Seminary
Unit 29: Day 1, Mormon 8:12–41


Unit 29: Day 1

Mormon 8:12–41

Pambungad

Matapos isulat ang pagkalipol ng kanyang mga tao at ang kamatayan ng kanyang ama, nagpropesiya si Moroni tungkol sa paglabas ng Aklat ni Mormon at nagbabala sa mga taong hahatulan ito. Nakita ni Moroni na lalabas ang talaan ng mga Nephita sa panahon na may labis na kasamaan, kung saan marami ang magmamahal sa kanilang ari-arian nang higit sa Diyos. Pinatotohanan niya na ang Aklat ni Mormon ay magiging “malaki ang kahalagahan” (Mormon 8:14) sa mga mapanganib na kalagayan sa aspetong espirituwal sa mga huling araw.

Mormon 8:12–32

Ipinropesiya ni Moroni ang paglabas ng Aklat ni Mormon

Isulat ang sa palagay mo ay ilan sa mga pinakadakilang kaloob na naibigay sa iyo:

Pag-isipan sandali kung bakit malaking pagpapala sa iyo ang mga kaloob na ito.

Basahin ang sumusunod na pahayag mula kay Pangulong Ezra Taft Benson: “Magsasalita ako ngayon tungkol sa isa sa pinakamahahalagang regalo na ibinigay sa mundo sa makabagong panahon. Ang regalong naiisip ko ay higit na mahalaga kaysa anumang imbensyon o likha na mula sa malaking pagbabago sa industriya at teknolohiya. Ito ay isang regalong mas mahalaga sa sangkatauhan kaysa sa maraming kahanga-hangang pagbabago na nakita natin sa makabagong medisina. Ito ay mas makabuluhan sa sangkatauhan kaysa imbensyon tungkol sa paglipad o paglalakbay sa kalawakan. Ang tinutukoy ko ay ang kaloob na .”

Sa iyong palagay, ano ang regalong tinutukoy ni Pangulong Benson?

Itinuro ni Moroni ang tungkol sa kaloob o regalo na ito sa Mormon 8. Basahin ang Mormon 8:12–14 para malaman kung ano ang regalong ito. Ang pariralang “ang talaang ito” ay tumutukoy sa Aklat ni Mormon. Ang Aklat ni Mormon ang kaloob o regalong tinutukoy ni Pangulong Benson (tingnan sa “The Book of Mormon—Keystone of our Religion,” Ensign, Nob. 1986, 4). Isulat ang Aklat ni Mormon sa patlang sa katapusan ng pahayag ni Pangulong Benson.

mga laminang ginto

Tingnang muli ang Mormon 8:12–14 para malaman ang itinuro ni Moroni tungkol sa kahalagahan ng Aklat ni Mormon. Ano ang itinuro niya tungkol sa pinansyal na halaga ng mga lamina? Ipinaliwanag ni Moroni na bagama’t hindi tutulutan ng Panginoon na gamitin ang mga lamina para sa kapakinabangang pinansyal, ang mga nakatala sa mga lamina ay malaki ang kahalagahan.

Ang paraan ng paglabas ng Aklat ni Mormon ay makatutulong sa atin na maunawaan ang kahalagahan ng aklat na ito. Basahin ang Mormon 8:15–16, at tukuyin ang itinuro ni Moroni tungkol sa paraan ng paglabas ng Aklat ni Mormon.

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Sa iyong palagay, ano ang ibig sabihin ng mailalabas lamang ang Aklat ni Mormon ng isang tao na “ang mata ay nakatuon sa [kaluwalhatian ng Diyos]”? (Mormon 8:15).

    2. Ano ang ibig sabihin sa iyo na ang Aklat ni Mormon ay ilalabas “sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos”? (Mormon 8:16). Ano ang nadarama mo sa Aklat ni Mormon kapag nababasa mo ang mga salita ni Moroni sa Mormon 8:16?

Binalaan ni Moroni ang mga hahatol o sasalungat sa Aklat ni Mormon. Alamin ang kanyang mga babala habang binabasa mo ang Mormon 8:17–22. Bakit mahalaga para sa iyo na malaman na “ang mga walang hanggang layunin ng Panginoon ay magpapatuloy, hanggang sa ang lahat ng kanyang pangako ay matupad”? (Mormon 8:22).

Ipinaliwanag ni Moroni na ang Panginoon ay nakipagtipan sa “yaong mga banal na nangauna sa akin” (Mormon 8:23)—kabilang na ang mga propetang tulad nina Nephi, Jacob, Enos, at Alma. Nakipagtipan ang Panginoon na ilalabas Niya ang mga salita ng mga propetang ito sa mga huling araw. Habang pinag-aaralan mo ang Mormon 8:23–25, tukuyin kung sino ang ipinagdarasal ng mga propetang ito.

Ipinagdarasal ng mga propetang ito ang “kanilang mga kapatid” (Mormon 8:24), ibig sabihin ang mga Lamanita at ang kanilang mga inapo. Ipinagdasal din nila ang taong “magdadala pasulong ng mga bagay na ito” sa mga huling araw (Mormon 8:25; tingnan din sa Mormon 8:16), ibig sabihin si Propetang Joseph Smith, na pinili upang ilabas ang Aklat ni Mormon sa mundo sa mga huling araw na ito (tingnan sa D at T 3:5–10). Marami sa mga sinaunang propeta ang nakakaalam ng tungkol kay Joseph Smith at nanalangin na matagumpay niyang maisalin at mailathala ang Aklat ni Mormon, upang matupad ang mga layunin ng Diyos (tingnan sa Mormon 8:22, 24–25; D at T 10:46).

Ipinahayag ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang gagampanan ni Joseph Smith sa pagpapalabas ng Aklat ni Mormon:

Pangulong Boyd K. Packer

“Ang ipalagay na ginawa ni [Joseph Smith ang Aklat ni Mormon] nang walang tulong at nang walang inspirasyon ay kahibangan.

“Ang totoo riyan ay dahil siya ay propeta ng Diyos—walang labis at walang kulang!

“Ang mga banal na kasulatan ay hindi nagmula mismo kay Joseph Smith kundi ipinarating sa pamamagitan niya. Siya ang naging instrumento para maibigay ang mga paghahayag. Sa ibang aspeto, siya ay pangkaraniwang tao lamang, tulad din ng mga propeta noong sinauna at ng mga propeta sa ating panahon. …

“Si Propetang Joseph Smith ay isang batang magbubukid na walang mataas na pinag-aralan. Kapag nabasa ninyo ang ilan sa kanyang mga unang orihinal na liham makikita rito na kulang ang kaalaman niya sa pagbaybay at gramatika.

“At ang mga paghahayag na napakahusay ang panitikan na nailabas sa pamamagitan niya ay maituturing na isang himala” (“We Believe All That God Has Revealed,” Ensign, Mayo 1974, 94).

Kunwari ay ikaw si Moroni, na nabuhay mga 1,600 taon na ang nakararaan at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ay pinahintulutan kang makita ang ating panahon. Basahin ang Mormon 8:35, at isipin kung ano kaya ang masasabi mo sa espirituwal na kalagayan ng ating panahon. Pagkatapos ay basahin ang Mormon 8:26–32, na naglalaman ng paglalarawan ni Moroni sa panahong ilalabas ang Aklat ni Mormon—ang ating panahon.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, sumulat ng dalawa o mahigit pang paglalarawan ni Moroni sa ating panahon. Isulat din kung bakit sa palagay mo ay mahalagang malaman at naaangkop sa ating panahon ang mga paglalarawang ito.

Narito ang itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson tungkol sa Aklat ni Mormon:

Pangulong Ezra Taft Benson

“Dapat nating pag-aralan ang Aklat ni Mormon [dahil] isinulat ito para sa ating panahon. Ang aklat ay hindi napasa kamay ng mga Nephita; ni ng mga Lamanita noong unang panahon. Ito ay sadyang para sa atin. …

“Bawat pangunahing manunulat ng Aklat ni Mormon ay nagpatotoo na sumulat siya para sa mga darating na henerasyon. …

“Kung nakita nila ang ating panahon at pinili ang mga bagay na magiging makabuluhan sa atin, hindi ba iyon ang dapat na paraan ng pag-aaral natin ng Aklat ni Mormon? Dapat nating palaging itanong sa ating sarili, ‘Bakit binigyang-inspirasyon ng Panginoon si Mormon (o si Moroni o si Alma) na isama iyon sa kanyang talaan? Anong aral ang matututuhan ko mula roon na tutulong sa akin na mamuhay sa panahong ito?’” (“The Book of Mormon—Keystone of Our Religion,” 6).

  1. journal iconPara mapag-isipan ang kahalagahan ng Aklat ni Mormon para sa iyo, sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Pag-isipan kung gaano katumpak ang mga propesiya ni Moroni tungkol sa mga kalagayan ng ating panahon (tingnan sa Mormon 8:26–32). Ano ang itinuturo sa iyo ng mga propesiyang ito tungkol sa kahalagahan ng Aklat ni Mormon para sa ating panahon?

    2. Ayon sa itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson, sa palagay mo bakit “isa sa pinakamahahalagang regalo na ibinigay sa mundo sa makabagong panahon” ang Aklat ni Mormon? (“The Book of Mormon—Keystone of our Religion,” 4).

    3. Kung itanong sa iyo ng kaibigan mo kung bakit mahalaga sa iyo ang Aklat ni Mormon, ano ang isasagot mo?

Mormon 8:33–41

Nakita ni Moroni ang mga huling araw at kinundena ang kasamaan ng ating panahon

Isipin ang isang pagkakataon na napansin mo ang isang taong nangangailangan—isang taong may pangangailangan na temporal, emosyonal, sosyal, o espirituwal. Isipin kung ano ang ginawa mo o nagawa mo sana para matulungan ang taong iyon. Isipin kung bakit pinili mong tulungan o hindi tulungan ang taong iyon. Sa iyong palagay, bakit kung minsan ay hindi tinutulungan ng mga tao ang mga nangangailangan?

Basahin ang Mormon 8:36–41, at hanapin ang mga dahilang ibinigay ni Moroni kung bakit may mga tao sa mga huling araw na hindi tutulong sa mga nangangailangan. Maaari mong markahan ang mga dahilang ito sa iyong banal na kasulatan. Makatutulong na maunawaan na ang ang ibig sabihin ng palamutian ay “pagandahin” o “dekorasyunan.”

Ano ang ilang halimbawa ng ginagawa ng mga kabataan ngayon na nagpapakita na mas mahalaga sa kanila ang mga bagay na nabibili ng salapi at paghahangad ng kayamanan kaysa sa pagiging tunay na disipulo ni Jesucristo? Pag-aralan ang Mormon 8:38, 41, at tukuyin ang mga kahihinatnan ng mga tao dahil sa kanilang kapalaluan, kasamaan, at hindi pagtulong sa mga maralita at nangangailangan.

  1. journal iconSumulat ng alituntunin sa iyong scripture study journal na magiging buod ng natutuhan mo sa Mormon 8:36–41.

Isang halimbawa ng isang alituntuning itinuro sa mga talatang ito ay: Pananagutin tayo ng Diyos batay sa ginawa natin sa mga maralita at mga nangangailangan.

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Ano ang ilan sa mga pinakakaraniwang pangangailangan—temporal, sosyal, emosyonal, at espirituwal—ng mga kabataan sa inyong paaralan o komunidad? Pagkatapos ay isipin ang isang bagay na magagawa mo sa susunod na linggo para matulungan ang isang nangangailangan. Isulat ang mithiing ito sa iyong scripture study journal.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Mormon 8:12–41 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: