Seminary
Unit 29: Day 2, Mormon 9


Unit 29: Day 2

Mormon 9

Pambungad

Tinapos ni Moroni ang talaan ng kanyang ama sa pag-anyaya sa mga hindi naniniwala kay Jesucristo na bumaling sa Diyos sa pamamagitan ng pagsisisi. Itinuro Niya na ang Diyos ay Diyos ng mga himala at hindi nagbabago. Itinuro niya na titigil lamang ang mga himala kapag tumigil sa pagsampalataya ang mga tao. Hinikayat niya ang lahat ng tao na manalangin sa Ama sa pangalan ni Jesucristo para matanggap ang mga bagay na kailangan nila.

Mormon 9:1–6

Hinikayat ni Moroni ang mga hindi naniniwala kay Jesucristo na magsisi

Isipin ang maaaring maisip at madama mo kung papasok ka na sa kinaroroonan ng Diyos ngayon. Sa iyong palagay, ano ang madarama ng masasamang tao kapag sila ay nasa harapan Niya? Basahin ang Mormon 9:1–5, at pansinin na inilarawan ni Moroni ang mangyayari sa bandang huli kapag ang mga taong pinili na hindi maniwala kay Jesucristo ay dadalhin na sa harapan ng Diyos.

Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith na inaakala ng maraming tao na magiging maganda ang pakiramdam nila sa harapan ng Diyos kahit hindi nila pinagsisihan ang kanilang mga kasalanan:

Pangulong Joseph Fielding Smith

“Walang kaligtasan kung walang pagsisisi. Ang isang tao ay hindi makapapasok sa kaharian ng Diyos nang may mga kasalanan. Lubhang hindi naaayon na pumasok ang isang tao sa kinaroroonan ng Ama at makapiling ang Diyos sa kabila ng kanyang mga kasalanan. …

“Palagay ko maraming mabubuting tao sa mundo, marahil karamihan sa kanila ay miyembro ng Simbahan—o ilan sa mga miyembro ng Simbahan—na iniisip na maaari nilang gawin ang anumang gustuhin nila sa buhay na ito, labagin ang mga utos ng Panginoon, at sa huli ay makapasok pa rin sa kinaroroonan niya. Iniisip nila na magsisisi na lang sila, marahil sa daigdig ng mga espiritu.

“Dapat nilang basahin ang mga salitang ito ni Moroni: ‘Inaakala ba ninyo na kayo ay makapananahanang kasama [ni Cristo] sa ilalim ng kabatiran ng inyong pagkakasala? Inaakala ba ninyo na kayo ay magiging maligaya na manahanan kasama yaong banal na Katauhan, kapag ang inyong mga kaluluwa ay ginigiyagis ng kabatiran ng inyong pagkakasala na pinagmalabisan ninyo ang kanyang mga batas?

“Masdan, sinasabi ko sa inyo, kayo’y higit na magiging kaaba-abang manahanan kasama ang banal at makatarungang Diyos sa ilalim ng kabatiran ng inyong karumihan sa harapan niya; kaysa sa kayo ay manahanan kasama ng mga isinumpang kaluluwa sa impiyerno. Sapagkat masdan, kapag kayo ay dadalhin upang makita ang inyong kahubaran sa harapan ng Diyos, at gayundin ang kaluwalhatian ng Diyos, at ang kabanalan ni Jesucristo, iyon ang magsisindi ng ningas ng apoy na hindi maapula sa inyo’ [Mormon 9:3–5]” (Doctrines of Salvation, comp. Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 2:195–96).

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Sa iyong palagay, bakit maling ipagpaliban ang pagsisisi habang nasa buhay na ito at isiping maaari ka namang magsisi sa kabilang buhay? (Maaari mong gamitin ang natutuhan mo mula sa Mormon 9:1–5; Alma 12:14; at Alma 34:32–34 para sa sagot mo.)

Basahin ang Mormon 9:6, at alamin ang dapat gawin ng mga “walang paniniwala” para hindi maranasan ang pagdadalamhating inilarawan ni Moroni. Maaari mong markahan ang mga salita sa Mormon 9:6 na naglalarawan sa kalagayan ng mga tao na lumalapit sa Diyos at humihingi ng Kanyang kapatawaran. Natutuhan natin mula sa talatang ito: Kung tayo ay magsisisi at magsusumamo sa Diyos, wala tayong bahid-dungis kapag humarap na tayo sa kanya. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa iyong banal na kasulatan o scripture study journal.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, sumulat ng ilang pangungusap tungkol sa maaari mong maramdaman sa harapan ng Diyos kung alam mong dalisay at wala kang bahid-dungis dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.

Sa pamamagitan ng pagsisisi at matwid na pamumuhay, magiging handa at panatag kang haharap sa Diyos. Pag-isipang mabuti ang pinakamahalagang bagay na sa palagay mo ay magagawa mo ngayon para maging handa sa pagharap sa Diyos.

Mormon 9:7–20

Ipinahayag ni Moroni na ang Diyos ay gumagawa ng mga himala at pinakikinggan ang mga dalangin ng matatapat

Pinagagaling ni Cristo ang Bulag na Lalaki

Nakasaksi o nakaranas ka na ba ng isang himala? Isulat ang kahulugan para sa iyo ng salitang himala:

Hanapin ang salitang himala sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan para liwanagin o dagdagan ang iyong depinisyon. Sa palagay mo, bakit may mga tao ngayon na hindi naniniwala sa mga himala?

Tulad ng nakatala sa Mormon 9:7–8, sumulat si Moroni sa mga tao sa mga huling araw na magtatatwa na buhay ang Diyos, na Siya ay nagbibigay ng mga paghahayag, at nagbibigay ng mga kaloob sa matatapat. Masigasig at buong husay na itinuro ni Moroni na may isang Diyos at na Siya ay hindi nagbabago “kahapon, ngayon at magpakailanman” (Mormon 9:9). Patuloy Siyang gumagawa ng mga himala sa matatapat na tao sa lahat ng panahon. Basahin ang Mormon 9:9–11, 15–19, at tukuyin kung ano ang itinuro ni Moroni tungkol sa katangian ng Diyos para matulungan niya ang mga tao na maniwala na gumagawa pa rin ng mga himala ang Diyos.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat ang natutuhan mo mula sa Mormon 9:9–11, 15–19 tungkol sa katangian ng Diyos. Isulat din ang iyong sagot sa tanong na ito: Ano ang itinuturo sa iyo ng mga talatang ito tungkol sa kahandaan at kapangyarihan ng Diyos na gumawa ng himala sa buhay ng mga tao ngayon?

Basahin ang Mormon 9:20, at alamin kung bakit may mga taong hindi nakakaranas ng himala.

Ang mga salita ni Moroni na nakatala sa Mormon 9:9–19 ay nagtuturo ng alituntuning ito: Dahil ang Diyos ay hindi nagbabago, magbibigay Siya ng mga himala ayon sa pananampalataya ng Kanyang mga anak. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa tabi ng Mormon 9:19–20 sa iyong banal na kasulatan.

Mararanasan natin ang mahimalang kapangyarihan ng Diyos sa maraming paraaan sa ating buhay. Matapos banggitin ang malalaking himalang inilarawan sa mga banal na kasulatan, ganito ang itinuro ni Sister Sydney S. Reynolds, dating naglingkod sa Primary general presidency:

“Kasinghalaga ng ‘makapangyarihang himalang ito’ ay ang mas maliliit na mga ‘pansariling himala’ na nagtuturo sa atin na magkaroon ng pananampalataya sa Panginoon. Dumarating ito habang kinikilala at pinakikinggan natin ang mga [pahiwatig] ng Espiritu sa ating buhay. …

“Naniniwala ako na lahat tayo ay makapagpapatotoo sa maliliit na himalang ito. May kilala tayong mga batang nananalangin na tulungan silang makita ang isang nawawalang bagay at nakikita ito. May kilala tayong mga kabataan na nag-iipon ng lakas na tumayo bilang saksi ng Diyos at nadama ang Kanyang tulong. May mga kaibigan tayo na nagbabayad ng ikapu sa kahuli-hulihang salapi nila at pagkatapos, sa pamamagitan ng himala, ay natatagpuan ang kanilang sarili na nakabayad ng panustos sa eskwela, o ng upa, o kahit paano ay nagkaroon ng pagkain para sa kanilang mag-anak. Makapagbabahagi tayo ng mga panalanging tinugunan, at mga basbas ng pagkasaserdote na nakapagbigay ng tapang, kaaliwan, o kagalingan mula sa sakit. Makikilala natin ang pagtulong ng Panginoon sa ating buhay dahil sa mga himalang ito na nangyari sa araw-araw,” (“Diyos ng mga Himala,” Liahona, Hulyo 2001, 12–13).

  1. journal iconIsulat sa iyong scripture study journal ang naranasan mo o ng isang kakilala mo na nagpapatunay na ang Diyos ay Diyos pa rin ng mga himala ngayon.

Mormon 9:21–37

Itinuro ni Moroni ang tungkol sa panalangin at tungkol sa layunin ng talaan ng mga Nephita

batang babaeng nagdarasal

Naaalala mo ba ang isang pagkakataon na nadama mo na ibinigay sa iyo ng Ama sa Langit ang tulong na kailangan mo dahil nagdasal ka? Basahin ang Mormon 9:21, at alamin ang itinuro ni Moroni tungkol sa paghingi ng tulong sa Ama sa Langit.

Basahin ang sumusunod na pahayag, at alamin ang kahulugan ng manalangin sa pangalan ni Cristo: “Nananalangin tayo sa pangalan ni Cristo kapag ang ating isipan ay nakaayon sa isipan ni Cristo, at ang ating mga naisin ay mga naisin ni Cristo—kapag nananatili sa atin ang Kanyang mga salita (Juan 15:7). Pagkatapos humihingi tayo ng mga bagay na maaaring ipagkaloob ng Diyos. Maraming panalangin ang nananatiling hindi sinasagot dahil ang mga ito ay hindi sa pangalan ni Cristo; hindi kinakatawan ng mga ito ang kanyang isipan, kundi nagmumula sa kasakiman ng puso ng tao” (Bible Dictionary, “Prayer”).

Isipin ang iyong mga panalangin batay sa kababasa mo lang. Ano ang maaari mong gawin para ganap na makapanalangin sa pangalan ni Jesucristo?

Upang magpakita ng halimbawa ng mga taong naniwala sa Tagapagligtas at nakagawa ng mga himala, binanggit ni Moroni ang itinuro ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulong Nephita. Tulad ng nakatala sa Mormon 9:22–25, iniutos ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na humayo sa buong mundo at ipangaral ang ebanghelyo, at nangako Siya na ang mahimalang “mga palatandaang ito ay susunod sa kanila na mga naniniwala” (Mormon 9:24). Pagkatapos ay ipinagpatuloy ni Moroni ang pagtuturo tungkol sa panalangin.

  1. journal iconBasahin ang Mormon 9:27–29, at tukuyin ang itinuro ni Moroni tungkol sa kung paano tayo dapat manalangin nang may pananampalataya. Isulat ang mga bagay na tinukoy mo sa iyong scripture study journal. Pagkatapos ay sumulat ng ilang pangungusap na naglalarawan kung paano mo magagamit ang isa sa mga turong ito para magawang mas taimtim at taos-puso ang iyong mga panalangin.

Maaari mong isulat ang sumusunod na alituntunin sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng Mormon 9:27: Kapag nanalangin tayo nang may pananampalataya sa Ama sa pangalan ni Jesucristo, bibigyan Niya tayo ng mga pagpapala na tutulong sa atin na mapagsikapan ang ating kaligtasan.

Sa mga huling salita ni Moroni, nagpahayag siya ng pag-aalala na may mga tao sa mga huling araw na hindi tatanggapin ang Aklat ni Mormon dahil sa mga kahinaan ng mga sumulat nito (tingnan sa Mormon 9:30–34). Basahin ang Mormon 9:35–37, at alamin ang ipinahayag ni Moroni na mga layunin ng Aklat ni Mormon.

Isipin kung paanong ang paglabas ng Aklat ni Mormon ay karagdagang katibayan na ang Diyos ay Diyos ng mga himala at sinasagot Niya ang mga panalangin.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Mormon 9 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: