Unit 10: Day 3
Enos
Pambungad
Matapos pag-isipan ang mga salita ng kanyang ama, nanalangin si Enos at napatawad sa kanyang mga kasalanan. Pagkatapos ay ipinagdasal niya ang espirituwal na kapakanan ng mga Nephita at mga Lamanita at iniukol ang kanyang buhay sa pagtulong na matamo nila ang kaligtasan.
Enos 1:1–8
Matapos pag-isipan ang mga salita ng kanyang ama, nanalangin si Enos para sa kapatawaran ng kanyang mga kasalanan at siya ay napatawad sa kanyang mga kasalanan
Basahin ang Enos 1:1, 3, at pansinin ang impluwensya ni Jacob kay Enos. Kahit na si Enos ay anak at apo ng mga propeta, kailangan pa rin niyang maranasan ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo para mismo sa kanyang sarili.
Isipin ang pagkakataon na nagutom ka nang sobra. Bilugan ang mga salita sa ibaba na naglalarawan ng nararamdaman mo kapag nagugutom ka:
-
walang laman ang tiyan
-
nanghihina
-
hindi kontento
-
masakit ang tiyan
-
balisa
-
sabik na sabik nang kumain
Markahan ang pariralang “ang aking kaluluwa ay nagutom” sa Enos 1:4. Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng pariralang ito?
Ang pariralang “ang aking kaluluwa ay nagutom” ay nagpapahiwatig ng kahungkagan o pasakit o hangad na espirituwal na mabusog. Isinulat ito ni Enos noong siya ay nakaranas ng espirituwal na pagkagutom. Isinulat niya na ang mga salita ng kanyang ama ay “tumimo nang malalim sa [kanyang] puso” (Enos 1:3). Habang pinagninilayan ang mga salitang iyon, nakaramdam siya ng pagnanais na naghikayat sa kanya na kumilos nang may pananampalataya. Ang katapatan niya ay nagdulot ng mga pagbabago sa kanyang buhay at pagpapala mula sa Panginoon.
-
Magsimula ng mga serye ng mga gagawin para makatulong sa iyo na maunawaan ang naranasan ni Enos at iugnay ito sa buhay mo. Hatiin sa anim na bahagi ang isang buong pahina ng iyong scripture study journal at lagyan ng label ang bawat isa ng mga sumusunod:
Ang ninais ni Enos: |
Ang ninanais ko: |
Ang ginawa ni Enos: |
Ang kailangan kong gawin: |
Ang naranasan ni Enos: |
Ang aking karanasan: |
-
Basahin ang Enos 1:2–3, at hanapin ang mga parirala sa bawat talata na nagpapahiwatig ng nais ni Enos sa buhay na ito. Isulat ang mga pariralang ito sa bahagi na may label na “Ang ninais ni Enos” sa iyong scripture study journal.
Ang pagnanais ni Enos na mapatawad sa kanyang mga kasalanan ay makatutulong sa atin na maunawaan ang ibig niyang sabihin sa Enos 1:4 nang isulat niya na, “Ang aking kaluluwa ay nagutom.” Bukod sa kapatawaran, nais din ni Enos ang “buhay na walang hanggan, at ang kagalakan ng mga banal” (Enos 1:3). Gusto niyang madama ang kaligayahan na nagmumula sa pagiging karapat-dapat na makasama ang Panginoon at ang ibang mabubuti.
-
Isipin kung nadarama mo rin ang espirituwal na pagkagutom na inilarawan ni Enos. Sa iyong scripture study journal, sa bahagi na may label na “Ang ninanais ko,” sumulat ng ilan sa mga espirituwal na ninanais mo sa buhay.
Ang mga ninanais ni Enos ang naghikayat sa kanya na manampalataya at kumilos. Sa Enos 1:2, tukuyin at markahan ang salitang ginamit ni Enos para ilarawan ang pagsisikap na ginawa niya. Pansinin na hindi nakipagtunggali si Enos sa Diyos kundi sa harapan ng Diyos sa panalangin. Kailangan sa gayong pakikipagtunggali ang paghihirap ng isipan at espiritu para ipakita sa Ama sa Langit ang pagnanais at kahandaan nating magsisi at gumawa ng mga kinakailangang pagbabago sa ating buhay. Sa Enos 1:4, itinala ni Enos ang ilang detalye na naglalarawan ng kanyang pakikipagtunggali.
-
Basahin ang Enos 1:4, at markahan ang mga bagay na ginawa ni Enos para ipakita na siya ay tapat sa paghingi ng kapatawaran. Isulat ang natukoy mo sa ilalim ng “Ang ginawa ni Enos” sa iyong scripture study journal chart.
Ang ibig sabihin ng salitang nagsumamo sa Enos 1:4 ay humiling nang mapagkumbaba at may matinding pagnanais. Ang ating mga panalangin ay maaaring hindi kasinghaba ng kay Enos, ngunit dapat ay taimtim ang mga ito.
-
Isulat sa iyong scripture study journal chart, sa ilalim ng “Ang kailangan kong gawin,” ang mga naiisip mo tungkol sa kung paano mo maipapakita sa Panginoon na tapat ang iyong panalangin at paghiling ng mga espirituwal na pagpapala.
-
Ang katapatan ni Enos ay nagbigay ng malaking pagpapala sa kanyang buhay. Basahin ang Enos 1:5–8, at markahan ang naranasan ni Enos. Isulat ang mga ito sa bahaging “Ang naranasan ni Enos” sa iyong scripture study journal chart. Sa pagbabasa mo ng talata 5 at 6, pansinin kung paano nalaman ni Enos na napatawad na siya. Ang tinig na binanggit sa talata 5 ay ang tinig na pumasok sa isip ni Enos (tingnan sa Enos 1:10).
Itinuro sa Enos 1:7–8 na kapag nanampalataya tayo kay Jesucristo, mapapatawad ang ating mga kasalanan at mapapagaling tayo. Ang ating mga pagnanais na magpakabuti, mga taimtim na panalangin, at pagsisikap na magsisi ay mga paraan na makapagpapakita tayo ng pananampalataya kay Jesucristo.
Ipinaliwanag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan kung paano maaalis sa atin ang pag-uusig ng budhi kapag sumampalataya tayo kay Jesucristo at nagsisi sa ating mga kasalanan:
“Kapag tunay tayong nagsisi, aalisin ni Cristo ang bigat ng pag-uusig ng budhi dahil sa ating mga kasalanan. Malalaman natin sa sarili natin na napatawad na tayo at naging malinis. Pagtitibayin ito sa atin ng Espiritu Santo; Siya ang Tagapagdalisay. Wala nang patotoo tungkol sa pagpapatawad ang hihigit pa rito. …
“At ipinahayag [ng Panginoon], ‘Masdan, siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito’ (D at T 58:42).
“Sisikapin ni Satanas na papaniwalain tayo na hindi napatawad ang ating mga kasalanan dahil naaalaala natin ang mga ito. Sinungaling si Satanas; pinalalabo niya ang ating paninigin at inilalayo tayo sa landas ng pagsisisi at kapatawaran. Hindi nangako ang Diyos na hindi na natin maaalaala ang ating mga kasalanan. Ang pag-alaala ay makatutulong sa atin upang hindi na natin maulit pa ang gayunding pagkakamali. Ngunit kung mananatili tayong totoo at tapat, ang alaala ng ating mga kasalanan ay unti-unting malilimutan sa paglipas ng panahon. Bahagi ito ng kinakailangang proseso ng pagpapagaling at pagpadalisay” (Ensign o Liahona, Mayo 2007, 101).
Para matulungan ka na maipamuhay ang mga salita ni Pangulong Uchtdorf, pag-isipan ang mga sumusunod na tanong: Kailan mo nadama na pinatawad ka ng Panginoon sa iyong mga kasalanan? Paano mo nalaman na napatawad ka? Nadama mo ba nitong mga huling araw ang kapatawaran ng Panginoon?
-
Matapos pag-isipan ang mga tanong sa itaas, isulat sa bahaging “Ang aking karanasan” sa iyong scripture study journal chart ang naramdaman mo nang pinatawad ka. O kaya ay isulat mo ang inaasam mong maranasan kapag nananampalataya ka kay Jesucristo.
Enos 1:9–27
Ipinagdasal ni Enos ang mga Nephita at mga Lamanita at nakipagtulungan sa iba para sa kanilang kaligtasan
Inilalarawan ng diagram na ito ang panalangin ni Enos. Una niyang ipinagdasal ang sarili at pagkatapos ay ipinagdasal din niya ang iba pa. Basahin ang Enos 1:9–10, at markahan sa iyong banal na kasulatan kung sino ang pangalawang ipinagdasal ni Enos. Basahin ang Enos 1:11–14, at markahan sa iyong banal na kasulatan kung sino ang pangatlong ipinagdasal ni Enos.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Batay sa paglalarawan ni Enos ng layunin ng mga Lamanita sa Enos 1:14, ano ang hinangaan mo sa panalangin niya para sa kanila?
Natutuhan natin sa halimbawa ni Enos na kapag nararanasan natin ang mga pagpapalang dulot ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, hahangarin nating tulungan ang iba na magtamo ng kaligtasan. Para maalala mo ang katotohanang ito, maaari mong isulat nang buo o ang ilang bahagi ng sumusunod na pahayag ni Pangulong Howard W. Hunter sa margin ng iyong banal na kasulatan:
“Anumang oras na maranasan natin ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala sa ating buhay, hindi natin maiwasang magmalasakit sa kapakanan ng ating mga kapatid. …
“Ang isang malaking palatandaan ng personal na pagbabalik-loob ng isang tao ay ang hangaring ibahagi ang ebanghelyo sa iba” (The Teachings of Howard W. Hunter, ed. Clyde J. Williams [1997], 248–49).
Basahin ang Enos 1:19–20, 26, at markahan ang mga salita o pariralang nagpapakita ng katapatan ng mga ninanais ni Enos para sa mga Nephita at sa mga Lamanita matapos niyang ipagdasal sila.
Basahin ang Enos 1:27, at alamin ang katibayan na ikinasiya ni Enos ang kanyang mga pinagsikapang gawin at ang katiyakan na tatanggap siya ng buhay na walang hanggan.
-
Para matulungan kang maipamuhay ang natutuhan mo sa lesson na ito, mapanalanging pumili ng isa o mahigit pang paraan na matutularan mo ang halimbawa ni Enos. Pumili ng isang pahayag sa ibaba, at kumpletuhin ito sa iyong scripture study journal:
-
Tulad ni Enos, nais ko ring makatanggap ng kapatawaran sa aking mga kasalanan. Ipapakita ko sa Panginoon na tapat ako sa ninanais kong ito sa pamamagitan ng …
-
Tulad ni Enos, gusto kong tulungan ang aking mga kapamilya at kaibigan na lumapit kay Jesucristo. Isang tao na gusto kong tulungan ay si (pangalan ng tao). Tutulungan ko ang taong ito sa pamamagitan ng …
-
Ipinagdasal ni Enos ang mga Lamanita, na maituturing na kanyang mga kaaway. Tulad ni Enos, gusto kong ipakita ang pagmamahal ng Panginoon sa mga taong hindi mabait sa akin. Ang isang paraan na magagawa ko ito ay …
-
Pagsikapang tuparin ang mga isinulat mo sa iyong scripture study journal. Kapag nanalig ka sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at nagsisi, makadarama ka ng kapatawaran, kasiyahan, at karagdagang pagnanais na tulungan ang iba.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Enos 1 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: