Unit 28: Day 4
Mormon 7:1–8:11
Pambungad
Matapos ang huling digmaan ng mga Nephita at ng mga Lamanita, sumulat si Mormon sa mga magiging inapo ng mga tao sa Aklat ni Mormon upang ipaalam na mahalagang malaman nila kung sino sila at kung ano ang dapat nilang gawin upang maligtas. Dama ang malaking pagmamahal para sa mga magiging inapo ng kanyang mga kaaway, itinuro ni Mormon ang kahalagahan ng pagsunod sa ebanghelyo ni Jesucristo, upang ito ay “higit na mabuti para sa inyo sa araw ng paghuhukom” (Mormon 7:10). Matapos pumanaw si Mormon, naiwang mag-isa si Moroni para isulat ang pagkalipol ng kanyang mga tao.
Mormon 7
Sa huling patotoo ni Mormon, hinimok niya ang mga nalabi sa mga Lamanita na maniwala kay Jesucristo at sundin ang Kanyang ebanghelyo
Sa Mormon 6 nalaman mo na 230,000 Nephita ang namatay sa huling pakikidigma nila sa mga Lamanita. Kunwari ay nakaligtas ka sa malaking digmaang tulad nito, pero hindi nakaligtas ang mga kaibigan at pamilya mo. Ano ang mararamdaman mo sa mga inapo ng mga taong pumatay sa iyong mga mahal sa buhay at sumakop sa bansa mo? Basahin ang Mormon, 7:1–4, at alamin ang isinulat ni Mormon sa mga inapo ng mga Lamanita.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Ano ang gusto ni Mormon na malaman ng mga Lamanita at ng kanilang mga inapo?
-
Paano ito maitutulad sa maaaring madama mo sa mga inapo ng mga tao na kunwari’y pumatay sa mga kaibigan at pamilya mo?
-
Anong katangian ng Tagapagligtas ang makikita mo sa pagtugon ni Mormon sa kanyang mga kaaway?
-
Patuloy na sumulat si Mormon para sa mga inapo ng mga Lamanita. Basahin ang Mormon 7:5–7, at markahan ang kahit tatlong katotohanan na ipinayo ni Mormon na paniwalaan ng mga inapo ng mga Lamanita tungkol sa Tagapagligtas na si Jesucristo.
-
Pumili ng isa sa mga katotohanan tungkol kay Jesucristo na natukoy mo, at isulat sa iyong scripture study journal kung paano nakaapekto sa buhay mo ang paniniwala sa doktrinang iyon.
Maaaring nadama ni Mormon na makatwiran lamang na magsulat siya ng mga mapang-usig na mga salita sa mga Lamanitang pumatay sa marami sa kanyang mga tao, ngunit dahil alam niya ang katotohanan, sumulat siya upang ituro sa kanila (at sa atin) ang dapat gawin upang makaharap tayo nang walang kasalanan sa harapan ng Diyos sa hukumang-luklukan. Basahin ang Mormon 7:8–10, at tukuyin ang pinatotohanan ni Mormon na dapat gawin ng isang tao. Maaari mong markahan ang natukoy mo sa iyong banal na kasulatan.
Itinuturo ng mga talatang ito na ang Panginoon ay nagbibigay ng kaligtasan sa lahat at tutubusin ang mga tumatanggap sa mga alituntunin at ordenansa ng Kanyang ebanghelyo. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa iyong banal na kasulatan. Pansinin na itinuro ni Mormon na ang paraan upang malaman natin kung paano ipamuhay ang alituntuning ito ay sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan (tingnan sa Mormon 7:8). Makatutulong na maunawaan na ang pariralang “sa talaang ito” ay tumutukoy sa Aklat ni Mormon, at ang “mga talaang darating sa mga Gentil mula sa mga Judio” ay tumutukoy sa Biblia. Gayundin, ang “ito” sa Mormon 7:9 ay tumutukoy sa Aklat ni Mormon, at ang “roon” ay tumutukoy sa Biblia. Maaari mong markahan ang mga pagkakaibang ito sa iyong banal na kasulatan.
Sa pagtatapos mo ng Mormon 7, pagnilayan sandali ang halimbawa ng pag-ibig at pagkahabag na tulad ng kay Cristo na ipinakita ni Mormon nang magsulat siya ng mensahe ng pag-asa at panghihikayat sa mga inapo ng mga tao na mahigpit niyang mga kaaway.
-
Sa iyong scripture study journal, isulat ang mga ideya mo tungkol sa sumusunod na tanong: Paano ko matutularan ang halimbawa ni Mormon at pakikitunguhan ang iba, pati na ang mga taong hindi maganda ang pagtrato sa akin, sa paraan na nagpapakita ng kanilang walang-hanggang kahalagahan?
Mormon 8:1–11
Isinulat ni Moroni ang kamatayan ng kanyang ama, ang pagkalipol ng mga tao, at ang kanyang pag-iisa
Isipin ang isang pagkakataon na nag-iisa ka. Ano ang naramdaman mo sa iyong pag-iisa? Kunwari ay maraming taon ka nang nag-iisa.
Pansinin ang mga petsa sa mga chapter summary o sa ibaba ng mga pahina sa Mormon 7 at 8. Ilang taon ang pagitan ng pagsulat ni Mormon ng kanyang mga huling salita sa kabanata 7 at ang simula ng pagsulat ni Moroni sa mga lamina sa kabanata 8?
Basahin ang Mormon 8:1–2, at alamin ang nangyari matapos ang malaking digmaan sa Cumorah. Pagkatapos ay basahin ang Mormon 8:3–9 at markahan ang mga parirala na naglalarawan sa mga kalagayan ni Moroni matapos ang pagkalipol ng kanyang mga tao. Isipin kung ano kaya ang mararamdaman mo kung ikaw ang nasa ganyang kalagayan.
Isipin ang isang pagkakataon na pakiramdam mo ay nag-iisa ka lang sa iyong mga paniniwala o pamantayan. Ang determinasyon mo bang sundin ang Tagapagligtas at ang Kanyang mga kautusan nang panahong iyon ay nadagdagan, hindi nagbago, o nabawasan? Bakit?
Basahing muli ang Mormon 8:1, 3 para malaman ang ipinasiyang gawin ni Moroni sa kabila ng kanyang sitwasyon. Inilalarawan ng halimbawa ni Moroni na kahit nag-iisa ka, maaari mo pa ring piliing manatiling tapat. Maaari mong markahan ang katotohanang ito sa iyong banal na kasulatan.
May iba pang mga tao sa Aklat ni Mormon, na tulad ni Moroni, ay nanatiling tapat kahit nag-iisa. Mag-isang nanindigan at nagpatotoo si Abinadi sa harapan ni Haring Noe at ng kanyang mga saserdote (tingnan sa Mosias 12–17). Si Alma ang nag-iisang saserdote na naniwala sa mga sinabi ni Abinadi at sinikap na ipagtanggol si Abinadi (tingnan sa Mosias 17:1–4).
Ikinuwento ni Elder Richard G. Scott ang tungkol sa isang kabataang lalaki na piniling maging matapat kahit nag-iisa:
“Pag-isipan ninyo ang halimbawa ng kabataang lalaki [na ito]. Sa loob ng maraming taon nasubaybayan ko kung paano siya tinuruan ng kanyang mga magulang mula sa pagsilang na walang pag-aalinlangang ipamuhay ang mga kautusan ng Diyos. Sa pamamagitan ng halimbawa at tuntunin, pinalaki nila siya sa katotohanan, kasama ang iba pa nilang mga anak. Hinikayat nila ang pagpapaunlad ng disiplina at sakripisyo upang makamit ang mga karapat-dapat na adhikain. Pinili ng kabataang lalaking ito ang paglangoy para maikintal sa kanyang pagkatao ang mga katangiang iyon. Nangailangan ng disiplina at sakripisyo ang maaagang pagsasanay. Hindi nagtagal at naging napakahusay niya sa palakasang iyon.
“Pagkatapos ay dumating ang mga pagsubok—gaya ng isang kampeonato sa paglangoy sa araw ng Linggo. Makikilahok ba siya? Bibigyang-katwiran ba niya ang hindi pagsunod sa patakarang huwag lumangoy sa araw ng Linggo para tulungang mapanalunan ng kanyang koponan ang kampeonato? Hindi, hindi siya padadaig, maging sa ilalim ng matinding pag-uudyok ng mga kasamahan. Pinagmumura siya, at pisikal na sinaktan. Pero hindi siya padadaig. Nagdulot ng mga sandali ng kalungkutan at pag-iyak ang di pagtanggap ng mga kaibigan, ang kalungkutan, at ang pamimilit. Pero hindi siya padadaig. Natutuhan niya mismo ang kailangan nating malamang lahat, ang katotohanan ng payo ni Pablo kay Timoteo: ‘Lahat na ibig mabuhay na may kabanalan kay Cristo Jesus ay mangagbabata ng pag-uusig’ (2 Tim. 3:12). Sa mga nagdaang taon ang di-nagbabagong huwarang ito ng matwid na pamumuhay—na nahubog mula sa daan-daang wastong pagpapasiya, na ang ilan ay sa harap ng matinding paghamon—ay nakapagbuo ng isang pagkataong may lakas at kakayahan. Ngayon, bilang misyonero, pinahahalagahan siya ng kanyang mga kabarkada dahil sa kakayahan niyang gumawa, sa kanyang kaalaman ng katotohanan, ang kanyang di-nagbabagong katapatan, at ang kanyang determinasyong ibahagi ang ebanghelyo. Siya na noong una’y tinatanggihan ng kanyang mga kabarkada ay siya ngayong naging iginagalang na pinuno ng kanyang mga kabarkada” (“Unahin ang Mas Mahahalagang Bagay” Liahona, Hulyo 2001, 8).
Basahin ang Mormon 8:10–11, at tukuyin ang isang paraang nagpapakita na pinalakas ng Panginoon si Moroni at si Mormon (bago siya mamatay) sa mahihirap na kalagayang naranasan nila. Ang sumusunod na paghihikayat ni Pangulong Thomas S. Monson ay makatutulong sa determinasyon mong manatiling tapat kahit nag-iisa ka:
“Sa buhay natin sa araw-araw, halos walang pagsalang susubukin ang ating pananampalataya. Maaari nating matagpuan ang ating sarili paminsan-minsan na naliligiran ng iba subalit bahagi tayo ng iilan o mag-isa tayong naninindigan sa kung ano ang katanggap-tanggap at ang hindi. May tapang ba tayong manindigan sa ating mga paniniwala, kahit sa paggawa nito ay kailanganin nating manindigang mag-isa? …
“… Nawa ay maging matapang tayo at handang manindigan sa paniniwala natin, at kung kailangan nating manindigang mag-isa, nawa ay magawa natin ito nang buong tapang, pinalalakas ng kaalaman na totoong hindi tayo nag-iisa kapag naninindigan tayo sa panig ng ating Ama sa Langit” (“Tapang na Manindigang Mag-isa,” Ensign at Liahona, Nob. 2011, 60, 67).
-
Sa iyong scripture study journal, isulat ang sagot sa mga sumusunod na tanong:
-
Sino pa ang kilala mo na nagpakita ng halimbawa ng katapatan kahit mag-isa lang naninindigan?
-
Paano nakatutulong sa iyo ang pahayag ni Pangulong Monson na magpasiyang manatiling matapat kahit nag-iisa ka?
-
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Mormon 7:1–8:11 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: