Seminary
Unit 18: Day 2, Alma 30


Unit 18: Day 2

Alma 30

Pambungad

Pagkatapos ng matinding pakikidigma sa mga Lamanita, nanatili ang kapayapaan sa buong lupain ng Zarahemla. Sa gitna ng panahong ito ng kapayapaan, isang lalaking nagngangalang Korihor ang nagsimulang mangaral na walang Cristo. Ang kanyang mga maling turo ay naging dahilan para magkasala ang mga taong naniwala sa kanya. Nagsalita siya laban sa mga pinuno ng Simbahan, sinasabing nagtuturo sila ng “mga hangal na kaugalian” (Alma 30:27). Si Korihor ay iniharap kay Alma, na nagturo sa kanya na ang lahat ng bagay ay nagpapatotoo kay Cristo. Sa huli, inamin ni Korihor na ang diyablo ang nag-udyok sa kanya kung ano ang kanyang gagawin.

Alma 30:1–29

Si Korihor, ang anti-Cristo, ay kinutya ang doktrina ni Cristo

Isipin kunwari na may taong naghanda ng pagkain para sa iyo. Masarap itong tingnan at masarap ang amoy, pero nang kainin mo ito, sumama ang pakiramdam mo. Isipin sandali kung paano maihahalintulad ang mga maling turo sa pagkaing ibinibigay sa iyo na parang masarap pero nakalalason pala ito.

Napag-aralan mo noon ang tungkol sa mga anti-Cristo na sina Serem (tingnan sa Jacob 7) at Nehor (tingnan sa Alma 1). Tandaan na ang isang kahulugan ng anti-Cristo ay “sinuman o anumang bagay na nanghuhuwad sa totoong ebanghelyo ng plano ng kaligtasan at hayagan o lihim na sumasalungat kay Cristo” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Anticristo,” scriptures.lds.org). Sa araw na ito malalaman mo ang tungkol sa isang tao na kaaway ni Cristo at dahil sa mga maling turo niya ay nalinlang niya ang iba at inakay silang magkasala. Marami sa mundo ngayon ang gumagamit ng mga argumentong tulad ng kay Korihor laban sa mga taong naniniwala sa Diyos.

Si Korihor ay nagsimulang mangaral sa mga tao. Basahin ang Alma 30:6, 12, at hanapin ang mga parirala na nagsasabing si Korihor ay isang anti-Cristo.

Basahin ang Alma 30:12–18, at itugma ang mga maling turo ni Korihor sa mga implikasyon nito.

Ilang Maling Turo ni Korihor, ang Anti-Cristo

Mga Posibleng Interpretasyon at Implikasyon ng mga Maling Turo

  1. Alma 30:13–14

  1. Maliban kung may pisikal kang katibayan sa mga katotohanang pangrelihiyon, hindi ka dapat maniwala kay Jesucristo o sa Kanyang ebanghelyo. Hindi totoo ang tinatawag na personal na paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

  1. Alma 30:15

  1. Hindi totoo ang tinatawag na kasalanan. Walang pamantayan para sa buong daigdig tungkol sa kung ano ang tama o mali.

  1. Alma 30:16

  1. Ang mga tao ay umuunlad dahil sa sarili nilang pagsisikap. Hindi kailangan ang Diyos sa mga gawain ng tao.

  1. Alma 30:17 (“ang bawat tao ay namumuhay …”)

  1. Ang mga salita ng mga propeta at banal na kasulatan ay hindi totoo, kaya huwag ninyong paniwalaan ang kanilang mga propesiya.

  1. Alma 30:17 (“ang ano mang gawin ng tao …”)

  1. Hindi totoo ang tinatawag na kapatawaran ng mga kasalanan. Hindi na kinakailangang humingi ng tulong sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala dahil wala namang tinatawag na Pagbabayad-sala.

  1. Alma 30:18

  1. Walang buhay pagkatapos ng kamatayan, kaya hindi dapat mag-alala tungkol sa paghuhukom pagkatapos ng buhay na ito.

(Ang mga sagot sa matching exercise na ito ay matatagpuan sa katapusan ng lesson na ito.)

Itinuro sa Alma 30:18 ang alituntuning: Si Satanas ay gumagamit ng mga maling doktrina para mahikayat tayong gumawa ng kasalanan.

Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Pangulong Boyd K. Packer

“Ang ating ugali at gawi ay hindi lubos na kontrolado ng mga likas na gawi [impulse] natin. Ang ugali at gawi ay nagsisimula rin sa paniniwala.

“Ang mga paniniwala ay nagmumula sa mga pilosopiya, o mga doktrina. Ang mga doktrina ay maaaring espirituwal o sekyular, mabuti o masama, tama o mali. …

“Ang totoong doktrina na naunawaan, ay nagpapabago ng ugali at gawi” (“Little Children,” Ensign, Nob. 1986, 17).

  1. journal iconPumili ng dalawa o higit pa sa mga maling turo ni Korihor na nakalista sa matching exercise chart. Sa iyong scripture study journal, isulat kung ano ang mga totoong doktrina at ipaliwanag kung paano nakakaapekto sa iyong ugali at gawi na alam mo ang katotohanan.

Pagkatapos niyang magtagumpay sa lupain ng Zarahemla, si Korihor ay nagtungo sa lupain ng Jerson upang mangaral sa mga tao ni Ammon. Basahin ang Alma 30:19–20, at alamin kung tinanggap nila ang mga maling turo niya.

Ang mga tao ni Ammon ay “higit [na] matatalino kaysa sa marami sa mga Nephita” at “iniutos [na] dalhin siya palabas ng lupain” (Alma 30:20–21). Mula sa natutuhan mo tungkol sa mga tao ni Ammon, sa iyong palagay, bakit hindi sila naniwala sa mga maling turo ni Korihor?

Nakasaad sa Alma 30:21–29 ang pagpunta ni Korihor sa lupain ng Gedeon, “at doon siya ay hindi nagtamo ng gaanong tagumpay” (Alma 30:21). Ilan sa mga argumento ni Korihor laban sa Simbahan at mga turo nito ay matatagpuan sa Alma 30:24, 27, dalawa sa mga ito ay: (1) ang mga naniniwala sa Diyos ay nasa pagkaalipin at (2) ang relihiyon ay nag-aalis ng kalayaan. Ang mga argumentong ito ay ginagamit pa rin ng mga kumakalaban sa relihiyon sa panahong ito.

Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan na ang ating paniniwala sa Diyos ay nagbibigay sa atin ng kalayaan: “Nakipagtalo si Korihor, tulad ng maling argumento ng mga kalalakihan at kababaihan mula pa noong unang panahon, na ang pagsunod sa payo ng mga tagapaglingkod ng Diyos ay pagsuko ng mga karapatang ibinigay ng Diyos na maging malaya. Ngunit mali ang argumento dahil inihahayag nito nang mali ang katotohanan. Kapag hindi natin tinanggap ang payo na mula sa Diyos, hindi natin pinipiling mahiwalay sa impluwensya sa labas. Ibang impluwensya ang pinipili natin. Hindi natin tinatanggap ang proteksyon ng lubos na mapagmahal, pinakamakapangyarihan, pinakamarunong sa lahat na Ama sa Langit, na ang buong layunin, tulad ng sa Kanyang Pinakamamahal na Anak, ay mapagkalooban tayo ng buhay na walang hanggan, maibigay ang lahat ng mayroon Siya, at madala tayong lahat kasama ang ating mga pamilya sa Kanyang piling. Sa hindi pagtanggap sa Kanyang payo, pinipili natin ang impluwensya ng ibang kapangyarihan o ni Satanas, na ang layunin ay gawin tayong kaaba-aba at ang motibo ay pagkapoot. Tayo ay may kalayaan na kaloob ng Diyos. Sa halip na karapatang piliin na maging malaya sa impluwensya, ibinigay ng Diyos ang karapatang kumilos ayon sa mga kapangyarihang iyon na pinili natin” (“Finding Safety in Counsel,” Ensign, Mayo 1997, 25).

  1. journal iconIsulat sa iyong scripture study journal kung ano ang maipapayo mo sa isang tao para maprotektahan ang kanyang sarili at hindi maniwala sa mga maling doktrina gaya ng mga itinuro ni Korihor.

Alma 30:30–60

Humingi ng isang palatandaan si Korihor mula kay Alma at siya ay pinarusahan at naging pipi sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos

Sa huli, si Korihor ay dinala sa harapan ni Alma. Basahin ang Alma 30:30–31, at alamin ang mga ipinaratang ni Korihor kay Alma at sa iba pang mga pinuno ng Simbahan. Ang pahayag na “pagpapakasawa sa mga pinagpagalan ng mga tao” ay nagpapahiwatig na si Alma at ang iba pa ay yumaman dahil sa kanilang paglilingkod sa Simbahan. Pag-isipan ang isasagot sa mga sumusunod na tanong:

  • Mula sa mga nalalaman mo tungkol sa mga lider ng Simbahan, bakit mali ang mga paratang na ito?

  • Sa iyong palagay, paano mo sasagutin ang mga paratang ni Korihor kung ikaw si Alma?

Basahin ang Alma 30:32–35, at alamin ang sagot ni Alma kay Korihor. Isipin kung paano mo nakita ang katotohanan sa sagot ni Alma sa buhay ng mga taong namumuno sa inyong ward o branch o ng iba pang mga miyembro ng Simbahan na hinahangaan mo.

Kung maaari, hilingin sa isang kaibigan o kapamilya na basahin kasama mo ang Alma 30:37–45. Isa sa inyo ang magbabasa ng mga sinabi ni Alma, at ang isa naman ay magbabasa ng mga sinabi ni Korihor. Sa pagbabasa ninyong dalawa, alamin ang sinabi ni Alma bilang katibayan na may Diyos. (Kung wala kang makakasamang magbasa, isalarawan sa iyong isip ang pag-uusap ng dalawang lalaki habang nagbabasa ka.)

  1. journal iconKumpletuhin ang mga sumusunod na assignment sa iyong scripture study journal:

    1. Isulat kung alin sa mga katibayang binanggit ni Alma ang pinakamahalagang katibayan sa iyo na may Diyos at kung bakit malakas na katibayan ito na mayroong Diyos.

    2. Sumulat ng mga tatlo pang katibayan na nakita mo sa iyong buhay na “nagpapatunay na may Diyos” (Alma 30:44), at maikling ipaliwanag kung paano pinalakas ng bawat isa ang iyong paniniwala sa Diyos.

Ang isang doktrina na matatagpuan sa mga talatang pinag-aralan mo ay: Lahat ng bagay ay nagpapatotoo sa Diyos bilang Kataas-taasang Tagapaglikha. Isipin ang mangyayari sa iyong pananampalataya kapag pinili mong alamin at alalahanin ang mga katibayan at mga patotoong ito.

Pansinin ang ginawa ng propetang si Alma nang makaharap niya si Korihor: itinama niya ang mga maling turo (tingnan sa Alma 30:32–35), nagpatotoo siya sa katotohanan (tingnan sa Alma 30:37–39), nagtanong at humingi ng katibayan kay Korihor (tingnan sa Alma 30:40–42), at nagbigay ng mga katibayan na may Diyos (tingnan sa Alma 30:44). Ano ang matututuhan mo mula sa halimbawa ni Alma kung paano haharapin ang mga taong kumakalaban sa katotohanan?

Elder Jeffrey R. Holland

Kung minsan ang tanging depensa natin sa mga tumutuligsa sa ating pananampalataya ay ang pagbabahagi ng ating patotoo tungkol sa katotohanan. Walang dapat ikahiya sa paggamit ng ganitong paraan—si Alma, ang propeta ng Diyos, ay ginamit ang paraang ito kay Korihor. Tulad ng ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang mga argumento ni Korihor ay napapanahon sa mga modernong mambabasa, ngunit ang ginamit ni Alma ay isang subok at hindi mapapabulaanang paraan sa pagtugon—ang kapangyarihan ng personal na patotoo” (Christ and the New Covenant [1997], 121).

Si Alma at si Korihor

Kahit maraming katibayan, o palatandaan, na ibinigay si Alma kay Korihor para patunayan na may Diyos, humingi ng isa pang palatandaan si Korihor at siya ay pinarusahan at naging pipi (tingnan sa Alma 30:45–50). Basahin ang Alma 30:51–53, at alamin kung bakit niya itinuro ang mga bagay na iyon.

Nang hindi na makapagturo ng mga maling doktrina si Korihor, inamin niya na itinuro niya ang kanyang mga maling ideya “dahil sa kasiya-siya ang mga ito sa makamundong isipan” (Alma 30:53). Ang pagkakaroon ng “makamundong isipan” ay tumutukoy sa pagtutuon sa mga makamundong kasiyahan o pagbibigay-kasiyahan sa mga pagnanasa ng katawan. Inakala ng mga naniwala sa mga itinuro ni Korihor na makapagpapasasa sila sa mga pisikal na kasiyahan at mga materyal na bagay at walang ibubunga ang mga ito. Inakay ng mga ideyang ito ang mga tao na magkasala (tingnan sa Alma 30:18).

Nakasaad sa Alma 30:54–59 na itinaboy si Korihor, nagpunta sa bahay-bahay na nanlilimos para sa pagkain, at kalaunan ay niyapak-yapakan hanggang sa mamatay. Basahin ang Alma 30:60, at hanapin ang isang mahalagang katotohanan tungkol sa mangyayari kalaunan sa mga tao na pinipiling sundin si Satanas. Markahan ang sumusunod na parirala sa iyong banal na kasulatan: “Hindi itataguyod ng diyablo ang kanyang mga anak [kanyang mga tagasunod] sa huling araw.” (Sa talatang ito ang ibig sabihin ng, mga anak ay mga tagasunod.)

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Paano nakita sa buhay ni Korihor ang katotohanang minarkahan mo sa Alma 30:60?

    2. Ikumpara ang Alma 30:60 sa Alma 36:3. Anong katibayan ang nakita mo sa iyong buhay o sa buhay ng iba na nagpapakita na patuloy na susuportahan ng Diyos ang mga taong nagsisikap na sundin ang Kanyang mga kautusan?

Rebyuhin ang mga totoong alituntunin at doktrina na napag-aralan mo sa araw na ito. Mag-isip ng mga paraan para hindi ka malinlang ng mga maling turo, gaya ng mga turo ni Korihor.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Alma 30 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser:

  • Mga sagot sa matching activity: (1) D, (2) A, (3) E, (4) C, (5) B, (6) F.