Seminary
Unit 22: Day 4, Helaman 6–9


Unit 22: Day 4

Helaman 6–9

Pambungad

Kasunod ng pangangaral nina Nephi at Lehi, ang mga Lamanita ay lalo pang naging mabuti. Ang nakalulungkot, sa panahon ding ito ang mga Nephita ay naging masama at sinuportahan ang mga tulisan ni Gadianton, na naging dahilan ng paglisan ng Espiritu ng Panginoon mula sa kanila. Nagpropesiya ang propetang si Nephi na kung patuloy na mamumuhay sa kasamaan ang mga Nephita, sila ay masasawi. Bilang tugon dito, inudyukan ng masasamang hukom ang maraming tao na magalit kay Nephi, habang may ilang tao na buong tapang na ipinagtanggol ang propeta. Bilang patotoo na mangyayari ang kanyang mga sinabi, inihayag ni Nephi na pinaslang ang punong hukom ng kapatid nito. Nang mapatunayan ang mga sinabi ni Nephi, ilan sa mga tao ang tinanggap siya bilang propeta.

Helaman 6

Ang mga Lamanita ay naging mabubuti at nilabanan ang mga tulisan ni Gadianton, samantalang sinusuportahan ng mga Nephita ang lihim na pagsasabwatan

  1. journal iconIdrowing ang sumusunod sa iyong scripture study journal, at mag-iwan ng espasyo na mapagsusulatan sa itaas at ibaba ng diagram:

    pataas na arrow

    Sa iyong pag-aaral ng aklat ni Helaman, nakita mo na humantong ang mga piniling gawin ng mga Nephita sa paglisan ng Espiritu ng Panginoon sa kanilang buhay, samantalang ang mga piniling gawin ng mga Lamanita ay nag-anyaya sa Espiritu sa kanilang buhay. Basahin ang Helaman 6:1–5, 16–17, 34–36; alamin ang ginawa ng mga Lamanita na naging dahilan ng patuloy na paggabay ng Espiritu ng Panginoon; at isulat ito sa ibabaw ng arrow na nasa itaas. Sa mga talata ding iyon, alamin ang ginawa ng mga Nephita na naging dahilan ng paglayo ng Espiritu ng Panginoon at isulat ito sa ilalim ng arrow na nasa ibaba.

Ang isang mahalagang alituntunin na matututuhan natin mula sa mga Nephita at mga Lamanita ay: Kapag tayo ay naniniwala at sumusunod sa mga sinabi ng Panginoon, ibubuhos Niya ang Kanyang Espiritu sa atin. Totoo rin ang kabaligtaran ng alituntuning ito: Kung hindi tayo handang maniwala at sumunod sa mga salita ng Panginoon, lilisan ang Espiritu ng Panginoon sa atin.

Tingnan ang isinulat mo sa diagram sa iyong scripture study journal. Isipin kung paano naging mga halimbawa ng kahandaang maniwala at sumunod sa mga salita ng Panginoon ang mga gawaing iyon na nakasulat sa itaas, samantalang ang nasa ibaba ay mga halimbawa ng katigasan ng puso at hindi pakikinig sa Panginoon.

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Pumili ng isa sa mabubuting gawain (sa itaas ng iyong diagram) na ginagawa mo o nagawa mo na sa iyong buhay. Paano naanyayahan ng gawaing ito ang Banal na Espiritu sa iyong buhay?

    2. Tingnan ang mga gawain na nasa ibaba ng iyong diagram. Bakit gusto mong iwasang magawa ang mga bagay na ito?

Pumili ng isang bagay na magagawa mo na lalong mag-aanyaya sa Espiritu ng Panginoon sa iyong buhay, at sikaping magawa ito sa susunod na linggo.

Helaman 7

Nangaral si Nephi sa masasamang Nephita at iniutos sa kanila na magsisi

Naglingkod ang propetang si Nephi bilang misyonero sa lupaing pahilaga sa loob ng anim na taon. Nagbalik siya sa kanyang sariling tahanan matapos ang masigasig na pagtuturo sa mga Nephita, na hindi tumanggap ng kanyang salita at nanatili sa kanilang kasamaan. Labis ang panlulumo niya. Basahin ang Helaman 7:6–11 para malaman ang ginawa ni Nephi.

Pagkatapos magtipon ang mga tao para marinig ang panalangin ni Nephi sa tore sa kanyang halamanan, nagsimula si Nephi sa pagtuturo sa kanila (tingnan sa Helaman 7:12–29). Binalaan niya sila tungkol sa mga ibubunga ng kanilang mga pasiya at binigyang-diin ang alituntuning ito: Kung hindi tayo magsisisi sa ating mga kasalanan, mawawala sa atin ang proteksyon ng Panginoon at ang mga pagpapala ng buhay na walang hanggan.

Helaman 8:1–26

Inudyukan ng masasamang hukom ang mga tao na magalit kay Nephi

Ano ang ilang impluwensya na nakagagambala sa iyo sa pakikinig sa mga salita ng mga propeta? Sa iyong pag-aaral ng Helaman 8, alamin ang mga bagay na dapat mong gawin kapag nahaharap ka sa gayong mga impluwensya.

Basahin ang Helaman 8:1–6, at alamin kung ano ang reaksyon ng mga Nephitang hukom (na mga tulisan din ni Gadianton) sa pagtuturo ni Nephi. Sa iyong pagbabasa, pag-isipan ang mga sumusunod na tanong: Ano ang pangunahing mensahe ng mga hukom sa mga tao? Ayon sa Helaman 8:4, bakit hindi sinaktan ng mga hukom si Nephi?

Pag-isipan kung ano ang gagawin mo kung may isang tao na pilit kang hinihimok na bale-walain ang mga itinuro ng mga propeta. Sa Helaman 8, may ilang tao na nagsalita laban sa mga sinasabi ng mga hukom tungkol kay Nephi. Basahin ang Helaman 8:7–9, at markahan ang sinabi ng mga tao para kampihan si Nephi.

Basahin ang Helaman 8:10, at pansinin ang epekto ng kanilang mga sinabi sa sitwasyon. Maaari mong isulat ang sumusunod na alituntunin sa tabi ng Helaman 8:7–10: Kung paglalabanan natin ang kasamaan, mahahadlangan natin ang paglaganap nito.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, sumulat ng maikling talata na nagpapaliwanag kung bakit sa palagay mo ay mahalaga sa ating panahon ang alituntuning nakasaad sa itaas.

  2. journal iconSagutin ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Paano mo mapaglalabanan ang mga impluwensya na pilit na humihimok sa iyo na bale-walain o hindi tanggapin ang mga turo ng propeta?

    2. Ano kaya ang angkop na paraan para manindigan laban sa mga impluwensyang iyon at masuportahan ang mga propeta ng Panginoon?

    3. Kailan ka nanindigan o ang isang taong kakilala mo laban sa mga impluwensyang iyon? Ano ang resulta nito?

Tulad ng nakatala sa Helaman 8:11–23, ipinaalala ni Nephi sa mga tao ang mga propeta na nagpatotoo tungkol kay Jesucristo. Itinuro niya sa mga Nephita ang alituntuning ito: Kapag sumampalataya tayo kay Jesucristo at naging masunurin, tatanggap tayo ng buhay na walang hanggan. Sa kabila ng pagpapatibay ng mga turo ng maraming propeta sa mga salita ni Nephi, hindi tinanggap ng mga tao si Nephi at ang kanyang mensahe. Basahin ang Helaman 8:24–26, at tukuyin ang mararanasang kaparusahan ng mga Nephita kung patuloy nilang hindi tatanggapin ang mga patotoo ng mga propeta. Pagkatapos ay pag-isipang mabuti ang sumusunod na tanong: Sa iyong palagay, bakit mararanasan ng mga taong patuloy na hindi tumatanggap ng katotohanan at naghihimagsik sa Diyos ang gayong mabibigat na kaparusahan?

Helaman 8:27–9:41

Inihayag ni Nephi na pinaslang ang punong hukom ng kapatid nito

Bilang patunay na makasalanan ang mga tao at matutupad ang sinabi niya sa kanila tungkol sa kanilang pagkalipol, inihayag ni Nephi na pinaslang ang punong hukom ng mga Nephita. Ipinahayag din ni Nephi na ang napaslang na lalaki at ang kapatid nito ay mga miyembro ng mga tulisan ni Gadianton. (Tingnan sa Helaman 8:27–28.)

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat ang sumusunod na alituntunin: Ang mga salita ng mga propeta ay matutupad. Kunwari ay isa kang detective na nag-iimbestiga sa pagpaslang sa punong hukom. Hanapin ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong sa pagbabasa ng mga talatang nasa panaklong. Isulat ang mga sagot mo sa iyong scripture study journal.

    Unang Araw ng Pag-iimbestiga:

    1. Nang alamin ng limang tao kung totoo ang sinabi ni Nephi, ano ang nakita nila? Bakit sila nangabuwal sa lupa? (Helaman 9:1–5)

    2. Sino ang suspek ng mga tao sa pagpaslang? (Helaman 9:7–8)

    Pangalawang Araw ng Pag-iimbestiga:

    1. Sino ang napatunayang walang-sala? (Helaman 9:10–14, 18)

    2. Sino ang inakusahan? (Helaman 9:16, 19)

    3. Ano ang katibayang ibinigay ni Nephi na nagpapatunay na wala siyang sala? (Helaman 9:25–36)

    4. Sino ang pumaslang? (Helaman 9:37–38)

Maaari mong markahan ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong:

  • Ayon sa Helaman 9:5, ano ang pinaniwalaan at ikinatakot ng limang lalaki na nakakita sa napaslang na punong hukom?

  • Ayon sa Helaman 9:36, ano ang sinabi ni Nephi na sasabihin ni Seantum kapag umamin siya sa pagpaslang sa kanyang kapatid?

  • Ayon sa Helaman 9:39–41, bakit naniwala ang ilang tao kay Nephi?

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Helaman 6–9 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: