Seminary
Unit 12: Day 1, Mosias 7–8


Unit 12: Day 1

Mosias 7–8

Pambungad

King Benjamin Confers the Kingdom on Mosiah

Si Haring Mosias ay anak ni Haring Benjamin, na anak ng unang Mosias na binanggit sa Aklat ni Mormon. Tinatayang 80 taon bago naging hari si Mosias, isang lalaking nagngangalang Zenif ang namuno sa pangkat ng mga Nephita mula sa Zarahemla upang makabalik at mamuhay sa lupain ng Nephi (tingnan sa Omni 1:27–30). Ipinaliwanag sa Mosias 7 na pinahintulutan ni Haring Mosias ang “isang malakas at magiting na lalaki” na nagngangalang Ammon (Mosias 7:3) at ang isang maliit na pangkat na maglakbay sa lupain ng Nephi (tinatawag kung minsan na lupain ng Lehi-Nephi) at alamin ang naging kapalaran ng pangkat ng mga tao ni Zenif. Natagpuan ni Ammon ang mga inapo ng mga tao ni Zenif, na pinamumunuan na ngayon ng apo ni Zenif na si Limhi. Ang pagdating ni Ammon ay naghatid ng pag-asa kay Limhi at sa kanyang mga tao, na naging alipin ng mga Lamanita dahil sa kanilang kasamaan. Bago iyan, sa pagtatangkang matagpuan ang Zarahemla at humingi ng tulong, nakita ng isang pangkat ng mga tao ni Limhi ang 24 na laminang ginto na may mga nakaukit sa mga ito. Nang itanong ni Limhi kay Ammon kung kaya nitong isalin ang mga nakaukit, sinabi ni Ammon na ang isang tagakita, tulad ni Haring Mosias, ang makapagsasalin ng mga sinaunang tala.

Buod ng Mosias 7–24

Ninais mo na ba na maalis na sa iyo ang hinanakit, malungkot na sitwasyon, mahirap o mabigat na kalagayan, o pag-uusig ng budhi dahil sa kasalanan? Ang mga karanasan ng mga taong pag-aaralan mo sa Mosias 7–24 ay magtuturo sa iyo ng tungkol sa kaligtasan—saan ito hahanapin, paano ito aanyayahan, at kung paano ito hihintayin. Alamin ang mga paraan na maiaangkop mo sa iyong sariling buhay ang nangyari sa mga tao ni Zenif at sa kanilang mga inapo, gayundin ang hangaring maligtas mula sa mga bagay na nagpapahirap sa iyo.

Bago pag-aralan ang Mosias 7, makatutulong sa iyo na maging pamilyar sa iba’t ibang paglalakbay na nakatala sa Mosias 7–24. Ang sumusunod na aktibidad ay magbibigay sa iyo ng buod ng mga paglalakbay na ito, na naganap sa loob ng humigit-kumulang 80 taon (200 B.C. hanggang 120 B.C.). Ang impormasyon sa mga kinulayang kahon sa chart ay nagpapaliwanag ng nangyari sa mga paglalakbay.Ilagay ang numero para sa bawat paglalakbay sa angkop na bilog sa mapa:

Paglalakbay

Sino ang Naglakbay Saan

1

Si Zenif at ang iba pang mga Nephita ay naglakbay mula Zarahemla patungo sa lupain ng Nephi, na naging tirahan na ng mga Lamanita. Ang mga Nephita na ito ay nag-away-away, at bumalik ang mga nakaligtas sa Zarahemla (tingnan sa Omni 1:27–28; Mosias 9:1–2).

2

Umalis si Zenif at ang iba pa sa Zarahemla at nanirahan sa lupain ng Nephi (tingnan sa Omni 1:29–30; Mosias 9:3–7).

Pagkamatay ni Zenif, ang kanyang anak na si Noe ay namuno sa kasamaan. Ipinadala ng Panginoon ang propetang si Abinadi upang balaan ang mga tao na magsisi. Si Alma, isa sa mga saserdote ni Haring Noe, ay sumunod sa mensahe ni Abinadi at itinuro ito sa iba (tingnan sa Mosias 11–18).

3

Tumakas si Alma patungong Mga Tubig ng Mormon at kalaunan ay pinamunuan ang isang pangkat ng mga naniniwala sa lupain ng Helam (tingnan sa Mosias 18:4–5, 32–35; 23:1–5, 19–20).

Sinalakay ng mga Lamanita ang mga tao ni Noe sa lupain ng Nephi. Namatay si Noe kalaunan, at ang kanyang anak na si Limhi ang namuno. Ang mga tao ni Limhi ay alipin ng mga Lamanita (tingnan sa Mosias 19–20).

4

Nagpadala si Limhi ng isang pangkat ng mga Nephita para hanapin ang Zarahemla. Matapos mawala sa ilang, natuklasan ng pangkat ang mga labi ng nawasak na bansa at ang talaang nakasulat sa 24 na laminang ginto (tingnan sa Mosias 8:7–9; 21:25–27).

5

Si Ammon at ang 15 iba pa ay naglakbay mula Zarahelma para hanapin ang mga taong bumalik sa lupain ng Nephi (tingnan sa Mosias 7:1–6; 21:22–24).

6

Tumakas si Limhi at ang kanyang mga tao mula sa mga Lamanita at ginabayan sila ni Ammon at ng kanyang mga kapatid papuntang Zarahemla (tingnan sa Mosias 22:10–13).

Matapos makatakas ang mga tao ni Limhi, nagpadala ang mga Lamanita ng hukbo para tugisin sila. Naligaw ang hukbo sa ilang nang makita nila si Alma at kanyang mga tao sa lupain ng Helam. Ginawa silang alipin ng mga Lamanita. Ipinagdasal ng mga tao ni Alma na tulungan silang makatakas (tingnan sa Mosias 22–24).

7

Iniligtas ng Panginoon si Alma at ang kanyang mga tao at ginabayan sila papuntang Zarahemla (tingnan sa Mosias 24:20–25).

diagram ng mga paglalakbay

Mosias 7:1–8:4

Natagpuan ni Ammon ang lupain ng Nephi (Lehi–Nephi), at isinalaysay ni Haring Limhi kung paano naging alipin ang kanyang mga tao

Sa Mosias 7, si Ammon at 15 iba pang malalakas na kalalakihan ay naglakbay mula sa Zarahemla upang malaman ang nangyari sa mga tao na dinala ni Zenif sa lupain ng Nephi 80 taon na ang nakararaan (tingnan sa Mosias 7:2; tingnan din ang paglalakbay 5 sa mapa). Pagdating nila sa lupain ng Nephi, si Ammon at ang tatlo sa kanyang mga kapatid ay dinakip at ibinilanggo (tingnan sa Mosias 7:6–11). Matapos ang dalawang araw inilabas sila sa bilangguan at tinanong ni Haring Limhi, ang apo ni Zenif. Basahin ang Mosias 7:12–15 para malaman kung paano ipinaliwanag ni Ammon ang dahilan kung bakit siya naroon sa lupain ng Nephi at ano ang itinugon ni Limhi.

Gamit ang natutuhan mo sa Mosias 21:25–26, maikling ipaliwanag kung bakit napakasaya ni Limhi nang malaman niyang nagmula si Ammon sa Zarahemla:

Natagpuan ng grupong ipinadala ni Limhi para humingi ng tulong ang mga labi ng bansang Jaredita. Inakala nila na iyon ay Zarahemla at ang mga Nephitang naroon ay nalipol na (tingnan sa paglalakbay 4 sa mapa). Malalaman mo ang tungkol sa mga Jaredita kapag pinag-aralan mo ang aklat ni Eter.

Tinipon ni Haring Limhi ang kanyang mga tao para ipakilala si Ammon sa kanila. Ikinuwento ni Limhi ang pang-aalipin sa kanila ng mga Lamanita at sinabi na umaasa siyang ililigtas sila ng Diyos balang araw (tingnan sa Mosias 7:17–19). Basahin ang Mosias 7:20, 24–26, at markahan ang mga dahilan kung bakit naging alipin ang mga tao ni Limhi. (Ang binanggit na propeta sa Mosias 7:26 ay si Abinadi, na sinunog ng mga tao hanggang sa mamatay noong namumuno pa ang masamang si Haring Noe, bago ang pagdating ni Ammon sa lupain.)

Nagsasalita si Haring Limhi

Maaari mong markahan ang pariralang “napakalaki ng mga dahilan upang tayo ay magdalamhati” sa Mosias 7:24 para matulungan ka na matandaan na ang kasamaan, o kasalanan, ay may masamang ibubunga. Sa pagkakataong ito, marami ang napatay nang sumalakay ang mga Lamanita at dinalang bihag ang mga tao. Ang ibig sabihin ng magdalamhati ay malungkot o maghinagpis. Pag-isipan sandali ang sandaling nagdalamhati ka “dahil sa kasamaan.”

Bagama’t mas mabuting huwag magkasala, ang matuto mula sa iyong mga pagkakamali, paghingi ng tulong sa Diyos, at pagsisisi ay mas maglalapit sa iyo sa Diyos. Basahin ang Mosias 7:29–32, at maghanap pa ng mga katibayan na naunawaan ni Limhi ang kaugnayan ng mga kasamaan ng kanyang mga tao at ng pagdurusang nararanasan nila. (Ang ibig sabihin ng “[anihin] ang ipa” sa talata 30 ay tumanggap ng bagay na walang kabuluhan; ang ibig sabihin ng “[anihin] ang hanging silangan” sa talata 31 ay mawasak.)

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Sa paanong mga paraan maaaring makatulong sa buhay natin ang mga epekto ng mga kasalanan? Paano natin maipamumuhay ang natutuhan natin at huwag nang ulitin ang kasalanan?

    2. Bakit mahalagang malaman at tanggapin ang bigat ng ating mga kasalanan? Bakit mahalagang makadama ng kalumbayang mula sa Diyos para sa mga kasalanang ito? (tingnan sa II Mga Taga Corinto 7:10; ang kalumbayang mula sa Diyos ay malalim na pagkaunawa na nasaktan natin ang Ama sa Langit dahil sa ating mga ginawa). Bakit mahalagang huwag ipagpaliban ang pag-amin at pagkalungkot sa ating mga kasalanan?

Matapos ipaliwanag ni Limhi sa kanyang mga tao ang bigat ng kanilang mga kasalanan, hinikayat niya silang gawin ang ilang bagay. Markahan ang hinikayat ni Limhi na gawin ng kanyang mga tao sa Mosias 7:33.

Mula sa karanasan ng mga tao ni Limhi, natutuhan natin na kapag inamin natin ang ating mga kasamaan at nakadama ng kalumbayang mula sa Diyos para sa mga ito nahihikayat tayong bumaling sa Panginoon para sa ikaliligtas natin.

Kunwari ay may kabigan o kapamilya ka na nagsisisi sa kanyang mga kasalanan at talagang gustong magsisi at bumaling sa Panginoon pero hindi niya alam kung paano ito gagawin. Basahin ang Mosias 7:33, at rebyuhin ang mga parirala na nagtuturo kung paano tapat na “[bumaling] sa Panginoon.”

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, gumawa ng sulat para sa kaibigan o kapamilyang ito, at ituro sa kanya kung paano babaling sa Panginoon. Ibahagi ang tatlong parirala mula sa Mosias 7:33 na nakita mo, at ipaliwanag ang kahulugan ng bawat parirala sa pamamagitan ng (1) paggamit ng sarili mong mga salita o kaya’y (2) pagbigay ng halimbawa ng mga kilos o pag-uugali na maaaring nakikita natin sa buhay ng isang taong nagsisikap na ipamuhay ang pariralang iyon.

Pag-isipan kung mayroon kang mga kasalanan na hindi mo pa napagsisihan na nagdudulot ng lungkot at hinagpis sa iyo at sa mga mahal mo sa buhay. Ibinigay ni Elder Richard G Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na payo tungkol sa pagsisimula ng proseso ng pagsisisi: “Pag-aralan at pagnilayan kung gaano kabigat na itinuturing ng Panginoon ang kasalanan mo. Magdudulot iyan ng lungkot at hinagpis. Magdudulot rin ito ng tapat na hangaring magbago at kahandaang gawin ang bawat kinakailangan para sa kapatawaran” (“Finding Forgiveness,” Ensign, Mayo 1995, 76).

Mosias 8:5–21

Nalaman ni Ammon ang tungkol sa 24 na lamina ng mga Jaredita at sinabi niya kay Limhi ang tungkol sa isang tagakita na marunong magsalin nito

Alalahanin na sa paglalakbay 4 sa mapa sa simula ng lesson na ito na ang mga taong nagtangkang hanapin ang daang papunta sa Zarahemla ay natuklasan ang mga guho at labi ng isang buong bansa na nawasak. Nakakita rin sila ng 24 na gintong lamina na iniuwi nila kay Limhi (tingnan sa Mosias 8:5–9). Tinanong ni Limhi kay Ammon kung may kilala ba siyang sinuman na kayang isalin ang nakaukit sa mga lamina (tingnan sa Mosias 8:12). Ipaliwanag ni Ammon na may mga tao na binibigyan ng kapangyarihan ng Diyos na magsalin ng wika. Basahin ang Mosias 8:13, at markahan ang tawag ni Ammon sa mga taong binigyan ng kakayahang ito.

Ipinaliwanag ni Ammon na si Mosias, na hari ng mga Nephita sa Zarahemla, ay isang tagakita. Basahin ang Mosias 8:16–18, at markahan ang mga kakayahang ibinibigay sa tagakita maliban pa sa kapangyarihang magsalin.

Itinuro ng mga talatang ito na naglalaan ang Panginoon ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag para tulungan ang mga tao. Ngayon, bawat miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ay isang propeta, tagakita, at tagapaghayag.

Itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang 15 lalaking ito na sinasang-ayunan natin bilang mga propeta, tagakita,at tagapaghayag ay binigyan ng kapangyarihan ng langit na makita ang kung minsa’y di [nakikita ng iba]” (“Mag-ingat sa Kasamaan sa Likod ng Nakangiting mga Mata,” Ensign o Liahona, Mayo 2005, 47).

loob ng Conference Center
  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Sa palagay mo bakit makabubuti na makinig sa mga taong nakikita ang mga bagay na hindi mo nakikita?

    2. Paano ka natulungan ng pakikinig sa mga propeta, tagakita, at tagapaghayag?

    3. Ano ang ilang paraan na matututo ka mula sa mga makabagong propeta, tagakita, at tagapaghayag?

  2. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture journal:

    Napag-aralan ko na ang Mosias 7–8 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: