Seminary
Unit 14: Day 2, Mosias 27


Unit 14: Day 2

Mosias 27

Pambungad

Ang Mosias 27 ay ulat ng pagbabalik-loob ni Alma (ang anak ni Alma) at ng mga anak ni Haring Mosias. Inilalahad nito ang kanilang mapaghimagsik na pagtatangka na wasakin ang Simbahan ng Diyos, ang pagdalaw ng isang anghel, mahimalang pagbabago ni Alma, at ang mga pagsisikap ng mga kabataang lalaking ito na ayusin ang pinsalang nagawa nila. Ang ulat ng pagbabalik-loob ni Alma ay nagbibigay-diin na kailangang isilang na muli ang lahat ng tao at mamuhay nang mabuti. Ipinapakita rin sa kabanatang ito ang pagpapalang dumarating kapag ipinagdasal ang mga taong hindi sumusunod sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Bumangon si Alma

Mosias 27:1–23

Isang anghel ang nagsabi kay Nakababatang Alma at sa mga anak ni Mosias na magsisi

Isipin ang mga kakilala mo na walang mga patotoo ng ebanghelyo o nagsialis sa Simbahan. Ano ang gagawin mo kung isa sa kanila ang ayaw tanggapin ang lahat ng ginagawa mo para matulungan siya? Alamin ang mga sagot sa tanong na ito sa iyong pag-aaral ngayon.

Basahin ang Mosias 27:8–10, at tukuyin kung paano inilarawan ng mga talatang ito si Alma at ang mga anak ni Mosias. Ano ang ginagawa nina Alma at ng mga anak ni Mosias sa Simbahan at sa mga miyembro nito?

Anong bahagi ng paglalarawan kay Alma at sa mga anak ni Mosias ang napansin mo nang husto? Bakit?

Kung minsan, maaaring matukso tayong isipin na may mga tao na hindi na magbabago at lalapit sa Panginoon kahit kailan. Pag-isipang mabuti ang pag-uugaling ito habang pinag-aaralan mo ang Mosias 27.

Basahin ang Mosias 27:11–14, at salungguhitan kung bakit nagpakita ang isang anghel kay Alma at sa mga anak ni Mosias.

Itinuturo ng Mosias 27:14 ang alituntuning ito: Sinasagot ng Panginoon ang matatapat na panalangin natin para sa ibang tao. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng Mosias 27:14. Hindi lahat ng taong kailangang magsisi at hindi lahat ng taong ipinagdarasal natin ay dadalawin ng anghel. Sinasagot ng Panginoon ang matatapat na panalangin natin para sa iba ayon sa Kanyang sariling karunungan.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, sagutin ang isa o lahat ng mga sumusunod na tanong:

    1. Kailan mo nadama na nakagawa ng kaibhan sa buhay ng isang tao ang mga panalangin mo?

    2. Paano nakakaapekto sa paraan ng pagdarasal mo ang pagtitiwala na sinasagot ng Panginoon ang ating matatapat na panalangin para sa iba?

Pag-isipan kung paano maitutulad sa buhay mo ang ulat tungkol kay Alma at sa mga anak ni Mosias. Maaari mong ipagpatuloy na ipagdasal ang mga kakilala at minamahal mo na nagpasiyang kumilos nang salungat sa mga turo ng Panginoon. Alalahanin na pinapakinggan ng Panginoon ang mga palanangin mo at sumasagot sa Kanyang sariling paraan at panahon nang hindi tinutulutang mawala sa tao ang kanyang kalayaang pumili. Pag-isipan din ang mga sumusunod na tanong: Sino kaya ang nananalangin para sa kapakanan mo? Ano kaya ang gusto ng Panginoon na baguhin mo? Ano ang kailangan mong gawin para mangyari ang pagbabagong iyan?

Basahin ang iba pang mga sinabi ng anghel kay Alma, gaya nang nakatala sa Mosias 27:15–16. Alalahanin na nagsalita ang anghel “na katulad ng tinig ng kulog, na naging dahilan upang mayanig ang lupa” (Mosias 27:11). Isipin kung ano ang epekto ng karanasang ito sa iyo kung kasama mo si Alma at ang mga anak ni Mosias.

Paano mo ibubuod ang mensahe ng anghel?

Nagalak ang Kanyang Ama

Matapos maibigay ng anghel ang mensahe, hindi makapagsalita si Alma. Nanghina siya, at siya ay “binuhat na nanghihina” (Mosias 27:19) papunta sa kanyang ama. Nang marinig ng ama ni Alma ang nangyari, siya ay “nagsaya, sapagkat nalalaman niya na ito ang kapangyarihan ng Diyos” (Mosias 27:20). Tinipon niya ang mga tao “upang masaksihan nila kung ano ang ginawa ng Panginoon para sa kanyang anak” (Mosias 27:21). Sinabi ng ama ni Alma sa mga saserdote na mag-ayuno at manalangin upang muling lumakas at makapagsalita ang kanyang anak (tingnan sa Mosias 27:22). Sinagot ng Panginoon ang kanilang mga panalangin.

Mosias 27:24–31

Ang Nakababatang Alma at ang mga anak na lalaki ni Mosias ay nagsisi at isinilang na muli

Basahin ang Mosias 27:23–24, 28–30 at alamin kung paano nagbago si Nakababatang Alma dahil sa ginawa sa kanya ng anghel. Sa kasunod na chart, isulat ang mga salita o parirala mula sa mga talatang ito na naglalarawan sa espirituwal na kalagayan ni Alma bago at matapos ang kanyang pagbabagong-loob.

Bago

Pagkatapos

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, sumulat ng isang parirala na isinulat mo sa column na Pagkatapos na inaasam mo na maglalarawan sa iyo sa buong buhay mo. Ipaliwanag kung bakit.

Basahin ang Mosias 27:24, 28, at markahan ang ginawa ni Alma at ng Panginoon na nagpabago ng puso ni Alma.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat kung bakit mahalaga sa iyo na maunawaan ang dapat nating gawin habang naghahangad tayo na magbago at ano rin ang gagawin ng Panginoon para sa atin.

  2. journal iconSagutin ang isa o lahat ng mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Paano makatutulong ang Mosias 27 sa mga taong pinanghihinaan ng loob at nag-iisip na hindi nila kayang magsisi at lumapit sa Panginoon?

    2. Paano makatutulong ang Mosias 27 sa mga taong naniniwala na hindi na magsisisi at lalapit kailanman ang isang tao sa Panginoon?

Basahin ang Mosias 27:25–26, at tukuyin kung sino ang dapat mabago sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala—o sa madaling salita, ang dapat na isilang sa Diyos.

Itinuro ng mga talatang ito ang alituntunin na: Kailangan tayong maisilang na muli sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang ibig sabihin ng isilang na muli sa Diyos ay ang pagbabagong ginagawa ng Espiritu ng Panginoon na nagdudulot ng malaking pagbabago sa puso ng isang tao kung kaya’t wala na siyang pagnanais na gumawa ng masama, at sa halip ay nagnanais na hanapin ang mga bagay ng Diyos (tingnan sa Mosias 5:2). Si Alma at ang mga anak ni Mosias ay kaagad na nakaranas ng malaking pagbabago ng puso, ngunit karamihan sa atin ay nagbabago sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala nang mas dahan-dahan. Ang maisilang na muli ay maituturing na proseso kaysa isang pangyayari.

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Paano ka nabago ng Pagbabayad-sala matapos kang magsisi at magsikap bawat araw na sundin ang Tagapagligtas?

    2. Ano ang isang bagay na magagawa mo para mas mapalapit sa Panginoon at tulutang gumawa ang Pagbabayad-sala ng kaibhan sa buhay mo?

Mosias 27:32–37

Si Nakababatang Alma at ang mga Anak ni Mosias ay naglakbay sa buong lupain, inaamin ang kanilang mga kasalanan at pinalalakas ang Simbahan

Nangangaral si Alma

Ang mga kasunod na talatang pag-aaralan mo sa Mosias 27 ay naglalarawan ng alituntuning ito: Upang tunay na makapagsisi, kailangang gawin ng isang tao ang lahat ng maaaring gawin para ituwid at ayusin ang pinsalang ginawa niya. Ang ibig sabihin ng pagtutuwid ay gawin ang makakaya natin upang maitama ang mga epekto ng maling desisyon natin at ayusin ang pinsalang idinulot ng mga nagawa natin. Halimbawa, kung nagnakaw ang isang tao sa kanyang kapitbahay, kasama sa pagtutuwid ang pagsasauli ng bagay na ninakaw. Basahin ang Mosias 27:32–37, at tukuyin ang ginawa ni Alma at ng mga anak ni Mosias para magawa ang pagtutuwid sa kanilang mga kasalanan.

Isulat kung paano maitutuwid ng isang tao ang mga sumusunod na kasalanan:

  • Pagsisinungaling sa magulang:

  • Pagtsismis sa ibang tao:

  • Pandaraya sa assignment sa eskwela:

Habang iniisip mo kung paano ka mababago ng Pagbabayad-sala, isipin mo kung paano ka magsisisi at paano mo itutuwid ang mga kasalanan mo.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Mosias 27 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: