Unit 13: Day 1
Mosias 18
Pambungad
Si Alma, na saserdote ng masamang si Haring Noe, ay naniwala kay propetang Abinadi at nagsisi sa kanyang mga kasalanan. Nang mamatay si Abinadi, lihim na itinuro ni Alma sa iba ang tungkol kay Jesucristo. Ang lahat ng naniwala kay Alma ay nagnais na pumasok sa kawan ng Diyos. Pumasok sila sa tipan ng binyag sa lugar na tinatawag na Mga Tubig ng Mormon. Sa iyong pag-aaral ng Mosias 18, alamin ang itinuro ni Alma tungkol sa mga pangakong ginawa mo nang binyagan ka at ano ang gagawin ng Panginoon para sa iyo dahil sa pagtupad mo sa mga pangakong iyon.
Mosias 18:1–16
Tinuruan at bininyagan ni Alma ang mga tao
Isipin ang araw na nabinyagan ka. Anu-ano ang mga naaalala mo sa karanasang iyan? Paano ka naghanda sa araw ng binyag mo? Ano ang naaalala mong naramdaman mo nang binyagan ka? Isipin kung ano ang maaaring mas napapahalagahan mo ngayon sa binyag mo kaysa noong bininyagan ka.
Ang Mosias 18 ay nakatutulong sa atin na maunawaan ang pakikipagtipan natin sa Diyos sa binyag. Ang tipan ay “isang kasunduan sa pagitan ng Diyos at ng tao, subalit sila ay hindi pantay sa pagkilos sa kasunduan. Ang Diyos ang siyang nagbibigay ng mga batayan para sa tipan, at ang mga tao ang sumasang-ayong isagawa ang hinihingi niya sa kanilang gawin. Sa gayon pinangangakuan ng Diyos ang mga tao ng ilang mga pagpapala dahil sa kanilang pagiging masunurin” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Tipan,” scriptures.lds.org).
Para makita kung paano ipinauunawa sa atin ng Mosias 18 ang tipan sa binyag, tandaan ang sumusunod na outline ng kabanatang ito: Mosias 18:1–7, Paghahanda para sa Tipan; Mosias 18:8–16, Paggawa ng Tipan; at Mosias 18:17–30, Pagtupad ng Tipan. Maaari mong isulat ang bawat paksa (halimbawa, Paghahanda para sa Tipan) sa tabi ng mga katugmang talata sa iyong banal na kasulatan.
Basahin ang Mosias 18:1–2, 6–7, at alamin ang mga doktrina at alituntuning itinuro ni Alma sa mga tao para maihanda sila sa binyag. Sa patlang sa ibaba, isulat kung paano makatutulong sa isang tao ngayon na maghanda para sa binyag ang pag-unawa sa mga itinuro ni Alma sa kanyang mga tao:
Nakatala sa Mosias 18:8–11 kung paano tinulungan ni Alma ang kanyang mga tao na maunawaan ang mga pangako na gagawin at tatanggapin nila sa pamamagitan ng tipan ng binyag.
-
Idrowing ang diagram sa ibaba sa iyong scripture study journal. Hanapin sa Mosias 18:8–11 ang mga itinuro ni Alma tungkol sa mga ipinangako natin sa Diyos (ano ang “handa nating” gawin) at ang mga ipinangako sa atin ng Diyos nang binyagan tayo. Isulat ang nalaman mo sa mga angkop na column ng diagram.
Ipinangako ko |
Mga Pangako ng Diyos |
---|---|
Isa sa mga alituntunin ng ebanghelyo na makikita sa Mosias 18:8–11 ay: Natatanggap natin ang Espiritu ng Panginoon at ang pangako ng buhay na walang-hanggan sa paggawa at pagtupad ng tipan sa binyag.
-
Sa ilalim ng diagram sa iyong scripture study journal, isulat ang buod ng natutuhan mo tungkol sa kahalagahan ng paggawa at pagtupad sa mga tipan sa binyag.
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Joseph B. Wirthlin ng Korum ng Labindalawang Apostol at salungguhitan ang mga pagpapalang dumarating sa atin kapag naunawaan natin ang mga pangakong ginagawa natin at natatanggap sa binyag: “Natutuhan ko sa buong buhay ko na kapag naunawaan nang lubos ng mga tao ang mga pangako at ang kapangyarihan ng kanilang mga tipan sa binyag, sila man ay matagal nang miyembro ng Simbahan o bago pa lang, malaking kagalakan ang dumarating sa kanilang buhay kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin sa kaharian nang may nakakahawang sigla” (“Alma the Elder: A Role Model for Today,” in Heroes from the Book of Mormon [1995], 84).
-
Isulat sa iyong scripture study journal kung paano nakakaapekto ang iyong tipan sa binyag sa pamumuhay mo bawat araw. (Halimbawa, isipin ang pangako mo na “tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon” sa iyong pakikipag-ugnayan sa iba, kasama na rito ang pakikitungo mo sa mga miyembro ng iyong pamilya, sa mga bagay na sinasabi mo iyong mga kaibigan at kasamahan, sa pananalitang ginagamit mo, sa klase ng palabas na pinapanood mo sa sine o sa telebisyon, sa musikang pinakikinggan mo, sa mga pakikihalubilo at pakikipagdeyt, at sa patugon mo sa mga pumupuna sa mga paniniwala mo.)
Basahing mabuti ang Mosias 18:12–16, at alamin ang mga halimbawa ng paraan ng pagtupad ng Panginoon sa tipang ginawa niya kay Alma at sa kanyang mga tao matapos ang kanilang binyag. Maaari mong markahan ang nalaman mo.
-
Isulat sa iyong scripture study journal ang pagkakataon na nadama mong pinagpala ka ng Panginoon ng Kanyang Espiritu nang tuparin mo ang ipinangako mo na maglilingkod sa Kanya noong binyagan ka.
Mosias 18:17–30
Itinatag ni Alma ang Simbahan ni Jesucristo sa mga tao
Gaano kadalas mong pinag-iisipan ang mga tipang ginawa mo sa binyag at pinapanibago kapag tumatanggap ka ng sakramento? Gaano mo kadalas na pinag-iisipan ang mga ito? Kailan mo karaniwang pinag-iisipan ang mga tipang ito?
Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan ang kahalagahan ng pagtupad sa mga tipan ng Panginoon: “Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay mga pinagtipanang tao. Mula sa araw ng binyag hanggang sa mahahalagang espirituwal na pangyayari sa ating buhay, nangangako tayo sa Diyos at nangangako rin Siya sa atin. Siya ay laging tumutupad sa Kanyang mga pangako sa pamamagitan ng Kanyang mga binigyang-karapatang tagapaglingkod, ngunit ang pinakamahalagang pagsubok ng ating buhay ay alamin kung gagawin at tutuparin natin ang mga tipan natin sa Kanya” (”Witnesses for God,” Ensign, Nob. 1996, 30).
Basahin ang Mosias 18:17–18, 20–23, 27–29, at alamin kung paano tinupad ng mga miyembro ng Simbahan noong panahon ni Alma ang kanilang mga tipan sa binyag. Maaari mong markahan ang mga salita at parirala sa Mosias 18:22, 26, 30 na naglalahad na maraming pagpapala ang dumarating sa mga tumutupad ng kanilang mga tipan sa binyag.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Ano ang gagawin mo para mas matupad mo ang mga tipang ginawa mo sa binyag? Paano mo tutuparin ang pangakong ito?
Mosias 18:31–35
Ang mga kabilang sa Simbahan ay tumakas sa pang-uusig ni Haring Noe
Pag-aralan ang Mosias 18:31–33 para malaman ang ginagawa ni Haring Noe sa lungsod ng Lehi-Nephi samantalang si Alma at ang kanyang mga tao na nasa lugar malapit sa mga Tubig ng Mormon ay nagtatamasa ng malalaking pagpapala. Basahin ang Mosias 18:34 at pagkatapos ang Mosias 23:1–2 para malaman kung paano “binigyang-babala” si Alma tungkol sa panganib na kinaharap ng kanyang mga tao.
Isulat ang katotohanang ito sa tabi ng Mosias 18:34: Mabibigyang-babala ng Panginoon ang mabubuti kapag nasa panganib sila.
Basahin ang sumusunod na karanasan na ibinahagi ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol na naglalarawan sa katotohanang ito:
“Bilang special agent ng FBI, inimbestigahan ng kaibigan ko ang isang malaking grupo ng sindikato na nagdadala ng bawal na gamot sa Estados Unidos.
“Minsan, pinuntahan nila ng kasama niyang agent ang isang apartment na pinaniwalaan nilang lugar kung saan namamahagi ng cocaine ang isang kilalang dealer ng droga. Inilarawan ng kaibigan ko ang nangyari:
“‘Kumatok kami sa pintuan ng dealer ng droga. Binuksan ng suspek ang pinto, at pagkakita sa amin, sinubukan niyang humarang sa harapan namin para di namin makita ang buong silid. Pero huli na, nakita namin ang cocaine sa kanyang mesa.
“‘Mabilis na iniligpit ng isang lalaki at babae na nasa mesa ang cocaine. Kailangang hadlangan namin silang sirain ang ebidensya, kaya mabilis kong itinulak sa isang tabi ang suspek na nakaharang sa pinto. Sa pagtulak ko sa kanya, nagkatitigan kami. Nakapagtataka, hindi siya mukhang galit o takot. Nakangiti siya sa akin.
“‘Ang mga mata at kalugud-lugod na ngiti ang nagpaisip sa akin na hindi siya mananakit, kaya mabilis ko siyang iniwan at lumibot sa mesa. Nasa likod ko na ngayon ang suspek. Sa pagkakataong iyon, [pumasok sa isipan ko ang isang] malinaw at napakalakas na mensahe: “Mag-ingat sa mga kasamaan sa likod ng nakangiting mga mata.”
“‘Bigla kong binalingan ang suspek. Nasa malaking bulsa niya sa harapan ang kamay niya. Bigla kong naisip na hablutin ang kanyang kamay sa pagkapamulsa. Noon ko lang nakita, na hawak niya nang mahigpit ang isang baril. Nag-agawan kami sa baril at nakuha ko iyon sa kanya.’ …
“… Binigyang-babala ng Espiritu Santo ang kaibigan ko sa pisikal na panganib; bibigyang-babala rin kayo ng Espiritu Santo sa espirituwal na panganib” (“Mag-Ingat sa Kasamaan sa likod ng Nakangiting mga Mata,” Ensign o Liahona, Mayo 2005, 46–47).
-
Isulat sa iyong scripture study journal ang mga nadama mo mula sa Espiritu Santo o mga karanasan mo kung saan binalaan o pinrotektahan ka mula sa pisikal o espirituwal na panganib, o magsulat tungkol sa naranasan ng isang kakilala mo o kaya ay mula sa nabasa o narinig mo.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Mosias 18 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: