Unit 6: Day 2
2 Nephi 6–8
Pambungad
Ang ulat ni Nephi sa unang bahagi ng sermon na itinuro ng kanyang nakababatang kapatid na si Jacob ay matatagpuan sa 2 Nephi 6–8. (Ang pangalawang bahagi ng sermon ni Jacob ay matatagpuan sa 2 Nephi 9–10.) Ipinropesiya ni Jacob na mula nang umalis si Lehi sa Jerusalem, ang mga Judio ay binihag at ikinalat dahil sa kanilang kasamaan. Gayunpaman, maawaing titipunin ng Panginoon ang mga Judio pabalik sa Jerusalem. Ipinropesiya rin ni Jacob na ang mga Judio ay ikakalat sa ikalawang pagkakataon matapos nilang hindi tanggapin ang Tagapagligtas sa Kanyang mortal na ministeryo; at ang Panginoon ay muling magpapakita ng awa at titipunin sila sa mga huling araw sa sandaling makilala nila ang Tagapagligtas. Bukod pa rito, inulit ni Jacob ang mga propesiya ni Isaias na nagpapakita ng katapatan ng Tagapagligtas sa Kanyang mga pinagtipanang tao, Kanyang awa, at ang kadakilaan ng Kanyang mga pangako sa matatapat.
2 Nephi 6
Ipinropesiya ni Jacob ang pagkakalat at pagtitipon ng Israel
Ano ang magiging reaksyon mo kapag hindi maganda ang trato sa iyo ng mga taong mahal mo? Paano kung ipinakita nila sa kanilang mga ginagawa o pag-uugali na hindi na mahalaga sa kanila ang inyong samahan? Isipin kung nagawa mo ba noon na ituring nang ganito ang kaugnayan mo sa Panginoon. Sa 2 Nephi 6–8, itinuro ni Jacob kung ano ang ginagawa ng Panginoon sa mga taong nagpapakita ng paglayo sa Kanya.
Basahin ang 2 Nephi 6:3–5; 9:1, 3, at alamin ang mga dahilan kung bakit ibinigay ni Jacob ang sermong ito.
Sa iyong pag-aaral ngayon, alamin kung paano makatutulong sa iyo ang mga turo ni Jacob na “matuto … at papurihan ang pangalan ng inyong Diyos” (2 Nephi 6:4), na mas maunawaan ang mga tipang ginawa mo sa Panginoon (tingnan sa 2 Nephi 9:1), at magbigay ng dahilan para “magsaya, at itaas ang inyong mga ulo magpakailanman” (2 Nephi 9:3).
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Sinimulan ni Jacob ang kanyang sermon sa pagpopropesiya ng nangyari sa mga Judio matapos lisanin ni Lehi ang Jerusalem dahil hindi nila tinanggap ang Panginoon. Paano niya ito inilarawan sa 2 Nephi 6:8?
-
Nagpropesiya sina Lehi, Jeremias, at iba pang mga propeta tungkol sa pagkalipol na ito. Nang sakupin ng mga taga Babilonia ang mga Judio noong mga 587 B.C., marami ang namatay at ang iba ay ginawang bihag sa Babilonia. Kalaunan ay lumambot ang mga puso ng mga Judio sa Panginoon. Ayon sa unang pangungusap sa 2 Nephi 6:9, ano ang ipinropesiya ni Jacob na mangyayari sa kanila?
-
Nagpropesiya si Jacob na mabubuhay ang Tagapagligtas sa mundo kasama ang mga Judio matapos silang bumalik mula sa pagkabihag. Ayon sa 2 Nephi 6:9–10, ano ang itutugon at madarama ng mga Judio sa Tagapagligtas?
-
Ayon sa 2 Nephi 6:10–11, ano ang mangyayari sa mga Judio na hindi tumanggap sa Tagapagligtas?
-
Basahin ang 2 Nephi 6:11, 14, at hanapin ang mga parirala na naglalarawan ng nadarama ng Panginoon sa sambahayan ni Israel kahit hindi nila Siya tinanggap. Maaari mong bilugan ang mga pariralang “maawain sa kanila” at “bawiin silang muli” sa iyong banal na kasulatan.
-
Sa iyong scripture study journal, isulat ang iyong mga sagot sa mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang ibig sabihin ng “bawiin” ang isang tao o isang bagay?
-
Paano naipakita ng Panginoon ang Kanyang awa sa kahandaan Niyang bawiin ang Israel sa pangalawang pagkakataon?
-
Sa mga talata ring ito itinuro ni Jacob ang mga dapat gawin ng mga Judio para matanggap ang mga pagpapalang ito mula sa Panginoon. Basahing muli ang 2 Nephi 6:11, 14 at markahan ang parirala na “kapag … sila ay” sa bawat talata. Markahan ang mga salitang kumumpleto sa parirala. Ayon sa mga talatang ito, paano magiging karapat-dapat ang Israel sa awa ng Panginoon? Itinuro sa mga talatang ito ang alituntunin na: Ang Panginoon ay maawain sa mga taong bumabalik sa Kanya.
-
Pag-isipan ang mga paraan na nasaksihan mo ang awa at kahandaan ng Panginoon na patawarin ang nagbabalik-loob sa Kanya. Isulat sa iyong scripture study journal ang sumusunod: Alam ko na maawain ang Panginoon dahil … Pagkatapos ay kumpletuhin ang pahayag na ito ng iyong sariling iniisip at nararamdaman. Maaari mong ulitin ang ginawa mo habang nag-iisip ka ng iba’t ibang paraan na ipinakita ng Panginoon ang Kanyang pagiging maawain.
Sa 2 Nephi 6 ay may matinding pangako ng pag-asa para sa Israel—na kinabibilangan nating lahat. Basahin ang 2 Nephi 6:17–18, at kumpletuhin ang mga sumusunod na ipinangako ng Tagapagligtas:
“____________ng Makapangyarihang Diyos ang __________________” (2 Nephi 6:17).
“Makikilala ng lahat ng tao na ” (2 Nephi 6:18).
2 Nephi 7–8
Binanggit ni Jacob ang mga propesiya ni Isaias tungkol sa katapatan ng Tagapagligtas sa mga pinagtipanang tao at sa Kanyang kakayahan na tubusin tayo
Ayon sa nakatala sa 2 Nephi 7–8, binanggit ni Jacob ang mga propesiya ni Isaias tungkol sa hangarin at kakayahan ng Panginoon na tubusin ang Israel mula sa pagdurusa nila dahil sa kanilang mga kasalanan. Basahin ang 2 Nephi 7:1–2, at tukuyin ang mga itinanong ng Panginoon sa Israel na nagpapakita na sila ay mahal pa rin Niya at nais na tubusin sila.
Maaaring makatulong na maunawaan na ginamit ng Panginoon ang simbolikong pananalita na nauugnay sa diborsyo at pagkaalipin, at ang mga kaugalian na pamilyar sa mga tao sa panahong iyon, upang maturuan sila sa epektibo at di-malilimutang paraan. Ang pariralang “isinantabi ba kita,” “ang sulat ng paghihiwalay sa iyong ina,” at ang “ipinagbili”ay tumutukoy sa paglabag o pagsira sa tipan. Ang mga tanong ay maaaring sabihin nang ganito: “Tinalikuran ba kita? Binalewala ko ba ang tipang ginawa natin?” Ang sagot sa mga tanong na ito ay “Hindi.” Hindi tayo kailanman tatalikuran ng Panginoon o kalilimutan ang mga tipang ginawa Niya. Itinanong Niya ang mga bagay na iyon para bigyang-diin na hindi Niya kailanman sisirain ang Kanyang tipan sa Israel.
Sa katapusan ng 2 Nephi 7:1, salungguhitan ang mga paliwanag ng Panginoon kung bakit inihiwalay ang Israel mula sa Diyos at nagdusa sa pagkabihag.
-
Sagutin ang isa sa mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Bakit mahalagang maunawaan na ang ating mga iniisip, desisyon, at ginagawa ay maaaring maglayo sa atin sa Diyos?
-
Bakit mahalaga na malaman mo na hindi tayo kailanman kinakalimutan o tinatalikuran ng Panginoon kahit maaaring nakakalimutan at tinatalikuran natin Siya?
-
Sa 2 Nephi 7:2 nagbigay ang Panginoon sa Israel ng napakahalagang tanong na akma rin sa atin. Hanapin at markahan ang tanong na iyan.
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng Panginoon nang itanong niya, “naging maiksi na ba ang aking kamay na hindi makatubos?” Para ma-visualize o mailarawan ito sa isip mo, isipin na inuunat mo ang iyong kamay para abutin ang isang tao. Kung mas inuunat mo pa ang kamay mo, ano ang gusto mong magawa para sa taong nangangailangan? Pero kung inurong mo ang kamay mo, ano ang sinasabi niyan sa hangarin mong tulungan ang tao? Habang iniisip ito, ang isa pang paraan na maipapahayag ang itinanong ng Panginoon sa Israel ay: “Natitigilan ba ako at hindi kita inaabot para tulungan ka?”
Ang pariralang “wala ba akong kapangyarihang makapagligtas?” ay naghikayat sa Israel na pagnilayan ang kanilang paniniwala na may kapangyarihan ang Panginoon na iligtas sila sa pagdurusang dulot ng kanilang mga kasalanan.
Sa natitirang bahagi ng 2 Nephi 7–8, nagbigay si Isaias ng ilang halimbawa ng mga hangarin at kapangyarihan ng Panginoon na tubusin ang Kanyang mga pinagtipanang tao.
Basahin ang 2 Nephi 7:5–7, at hanapin ang mga parirala sa propesiyang ito na naglalarawan ng gagawin at dadanasin ng Mesiyas bilang bahagi ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo para tubusin tayo. Sa 2 Nephi 7:6, footnote a, may mga cross reference na nagpapaliwanag at nagpapakita ng katuparan ng propesiyang ito. Maaari mong markahan ang Mateo 27:26 sa footnote; pagkatapos ay basahin mo ang Mateo 27: 26–31, at alamin ang mga paraan na natupad ang propesiya ni Isaias.
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Ano ang ipinapakita sa 2 Nephi 7:2, 5–7 tungkol sa hangarin at kahandaan ng Tagapagligtas na tubusin tayo?
Para matulungan ka na malaman pa ang awa at kapangyarihan ng Panginoon sa natitirang bahagi ng propesiya ni Isaias, isipin kunwari na hinilingan ka na magbigay ng mesahe sa simbahan tungkol sa alituntuning ito: Nais ng Tagapagligtas na tubusin ang Kanyang mga pinagtipanang tao at may kapangyarihan Siya na gawin iyon. Sa paghahanda ng mensahe mo, basahin ang 2 Nephi 8:3, 11–13, 16, 22, at pumili ng mga parirala na sa palagay mo ay talagang nagsasabi ng hangarin at kapangyarihan ng Panginoon na tubusin tayo.
-
Gumawa ng outline ng mensahe mo sa iyong scripture study journal sa pamamagitan ng:
-
Pagsulat ng dalawa o tatlong parirala na tumimo sa iyo at pagpapaliwanag kung bakit ang bawat pariralang iyon ay halimbawa ng hangarin ng Tagapagligtas na tubusin tayo o ng Kanyang kapangyarihang gawin iyon.
-
Pagpili sa isa sa mga pariralang iyon at paglalarawan kung paano mo naranasan, o kung paano mo gustong maranasan, ang pagpapalang iyan sa iyong buhay.
-
Sa pagtapos mo ng lesson na ito, tandaan na itinuro ni Jacob ang mga katotohanan na pinag-aralan mo ngayon “upang matuto [ka] at papurihan ang pangalan ng [iyong] Diyos” (2 Nephi 6:4), “upang malaman [mo] ang hinggil sa mga tipan ng Panginoon” (2 Nephi 9:1), at “upang [ikaw] ay magsaya, at itaas ang [iyong] ulo magpakailanman” (2 Nephi 9:3). Humanap ng pagkakataon ngayon na ibahagi sa isang tao ang pagpapahalaga mo para sa Panginoon at ang Kanyang pagmamahal sa iyo.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang 2 Nephi 6–8 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: