Unit 22: Day 1
Helaman 1–2
Pambungad
Matapos pumanaw ang punong hukom na si Pahoran, nagkaroon ng malubhang alitan sa mga Nephita tungkol sa kung sino sa kanyang mga anak—Pahoran, Paanchi, at Pacumeni—ang dapat maging bagong punong hukom. Si Pahoran ang pinili ng mga tao na maging bagong punong hukom. Isa sa mga tagasunod ni Paanchi, isang lalaking nagngangalang Kiskumen na kumikilos para sa isang lihim na pangkat, ay pinaslang si Pahoran, at pagkatapos, si Pacumeni ay hinirang na punong hukom. Sinamantala ang alitan at pagkakahating ito, nasakop ng mga Lamanita ang Zarahemla, ang kabiserang lunsod ng mga Nephita, at napatay si Pacumeni. Nabawi ng Nephitang heneral na si Moronihas ang lunsod ng Zarahemla, at si Helaman ay hinirang na punong hukom. Si Kiskumen ay napatay habang nagtatangkang paslangin si Helaman, at si Gadianton ang naging pinuno ng lihim na pangkat.
Helaman 1
Dahil sa alitan tungkol sa kung sino ang dapat na maging punong hukom, nasakop ng mga Lamanita ang Zarahemla, ang kabiserang lunsod ng mga Nephita
Isipin ang isang pangyayari na nakipagtalo ka sa isang tao o nakakita ka ng mga taong nagtatalo. Anong mga problema ang idinudulot ng gayong pagtatalu-talo? Sa iyong pag-aaral ng Helaman 1, hanapin ang mga problemang idinulot ng alitan sa mga Nephita at pag-isipang mabuti kung ano ang matututuhan mo mula sa kanilang karanasan.
Basahin ang sumusunod na mga scripture passage at isulat sa espasyo ang iyong mga sagot sa mga tanong:
-
Helaman 1:1–4. Ano ang dahilan ng alitan at pagkakahati-hati sa mga Nephita?
-
Helaman 1:5–8. Sino ang hinirang na punong hukom? Paano tumugon ang dalawang kapatid ng bagong hukom?
-
Helaman 1:9–12. Ano ang ginawa ni Kiskumen, at ano ang tipang ginawa ni Kiskumen at ng kanyang lihim na pangkat sa isa’t isa?
Sa panahong ito ng alitan sa mga Nephita, pinamunuan ng isang lalaki na nagngangalang Coriantumer ang mga Lamanita para salakayin ang lunsod ng Zarahemla. Basahin ang Helaman 1:18–22, at tukuyin kung ano ang nagawa ng mga Lamanita dahil sa alitan ng mga Nephita.
Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa talang ito ay: Ang alitan ay nagdudulot ng pagkakahati-hati at nagiging mas madali tayong maimpluwensyahan ng kaaway. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng Helaman 1:18.
-
Para matulungan kang mas maunawaan ang alituntuning ito, sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Nakikipagtalo ang isang dalagita sa kanyang mga magulang tungkol sa kanyang mga kaibigan. Paano makakapekto ang alitang ito sa pakikinig niya sa payo ng kanyang mga magulang tungkol sa iba pang aspeto ng kanyang buhay?
-
May galit ang isang binatilyo sa isang tao sa kanyang priesthood quorum. Paano makakaapekto ang alitang ito sa ginagawa niya sa Simbahan?
-
Isipin ang isang aspeto ng iyong buhay kung saan nadama mo na may alitan kayo ng ibang tao. Ano ang isang bagay na magagawa mo para maalis ang alitang ito sa iyong buhay? Paano mo ito magagawa?
-
Nakatala sa Helaman 1:22–30 na matapos masakop ng mga Lamanita ang Zarahemla, kaagad silang humayo patungo sa lunsod ng Masagana para sakupin din ito. Nagawang mapalibutan ng mga hukbo ng mga Nephita ang mga Lamanita at nadaig nila ang mga ito. Marami sa mga Lamanita ang napatay, at pinayagan ang mga sumuko na bumalik sa kanilang sariling lupain.
Helaman 2
Si Helaman ay naging punong hukom, at nahadlangan ng kanyang tagapagsilbi ang isang lihim na pangkat sa pagkitil sa kanyang buhay
Bago mo pag-aralan ang Helaman 2, isipin kung paano sisikapin ng isang matapat na dalagita o binatilyo na malutas ang isang pagkakamali o kasalanan. Pagtatakpan ba niya ito o hihingi ng kapatawaran mula sa Panginoon at sa mga taong nasaktan?
Matapos paslangin ni Kiskumen si Pahoran, siya at ang mga miyembro ng kanyang lihim na pangkat ay nangako sa isa’t isa na hindi nila kailanman sasabihin kaninuman kung sino ang pumaslang. Basahin ang Helaman 2:3–4, at pagtuunan ng pansin ang pariralang “nakipagtipan na walang sinumang makaaalam ng kanyang kasamaan.” Pagkatapos ay basahin ang Doktrina at mga Tipan 58:43, at alamin ang nais ipagawa sa atin ng Panginoon kapag nakagawa tayo ng mali.
-
Batay sa napag-aralan mo sa Helaman 2:3–4 at Doktrina at mga Tipan 58:43, isulat sa iyong scripture study journal ang pagkakaiba ng ipinagagawa ng Panginoon sa atin kung nagkasala tayo at ng ginawa ni Kiskumen at ng kanyang mga tagasunod.
Si Helaman ang naging bagong punong hukom pagkatapos mamatay ng kapatid ni Pahoran na si Pacumeni, at pagkatapos ay ipinasya ni Kiskumen at ng kanyang lihim na pangkat na patayin din si Helaman. Isang lalaking nagngangalang Gadianton ang naging pinuno ng lihim na pangkat sa panahong ito. Basahin ang Helaman 2:2–9, at isulat sa espasyo sa ibaba kung paano napatay si Kiskumen:
Basahin ang Helaman 2:10–14, at alamin ang nangyari sa pangkat ng mga tulisan ni Gadianton. Nagbabala si Mormon na ang mga lihim na pangkat tulad ng mga tulisan ni Gadianton, na tinawag na “mga lihim na pagsasabwatan” (tingnan, halimbawa, sa Helaman 3:23), ay magiging dahilan ng pagkalipol ng mga Nephita sa huli. Ang mga naunang propeta sa Aklat ni Mormon ay nagbabala rin laban sa pagtanggap sa mga lihim na pagsasabwatan (tingnan sa 2 Nephi 26:22; Alma 1:12). Itinuro ng Aklat ni Mormon ang alituntuning ito: Ang mga lihim na pagsasabwatan ay maaaring humantong sa pagkawasak ng lipunan.
Nagbabala si Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol sa mga panganib ng mga lihim na pagsasabwatan sa panahong ito. Sa pagbabasa mo ng kanyang babala, markahan ang magagawa natin para mapaglabanan ang mga lihim na pagsasabwatan.
“Itinuro ng Aklat ni Mormon na ang mga lihim na pagsasabwatan sa paggawa ng krimen ay isang malaking hamon, hindi lamang sa mga tao at pamilya kundi sa buong sibilisasyon. Kabilang sa mga lihim na pagsasabwatan ngayon ang mga gang, mga drug cartel, at mga samahang gumagawa ng planadong krimen. Ang mga lihim na pagsasabwatan sa ating panahon ay parang mga tulisan ni Gadianton noong panahon ng Aklat ni Mormon. … Kasama sa kanilang mga layunin ang sila ay ‘makapaslang, at makapandambong, at makapagnakaw, at makagawa ng mga pagpapatutot, at lahat ng uri ng kasamaan, na salungat sa mga batas ng kanilang bayan at gayon din sa mga batas ng kanilang Diyos’ [Helaman 6:23].
“Kung hindi tayo maingat, ang mga lihim na pagsasabwatan ngayon ay maaaring magkaroon ng agaran at lubusang kapangyarihan at impluwensya sa atin gaya noong panahon ng Aklat ni Mormon. …
“Itinuro ng Aklat ni Mormon na ang diyablo ang ‘nagpasimula ng lahat ng kasalanan’ at ang nagtatag ng mga lihim na pagsasabwatan [Helaman 6:30]. … Ang kanyang layunin ay wasakin ang mga tao, pamilya, komunidad, at bansa [tingnan sa 2 Nephi 9:9]. Sa ilang pagkakataon, nagtagumpay siya sa panahon ng Aklat ni Mormon. At sa panahong ito ay lalo pa siyang nagtatagumpay. Iyan ang dahilan kaya napakahalaga para sa atin … na matatag na manindigan sa katotohanan at tama sa pamamagitan ng paggawa ng kung anumang magagawa natin para manatiling ligtas ang ating komunidad.
“… [Tayo ay maaaring] ‘tumayo bilang mga saksi ng Diyos’ sa pamamagitan ng pagpapakita ng mabuting halimbawa, pagsunod sa mga pamantayan ng Simbahan, at pagbabahagi ng ating patotoo sa mga nakapaligid sa atin [tingnan sa Mosias 18:9]” (“Standing for Truth and Right,” Ensign, Nob. 1997, 38).
Mag-isip ng isa o mahigit pang mga paraan na magagawa mo ang itinuro ni Elder Ballard na manindigan sa katotohanan at tama sa iyong komunidad at bansa.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Helaman 1–2 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: