Unit 30: Day 2
Eter 6
Pambungad
Matapos maghanda ayon sa mga kautusan ng Panginoon, sumakay sa kanilang sasakyang-dagat ang mga Jaredita at nagtiwala sa Panginoon na ligtas silang makakarating sa lupang pangako kahit mahirap ang paglalakbay. Ang Panginoon ay nagpadala ng hangin na humampas sa mga gabara at inilubog ito sa dagat nang maraming beses, ngunit ang mga hangin ding iyon ang nagtulak sa kanila patungo sa lupang pangako. Matapos maitatag ang mga sarili sa bagong lupain, pumili ng bagong hari ang mga tao kahit binalaan na sila ng kapatid ni Jared.
Eter 6:1–12
Itinulak ng Panginoon sa pamamagitan ng hangin ang mga gabara ng Jaredita patungong lupang pangako
May mga pagkakataon na maaaring madama nating mahirap gawin ang ipinagagawa ng Panginoon, tulad ng pagbabahagi ng ebanghelyo sa isang kaibigan, pananatiling malinis ang moralidad, pagpili ng mga kaibigan na may matataas na pamantayan, at pagtatakda ng mga tamang prayoridad sa buhay. May naiisip ka ba na iba pang halimbawa ng mga pagkakataon na mahirap gawin ang ipinagagawa ng Panginoon?
Ang tala tungkol sa paglalakbay ng mga Jaredita sa lupang pangako ay nagtuturo ng mga alituntunin na gagabay sa iyo kapag nahihirapan kang gawin ang iniuutos ng Panginoon. Basahin ang Eter 2:24–25, at alamin ang sinabi ng Panginoon sa mga Jaredita na magpapahirap ng paglalakbay nila patungong lupang pangako.
Upang makayanan ang mga paghihirap na ito, inutos ng Panginoon sa mga Jaredita na gumawa ng mga gabara na “mahigpit tulad ng isang pinggan” (Eter 2:17) na may butas sa itaas at ibaba na maaari nilang alisan ng takip para makasagap ng hangin. Basahin ang Eter 6:1–4, at alamin ang iba pang mga ipinagawa ng Panginoon sa mga Jaredita para makapaghanda sa mahirap na paglalayag.
Maaaring makatulong na maunawaan na ang ibig sabihin ng “ipinagkakatiwala ang kanilang sarili sa Panginoon nilang Diyos” (Eter 6:4) ay nagtiwala ang mga Jaredita na pangangalagaqan at ililigtas sila ng Diyos.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Bakit maaaring mahirap para sa mga Jaredita na magtiwala sa Panginoon sa sitwasyong ito?
-
Sa palagay mo, bakit parehong mahalaga na maghanda at ipagkatiwala nila ang kanilang sarili sa Panginoon?
-
Sa iyong pagbabasa ng Eter 6:5–11, isipin kung ano kaya ang mararamdaman mo habang naglalayag ka sakay ng mga gabara ng mga Jaredita.
-
Para matulungan kang maghandang matukoy ang mga alituntunin ng ebanghelyo na malalaman mo mula sa talang ito, sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Paano ipinakita ng mga Jaredita ang kanilang tiwala sa Panginoon sa kanilang mahirap na paglalakbay? (tingnan sa Eter 6:7, 9).
-
Paano sila pinagpala ng Panginoon sa kanilang paglalakbay?
-
Matapos ang halos isang taon sa tubig, natapos din sa wakas ang paglalakbay ng mga Jaredita. Basahin ang Eter 6:12, at tukuyin kung ano ang nadama nila nang dumating sila sa lupang pangako. Ibuod ang mga natutuhan mo sa lesson na ito sa pamamagitan ng pagkumpleto sa sumusunod na pahayag: Kapag nagtiwala tayo sa Panginoon at ginawa ang Kanyang kalooban, Siya ay .
Maaaring kumpletuhin ang pahayag na ito sa paggamit ng pariralang “magiging gabay natin sa paglalakbay sa buhay.” Para mapalalim ang iyong pang-unawa sa alituntuning ito, balikan ang mga sitwasyon na maaaring madama natin na nahihirapan tayong gawin ang ipinagagawa ng Panginoon, na inilista sa simula ng lesson na ito. Tulad ng ginawa Niya sa mga Jaredita, ihahanda tayo ng Panginoon na makayanan ang mga paghihirap na daranasin natin sa buhay na ito kung tayo ay mananalangin, makikinig sa propeta, at susunod sa mga kautusan.
-
Sa iyong scripture study journal, isulat kung paano maipapakita ng isang tao na nagtitiwala siya sa Panginoon. Batay sa halimbawa ng mga Jaredita, ano ang dapat nating gawin kapag nahihirapan tayo sa iniuutos ng Panginoon?
-
Pag-isipan ang sumusunod na alituntunin: Kung magtitiwala tayo sa Panginoon, makatutulong sa atin ang pagsubok at paghihirap para umunlad at matamo ang mga ipinangakong pagpapala. (Maaari mong isulat ito sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng Eter 6:5–10.) Sa iyong scripture study journal, sagutin ang mga sumusunod na tanong:
-
Sa palagay mo, gaano ka umuunlad at nagtatamo ng mga pagpapala dahil tinitiis mo nang buong tapat ang mga hirap na nararanasan mo o daranasin sa buhay?
-
Paano ka mas magtitiwala sa Panginoon at susunod sa Kanyang mga tagubilin sa mahihirap na sitwasyong kinakaharap mo?
-
Eter 6:13–18
Itinuro ng mga Jaredita sa kanilang mga anak na lumakad nang mapagkumbaba sa harapan ng Panginoon
Kunwari ay tulad ka ng mga Jaredita na tumawid sa karagatan at nakarating sa lupain na talagang hindi pamilyar sa iyo. Basahin ang Eter 6:13–18, at pag-isipan ang mga sumusunod na tanong: Ano ang ilang halimbawa ng paglakad nang mapagkumbaba sa harapan ng Panginoon? Paano ka hinikayat ng mga magulang mo o ng ibang tao na lumakad nang mapagkumbaba sa harapan ng Panginoon? Ano sa palagay mo ang kaugnayan ng paglalakad nang mapagkumbaba at maturuan ng nasa itaas? Kailan mo nadama na “[naturuan ka] ng nasa itaas”? (Eter 6:17).
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Eter 6 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: