Seminary
Unit 11: Day 3, Mosias 4


Unit 11: Day 3

Mosias 4

Pambungad

Ang mga itinuro ni Haring Benjamin ay nagkaroon ng malaking epekto sa mga taong nakarinig sa kanya. Ang mga taong ito ay naniwala sa Pagbabayad-sala, nagsisi, at tumanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan. Itinuro sa kanila ni Haring Benjamin ang dapat nilang gawin upang mapanatili ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. Sinabi niya na tayo ay parang mga pulubi dahil lubos tayong umaasa sa Diyos para sa ating kaligtasan. Binalaan tayo ni Haring Benjamin na dapat nating bantayan ang ating mga iniisip, sinasabi, at ginagawa.

Mosias 4:1–8

Ang mga tao ay napuspos ng Espiritu at nakatanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan

Kunwari ay tinanong ka ng kaibigan mo, Paano ko malalaman kung napatawad na ako sa aking kasalanan? Ano ang isasagot mo?

Pag-aralan ang Mosias 4:1–3, at humanap ng mga ideya na makatutulong sa iyo na masagot ang tanong ng kaibigan mo. Isulat kung paano ka sasagot:

Isa sa mga alituntuning itinuro sa mga talatang ito ay: Kapag sumampalataya tayo kay Jesucristo at tapat na nagsisi, tatanggap tayo ng kapatawaran ng ating mga kasalanan. Ang gayong pagsisisi ay mahalagang sangkap sa pagkakaroon ng kagalakan at kapayapaan ng budhi.

Karaniwan, kapag may nagtatanong sa atin gusto nating sagutin ito. Sa pagkakataong ito, habang iniisip mo kung paano sasagutin ang tanong ng iyong kaibigan, isipin mo kung paano mo sasagutin ang tanong sa pamamagitan ng tanong. Pag-isipan ang Mosias 4:1–3 at ang sumusunod na pahayag ni Elder F. Burton Howard, isang emeritus na miyembro ng Pitumpu: “Kapag ikaw ay lubos na nagsisi, napapayapa ang iyong kalooban. Alam mo, kahit paano, na napatawad ka na dahil ang bigat na dinadala mo sa napakatagal na panahon, ay bigla na lamang nawala. Ito ay nawala na at alam mo na nawala na ito” (“Repentance,” Ensign, Mayo 1983, 59).

Umisip ng maitatanong mo sa kaibigan mo para matulungan mo siya na matuklasan kung paano natin malalaman kung napatawad na tayo.

Maaaring makatulong na maunawaan ang kahulugan ng dalawang kataga sa Mosias 4:1–3 habang nag-iisip ka ng itatanong. Ang makita ang ating sarili sa ating “makamundong kalagayan” ay pagkilala sa ating nahulog o makalupang kalagayan. Ang ibig sabihin ng tingnan ang ating sarili bilang “higit na mababa kaysa sa alabok ng lupa” ay masunurin ang alabok ng lupa sa mga utos ng Diyos (tingnan sa Helaman 12:7–8), ngunit ang mga anak ng Diyos ay hindi laging masunurin sa Kanyang mga kautusan.

Isang halimbawa na masasagot mo ang tanong ng kaibigan mo sa pamamagitan din ng isang tanong ay: Nakadarama ka ba ng katahimikan ng budhi kapag iniisip mo na pinagsisihan mo na ang iyong kasalanan? Naging masaya ka ba?

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Ang mga tao ni Haring Benjamin ay pinatawad dahil sa “labis na pananampalataya nila kay Jesucristo” (Mosias 4:3). Ano ang mga ginawa nila na nakatala sa Mosias 4:1–2 ang nagpakita ng kanilang pananampalataya? Anong mga pag-uugali at saloobin na taglay ng mga tao ni Mosias ang dapat na taglay mo?

    2. Paano mo maipapakitang sumasampalataya ka kay Jesucristo habang naghahangad ka na mapatawad sa mga kasalanan mo?

Matapos makitang nagsisisi na ang kanyang mga tao, itinuro sa kanila ni Haring Benjamin ang ilan sa mga bagay na dapat nilang gawin para magtamo ng kaligtasan. Sa iyong pagbabasa ng Mosias 4:4–8, alamin kung ano ang dapat nating gawin para makatanggap ng kaligtasan.

Ipaliwanag o magbigay ng mga halimbawa kung paano mo sinisikap na gawin ang mga bagay na inilarawan ni Haring Benjamin:

“Magtiwala [ka] sa Panginoon”:

“Maging masigasig sa pagsunod sa kanyang mga kautusan”:

“Magpapatuloy sa pananampalataya maging hanggang sa katapusan ng [iyong] buhay”:

Mosias 4:9–30

Itinuro rin ni Haring Benjamin kung paano mapanatili ang kapatawaran ng mga kasalanan

Matapos matanggap ng mga Nephita ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, itinuro sa kanila ni Haring Benjamin kung paano mapananatili ang malinis at dalisay na kalagayan. Basahing mabuti ang Mosias 4:9–11, 26, 28, 30, at alamin kung ano ang dapat nating paniwalaan at gawin para mapanatili ang kapatawaran ng ating mga kasalanan. Isulat ang nalaman mo sa sumusunod na chart:

Pagpapanatili ng Kapatawaran ng mga Kasalanan

Paniwalaan

Gawin

Nagturo si Haring Benjamin sa kanyang mga tao ng maraming bagay, tulad ng nakatala sa Mosias 4:9–30, ngunit ang isa sa pinakamahahalagang alituntunin na itinuro niya ay: Kung tayo ay magpapakumbaba sa harapan ng Diyos at magsisikap na magkaroon ng mga katangian ni Cristo, maaari nating mapanatili ang kapatawaran ng ating mga kasalanan.

  1. journal iconItinuro ni Haring Benjamin na dapat “maniwala sa Diyos” (Mosias 4:9) at laging alalahanin “ang kadakilaan ng Diyos” (Mosias 4:11). Ilarawan sa iyong scripture study journal ang mga naranasan mo o ng isang kakilala mo na nakatulong sa iyo na malaman na totoong may Diyos, na Siya ay makapangyarihan, at nagmamahal sa iyo. Sa iyong palagay, bakit mahalagang maunawaan at maalala ang kapangyarihan, kabutihan, at pagmamahal ng Diyos? Kapag naaalala mo ang mga bagay na ito, paano nito naaapektuhan ang buhay mo?

Inilarawan ni Haring Benjamin ang mga ginagawa ng mga taong nagsisikap na mapanatili ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. Pag-aralan ang Mosias 4:12–16 para matutuhan ang ilan sa mga gawain na tinukoy ni Haring Benjamin.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat kung paano ipinapakita ng mga gawaing inilarawan ni Haring Benjamin na pinagsisikapan ng isang tao na mapanatili ang kapatawaran ng kanyang mga kasalanan. May maisusulat ka pa ba na ibang gawain na nagpapakita na nagsisikap ang isang tao na mapanatili ang kapatawaran ng kanyang mga kasalanan? Maglista ng isa o mahigit pang mga paraan na nakatulong ka sa mga nangangailangan.

Ikinumpara ni Haring Benjamin ang bawat isa sa atin sa isang pulubi, dahil lubos tayong umaasa sa Diyos para sa lahat ng mayroon tayo. Makatutulong ang analohiyang ito na mapahalagahan at mapasalamatan natin ang mga pagpapalang natanggap natin mula sa Panginoon. Basahin ang Mosias 4:19–21, at alamin kung paano tayo maitutulad sa pulubi sa paningin ng Diyos.

Isipin kung gaano ka umaasa sa Diyos. Anong biyaya ang mapapasalamatan mo sa Ama sa Langit sa mismong sandaling ito?

Matapos ituro na lagi nating kailangan ang tulong ng Diyos, sinabi sa atin ni Haring Benjamin na isipin kung paano natin dapat tratuhin ang mga taong humihingi ng tulong sa atin. Pag-aralan ang Mosias 4:26–27, at alamin kung paano natin dapat tratuhin ang mga nangangailangan.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, sagutin ang sumusunod na tanong: Paano makatutulong sa iyo ang pag-alaala sa mga itinuro ni Haring Benjamin sa Mosias 4 na maging mas mahabangin sa mga taong may espirituwal o temporal na pangangailangan?

  2. journal iconIsipin sandali ang mga banal na kasulatan na napag-aralan mo ngayon. Nakadama ka ba ng impresyon mula sa Espiritu Santo tungkol sa dapat mong gawin, batay sa natutuhan mo mula sa mga itinuro ni Haring Benjamin? Isulat ang impresyong ito sa iyong scripture study journal.

Alalahanin na lubos kang minamahal ng Panginoon. Kapag nagsisi ka sa anumang pagkakamali mo at ginawa ang lahat para matularan ang halimbawa ng Tagapagligtas, mapapanatili mo ang kapatawaran ng iyong mga kasalanan.

scripture mastery icon
Scripture Mastery—Mosias 4:30

Basahin nang malakas ang Mosias 4:30. Ano ang pagkakaugnay ng iyong iniisip, sinasabi, at ginagawa?

diagram para sa iniisip

Ipinaliwanag ni Pangulong Ezra Taft Benson ang pagkakaugnay na ito: “Maging malinis ang kaisipan. Ang mga taong malinis ang kaisipan ay hindi gumagawa ng maruruming gawain. Hindi lamang ninyo pananagutan sa harap ng Diyos ang inyong mga kilos kundi pati na rin ang pagpipigil sa inyong pag-iisip. … Totoo pa rin ang lumang kasabihan na ang iniisip ninyo ang ginagawa ninyo, ang ginagawa ninyo ang kinauugalian ninyo, ang kinauugalian ninyo ang nagiging pagkatao ninyo, at ang pagkatao ninyo ang nagtatakda ng inyong walang-hanggang tadhana. ‘Kung ano ang iniisip [ng tao] sa loob niya, ay gayon siya.’ (Tingnan sa Kaw. 23:7.) (sa Conference Report, Okt. 1964, 60).

  1. journal iconKapag natutuhan mong kontrolin ang pag-iisip mo, pagpapalain ka na mas matulad kay Cristo sa iyong mga sinasabi at ginagawa. Sa iyong scripture study journal, sumulat ng isa o mahigit pang mga paraan na mapipigilan mo ang iyong pag-iisip at gawin itong mas tulad ng pag-iisip ni Cristo.

  2. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Mosias 4 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: