Unit 28: Day 2
Mormon 1–2
Pambungad
Bagama’t lumaki si Mormon sa panahon ng labis na kasamaan, pinili niyang maging matapat. Dahil sa kanyang katapatan, tinawag siya na maging tagapag-ingat ng mga talaan ng mga Nephita. Noong siya 15 taong gulang, si Mormon ay “dinalaw ng Panginoon, at nakatikim at nakaalam ng kabutihan ni Jesus” (Mormon 1:15). Sa taon ding yaon, hinirang siya ng mga Nephita na maging pinuno ng kanilang mga hukbo (tingnan sa Mormon 2:1). Nais niyang tulungan ang mga Nephita na magsisi, ngunit dahil hayagan silang naghimagsik, pinagbawalan siya ng Panginoon na mangaral sa kanila. Nawala sa mga Nephita ang kaloob na Espiritu Santo at iba pang mga kaloob ng Diyos at naiwang mag-isang nakipaglaban sa mga Lamanita.
Mormon 1:1–5
Inihabilin kay Mormon ang mga sagradong talaan
Anong mga salita ang gusto mong gamitin ng mga tao kapag inilarawan ka nila?
Nailarawan ka na ba bilang isang Mormon? Ano ang kahulugan sa iyo na ilarawan ka bilang isang Mormon?
Nagsalita si Pangulong Gordon B. Hinckley tungkol sa palayaw na Mormon, na ginagamit ng ilang tao kapag tinutukoy nila ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw:
“Kahit na kung minsan ay ikinalulungkot ko na hindi tinatawag ng mga tao ang simbahang ito sa tamang pangalan nito, natutuwa na rin ako na ang palayaw na ginamit nila ay galing sa isang marangal na tao at sa aklat na nagbigay ng hindi mapapantayang patotoo hinggil sa Manunubos ng daigdig.
“Sinumang makakilala kay Mormon, sa pamamagitan ng pagbabasa at pagninilay ng kanyang mga salita, sinumang makabasa ng napakahalagang koleksyong ito ng kasaysayan na tinipon at iningatan dahil na rin sa malaking tulong na ibinigay niya, ay malalaman na ang salitang Mormon ay hindi salitang sumisira ng pangalan, kundi sumasagisag sa napakalaking kabutihan—kabutihang mula sa Diyos” (“Mormon Should Mean ‘More Good,’” Ensign, Nob. 1990, 52–53).
Si Mormon, ang propeta, ay isinilang sa panahon na halos lahat ng tao sa lupain ay nabubuhay sa kasamaan. Sa panahong ito isang propetang nagngangalang Amaron ang inutusan na itago ang lahat ng sagradong talaan (tingnan sa 4 Nephi 1:47–49). Binisita ni Amaron ang noo’y 10-taong-gulang na si Mormon at tinagubilinan tungkol sa magiging responsibilidad nito sa mga talaan. Basahin ang Mormon 1:2, at hanapin ang mga salita o parirala na ginamit ni Amaron para ilarawan ang batang si Mormon.
Ang isang salita na ginamit ni Amaron sa paglalarawan kay Mormon ay mahinahon. Ang ibig sabihin ng salitang mahinahon ay seryoso, tahimik, mabait, o makadiyos. Maaari mong isulat ang kahulugang ito sa margin ng iyong banal na kasulatan. Anong mga paksa o sitwasyon sa buhay ang sa palagay mo ay dapat na mahinahon ka? Mahalagang maunawaan na ang mga taong mahinahon ay marunong ding makipagbiruan at makipagtawanan, pero alam nila kung kailan dapat magkasayahan at kung kailan dapat mas magpakaseryoso.
Inilarawan din ni Amaron si Mormon na “mabilis magmasid” (Mormon 1:2). Sa palagay mo ano ang ibig sabihin ng mabilis magmasid? Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang salitang magmasid ay ginagamit sa mga banal na kasulatan sa dalawang paraan:
“Ang isa pang tila simple at marahil di-gaanong pinahahalagahang espirituwal na kaloob—ang kakayahang maging ‘mabilis magmasid’ (Mormon 1:2)—ay talagang napakahalaga sa inyo at sa akin sa mundong ito kung saan tayo naninirahan at maninirahan pa. …
“Pag-isipan lang ang kahalagahan ng espirituwal na kaloob. Batay sa mga banal na kasulatan, ang salitang magmasid ay may dalawang pangunahing gamit. Ang pagiging mabilis magmasid ay maaaring mangahulugan ng ‘tumingin’ o ‘tingnan’ o ‘pansinin’—tulad ng napag-aralan natin sa Isaias 42:20. …
“Ang pagiging mabilis magmasid ay maaari ding mangahulugan ng ‘sumunod’ o ‘tumupad’—tulad ng nakasaad sa [Doktrina at mga Tipan 54:6]. …
“Kaya kapag mabilis tayong magmasid, agad tayong tumitingin o namamansin at sumusunod. Ang dalawang pangunahing bagay na ito—pagtingin at pagsunod—ay mahalaga sa pagiging mabilis magmasid. At kahanga-hangang halimbawa ng paggamit ng kaloob na ito si Propetang Mormon” (“Mabilis Magmasid,” Liahona, Dis. 2006, 15–16).
-
Sa iyong scripture study journal, isulat kung paano makatutulong sa iyo ang pagiging mabilis magmasid sa araw-araw na pamumuhay mo.
Basahin ang Mormon 1:3–5, at tukuyin ang mga tagubilin ni Amaron kay Mormon. Paano nakatulong kay Mormon ang kanyang pagiging mahinahon at mabilis magmasid sa pagtupad sa mga responsibilidad na ito?
Mormon 1:6–19
Si Mormon ay pinagbawalan ng Panginoon na mangaral dahil sa hayagang paghihimagsik ng mga tao
Nawalan ka na ba ng isang bagay na napakahalaga? Noong bata pa si Mormon, nasaksihan niya ang maraming digmaan ng mga Nephita at ng mga Lamanita at ang paglaganap ng matinding kasamaan sa lupain (tingnan sa Mormon 1:6–13). Dahil tumindi ang kasamaan ng mga Nephita, itinala ni Mormon na nawalan sila ng maraming mahahalagang kaloob mula sa Panginoon.
-
Gumawa ng dalawang column sa iyong scripture study journal. Pamagatan ang unang column ng “Mga Kaloob na Nawala sa mga Nephita.” Basahin ang Mormon 1:13–14, 18, at alamin kung ano ang mga kaloob na kinuha ng Panginoon mula sa mga Nephita. Isulat sa unang column ang mga nakita mo. Pamagatan ang pangalawang column ng “Bakit Kinuha ng Panginoon ang Kanyang mga Ipinagkaloob.” Basahin ang Mormon 1:14, 16–17, 19, at alamin ang mga dahilan kung bakit kinuha ng Panginoon sa mga Nephita ang Kanyang mga kaloob. Isulat sa pangalawang column ang mga nalaman mo.
Mula sa mga talatang ito matututuhan natin na ang kasamaan at kawalang-paniniwala ay nagtataboy sa mga kaloob ng Panginoon at sa impluwensya ng Espiritu Santo. Bagama’t matindi ang paghihimagsik ng mga Nephita, naaangkop din sa bawat isa sa atin ang alituntuning ito kapag sinusuway natin ang alinman sa mga utos ng Diyos.
Kung nabuhay ka sa panahon ni Mormon, alin sa mga kaloob ng Diyos na binanggit sa Mormon 1:13–14, 18 ang panghihinayangan mo sa lahat na mawala?
Basahin ang Mormon 1:15, at alamin ang naranasan ni Mormon habang ang ibang mga Nephita ay nawawalan ng kaloob na Espiritu Santo at iba pang mga kaloob ng Diyos. Sa iyong palagay, bakit nagkaroon ng mga espirituwal na karanasan si Mormon kahit napapaligiran siya ng matinding kasamaan?
Mormon 2:1–15
Pinamunuan ni Mormon ang mga hukbo ng mga Nephita at ikinalungkot ang kanilang kasamaan
Isipin ang sumusunod na sitwasyon: Isang 30 taong gulang na lalaki ang nakatira sa kanyang mga magulang at ayaw maghanap ng trabaho. Sa halip, nilulustay niya ang kita ng kanyang mga magulang at nagsasayang ng oras sa walang kabuluhang mga gawain tulad ng paglalaro ng video games. Ihambing ang ginagawa ng lalaki sa sitwasyong ito sa ginagawa ng batang si Mormon habang pinag-aaralan mo ang Mormon 2.
Basahin ang Mormon 2:1–2, at alamin ang responsibilidad na ibinigay kay Mormon at ilang taon siya nang matanggap niya ito.
Hindi pa nagtatagal mula nang mahirang si Mormon na pinuno ng mga hukbo ng mga Nephita, sumalakay nang may labis na lakas ang hukbo ng mga Lamanita kaya natakot at umatras ang mga Nephita. Naitaboy sila ng mga Lamanita mula sa iba’t ibang lunsod hanggang sa natipon ang mga Nephita sa iisang lugar. Sa huli, nagapi ng hukbo ni Mormon ang mga Lamanita na nagsitakas palayo (tingnan sa Mormon 2:3–9).
-
Basahin ang Mormon 2:10–15, at alamin ang espirituwal na kalagayan ng mga Nephita matapos ang mga labanang ito. Pagkatapos ay sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Bakit nalulungkot ang mga Nephita?
-
Ayon sa Mormon 2:14, paano nalaman ni Mormon na hindi tanda ng tunay na pagsisisi ang kanilang kalungkutan?
-
Anong pagkakaiba ang nakikita mo sa Mormon 2:13–14 sa mga tao na ang kalungkutan ay humantong sa pagsisisi at sa mga tao na ang kalungkutan ay humantong sa pagkasumpa (pagtigil sa kanilang pag-unlad)?
-
Itinuturo ng mga talatang ito na kung ang ating kalungkutan ay magbubunga ng pagsisisi, mahihikayat tayo nito na lumapit kay Cristo nang may mapagpakumbabang puso. Inilalarawan din nito ang alituntunin na ang kalungkutan na nadarama lamang dahil sa mga ibinunga ng kasalanan ay humahantong sa pagkasumpa (o pagtigil sa ating pag-unlad tungo sa buhay na walang hanggan).
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Paano naipapakita ng isang nagkasala ang kalungkutang ayon sa sanlibutan—ang uri ng kalungkutan na humahantong sa pagkasumpa?
-
Paano naipapakita ng isang nagkasala ang kalungkutang humahantong sa pagsisisi?
-
Isipin kung ano ang ginagawa mo kapag natanto mo na nagkamali o nagkasala ka. Kung lalapit ka sa Tagapagligtas nang may mapagkumbabang puso at nagsisisi, makadarama ka ng kapayapaan at makikipagkasundo ka sa Diyos.
Mormon 2:16–29
Kinuha ni Mormon ang mga lamina at itinala ang kasamaan ng kanyang mga tao
Habang patuloy ang digmaan ng mga Nephita at ng mga Lamanita, nakarating si Mormon sa burol na pinagtaguan ni Amaron ng mga talaan ng mga Nephita. Kinuha niya ang mga lamina ni Nephi at sinimulang itala ang mga nasaksihan niya sa mga tao simula noong bata pa siya (tingnan sa Mormon 2:16–18). Basahin ang Mormon 2:18–19, at markahan ang ilan sa mga parirala na naglalarawan ng mga espirituwal na kalagayan na kinalakihan ni Mormon.
Sa natutuhan mo tungkol kay Mormon, bakit kaya tiwala siya na siya ay “dadakilain sa huling araw”? (Mormon 2:19). (Sa kontekstong ito, ang ibig sabihin ng “dadakilain sa huling araw” ay maging dakila at maluwalhati—mabuhay na muli sa katawang selestiyal at madala sa piling ng Diyos upang manatiling kasama Niya magpakailanman.)
Pinatotohanan ng buhay ni Mormon na mapipili nating mamuhay nang matwid kahit sa lipunang puno ng kasamaan.
Isipin ang sumusunod na payo: “Kayo ang may pananagutan sa mga pagpiling ginagawa ninyo. Ang Diyos ay nagmamalasakit sa inyo at tutulungan kayong gumawa ng mabubuting pagpili, kahit ginagamit ng inyong pamilya at mga kaibigan ang kanilang karapatang pumili sa hindi tamang paraan. Magkaroon ng matatag na paninindigan sa pagsunod sa kalooban o kagustuhan ng Diyos, kahit kailanganin ninyong gawin ito nang mag-isa. Sa paggawa nito, nagpapakita kayo ng halimbawang tutularan ng iba” (Para sa Lakas ng mga Kabataan [buklet, 2011], 2).
-
Sa iyong scripture study journal, isulat ang pagkakataong nakita mo ang isang kaibigan o miyembro ng pamilya na matatag na nanindigan para masunod ang kagustuhan ng Diyos kahit hindi ganoon ang ginagawa ng iba. Isulat mo rin kung paano nakatulong sa iyo ang halimbawa ng taong iyon at ang halimbawa ni Mormon.
Ang sawikain ng Young Women ay “Manindigan sa Katotohanan at Kabutihan.” Ikaw man ay isang kabataang babae o isang kabataang lalaki, isipin ang isang aspeto ng iyong buhay kung saan ka magiging mas determinado na panindigan ang tama. Tutulungan ka ng Panginoon kapag nagsikap kang gawin ang tama kahit hindi ganoon ang ginagawa ng mga nasa paligid mo.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Mormon 1–2 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: