyong scripture study journal na nagpapaliwanag ng paraan ng paggapos ng diyablo sa atin. Pansinin lalo na sa 2 Nephi 26:22 kung paano ginagamit ng kaaway ang de-ilong lubid hanggang sa magapos ng matibay na lubid ang kanyang biktima. At magbigay ng halimbawa nito.
Nakita ni Nephi ang pagkawasak na idinulot ng kaaway at nagbigay ng babala laban sa mga patibong at impluwensya ni Satanas sa mga huling araw. Kabaligtaran ng mga gawa ng kadiliman ni Satanas, itinuro ni Nephi na ang pagmamahal ng Diyos ay para sa lahat at layunin Niya na iligtas ang mga lalapit sa Kanya. Basahin ang 2 Nephi 26:23–24, at markahan ang mga salita at parirala na naglalarawan ng mga ginagawa ng Diyos para sa Kanyang mga anak. Ayon sa 2 Nephi 26:24, ano ang layunin ng Diyos sa lahat ng Kanyang ginagawa? Maaari mong markahan ang pariralang nagtuturo ng doktrinang ito: Anumang ginagawa ng Panginoon ay para sa kapakanan ng sanlibutan.
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Paano nakadaragdag sa pananampalataya mo sa ating Ama sa Langit at nagbibigay sa iyo ng kapayapaan at katiyakan sa buhay na ito ang pagkaunawa na lahat ng ginagawa ng Panginoon ay para sa kapakanan ng sanlibutan?
Pahapyaw na basahin ang 2 Nephi 26:25–28, 33, at markahan ang mga salitang lahat, sino man, at wala. Pagkatapos ay balikan at muling basahin ang mga talatang ito, na mas binibigyan ng pansin ang mga salitang ito at kung paano itinuro ni Nephi na mahal ng Panginoon ang lahat ng tao at nag-aanyaya sa lahat na lumapit sa Kanya at makibahagi sa Kanyang kaligtasan. Pag-isipang mabuti kung paano naaapektuhan ng alituntuning ito ang pananaw mo sa mga kautusan, pamantayan, at ibang tao.
-
Basahin ang 2 Nephi 26:29–31. Sa iyong scripture study journal, sumulat ng dalawa o tatlong katangian ng huwad na pagkasaserdote na nakalista sa talata 29, at sagutin ang mga sumusunod na tanong:
-
Sa palagay mo, bakit nakakapinsala sa Simbahan ang huwad na pagkasaserdote?
-
Ayon sa 2 Nephi 26:30, paano mahahadlangan ang huwad na pagkasaserdote?
-
2 Nephi 27:1–23
Ipinropesiya ni Nephi ang paglabas ng Aklat ni Mormon
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Paano mo nalaman (o bakit ka naniniwala) na salita ng Diyos ang Aklat ni Mormon?
Ipinahayag ng Panginoon sa propetang si Isaias ang mga detalye tungkol sa paglabas ng Aklat ni Mormon, na itinala ni Nephi sa 2 Nephi 27. Matapos ipropesiya ni Isaias na sa mga huling araw mapupuno ng kasamaan ang maraming tao at hindi tatanggapin ang mga propeta, itinuro niya na maghahayag ang Diyos ng aklat na isinulat noong sinauna (tingnan sa 2 Nephi 27:1–7). Basahin ang 2 Nephi 27:12–14, at alamin ang itinuturo nito na gagawin ng Panginoon para maitatag ang katotohanan ng aklat na lalabas sa mga huling araw.
Isang paraan ng pagpapatunay ng Panginoon sa katotohanan ng Aklat ni Mormon ay ang tulutan ang ibang mga tao na makita ang mga laminang ginto. Sina Oliver Cowdery, David Whitmer, at Martin Harris ay pinili bilang Tatlong Saksi at tinukoy sa 2 Nephi 27:12. (Tingnan sa “Ang Patotoo ng Tatlong Saksi” sa mga unang pahina ng Aklat ni Mormon.)
Kabilang sa “ilan” na tinukoy sa 2 Nephi 27:13 ang Walong Saksi (tingnan sa “Ang Patotoo ng Walong Saksi” sa mga unang pahina ng Aklat ni Mormon). Maaari mong markahan ang pariralang “kasindami ng mga saksing inaakala niyang makabubuti” sa 2 Nephi 27:14. Sa pagtanggap at pagbabahagi mo ng iyong patotoo sa Aklat ni Mormon, nagiging saksi ka rin sa katotohanan ng aklat na ito. Maaari mong isulat ang pangalan mo sa tabi ng 2 Nephi 27:14 bilang isa sa mga karagdagang saksi sa katotohanan ng Aklat ni Mormon.
Sabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol bilang sariling pagpapatotoo sa Aklat ni Mormon:
“Pinatototohanan ko na walang makapagtataglay ng ganap na pananampalataya sa gawaing ito sa mga huling araw—at sa gayo’y magkakaroon ng ganap na kapayapaan at kaaliwan sa ating panahon—hangga’t hindi niya tinatanggap ang kabanalan ng Aklat ni Mormon at ang Panginoong Jesucristo na siyang pinatototohanan nito. …
“Hiling ko na ang aking patotoo sa Aklat ni Mormon at lahat ng ipinahihiwatig nito, na ibinigay sa ilalim ng aking sumpa at katungkulan, ay maitala ng mga tao sa lupa at ng mga anghel sa langit. … Gusto kong tunay na tiyakin na kapag ako ay tatayo na sa harapan ng hukuman ng Diyos ay naipahayag ko sa sanlibutan, sa pinakatuwirang salitang masasambit ko, ayon sa paraang sinabi ni Joseph Smith na darating ito, at ibinigay upang maghatid ng pag-asa at kaligayahan sa lahat ng pagdurusang magaganap sa mga huling araw na ito” (“Kaligtasan para sa Kaluluwa,” Liahona, Nob. 2009, 89–90).
Pag-isipan ang magagawa mo para mapalakas ang pananalig mo sa katotohanan ng Aklat ni Mormon.
-
Sa iyong scripture study journal, sumulat ng gagawin mo sa taon na ito para mapatibay ang iyong patotoo sa katotohanan ng Aklat ni Mormon.
Para makumpleto ang sumusunod na aktibidad, kakailanganin mong tingnan ang Joseph Smith—Kasaysayan, na nasa Mahalagang Perlas. Basahin ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:63–65, at tukuyin ang mga indibiduwal sa salaysay. Pagkatapos ay basahin ang mga naka-assign na talata mula sa 2 Nephi 27 sa chart sa ibaba, at itugma ang pangalan sa bawat grupo ng mga talata.
|
|
Ang salitang mga titik sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:63–65 ay tumutukoy sa mga binagong titik o salita sa Egipto na kinopya at isinalin ni Joseph Smith mula sa mga laminang ginto na ipinakita ni Martin Harris kay Propesor Charles Anthon. Si Charles Anthon ay nagtuturo sa Columbia College at kilala na maraming alam sa mga sinaunang wika. Matapos sabihin at patunayan sa sulat na tama ang pagkakasalin ni Joseph Smith ng mga salita, pinunit ni Propesor Anthon ang kanyang endorsement ng salin nang sabihin sa kanya ang mahimalang paraan ng pagkakakuha sa mga lamina. Sinabi niyang siya na mismo ang magsasalin ng tala. Nang ipaliwanag ni Martin Harris na mahigpit na nakasara ang ilang lamina, sinabi ni Propesor Anthon na hindi siya makababasa ng aklat na mahigpit na nakasara. Ayon sa 2 Nephi 27:16, ano ang nalaman natin sa motibo ni Charles Anthon kaya gusto niyang isalin ang mga lamina?
Basahin ang 2 Nephi 27:20–23, at markahan ang parirala na inulit sa mga talata 20 at 21.
-
Isulat sa iyong scripture study journal kung paano pinatunayan sa napag-aralan mo sa 2 Nephi 27:1–23 na may kakayahan ang Diyos na gawin ang Kanyang gawain. (Kung kailangan mo ng karagdagang impormasyon tungkol sa paglabas ng Aklat ni Mormon, tingnan ang D at T 20:8–12.)
Maaari mong isulat ang sumusunod na katotohanan sa iyong banal na kasulatan: Ang paglabas ng Aklat ni Mormon ay isa sa mga paraan na isasakatupran ng Diyos ang Kanyang gawain sa mga huling araw.
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Paano nagpalakas sa iyong patotoo sa Aklat ni Mormon at sa gagampanan nito sa Pagpapanumbalik ng Simbahan ng Panginoon ang katuparan ng sinaunang propesiya tungkol dito?
2 Nephi 27:24–35
Ipinropesiya ni Nephi ang magagandang epekto ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo
Pinili ng Diyos ang isang binatilyo na nagngangalang Joseph Smith na maging propeta ng Panunumbalik at magsagawa ng Kanyang kagila-gilalas na gawain sa mga huling araw. Ang “kagila-gilalas na gawain” na tinutukoy sa mga banal na kasulatan ay ang Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo, na kinapapalooban ng paglabas ng Aklat ni Mormon. Basahin ang 2 Nephi 27:25–26, markahan ang pariralang “kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain,” at tukuyin ang ilang sitwasyong mangyayari kapag sinimulan ng Panginoon ang kagila-gilalas na gawaing ito. Isipin kung paano ka natulungan ng Aklat ni Mormon at ng Panunumbalik na maiwasan ang mga sitwasyong iyon.
Basahin ang 2 Nephi 27:29–30, 34–35, at markahan ang mga pagpapala na dumating dahil sa paglabas ng Aklat ni Mormon at ng Panunumbalik ng ebanghelyo. Ang Aklat ni Mormon at ang ipinanumbalik na ebanghelyo ay magdudulot ng galak at pang-unawa sa mga taong pinag-aaralan at tinatangggap ito.
-
Isulat ang sagot mo sa sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Paano naging “kagila-gilalas na gawain” sa buhay mo ang Panunumbalik ng ebanghelyo, na kinapapalooban ng paglabas ng Aklat ni Mormon?
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang 2 Nephi 26–27 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: