Unit 30: Day 3
Eter 7–11
Pambungad
Bagama’t ipinropesiya ng kapatid ni Jared na ang pagkakaroon ng hari sa mga Jaredita ay hahantong sa pagkabihag, ang kanyang mga salita ay hindi kaagad natupad. Ang unang hari ng mga Jaredita, na si Orihas, ay namuno sa kabutihan. Gayunman, pagkalipas ng ilang herasyon, isang lalaking nagngangalang Jared ang naging hari sa pamamagitan ng pagbuo ng lihim na pagsasabwatan. Sa panahon ng pamumuno ng kanilang mga hari, paulit-ulit na nangyari ang mga pagkakataon na nakinig sa mga propeta at nabuhay sa kabutihan ang mga Jaredita, at ang mga pagkakataon na hindi nila tinanggap ang mga propeta at nabuhay sa kasamaan.
Eter 7
Kinuha ni Corihor ang kaharian sa kanyang ama, binawi ito ng kanyang kapatid na si Shul, at kinundena ng mga propeta ang kasamaan ng mga tao
Sa iyong palagay, ano ang nadarama ng isang taong nabuhay na isang bihag? Naramdaman mo ba na para kang bihag dahil sa mga maling desisyong ginawa mo sa iyong buhay? Alamin ang mga dapat gawin para maiwasan ang mabihag sa pisikal at espirituwal sa iyong pag-aaral ng Eter 7–11.
Nang tumanda na si Jared at ang kanyang kapatid, humiling ng hari ang mga Jaredita. Binalaan ng kapatid ni Jared na ang pagkakaroon ng hari sa mga Jaredita ay hahantong sa pagkabihag (tingnan sa Eter 6:19–23). Ang mga propeta ay laging nagpopropesiya laban sa mga gawain na magdadala sa atin sa pisikal o espirituwal na pagkabihag.
-
Isulat sa iyong scripture study journal ang isa o dalawang halimbawa ng gawain na binalaan tayo ng mga propeta ngayon na huwag gawin at paano tayo dadalhin ng mga gawaing ito sa pisikal at espirituwal na pagkabihag.
Sa kabila ng babala ng kapatid ni Jared, pinili ng mga tao na magkaroon ng hari. Basahin ang Eter 7:1–2 para malaman kung natupad ang propesiya ng kapatid ni Jared sa panahon ni Orihas, na anak ni Jared. Isipin kung ano ang sasabihin mo sa isang tao na nabuhay noong panahon ni Haring Orihas at hindi naniniwala na matutupad ang propesiya ng kapatid ni Jared.
Natupad ang ipinropesiya ng kapatid ni Jared sa loob ng dalawang henerasyon. Basahin ang Eter 7:3–7, at alamin kung ano ang nangyari kay Kib at sa kanyang mga tao bilang mga bihag sa ilalim ng paghahari ni Corihor, na ang makasariling hangarin na maging hari ay naging dahilan upang maghimagsik siya sa kanyang ama. Ang pagkabihag na ito ay bunga ng pagiging makasarili at paghihimagsik.
-
Isulat sa iyong scripture study journal ang mga sasabihin mo sa mga tao ngayon na sumusuway sa payo ng mga propeta ngunit hindi nararamdaman na nasa espirituwal na pagkabihag na sila. (Sa iyong sagot, maaari mong isama ang ideya na ang mga taong unti-unti nang nagagapos sa espirituwal na pagkabihag ay kadalasan na siya pang huling nakakaramdam nito. Magbigay ng sitwasyon ngayon na maaaring maglagay sa isang tao sa espirituwal na pagkabihag.)
Ang bahaging ito ng kasaysayan ng mga Jaredita ay naglalarawan sa alituntunin na ang hindi pagtanggap sa mga salita ng mga propeta ay nauuwi sa pagkabihag. Pagnilayan ang mga paraan na maaari ka ring makaranas ng espirituwal na pagkabihag dahil sa pagsuway sa mga utos o payo ng propeta.
Ang paghihimagsik ni Corihor laban sa kanyang ama na si Kib ay humantong sa patuloy na sigalutan at digmaan. Sa kanyang katandaan, si Kib ay nagkaroon ng isa pang anak—si Shul. Nang lumaki na si Shul, nilabanan niya ang kanyang mapanghimasik na kapatid na si Corihor.
-
Kunwari ay isa kang reporter na inatasang alamin at subaybayan ang istorya ni Shul. Basahin ang Eter 7:8–13, at sumulat ng maikling talata sa iyong scripture study journal na inuulat kung anong bahagi sa buhay ni Shul ang bibigyang-diin mo.
Sa pamumuno ni Shul, maraming propeta ang nagtungo sa mga tao at binalaan sila na itigil ang kanilang kasamaan. Basahin ang Eter 7:23–25, at tukuyin ang ipinropesiya ng mga propeta at ang reaksyon ng mga tao. Ano ang reaksyon ni Shul? Paano napagpala ang mga tao ni Shul dahil pinrotektahan niya ang mga propeta?
Basahin ang Eter 7:26–27, at alamin ang nangyari nang sundin ng mga tao ang mga sinabi ng mga propeta. Naalaala ni Shul “ang mga dakilang bagay na ginawa ng Panginoon para sa kanyang mga ama” (Eter 7:27). Kapag naalaala mo ang mga dakilang bagay na ginawa ng Panginoon para sa iyo, malamang na lalo mo Siyang pasasalamatan at mas mamumuhay ka nang matwid.
Pinatototohanan ng mga pangyayaring ito ang isang mahalagang alituntunin: Kapag pinagsisihan natin ang ating mga kasamaan, nagsisimula tayong umunlad. Ang ibig sabihin ng salitang umunlad ay “pag-asa,” at “magtagumpay,” at ito “ay madalas gamitin kapag tinutukoy ang tagumpay sa temporal na aspeto, [ngunit] hindi nangangahulugang ito ay kasaganaan sa temporal na pag-aari—o kaya ay komportableng buhay at walang problema. …
“Ang tunay na mabubuti ay mauunlad dahil may tiwala sa sarili, at ang tiwalang iyan ang naghihikayat sa kanila na manampalataya at lumikha ng mga kapaki-pakinabang na sitwasyon mula sa hindi gaanong magagandang kalagayan. Hindi nila hinihintay kung kailan sila bibigyan o pagkakaitan ng Panginoon ng mga gantimpala, sa halip ay hinihiling nila sa kanya na gabayan sila na malaman ang pinakamabuti para sa kanila, sa temporal at espirituwal. Sa pagsunod sa gabay na iyon ay maaaring magbago sila ng trabaho, lumipat sa ibang lugar, mag-training o mag-aral ng mga bagong kasanayan, o tanggapin ang mga bagay-bagay kung ano ito sa kasalukuyan at kasabay nito ay gawin din ang lahat sa sariling mga limitasyon at sundin ang patnubay ng Espiritu sa ibang paraan” (Alan Webster, “I Have a Question,” Ensign, Abr. 1990, 52–53).
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Kailan ka pinagpala sa pagsunod sa mga sinabi ng mga propeta?
-
Ano ang isang bagay na magagawa mo para mas masunod ang mga sinasabi ng mga propeta at maging karapat-dapat ka sa mga pagpapala ng Panginoon?
-
Eter 8:1–9:12
Si Jared at Akis ay naging mga hari ng mga Jaredita sa pamamagitan ng mga lihim na pagsasabwatan
Basahin ang sumusunod na listahan: musikang pinakikinggan mo, mga bagay na iniisip mo, ikinikilos sa paaralan, pinapanood na pelikula, ugali sa pakikipagdeyt, mga aktibidad kasama ang mga kaibigan, mga ginagawa mo kapag nag-iisa ka lang. Bakit kaya gustong itago ng isang tao mula sa kanyang mga kaibigan, magulang, o lider ang masamang ginagawa niya sa isa o higit pa sa mga gawaing ito? Anong panganib ang dulot ng paggawa ng masasamang lihim na gawain?
Ayon sa Eter 8, si Omer ay naging hari matapos mamatay si Shul, ngunit ang anak ni Omer na si Jared ay “naghimagsik laban sa kanyang ama” (Eter 8:2) at “inilagak niya ang kanyang puso sa kaharian at sa papuri ng daigdig” (Eter 8:7). Gumawa ng plano ang anak na babae ni Jared kung paano maibibigay kay Jared ang kaharian. Siya ay isang magandang dalaga, at nang sumayaw siya sa harapan ng isang lalaking nagngangalang Akis, gusto nitong pakasalan siya. At sinabi ni Jared kay Akis na maaari lamang nitong pakasalan ang kanyang anak “kung dadalhin mo sa akin ang ulo ng aking ama, ang hari” (Eter 8:12). Lihim na nakipagsabwatan si Akis sa kanyang mga kaibigan para pataying si Haring Omer. Ang isang lihim na pakikipagsabwatan ay ang kasunduan ng dalawa o mahigit pang mga tao na ilihim ang masasamang gawa upang hindi sila maparusahan.
Basahin ang Eter 8:15–18, at hanapin ang mga salita at mga parirala na naglalarawan ng ilan sa mga motibo at pamamaraan ng mga sumusuporta sa mga lihim na pakikipagsabwatan.
-
Sagutin ang dalawa o higit pa sa mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Bakit nakikibahagi ang ilang tao sa mga lihim na pakikipagsabwatan?
-
Sa iyong palagay, bakit nakakasira sa espirituwal na maniwala ka na magagawa mo ang “lahat ng uri ng kasamaan” (Eter 8:16) o “anumang bagay” na nais mo (Eter 8:17) nang hindi daranasin ang anumang ibubunga nito?
-
Aling parirala sa Eter 8:18 ang nagpapahiwatig ng nadarama ng Panginoon tungkol sa mga lihim na pakikipagsabwatan? Sa palagay mo, bakit itinuturing ang gayong mga pagsasabwatan na “pinakamasama sa lahat”?
-
Basahin ang Eter 8:20–22, 25 at Eter 9:5–6, 11–12, at alamin ang mga epekto ng pagsuporta sa mga lihim na pagkikipagsabwatan. Ibuod ang natutuhan mo:
Isa mga katotohanang maaaring natukoy mo sa mga talatang ito ay: Ang pagsuporta sa mga lihim na pakikipagsabwatan ay humahantong sa pagkawasak ng bawat tao at ng mga lipunan.
Tumigil muna sandali si Moroni sa pagsulat tungkol sa mga digmaan ng mga Jaredita para kausapin tayo. Basahin ang Eter 8:23–24, 26, at tukuyin kung paano hinikayat ni Moroni ang mga tao sa ating panahon na iangkop ang mga babalang ito tungkol sa mga lihim na pakikipagsabwatan.
Isipin ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong: Sa palagay mo, bakit nasa “kakila-kilabot na kalagayan” (Eter 8:24) ang isang bansa, isang lipunan, o iba pang grupo kapag may lihim na pagsasabwatan dito? Paano nagbibigay ng kapangyarihan sa mga pagsasabwatang ito ang paglilihim? Paano matutulungan ang mga tao na lumayo sa kasamaang ito kung alam nila ang katotohanan tungkol sa mga lihim na pakikipagsabwatan?
-
Balikan ang listahan ng mga gawain na ibinigay sa simula ng bahaging ito ng lesson. Bagama’t ang masasamang pasiya o pagpili sa mga aspetong ito ng iyong buhay ay hindi maituturing na lihim na pakikipagsabwatan, isulat sa iyong scripture study journal ang mga panganib na nagmumula sa pagpapasiyang gawin ang mga bagay na kailangang ilihim sa iba.
Eter 9:13–11:23
Paghahalinhinan ng mga hari—may mabubuti at may masasama
Tulad ng nakatala sa Eter 9–11, maraming hari ang namuno sa mga Jaredita, may namuno nang mabuti at may namuno nang masama. Basahin ang Eter 9:26–35 (sa panahon ng paghahari ni Het) at Eter 11:1–8 (sa panahon ng paghahari nina Com at Siblom), at humanap ng katibayan na totoo ang alituntunin na ang hindi pagtanggap sa mga salita ng propeta ay humahantong sa pagkabihag, na tinalakay kanina sa lesson na ito.
Isiping muli ang paraan na naisip mo para mas masunod ang mga salita ng mga propeta. Sa mga darating na araw, sikaping magawa ang mithiing ito at maghanap ng mga pagkakataong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa kahalagahan ng pagsunod sa mga salita ng mga propeta.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Eter 7–11 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: