Unit 14: Day 1
Juan 7
Pambungad
Dumalo si Jesus sa Pista ng mga Tabernakulo sa Jerusalem at itinuro sa mga tao sa templo kung paano sila makatatanggap ng patotoo na ang Kanyang mga turo ay mula sa Diyos Ama. Dahil nagtatalo ang mga tao kung sino Siya, ginamit ni Jesus ang tubig at ilaw sa matalinghagang paraan upang patotohanan ang Kanyang pagiging Diyos. Nagturo rin Siya tungkol sa Espiritu Santo.
Juan 7:1–13
Dumalo si Jesus sa Pista ng mga Tabernakulo
Naisip mo na ba kung may mga kapatid si Jesus?
Ayon sa mga banal na kasulatan, nagkaroon ng mga anak sina Jose at Maria pagkatapos isilang si Jesus at maaaring sila ay lumaki at nanirahang kasama Niya sa iisang tahanan. Gayunman, dahil si Jesucristo ay anak ni Maria at ng Diyos Ama, hindi ni Jose, ang mga taong ito ay mga kapatid lamang ni Jesus sa ina (tingnan sa Mateo 13:55–56; Marcos 6:3).
Pag-isipang mabuti kung paano kaya kung kasabay mong lumaki si Jesus sa iisang bahay.
Sa palagay mo ba ay mas madaling maniwala sa Kanya kung lumaki ka nang kasama Siya? Bakit oo o bakit hindi?
Nalaman natin sa Juan 7 kung ano ang tingin kay Jesus ng ilan sa Kanyang “mga kapatid” (Juan 7:3, 5). Ang salitang mga kapatid ay tumutukoy marahil sa mga kapatid sa ina ni Jesus, bagama’t maaaring kabilang din rito ang iba pang malalapit na kamag-anak.
Basahin ang Juan 7:1–5, na inaalam ang itinala ni Juan tungkol sa mga kapatid ni Jesus.
Maaari mong basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang patotoo sa pagiging Diyos ni Cristo at sa nakapagliligtas na kapangyarihan ng kanyang ebanghelyo ay hindi kaagad-agad ipinagkakaloob dahil sa ugnayan sa pamilya. Dumarating lamang ito sa pamamagitan ng personal na pagsunod sa mga walang-hanggang batas kung saan ito nakasalalay. …
“Madalas banggitin ang mga anak na lalaki nina Jose at Maria bilang ‘mga kapatid’ ni Jesus. … Bagama’t pinalaki sila sa iisang tahanan at naimpluwensyahan sa kabutihan nina Jose at Maria, bagama’t alam nila ang mga turo, ministeryo, at mga himala mismo ni Jesus, gayunman hindi siya tinanggap ng malalapit na kamag-anak na ito bilang ang Mesiyas” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:437).
Pag-isipang mabuti ang sumusunod na tanong: Paano nangyari na hindi naniwala kay Jesus ang ilan sa mga kapamilya Niya kahit alam nila ang Kanyang mga turo at mga himala?
Matapos malaman na sa panahon ng mga kaganapang nakatala sa Juan 7, na “hindi … tinanggap bilang ang Mesiyas” si Jesus ng mga kapatid Niya, ipinaliwanag ni Elder McConkie: “Gayunman, lahat sila, ay tila naniwala at nagbalik-loob kalaunan (Mga Gawa 1:14); ang isa sa kanila, na tinawag ni Pablo bilang si ‘Santiago, ang kapatid ng Panginoon’ (Gal. 1:19), ay naglingkod sa banal na pagka-apostol; at ang isa pa, si Judas, na tinawag ang sarili niyang, ‘Judas, ang … kapatid ni Santiago’ (Judas ), ay isinulat ang sulat ni Judas” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:437).
Nakatala sa Juan 7 ang mga nangyari nang idaos ang Pista ng mga Tabernakulo sa Jerusalem (tingnan sa Juan 7:2). Sa pistang ito, “na itinuturing [ng mga Judio] na pinakadakila at pinakamasaya sa lahat” (Bible Dictionary sa LDS English version ng Biblia, “Feasts”), maraming Judio ang naglakbay patungong Jerusalem upang alalahanin ang mga pagpapala ng Diyos sa mga anak ni Israel nang maglakbay sila sa ilang matapos silang iligtas mula sa pagkaalipin sa Egipto (tingnan sa Levitico 23:39–43). Ipinagdiwang at pinasalamatan din nila ang kanilang taunang pag-ani ng mga prutas at butil (tingnan sa Exodo 23:16). Tumatagal ang pistang ito nang walong araw.
Pansinin sa Juan 7:3–4 na nais ng mga kapatid ni Jesus na sumama Siya sa Pista ng mga Tabernakulo sa Jerusalem, na tila sinasabi na kung Siya ang tunay na Mesiyas, dapat Siyang pumunta sa Jerusalem at ipahayag ito sa lahat ng mga naroon.
Tulad ng nakatala sa Juan 7:6–10, nagpasya si Jesus na ipagpaliban ang pagpunta sa pista, ngunit hinikayat Niya ang Kanyang mga kapatid na pumunta roon. Ilang araw pagkatapos magsimula ang pista, palihim Siyang dumalo—na nalalamang may ilang pinunong Judio sa Jerusalem na gusto Siyang patayin ngunit hindi pa dumarating ang Kanyang oras para mamatay.
Basahin ang Juan 7:11–13, na inaalam ang sinasabi ng mga tao sa Jerusalem tungkol kay Jesus.
Tulad noong panahon ni Jesus, may iba’t ibang opinyon tungkol kay Jesucristo sa ating panahon. May mga taong nakakaalam at nagpapatotoo na Siya ang Anak ng Diyos at Tagapagligtas ng buong sangkatauhan. Naniniwala ang iba na Siya ay isang dakilang guro o propeta. Gayunman, hindi tinatanggap ng ibang tao ang pagiging Diyos ni Jesucristo at ang katotohanan ng Kanyang mga turo o takot silang sumunod sa Kanya nang hayagan. Sa patuloy na pag-aaral mo ng Juan 7, alamin kung paano mo malalaman na si Jesucristo ang iyong Tagapagligtas at kung totoo ang Kanyang mga turo.
Juan 7:14–36
Nagturo si Jesucristo sa mga Judio sa templo
Ang templo ang sentro ng mga pagdiriwang na naganap noong Pista ng mga Tabernakulo. Basahin ang Juan 7:14–15, na inaalam ang ginawa ni Jesus doon. Maaari mong markahan sa iyong mga banal na kasulatan ang reaksyon ng mga tao.
Namangha ang mga Judio na nakapagtuturo si Jesus nang may lalim at karunungan nang hindi naturuan ng mga gurong Judio o pumasok sa kanilang mga paaralan. Basahin ang Juan 7:16–18, na inaalam ang sinabi ni Jesus na magagawa ng mga tao upang malaman kung totoo ang Kanyang doktrina o mga turo. Maaari mong markahan ang nagbigay kay Jesus ng doktrinang itinuro Niya.
-
Sagutin ang mga sumusunod sa iyong scripture study journal.
-
Paano malalaman ng isang tao na tunay na mula sa Diyos ang doktrina ni Jesucristo?
-
Mula sa mga turo ng Panginoon sa templo, nalaman natin na kapag ginawa natin ang kalooban ng Ama sa Langit, makatatanggap tayo ng patotoo sa Kanyang doktrina. Ipaliwanag kung bakit mo naisip na totoo ang alituntuning ito.
-
Sinabi ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan: “Nagkakaroon tayo ng patotoo sa mga alituntunin ng ebanghelyo sa masugid na pagsunod dito. Itinuro ng Tagapagligtas, ‘Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo’ [Juan 7:17]. Ang patotoo sa bisa ng dasal ay nasa mapakumbaba at taimtim na dalangin. Ang patotoo sa ikapu ay nasa pagbabayad ng ikapu” (“Panginoon, Nananampalataya Ako; Tulungan Mo ang Kakulangan Ko ng Pananampalataya,” Ensign o Liahona, Nob. 2003, 19).
Ano ang itinuro ni Pangulong Faust na dapat nating gawin upang magkaroon ng patotoo sa mga alituntunin ng ebanghelyo?
Tandaan na hindi naniwala ang ilan sa mga kapatid ni Jesus na Siya ang ipinangakong Mesiyas, ngunit nakatanggap sila ng patotoo at nagbalik-loob kalaunan. Paano kaya nakatulong sa mga kapamilyang iyon ang alituntunin sa itaas upang magkaroon sila ng patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang mga turo?
Matapos banggitin ang Juan 7:17, itinuro ni Sister Bonnie L. Oscarson, Young Women general president: “Kung minsan ay kabaligtaran ang ginagawa natin. Halimbawa, maaaring ganito ang pamamaraan natin: Handa akong sundin ang batas ng ikapu, pero kailangan ko munang malaman kung ito ay totoo. Siguro ipinagdarasal pa natin na magkaroon ng patotoo tungkol sa batas ng ikapu at umaasa na ibibigay sa atin ng Panginoon ang patotoong iyan bago pa man natin sulatan ang tithing slip. Hindi sa ganyang paraan mangyayari iyan. Inaasahan ng Panginoon na mananalig tayo. Dapat ay patuloy tayong magbayad ng buo at tapat na ikapu para magkaroon tayo ng patotoo sa ikapu. Angkop din ito sa lahat ng alituntunin ng ebanghelyo, ito man ay batas ng kalinisang-puri, alituntunin ng disenteng pananamit, Word of Wisdom, o batas ng ayuno” (“Magbalik-loob Kayo,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 77).
Para sa isa o dalawang susunod na assignment, kung nadarama mong masyadong personal ang isusulat mo, maaari mong isulat ang iyong sagot sa iyong personal journal o sa isang papel at isulat sa iyong scripture study journal na natapos mo ang assignment.
-
Kumpletuhin ang sumusunod na pahayag sa iyong scripture study journal na isinusulat ang tungkol sa isang kautusan o alituntunin ng ebanghelyo na nalaman mong totoo dahil sa pagsisikap mo na ipamuhay ito: Alam ko na ang ay totoo dahil kapag ipinamumuhay ko ito, ako ay . Maaari mong ibahagi ang iyong isinulat sa isang tao na sa palagay mo ay mas mapapabuti ng pakikinig sa iyong patotoo.
-
Sa iyong scripture study journal, sumulat ng isang katotohanan, kautusan, o turo sa ebanghelyo na gusto mong magkaroon ng mas malakas na patotoo tungkol dito. Pagkatapos ay isulat ang gagawin mo upang magkaroon ng mas malakas na patotoo tungkol sa katotohanan, kautusan, o turong iyon sa pamamagitan ng pamumuhay sa alituntuning napag-aralan mo sa Juan 7:17.
Ipinaliwanag sa Juan 7:19–36 na pinagsabihan ni Jesus ang mga pinunong Judio dahil hindi nila tinanggap ang Kanyang mga turo at mga himala at sa paghahangad na patayin Siya. Ipinakita rin ng mga talatang ito na maraming tao ang nag-isip kung Siya ang Mesiyas at na ang mga punong saserdote at mga Fariseo ay nagpadala ng mga punong kawal upang dakpin Siya.
Juan 7:37–53
Nagturo si Jesucristo tungkol sa kaloob na Espiritu Santo
Alalahanin ang isang pagkakataon na nauhaw ka. Kunwari ay may hawak kang isang basong walang laman. Mapapawi ba ng basong walang laman ang uhaw mo? Ano pa ang kailangan mo?
Uminom ng tubig. Habang ginagawa mo ito, isipin kung gaano kahalaga ang tubig sa iyong buhay. Maaari kang mag-alay ng panalangin ng pasasalamat sa Ama sa Langit sa pagbibigay ng tubig sa iyo at sa pamilya mo.
Ang lupain ng Israel ay walang malaking suplay ng malinis na tubig upang matugunan ang pangangailangan ng mga tao. Mapapanatili lamang ang buhay sa pamamagitan ng tubig-ulan na pupuno muli sa kanilang suplay ng tubig. Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie kung paano naging bahagi ang tubig ng “isa sa mga pinakasagrado at madamdaming tagpo sa pagsamba ng mga Judio” sa pagdiriwang na nagaganap:
“Sa bawat isa sa walong araw ng pista ng mga Tabernakulo, … nakaugalian na ng saserdote, bilang bahagi ng serbisyo sa templo, ang pagkuha ng tubig gamit ang mga ginintuang lalagyan [mga pitsel] mula sa batis ng Siloe, na dumadaloy sa ilalim ng templo, at ibinubuhos ito sa altar. Pagkatapos ay kinakanta ang mga salita ni Isaias: ‘Kaya’t kayo’y iigib ng tubig na may kagalakan sa mga balon ng kaligtasan.’ (Isa. 12:3.) At sa mismong pinakatampok na bahaging ito ng pagdiriwang lumantad si Jesus at nag-alay ng mga inumin na buhay na papawi sa mga pinakamatinding espirituwal na hangarin ng uhaw na kaluluwa” (Doctrinal New Testament Commentary, 1:446).
Basahin ang Juan 7:37–39, na inaalam ang inalok ng Tagapagligtas sa mga tao.
Ipinahahayag sa Joseph Smith Translation ng Juan 7:39 na “ang Espiritu Santo ay ipinangako sa kanila na naniniwala, matapos na si Jesus ay niluwalhati” (Joseph Smith Translation, John 7:39 ; idinagdag ang italics).
Ipinahihiwatig ng mga katagang “mula sa loob niya” (Juan 7:38) na ang tubig na buhay ay nasa kalooban at aagos mula sa mga naniniwala, sa halip na mula sa mga impluwensyang nasa labas. Maaari mong markahan sa Juan 7:39 ang tinutukoy ng tubig na buhay.
Ipinapaliwanag ng Bible Dictionary na “sa ilang kadahilanang hindi gaanong ipinaliwanag sa mga banal na kasulatan, ang Espiritu Santo ay hindi lubos na ibinigay sa mga Judio sa mga panahong narito sa lupa si Jesus (Juan 7:39; 16:7). Ang mga pahayag na hindi naparito ang Espiritu Santo hangga’t hindi pa nabubuhay na mag-uli si Jesucristo ay tumutukoy sa yaong dispensasyon lamang, sapagkat malinaw na ang Espiritu Santo ay naroon sa mga naunang dispensasyon. Dagdag pa rito, ang tinutukoy lamang na wala roon ay ang kaloob ng Espiritu Santo, dahil ang kapangyarihan ng Espiritu Santo ay nadama sa panahon ng mga ministeryo ni Juan Bautista at ni Jesus; kung hindi ay walang sinuman ang makatatanggap ng patotoo sa mga katotohanang itinuro ng mga lalaking ito (Mat. 16:16–17; tingnan din sa I Mga Taga Kor. 12:3)” (Bible Dictionary, “Holy Ghost”).
Ayon sa mga turo ng Tagapagligtas sa Juan 7:37–39, nalaman natin na kung lalapit tayo kay Jesucristo at maniniwala sa Kanya, mapuspos tayo ng Espiritu Santo. Maiimpluwensyahan ng mga taong napuspos ng Espiritu Santo ang iba sa kabutihan.
-
Sa iyong scripture study journal, ilarawan ang isang pagkakataon na napuspos ka ng Espiritu Santo at, dahil dito ay naimpluwensyahan mo ang iba sa kabutihan.
Nabasa natin sa Juan 7:40–53 na ang mga punong saserdote at mga Fariseo ay nagnais muli na ipadakip si Jesus. Ang mga punong kawal na ipinadala upang dakpin si Jesus ay narinig ang pagtuturo Niya. Bumalik sila na hindi Siya dinakip at sinabi sa mga Fariseo na wala pa silang narinig na sinuman na nagturo nang tulad ng Tagapagligtas, na ikinagalit ng mga Fariseo. Si Nicodemo, ang Fariseo na pumunta sa Panginoon isang gabi (tingnan sa Juan 3:1–2), ay ipinaalala sa kanyang kapwa Fariseo at mga punong saserdote na hindi pinapayagan ng batas nila na parusahan ang isang tao nang hindi ito binibigyan ng pagkakataong magsalita.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Juan 7 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: