Seminary
Unit 13: Day 3, Mosias 21–24


Unit 13: Day 3

Mosias 21–24

Pambungad

Ang mga tao ni Limhi ay naging alipin dahil sa kanilang kasamaan (tingnan sa Mosias 20:21); sila ay nagpakumbaba at bumaling sa Diyos dahil sa kanilang pagkaalipin. Ang mga tao ni Alma ay naging alipin bilang pagsubok sa kanilang pananampalataya (tingnan sa Mosias 23:21). Dalawang grupo ang nanalangin nang mataimtim para makawala sa pagkaalipin. Bagama’t parehong nailigtas at nakarating sa Zarahemla ang dalawang pangkat na ito, sa magkaibang paraan sila tinulungan ng Panginoon. Mula sa iyong pag-aaral ng mga pagsubok at pagkakaligtas ng pangkat ni Limhi, makikita mo na sasagutin ng Panginoon ang ating mga dalangin sa Kanyang sariling paraan at panahon kapag nagpapakumbaba tayo. Mula sa iyong pag-aaral ng mga pagsubok at pagkakaligtas ng mga tao ni Alma, matututuhan mo kung paano umasa ng lakas sa Panginoon sa gitna ng iyong mga paghihirap at mga pagsubok.

Mga Nephita na nagbubuhat ng mga troso

Mosias 21–24

Ang mga Nephita sa lupain ng Lehi-Nephi ay naranasan ang katuparan ng mga propesiya ni Abinadi

Kunwari ay nakatira ka sa lupain ng Lehi-Nephi sa panahon ni Haring Noe at hindi mo tinanggap ang mga turo ni Abinadi. Ikaw at ang iyong mga kababayan ay alipin na ngayon ng mga Lamanita, tulad ng ipinropesiya ni Abinadi. Ano sa palagay mo ang gagawin mo?

Isipin mo ngayon ang anumang pagsubok o paghihirap na kasalukuyan mong nararanasan. Basahin ang mga sumusunod na talata sa iyong banal na kasulatan, at markahan ang itinuturo ng mga ito tungkol sa paghahangad at pagtanggap ng kaligtasan: Mosias 21:5, 14; 22:1–2; 23:23; at 24:21. Ang kadalasang ibig sabihin ng maligtas ay mapalaya, matulungan, o mabigyan ng kapanatagan sa nararanasang pagsubok.

Elder Richard G. Scott

Sa pagbabasa mo ng sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol, salungguhitan ang dalawang pinagmumulan ng mga pagsubok at pagdurusa sa ating buhay: “Walang may gusto ng paghihirap. Dumarating sa atin ang mga pagsubok, kabiguan, kalungkutan, at sama ng loob mula sa dalawang magkaibang pinagmumulan. Yaong mga lumalabag sa mga batas ng Diyos ay lagi nang may mga gayong hamon. Ang isa pang dahilan ng paghihirap ay upang isakatuparan ang sariling mga layunin ng Panginoon sa ating buhay upang matanggap natin ang pagdadalisay na nagmumula sa pagsubok. Napakahalagang matukoy ng bawat isa sa atin kung saan sa dalawang pinagmumulang ito nagmula ang ating mga pagsubok at hamon, dahil ang pagtatamang gagawin dito ay magkaibang-magkaiba” (“Trust in the Lord,” Ensign, Nob. 1995, 16).

Ang mga tao ni Limhi ay naging alipin dahil sa kanilang pagsuway, samantalang ang mabubuting tao ni Alma ay dumanas ng paghihirap na nagpadalisay sa kanila. Ang mga tao ni Limhi ay nagpakumbaba at bumaling sa Diyos dahil sa kanilang pagkaalipin. Ang pag-aaral ng dalawang ulat na ito ng pagliligtas ng Diyos ay makatutulong sa iyo na mapalakas ang pananampalataya mo na humingi ng tulong sa Panginoon na iligtas ka sa anumang paghihirap na nararanasan mo.

  1. journal iconSa chart sa ibaba, ang unang tanong na—Bakit sila naging alipin?—ay sinagot na para sa iyo. Sa iyong scripture study journal, sagutin ang pangalawang tanong: Paano sila naligtas?

Mga tao ni Limhi

Mga tao ni Alma

Bakit sila naging alipin?

(Mosias 20:21–22; 21:1–4)

Dahil hindi nagsisi ang mga tao, hinayaan ng Panginoon ang mga Lamanita na alipinin ang mga tao.

(Mosias 23:1–4, 19–20, 25–38; 24:8–9)

Tinupad ng mga tao ang kanilang mga tipan, ngunit sila ay binihag, at pinagmalupitan ng masasamang tao.

Paano sila naligtas?

(Mosias 22:1–9, 13–14)

(Mosias 24:17–25)

Pag-isipan ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong tungkol sa mga tao ni Limhi:

  • Ayon sa Mosias 21:6, anong mga katibayan ang nagpapatunay na hindi pa nagpapakumbaba at bumabaling sa Panginoon ang pangkat ni Limhi? Ano ang ipinagkaiba nito sa naging pagtugon ng mga tao ni Alma sa kanilang pagkaalipin? Batay sa karanasan ng pangkat ni Limhi, ano ang natutuhan mo na maaaring makatulong sa iyo na harapin nang tama ang sariling mga pagsubok?

  • Bagama’t hindi kaagad nailigtas ang mga tao ni Limhi mula sa kanilang paghihirap, paano sila pinagpala ng Panginoon? (Maaari mong markahan ang pariralang “unti-unting umunlad” sa Mosias 21:16.) Nadama mo na ba na tinulungan ka ng Panginoon na makayanan nang unti-unti ang isang pagsubok?

  • Sa palagay mo bakit nakatulong sa kanilang pagkakaligtas ang pag-uugali ng mga tao na inilarawan sa Mosias 21:30–33?

  1. journal iconPumili ng isa sa mga sumusunod na katotohanan mula sa pinag-aralan mo tungkol sa mga pagsubok at pagkaligtas ng mga tao ni Limhi. Sa iyong scripture study journal, sumulat ng isang talata na nagpapaliwanag kung paano mo maipamumuhay ang katotohanang iyan sa iyong sariling buhay.

    1. Kapag nagpapakumbaba tayo, nananalangin sa Panginoon, at nagsisisi sa ating mga kasalanan, pakikinggan Niya ang ating mga panalangin at pagagaanin ang bigat ng ating mga kasalanan sa sarili Niyang panahon.

    2. Kapag tayo ay nakipagtipan na maglilingkod sa Diyos at susundin ang Kanyang mga kautusan, ang Panginoon ay maglalaan ng paraan para sa ating kaligtasan.

Isipin ang mga paghihirap at pagkakaligtas ng pangkat ni Alma habang binabasa mo ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott: “Sa panahong tila maayos ang lahat, kadalasang dumarating ang napakaraming pagsubok nang sabay-sabay. Kapag ang mga pagsubok na iyon ay hindi bunga ng inyong pagsuway, ang mga ito ay katibayan na nadarama ng Panginoon na handa kayong umunlad pa (tingnan sa Mga Kawikaan 3:11–12). Kaya binibigyan Niya kayo ng mga karanasan na magpapaunlad, magpapalawak ng pang-unawa, at magdaragdag ng pagkahabag, na magpapabuti sa inyong pagkatao para sa inyong walang hanggang kapakinabangan. Upang maialis kayo sa inyong kinalalagyan at maging tulad ng nais Niya, kinakailangang subukan kayo nang husto, at iyan ay karaniwang nagdudulot ng lungkot at hirap” (“Trust in the Lord,” 16–17).

Markahan ang mga salita at parirala sa Mosias 23:21–22 na nagpapakita na susubukin ng Panginoon ang ating pagtitiis at pananampalataya upang tulungan tayong lalong pang magtiwala sa Kanya (tingnan din sa D at T 122:5–7).

Sumulat ng maiikling sagot sa mga sumusunod na tanong sa iyong manwal:

  • Ano sa palagay mo ang pinakamahirap na pagsubok na daranasin mo kung kabilang ka sa mga tao ni Alma sa mga pangyayaring nakatala sa Mosias 23–24? Bakit?

  • Ano ang matututuhan mo sa paraan ng pagtugon ni Alma at ng kanyang mga tao sa kanilang mga pagsubok? (Tingnan sa Mosias 24:1–12, 15–16.)

  • Kahit hindi kaagad pinalaya ng Panginoon ang mga tao ni Alma, ano muna ang unang ginawa Niya para sa kanila? (Tingnan sa Mosias 24:15.)

Ang isang alituntunin na matututuhan natin mula sa karanasan ng pangkat ni Alma ay kapag matiyaga nating sinunod ang kagustuhan ng Panginoon, tayo ay Kanyang palalakasin at ililigtas mula sa ating mga pagsubok ayon sa Kanyang itinakdang panahon.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, ipaliwanag kung ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng matiyagang sumunod sa kagustuhan ng Panginoon sa oras ng pagsubok at kung paano ka maihahanda ng paggawa nito sa pagtanggap ng lakas at pagpapala na ibibigay Niya sa mahirap na panahong iyon.

Sa simula ng lesson na ito, sinabi sa iyo na umisip ng mga pagsubok o paghihirap na kasalukuyan mong nararanasan. Habang inaalala mo ang mga ito, maaari mong isulat ang iyong mga sagot sa mga sumusunod na tanong sa iyong personal journal o sa isang papel:

  • Ano ang mga pagsubok na nararanasan ko ngayon sa buhay?

  • Ano ang kailangan kong gawin para maihanda ko ang aking sarili na matanggap ang kapangyarihan ng Panginoon na mailigtas ako?

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Mosias 21–24 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: