Seminary
Unit 30: Day 1, Eter 4–5


Unit 30: Day 1

Eter 4–5

Pambungad

Iniutos ng Panginoon kay Moroni na isulat at tatakan ang kanyang talaan tungkol sa pangitain ng kapatid ni Jared. Ipinaliwanag ni Moroni na ang mga isinulat na ito ay ihahayag kapag nagkaroon na ng pananampalataya ang mga tao nang kasinglakas ng pananampalataya ng kapatid ni Jared. Bukod pa riyan, ipinropesiya ni Moroni na tatlong saksi ang magpapatotoo ng katotohanan ng Aklat ni Mormon sa mga huling araw.

Eter 4:1–7

Itinala at tinatakan ni Moroni ang buong tala ng pangitain ng kapatid ni Jared

Isipin ang isang bagay na mahalaga lalo na sa iyo o sa iyong pamilya na ayaw mong maabot o makuha ng maliliit na bata. Ano ang kailangang matutuhan o gawin ng isang bata bago mo siya pagtiwalaang hawakan o gamitin ang bagay na iyan?

Gayundin, may mahahalagang katotohanan na nais ibahagi ng Panginoon sa atin, ngunit naghihintay Siya hanggang sa handa na tayong tanggapin ang mga iyon. Sa iyong pag-aaral ng Eter 4, alamin ang itinuro ni Moroni na makatutulong sa iyo na maghandang tumanggap ng mas malalim na katotohanan at patnubay mula sa Panginoon.

Nabasa mo sa Eter 3 na ipinakita ng Panginoon sa kapatid ni Jared ang lahat ng naninirahan sa mundo—sa nakaraan, sa kasalukuyan, at sa hinaharap—at lahat ng bagay hinggil sa mundo. Pagkatapos ay iniutos ng Panginoon sa kapatid ni Jared na isulat ang mga bagay na nakita niya at tatakan ang kanyang mga isinulat. Basahin ang Eter 4:4–5, at alamin ang paglalarawan ni Moroni sa ipinakita sa kapatid ni Jared. Sumulat si Moroni tungkol sa nakita ng kapatid ni Jared at iniutos din sa kanya ng Panginoon na tatakan ang pangitain upang ilabas lamang ito sa panahong itinakda ng Panginoon. Ang pangitaing tinutukoy ng mga talatang ito ay kasama sa tinatawag na bahagi ng Aklat ni Mormon na mahigpit na isinara.

Ipinropesiya ni Moroni ang mga kundisyon na kailangang mangyari bago ipaalam ang inihayag sa kapatid ni Jared. Maaari mong markahan ang mga kundisyong ito sa Eter 4:6–7.

  1. journal iconPara matulungan kang malaman ang ibig sabihin ng “mananampalataya sa [Panginoon], maging tulad ng kapatid ni Jared” (Eter 4:7), rebyuhin ang Eter 1–3 at isulat sa iyong scripture study journal ang mga paraan na nagpakita ang kapatid ni Jared ng pananampalataya at tiwala sa Panginoon. Piliin at ilarawan din ang isa sa mga halimbawang ito na pinakanakaantig sa iyo at ipaliwanag kung bakit.

Tulad din ng pagbibigay sa bata ng mahalagang bagay nang may kundisyon, magbibigay lamang ang Panginoon ng mga karagdagang katotohanan sa Kanyang mga anak kung maipapakita natin ang ating espirituwal na kahandaan, at maniniwala sa mahahalagang katotohanang inihayag na Niya, at mananampalataya sa Kanya.

Eter 4:8–19

Itinuro ni Moroni kung ano ang dapat nating gawin upang tumanggap ng dagdag na paghahayag

Tumingin ka sa kahit anong bintana na may tabing o kurtina sa silid na kinaroroonan mo ngayon. Isipin kung gaano nalilimitahan ng tabing o kurtina sa bintana ang maaari mong makita sa labas nito.

Ginamit ni Moroni ang simbolo ng tabing, na katulad ng tabing o kurtina sa bintana, upang ituro ang mga alituntunin na nagsasabi kung paano tayo makatatanggap ng paghahayag. Basahin ang Eter 4:15, at hanapin ang pariralang nagbanggit sa salitang tabing. Pansinin na ikinumpara ni Moroni ang salitang kawalang-paniniwala sa tabing. Sa paanong paraan maitutulad ang kawalang-paniniwala sa tabing?

Isipin kung ano kaya ang mangyayari kung kaya mong punitin ang tabing sa pagitan mo at ng kaalaman tungkol sa Panginoon.

tabing na pinunit sa gitna

Inilarawan ni Moroni ang mga bagay na tumutulong sa “[pagpunit] ng tabing na yaon ng kawalang-paniniwala” at nagtutulot sa atin na tumanggap ng karagdagang paghahayag. Sinimulan niya ito sa pagsasabi na may pag-uugaling nagiging hadlang sa pagtanggap natin ng karagdagang paghahayag. Basahin ang Eter 4:8, at markahan kung ano ang magiging dahilan para hindi magbigay ng paghahayag ang Panginoon at hindi na “magpahayag ng higit pang mga bagay.”

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Sa palagay mo, ano ang ibig sabihin ng “kakalaban sa salita ng Panginoon”? (Eter 4:8).

    2. Sa paanong mga paraan maaaring magawa ng mga kabataan ngayon na “[kalabanin ang] salita ng Panginoon”?

Isinama ni Moroni ang sariling mga salita ng Panginoon para ilarawan kung paano tumanggap ng karagdagang paghahayag mula sa Kanya. Basahin ang Eter 4:11, 13–15, at markahan ang mga parirala na nagtuturo ng dapat nating gawin para maanyayahan ang paghahayag ng Panginoon at kung paano Siya tutugon kung gagawin natin ang mga bagay na ito.

Anong mga alituntunin hinggil sa paghahayag at kung paano anyayahan ang mga ito sa iyong buhay ang natutuhan mo mula sa mga talatang ito? Maaari kang magsulat ng isang alituntuning natutuhan mo mula sa mga talatang ito sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng Eter 4:11.

Ang isang mahalagang alituntunin na matututuhan natin sa payo ng Panginoon ay kung sasampalataya tayo nang lubos sa salita ng Panginoon, pagpapalain Niya tayo ng karagdagang paghahayag sa Kanyang takdang panahon at paraan.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, ipaliwanag kung bakit kailangan mong magpakita ng pananampalataya sa salita ng Diyos na natanggap mo na bago magbigay ng karagdagang paghahayag sa iyo ang Panginoon. Pagkatapos ay i-rate ang iyong sarili sa scale na 1 hanggang 10 (na 10 ang “napakaepektibo”) sa kung gaano ka nananampalataya sa Panginoon sa pamamagitan ng pagsasaliksik at pagsunod sa Kanyang mga salita sa bawat isa sa mga sumusunod na aspeto:

    1. Araw-araw na panalangin

    2. Pagsunod sa mga pahiwatig na natatanggap mo sa pamamagitan ng Espiritu Santo

    3. Pagsang-ayon at pagsunod sa mga lider ng iyong branch, ward, district, o stake

    4. Pag-aaral ng salita ng Diyos sa simbahan o sa seminary

    5. Personal na pag-aaral ng banal na kasulatan

    6. Pagsunod sa mga salita ng mga propeta at pagsunod sa mga kautusan

  2. journal iconSa iyong scripture study journal, ilahad kung paanong ang pagsunod sa Diyos sa isa sa mga aspetong binanggit sa itaas ay naging dahilan para makatanggap ka ng karagdagang paghahayag mula sa Panginoon.

Pag-isipang mabuti kung paano mo maaaring ilakip ang alituntuning ito ng pagpapakita ng pananampalataya sa mga salita ng Panginoon sa iyong pagsisikap na makatanggap pa ng karagdagang paghahayag at patnubay mula sa Panginoon.

Eter 5

Ipinahayag ni Moroni na tatlong saksi ang makakakita at magpapatotoo tungkol sa mga lamina

ipinapakita ng isang anghel ang mga laminang ginto kina Joseph Smith, Oliver Cowdery, at David Whitmer

Basahin ang Eter 5:1–3. Ano ang isinulat ni Moroni sa mga talatang ito na tumutukoy kay Propetang Joseph Smith—ang taong magsasalin ng tala na nasa mga lamina balang-araw? Isipin kung ano kaya ang naisip at nadama ni Joseph Smith nang mabasa niya ang mga talatang ito habang isinasalin niya ang Aklat ni Mormon.

Pangulong Henry B. Eyring

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan, at maghanap ng parirala na nakaantig sa iyo tungkol sa patotoo ng Tatlong Saksi: “Kailanma’y hindi itinatwa ng Tatlong Saksi ang patotoo nila sa Aklat ni Mormon. Hindi nila maatim dahil alam nilang totoo ito. Nagsakripisyo sila at nagpakahirap nang higit pa sa alam ng karamihan. Gayon din ang patotoo ni Oliver Cowdery tungkol sa banal na pinagmulan ng Aklat ni Mormon noong naghihingalo na siya. … Ang patuloy nilang pagpapatunay sa nakita at narinig nila sa kamangha-manghang karanasang iyon, sa matagal nilang pagkakawalay sa Simbahan at kay Joseph, ang higit na nagpapalakas sa kanilang patotoo” (“Isang Tumatagal na Patotoo sa Misyon ni Propetang Joseph,” Ensign o Liahona, Nob. 2003, 90).

Ayon sa Eter 5:2–3, ano ang pribilehiyong ibibigay kay Propetang Joseph Smith tungkol sa mga lamina?

  1. journal iconTulad ng tatlong kalalakihan na nabigyan ng pribilehiyong masaksihan ang katunayan ng mga laminang ginto, maaari ka ring maging saksi sa katotohanan ng Aklat ni Mormon. Sa iyong scripture study journal, irekord ang ilang paraan na maaari ka ring maging saksi sa Aklat ni Mormon. Bukod riyan, isulat kung paano maiimpluwensyahan ng patotoo mo sa Aklat ni Mormon ang ibang tao.

Ipanalangin na makahanap ka ng mga pagkakataong mapatotohanan ang Aklat ni Mormon sa isang tao sa linggong ito.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Eter 4–5 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: