Unit 11: Day 2
Mosias 3
Pambungad
Sa pagpapatuloy ng kanyang mensahe sa kanyang mga tao, sinabi ni Haring Benjamin na isang anghel ang kumausap sa kanya tungkol sa ministeryo ni Jesucristo. Nagpatotoo si Haring Benjamin na sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at pagsisisi, ang mga nagkasala ay makatatanggap ng kaligtasan. Itinuro din niya na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo mapaglalabanan ang pagiging likas na tao sa pagbibigay-daan sa mga paghihikayat ng Banal na Espiritu.
Mosias 3:1–10
Sinabi ni Haring Benjamin ang mga salitang ipinaalam ng isang anghel tungkol sa Pagbabayad-sala
Sa iyong pag-aaral ng Mosias 3, alamin ang pinagmumulan ng “masayang balita ng dakilang kagalakan” (Mosias 3:3).
Basahin ang Mosias 3:1–5, at alamin ang sinabi ng anghel kay Haring Benjamin. Ipinahayag ng anghel na ang mga tao ni Haring Benjamin ay may dahilan para sumaya at mapuno ng galak.
Ano ang mensahe ng anghel na magpapasaya sa mga Nephita?
Basahin ang Mosias 3:5–10, at markahan ang mga salita o parirala tungkol sa Tagapagligtas at Kanyang ministeryo na makatutulong sa iyo na mas pahalagahan ang mortal na ministeryo ng Tagapagligtas.
-
Pumili ng dalawang pariralang minarkahan mo, at sumulat ng paliwanag sa iyong scripture study journal tungkol sa itinuturo nito sa iyo upang matulungan kang mas maunawaan at mapahalagahan ang ministeryo ng Tagapagligtas.
Maraming doktrina at alituntunin na itinuro sa Mosias 3:5–10. Isa sa pinakamahalaga ay ito: Si Jesucristo ay nagdusa upang maligtas tayo mula sa ating mga kasalanan. Maaari mong isulat ang doktrinang ito sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng Mosias 3:7–9.
Matapos basahin ang Mosias 3:7–9, basahin ang Lucas 22:44 at Doktrina at mga Tipan 19:16–18. Anong karagdagang kaalaman ang ibinigay ng Mosias 3? Paano tayo matutulungan ng Mosias 3 na mapahalagahan ang nangyari sa Tagapagligtas?
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder James E. Talmage ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa pagdurusa ng Tagapagligtas sa Halamanan ng Getsemani:
“Ang pagdurusa ni Cristo sa halamanan ay hindi masasayod ng isipan ng tao, kapwa ang bigat o tindi nito at ang layon nito. … Naghirap Siya at dumaing sa pasakit na hindi kayang isipin o maunawaan ng sinumang nilalang na nabuhay sa mundo. Hindi lamang hirap ng katawan, ni pagdadalamhati ng isipan, ang naging sanhi ng pagdanas Niya ng gayon katinding paghihirap kaya’t nilabasan ng dugo ang bawat butas ng Kanyang balat; kundi iyon ay isang espirituwal na pagdadalamhati ng kaluluwa na tanging Diyos lamang ang makadarama. … Sa sandaling iyon ng hapis at dalamhati hinarap ni Cristo at dinaig ang lahat ng paninindak na magagawa ni Satanas, ‘ang prinsipe ng sanglibutan’ [Juan 14:30]. …
“Sa ilang paraan, na lubhang totoo bagama’t hindi kayang maunawaan ng tao, inako ng Tagapagligtas ang bigat ng kasalanan ng sangkatauhan mula kay Adan hanggang sa katapusan ng daigdig” (Jesus the Christ, Ika-3 ed. [1916], 613).
-
Sa iyong scripture study journal, isulat ang isang karanasan na nakatulong sa iyo na malaman na si Jesucristo ang Tagapagligtas. Paano nakadaragdag ng saya sa buhay mo ang pag-alaala sa karanasang ito?
Mosias 3:11–27
Inilarawan ni Haring Benjamin kung paano madadaig ang likas na tao
Sa patuloy na pagtuturo ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao, itinuro niya kung paano pinagpapala ng Pagbabayad-sala ang mga anak ng Diyos. Itinuro din niya kung paano natin madaraig ang pagiging likas na tao at maging mga Banal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.
Para mas maunawaan kung paano pinagpapala ng Pagbabayad-sala ang mga anak ng Diyos, basahin ang mga sumusunod na scripture passage at sumulat ng diskripsyon ng pangkat ng mga tao na ayon dito ay pagpapalain sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo:
Mahalagang malaman na bagama’t nagbayad-sala si Jesucristo para sa mga kasalanan ng mga taong walang alam sa ebanghelyo—mga taong namatay na walang kaalaman—kailangan pa rin silang magsisi at sumampalataya kay Jesucristo sa daigdig ng mga espiritu para maligtas (tingnan sa D at T 131: 6; 138:31–34). Ipinahayag din ng Panginoon na ang mga bata ay isinilang na inosente sa paningin ng Diyos at walang kapangyarihan si Satanas na tuksuhin sila. Hanggang hindi sila umaabot sa gulang ng pananagutan na walong taon, ang mga bata ay maliligtas sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo nang hindi kailangang magsisi o mabinyagan (tingnan sa Moroni 8:8–15; D at T 29:46–47; 137:10).
Dapat kumilos tayo ayon sa kaalaman natin sa ebanghelyo ni Jesucristo. Basahin ang Mosias 3:12–13, at salungguhitan ang mga salita at parirala na nagtuturo na maliligtas tayo mula sa ating mga kasalanan at magagalak kapag nanampalataya tayo kay Jesucristo at nagsisi.
Isipin muli ang larawan ng baso na puno ng “kaligayahan.” Tandaan ang mga salita ng anghel na nagsabi na magiging masaya tayo kapag nauunawaan natin ang misyon at Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas (tingnan sa Mosias 3:4–5). Para maunawaan ang kabaligtaran ng larawang ito, basahin ang Mosias 3:24–27. Salungguhitan ang tutunggain o iinumin ng mga taong piniling hindi magsisi sa araw ng paghuhukom.
Ano ang mangyayari sa mga taong piniling hindi manampalataya kay Jesucristo at magsisi?
Matapos ituro sa kanyang mga tao ang tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at ang pangangailangang magsisi at manampalataya sa Tagapagligtas, itinuro ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao kung paano alisin ang makasalanang katangian ng kanilang pagkatao at maging mga Banal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala.
Basahin ang Mosias 3:19, at tukuyin ang anumang salita o parirala na hindi mo nauunawaan. Makatutulong na sumulat ng tatlong depinisyon sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng talatang ito. Ang “likas na tao” ay isang tao na pinipiling maimpluwensyahan ng silakbo ng damdamin, pagnanasa, gana, at damdamin ng laman kaysa ng mga panghihikayat ng Banal na Espiritu. Ang ibig sabihin ng “bigyang-daan” ay magpasakop sa isang tao o sa isang bagay. Ang “panghihikayat” ay pagganyak o pag-anyaya. Ang Mosias 3:19 ay isang scripture mastery passage. Maaari mo itong markahan sa paraang madali mo itong mahahanap.
-
Isulat ang heading na “Hubarin ang Likas na Tao” sa iyong scripture study journal. Sa ilalim ng heading na ito, ilista ang mga itinuro sa Mosias 3:19 na dapat nating gawin para madaig ang “likas na tao.” Bilugan ang isang gagawin mo na sa palagay mo ay napakahalagang magawa mo sa ngayon. Gumawa ng plano na ipamuhay ito.
Itinuro ng isa sa mga alituntunin sa Mosias 3:19 na kung bibigyang-daan natin ang mga panghihikayat ng Banal na Espiritu, madadaig natin ang likas na tao sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo.
Sa sarili mong mga salita, ano ang ibig sabihin ng bigyang-daan “ang panghihikayat ng Banal na Espiritu”?
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa paghubad sa likas na tao: “Napakahalaga ng pansariling kabutihan, pagsamba, panalangin, at pag-aaral ng banal na kasulatan upang ‘[mahubad] ang likas na tao’ (Mosias 3:19)” (The Tugs and Pulls of the World,” Ensign, Nob. 2000, 36).
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Sa paanong paraan mo binibigyang-daan ang panghihikayat ng Banal Espiritu sa iyong buhay?
-
Ano ang gagawin mo para mas lalo mong mabigyang-daan ang “panghihikayat ng Banal sa Espiritu” sa iyong sariling buhay? Sumulat ng isang mithiin sa iyong scripture study journal na tutulong sa iyong bumuti sa aspetong ito sa linggong ito. Maaari mong gawin ang isa sa mga katangian na makatutulong sa atin na maging tulad ng isang bata, na nakalista sa Mosias 3:19—halimbawa, sa pagiging mas masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pagmamahal, o nakahandang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na “angkop na ipabata sa” iyo.
-
Sumulat sa iyong scripture study journal ng mga humahadlang sa iyo kaya hindi mo mabigyang-daan ang panghihikayat ng Espiritu.
Scripture Mastery—Mosias 3:19
-
Para matulungan kang matandaan o maisaulo ang Mosias 3:19, maaari mong basahin ito nang tatlong beses. Ang pag-uulit ay makatutulong sa iyo na maging pamilyar sa nilalaman ng talata. Matapos gawin ito, subukang isulat sa iyong scripture study journal ang teksto ng talata, o ang mga ideya sa talata hanggang sa maisulat mo ito nang hindi tumitingin sa iyong banal na kasulatan. Subukang ulitin nang malakas ang talata sa iba’t ibang pagkakataon, halimbawa, habang naglalakad-lakad, nag-eehersisyo, o naghahanda ka sa pagtulog. Ang paggawa nito nang sunud-sunod na araw ay makatutulong sa iyo na maisaulo at matandaan ang mahahalagang alituntunin sa talatang ito.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Mosias 3 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: