Unit 21: Day 3
I Mga Taga Corinto 1–2
Pambungad
Matapos malaman ang mga nararanasang problema ng mga miyembro ng Simbahan sa Corinto, sumulat si Pablo sa mga miyembrong ito at hinikayat sila na itigil ang pagtatalo at magkaisa. Ipinaliwanag din niya na tinatawag ng Diyos ang mahihina at mapagpakumbaba para mangaral ng Kanyang ebanghelyo at na ang mga bagay ng Diyos ay malalaman at mauunawaan lamang sa pamamagitan ng Espiritu.
I Mga Taga Corinto 1:1–16
Sumulat si Pablo sa mga Banal sa Corinto at hinikayat sila na itigil ang pagtatalo at magkaisa
Umisip ng isang pamilya, isang sports team, at isang grupo ng magkakaibigan.
Ano ang maaaring magdulot ng pagkakabaha-bahagi o paggrupu-grupo at pagtatalo sa bawat isa sa mga grupong ito?
Paano makakaapekto ang paggrupu-grupo at pagtatalo sa isang pamilya, team, o magkakaibigan?
Isipin kung paano makakaapekto sa Simbahan ang mga di-pagkakasundo at pagtatalo ng mga miyembro nito.
Sa pag-aaral mo ng I Mga Taga Corinto 1, alamin ang katotohanang itinuro ni Pablo sa mga Banal sa Corinto tungkol sa di-pagkakasundo at pagtatalo.
Hanapin ang Corinto sa sumusunod na mapa:
Sa kanyang pangalawang paglalakbay bilang misyonero, nagpunta si Pablo sa Corinto sa Grecia, kung saan ipinangaral niya ang ebanghelyo. Maraming tao ang nabinyagan noong panahong iyon (tingnan sa Mga Gawa 18:1–18). Kalaunan, habang nangangaral si Pablo sa Efeso, nalaman niya na nagkaroon ng problema sa mga miyembro ng Simbahan sa Corinto dahil may mga miyembrong bumalik sa dati nilang paniniwala at pagsamba sa diyus-diyusan. Sumulat si Pablo sa mga miyembro ng Simbahan sa Corinto para palakasin sila at ipaalala sa kanila na nangako silang maglilingkod sa Panginoon.
Nabasa natin sa I Mga Taga Corinto 1:1–9 na sinabi ni Pablo sa mga Banal sa Corinto na pinasalamatan niya ang Diyos para sa kanila dahil sa biyayang natanggap nila mula kay Jesucristo, na pinagpala sila sa lahat ng bagay.
Basahin ang I Mga Taga Corinto 1:10–11, na inaalam ang hinikayat ni Pablo na gawin ng mga Banal sa Corinto.
Para malaman ang katotohanang tinukoy sa mga talatang ito, gamitin ang mga sumusunod na salita para punan ang sumusunod na pahayag: magkaisa, inaasahan, pagtatalo, alisin.
Ang Panginoon ay ____________________ tayo bilang mga Banal na ____________________ at ____________________ ang mga paggrupu-grupo at ____________________.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Anong mga pagpapala ang natatanggap natin bilang mga miyembro ng Simbahan kapag sinisikap nating magkaisa at itigil ang paggugrupu-grupo at pagtatalo?
-
Kailan kayo napagpala dahil nagkakaisa kayo sa pamilya, klase, korum, o ward o branch?
-
Ano ang magagawa natin para matigil ang mga paggrupu-grupo at pagtatalo sa Simbahan?
-
Ayon sa I Mga Taga Corinto 1:12–16, ang mga miyembro ng Simbahan sa Corinto ay naggrupo-grupo ayon sa iba-ibang interpretasyon nila sa doktrina ng Simbahan, at sinuportahan nila ang kanilang pananaw sa pagbanggit sa mga ipinahayag ng mga kilalang lider ng Simbahan.
I Mga Taga Corinto 1:17–31
Itinuro ni Pablo sa mga Banal na tinatawag ng Diyos ang mahihina para mangaral ng Kanyang ebanghelyo
Noong panahon ni Pablo, ang Grecia ay nasa ilalim ng pamumuno ng Roma, at maraming Griyego ang naninirahan sa Corinto. Mataas ang pagpapahalaga ng mga Griyego sa mga pilosopiya at karunungan ng mundo.
Isipin kung bakit nahihirapan ang isang taong nagpapahalaga sa mga pilosopiya ng mundo na tanggapin o ipamuhay ang ebanghelyo.
Sa pag-aaral mo ng I Mga Taga Corinto 1:17–31, alamin ang katotohanang makatutulong sa iyo na maunawaan na kamangmangan ang umasa sa karunungan ng mundo.
Basahin ang I Mga Taga Corinto 1:17–22, na inaalam ang itinuro ni Apostol Pablo tungkol sa karunungan ng mundo laban sa karunungan ng Diyos. Ang mga katagang “karunungan ng marurunong” sa (I Mga Taga Corinto 1:19) at “karunungan ng sanglibutan” sa (I Mga Taga Corinto 1:20) ay tumutukoy sa mga maling pilosopiya ng panahong iyon na nakagawian na. Maaari ding makatulong na malaman na ginamit ni Pablo ang salitang “krus” (I Mga Taga Corinto 1:17–18) upang tukuyin ang buhay, misyon, at Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Sa palagay mo, bakit itinuturing ng mga di-naniniwala na kamangmangan ang mensahe ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo?
Basahin ang I Mga Taga Corinto 1:25, na inaalam ang itinuturo ni Pablo tungkol sa karunungan ng tao kumpara sa karunungan ng Diyos. Hindi mangmang ang Diyos, at wala Siya ni anumang kahinaan. Ginamit ni Pablo ang mga katagang “kamangmangan ng Dios ay lalong marunong kay sa mga tao” at “kahinaan ng Dios ay lalong malakas kay sa mga tao” para ipakita na ang kapangyarihan at karunungan ng tao ay hindi maikukumpara sa lubos na karunungan at kapangyarihan ng Diyos.
Bilugan ang katotohanan na pinakanaglalarawan ng itinuro ni Pablo sa mga taga-Corinto tungkol sa karunungan ng Diyos:
-
Ang karunungan ng Diyos ay higit kaysa karunungan ng tao.
-
Makapangyarihan ang isang tao kapag siya ay marunong.
-
Ang mga palatandaan mula sa langit ay mas makabuluhan kaysa karunungan ng mga Griyego.
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Sa palagay mo, paano makakaapekto ang pagkaunawa na ang karunungan ng Diyos ay mas mainam kaysa karunungan ng tao sa taong naghahanap ng kasagutan sa kanyang mga problema?
Basahin ang I Mga Taga Corinto 1:26–27, na inaalam kung sino ang pinipili ng Diyos na mangaral ng Kanyang ebanghelyo.
Isipin kung bakit pinipili ng Diyos ang mga taong itinuturing ng mundo na mangmang at mahina para mangaral ng Kanyang ebanghelyo.
Natutuhan natin sa I Mga Taga Corinto 1:28–31 na itinuro ni Pablo na si Jesucristo ang perpektong halimbawa ng “karunungang mula sa Dios, at katuwiran at kabanalan, kabutihan, at katubusan” (I Mga Taga Corinto 1:30) at dapat tayong malugod, o magalak, sa Kanya.
I Mga Taga Corinto 2
Ipinaliwanag ni Pablo kung paano natin natututuhan ang mga bagay ng Diyos
Basahin ang ikinuwento ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa naranasan niya bago siya matawag bilang General Authority:
“Nakaupo ako sa eroplano katabi ang isang ateista na ipinagpilitan ang kanyang di-paniniwala sa Diyos kaya nagpasiya akong ibahagi sa kanya ang aking patotoo. ‘Mali ka,’ ang sabi ko, ‘mayroong Diyos. Alam kong buhay Siya!’
“Kinontra niya ito, ‘Hindi mo alam. Walang may alam niyan! Hindi mo malalaman iyan! Nang hindi niya ako nagpadaig, ang ateistang, na isang abugado, ay nagtanong ng marahil ang pinakamahalagang tanong patungkol sa patotoo. ‘Sige,’ sinabi niya nang nangungutya, at nanlalait, ‘sabi mo alam mo. Sabihin mo sa akin kung paano mo nalaman.’
“Nang tinangka kong sumagot, nahirapan akong magsalita, kahit mataas ang aking pinag-aralan. …
“Nang ginamit ko ang mga salitang Espiritu at saksi, sinabi ng ateista, ‘Hindi ko alam kung ano ang sinasabi mo.’ Ang mga salitang panalangin, pahiwatig, at pananampalataya, ay wala ring kabuluhan sa kanya. ‘Tingnan mo,’ sabi niya, ‘hindi mo talaga alam. Kung alam mo, masasabi mo sa akin kung paano mo nalaman.’
“Sa pakiramdam ko, tila hindi tama ang paraan ng pagbahagi ko sa kanya ng patotoo at hindi ko alam kung ano ang gagawin ko,” (“The Candle of the Lord,” Ensign, Ene. 1983, 51).
Kung ikaw ang nasa sitwasyong iyon, ano kaya ang sasabihin mo sa taong ito na hindi naniniwala sa Diyos?
Sa pag-aaral mo ng I Mga Taga Corinto 2, alamin ang katotohanang makatutulong sa iyo na malaman kung bakit hindi maunawaan ng taong ito ang mga sinabi ni Pangulong Packer at bakit maaari kang maging tiyak sa kaalaman mo sa mga espirituwal na bagay.
Mababasa natin sa I Mga Taga Corinto 2:1–8 na sinabi ni Pablo sa mga Banal sa Corinto na hindi niya ginamit ang karunungan ng mundo para ipaunawa sa kanila ang katotohanan ng ebanghelyo. Ipinaliwanag niya na tinuruan niya sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu para magkaroon sila ng pananampalataya sa Diyos. Sinabi rin sa kanila ni Pablo na hindi nauunawaan ng mga di-naniniwala ang mga hiwaga ng Diyos.
Basahin ang I Mga Taga Corinto 2:9–16, na inaalam kung bakit sinabi ni Pablo na malalaman at mauunawaan ng ilang tao ang “mga bagay ng Dios” (I Mga Taga Corinto 2:10–11), samantalang ang iba ay hindi.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Ayon sa I Mga Taga Corinto 2:9–10, bakit nauunawaan ni Pablo at ng iba pang matatapat na tao ang mga bagay ng Diyos?
-
Ayon sa I Mga Taga Corinto 2:14, bakit hindi maunawaan ng ilang tao ang mga bagay ng Diyos?
-
Natutuhan natin mula sa mga talatang ito ang sumusunod na katotohanan: Malalaman at mauunawaan lamang natin ang mga bagay ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu. Maaari mong markahan ang mga salita o mga parirala sa I Mga Taga Corinto 2:10–14 na nagtuturo ng katotohanang ito.
Tinapos ni Pangulong Packer ang kanyang kuwento sa paglalahad na nabigyang-inspirasyon siya na itanong sa lalaking nakatabi niya sa eroplano kung alam nito ang lasa ng asin.
“‘Siyempre, alam ko,’ sagot nito.
“‘Kailan ka huling nakatikim ng asin?’
“‘Kanina lang nang kumain ako sa eroplano.’
“‘Iniisip mo lang na alam mo ang lasa ng asin,’ sabi ko.
“Iginiit niya, ‘Alam ko ang lasa ng asin tulad ng pagkakaalam ko sa alinmang bagay.’ …
“‘Kung gayon,’ sabi ko, ‘kunwari ay hindi pa ako nakatikim ng asin, sabihin mo sa akin kung ano ang lasa ng asin.’ …
“Pagkaraan ng ilang pagtatangka, siyempre pa, hindi niya ito magawa. Hindi niya maipaliwanag, gamit lang ang mga salita, ang simpeng pagtikim ng asin. Nagpatotoo akong muli sa kanya at sinabi kong, ‘Alam ko na may Diyos. Nilait mo ang patotoong iyan at sinabi mo na kung talagang alam ko, masasabi ko sa iyo kung paano ko ito nalaman. Kaibigan, sa espirituwal na pananalita, nakatikim na ako ng asin. Hindi ko maipapaliwang sa iyo gamit lang ang mga salita kung paano ko ito nalaman tulad ng hindi mo masabi sa akin kung ano ang lasa ng asin. Ngunit sinasabi ko muli sa iyo, may Diyos! Siya ay buhay! At dahil lang hindi mo ito alam, huwag mong sabihin sa akin na hindi ko alam, dahil alam ko!’
“Nang maghiwalay kami, narinig ko siyang bumulong, ‘Hindi ko kailangan ang relihiyon mo para maging sandigan! Hindi ko iyan kailangan.’
“Simula nang maranasan ko iyon, hindi na ako nahihiya kapag hindi ko maipaliwanag sa salita lamang ang lahat ng espirituwal na bagay na alam ko” (“The Candle of the Lord,” 52).
-
Kumpletuhin ang sumusunod sa iyong scripture study journal:
-
Isulat ang ilang mga bagay ng Diyos na malalaman at mauunawaan lamang sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu.
-
Bakit mahalaga para sa atin na paniwalaan na malalaman at mauunawaan lamang natin ang mga bagay ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu?
-
Isipin ang isang pagkakataon na nalaman at naunawaan mo sa pamamagitan ng Espiritu ang isa sa mga bagay ng Diyos na inilista mo sa iyong scripture study journal. Isipin ang mga magagawa mo ngayon para matanggap ang tulong ng Espiritu habang sinisikap mong malaman at maunawaan ang mga bagay ng Diyos.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang I Mga Taga Corinto 1–2 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: