Library
Unit 27, Day 3: Kay Filemon


Unit 27: Day 3

Kay Filemon

Pambungad

Pinuri ni Apostol Pablo sa sulat na ito si Filemon dahil sa pananampalataya at pagmamahal nito sa Tagapagligtas at sa mga kapwa miyembro ng Simbahan. Pinayuhan niya si Filemon na tanggapin muli ang tumakas nitong alipin na si Onesimo bilang kapatid sa ebanghelyo.

Kay Filemon

Pinayuhan ni Pablo si Filemon na tanggapin muli ang lumayas nitong alipin na si Onesimo bilang kapatid sa ebanghelyo

  1. Bilang mga miyembro ng Simbahan, madalas tayong may mga bagong nakikilalang tao. Isipin kunwari na may bagong miyembro sa inyong ward o branch. Sa iyong scripture study journal, magsulat tungkol sa mga hamon sa pakikisalamuha na maaaring maranasan ng isang tao kapag sumapi siya sa Simbahan o lumipat sa bagong ward o branch. Kung sumapi ka sa Simbahan o lumipat sa isang bagong ward o branch nito lang nagdaang mga taon, ilarawan ang anumang mga hamon sa pakikisalamuha na naranasan mo.

Pag-isipan ang mga sumusunod na tanong: Paano mo pinakikitunguhan ang mga bagong miyembro sa iyong ward o branch? Paano mo pinakikitunguhan ang mga miyembro ng Simbahan na naiiba sa iyo ang pag-uugali, mga interes, o kabilang sa ibang mga grupo ng kaibigan?

Habang pinag-aaralan mo ang sulat ni Apostol Pablo kay Filemon, alamin ang katotohanan na gagabay sa iyo sa iyong pakikisalamuha sa kapwa mo mga miyembro ng Simbahan.

Sa kanyang unang pagkabilanggo sa Roma, habang nakakulong, sumulat si Pablo kay Filemon, na marahil ay isang Griyego na nabinyagan sa Simbahan. Tulad ng nakatala sa Kay Filemon 1:1–3, sinimulan ni Pablo ang kanyang sulat sa pagbati kay Filemon at sa iba pa, pati na ang kongregasyon na nagpupulong sa tahanan ni Filemon.

Basahin ang Kay Filemon 1:4-7, na inaalam kung bakit pinuri ni Pablo si Filemon. Sa kontekstong ito, ang salitang pakikipagkaisa ay tumutukoy sa pakikibahagi at pakikipagkapatiran at ang ibig sabihin ng mga katagang “maging mabisa” ay maging aktibo o magkaroon ng epekto.

Makatutulong na malaman na nang sabihin ni Pablo na “ang mga puso ng mga Banal ay naginhawahan” (Kay Filemon 1:7), ang ibig niyang sabihin ay napasaya ni Filemon ang mga puso nila.

Ang pangunahing layunin ng pagsulat ni Pablo kay Filemon ay talakayin ang isang sitwasyong sangkot si Filemon at ang kanyang tagapaglingkod, o alipin, na nagngangalang Onesimo. Tumakas si Onesimo at maaaring may ninakaw na isang bagay mula kay Filemon (tingnan sa Kay Filemon 1:18). Ang pagkaalipin ay hindi itinuturing na masama sa kultura ng Judio-Kristiyano sa Bagong Tipan at sinusuportahan ito ng batas ng mga Romano. Kabilang sa mga ipapataw na parusa sa mga tumakas na alipin ay ang matinding paghampas, pagtatatak sa noo, o maging kamatayan. Pagkatapos tumakas, nakatagpo ni Onesimo si Apostol Pablo.

Basahin ang Kay Filemon 1:8–12, na inaalam ang ipinakiusap, o taos-pusong hiniling ni Pablo na gawin ni Filemon. Pansinin na sa talata 8, ang ibig sabihin ng salitang ipagtagubilin ay iutos at ang ibig sabihin ng salitang nauukol ay naaangkop o tugma.

Kung ikaw ang nasa kalagayan ni Filemon, ano ang maiisip o madarama mo kapag natanggap mo ang kahilingan ni Pablo?

Pansinin ang mga katagang “na aking ipinanganak sa aking mga tanikala” (Kay Filemon 1:10). Ang isang kahulugan ng pandiwang mag-anak ay bigyan ng buhay o pag-asa ang isang tao. Habang nasa bilangguan si Pablo, tinulungan niya si Onesimo na magsimula ng bagong buhay bilang disipulo ni Jesucristo.

Tulad ng nakatala sa Kay Filemon 1:13–14, gusto ni Pablo na manatili sa kanya si Onesimo para matulungan siya ni Onesimo, ngunit ayaw ni Pablo na gawin ito nang walang pahintulot ni Filemon.

Basahin ang Kay Filemon 1:15–16, na inaalam kung paano hinikayat ni Pablo si Filemon na isaalang-alang ang kanyang pakikitungo sa bagong miyembrong si Onesimo. Maaari mong markahan o lagyan ng tanda ang nalaman mo.

Bakit naging mahirap para kay Filemon na ituring si Onesimo bilang “kapatid na minamahal” (Kay Filemon 1:16)?

Ang isang katotohanan na malalaman natin mula sa talata 16 ay na magkakapatid tayo sa ebanghelyo.

Tayong lahat ay mga espiritung anak ng Ama sa Langit (tingnan sa Mga Hebreo 12:9), at dahil dito, lahat tayo ay magkakapatid. Bukod pa rito, sa pamamagitan ng mga ordenansa ng binyag at kumpirmasyon, sa patuloy na pananampalataya kay Jesucristo, at palaging pagsisisi, tayo ay espirituwal na ipinapanganak na muli. Sa ganitong paraan, tayo ay nagiging mga anak ni Jesucristo (tingnan sa Mosias 5:7) at, samakatwid, magkakapatid sa Kanyang pinagtipanang pamilya. Anuman ang ating kasarian, kultura, edad, pinagmulan, o katayuan sa lipunan, tayo ay nagiging pantay-pantay sa kaharian ng Diyos.

Habang binabasa mo ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball, alamin kung paano nakakaimpluwensya ang katotohanang tayo ay magkakapatid sa ebanghelyo sa pakikitungo natin sa isa’t isa, lalo na sa mga bagong miyembro ng Simbahan:

Larawan
Pangulong Spencer W. Kimball

“Lagi akong naaantig kapag binabasa ko ang maikling sulat ni Pablo kay Filemon; itinuturo nito sa atin ang isang alituntunin at ugali hinggil sa kapatiran sa ebanghelyo. …

“Isang inspirasyon at kagalakan na makita ang ugali ring ito sa buong Simbahan, na makita ang mga Banal na tinatanggap at tinutulungan at sinusuportahan at ipinagdarasal ang mga yaong araw-araw na pumapasok sa kaharian ng ating Panginoon. Patuloy na kaibiganin ang isa’t isa—at ang marami pang iba na papasok sa Simbahan. Malugod silang tanggapin at mahalin at kaibiganin sila.

“Nakalulungkot na may mga paminsan-minsang pangyayari kung saan ang ilan sa atin ay hindi nagagawa ito, mga kuwento tungkol sa ilan na hindi tinatanggap ang mga yaong tinanggap ng Panginoon sa pamamagitan ng binyag. Kung ang Panginoon ay ‘hindi nahihiyang tawagin silang mga kapatid’ (Heb. 2:11), kung gayon, halina, … hawakan natin ang mga kamay ng ating mga kapatid at pagmalasakitan at mahalin natin sila” (“Always a Convert Church: Some Lessons to Learn and Apply This Year,” Ensign, Set. 1975, 4).

  1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Sa iyong palagay, bakit mahalagang maunawaan na tayo ay magkakapatid sa ebanghelyo?

    2. Kailan mo nakita ang isang tao na itinuring na mga kapatid sa ebanghelyo ang ibang tao? Anong kabutihan ang idinulot ng gayong kabaitan at pagmamahal?

  2. Sumulat ng liham sa isang tao sa iyong ward o branch na nangangailangang makadama ng pagmamahal at pagtanggap. Maaari mong pasalamatan ang tao sa kanyang mga talento at mga kontribusyon at ipahayag ang iyong pagmamalasakit bilang kapatid sa ebanghelyo. Pagkatapos mong sumulat ng liham, isulat ang buod nito sa iyong scripture study journal.

Upang makapaghanda na matukoy ang karagdagang katotohanan na nakasaad sa sulat ni Pablo kay Filemon, isipin ang isang pagkakataon na nasaktan ng isang tao ang damdamin mo o kaya’y nagkasala siya sa iyo.

Basahin ang Kay Filemon 1:17, na inaalam ang ipinayo ni Pablo na gawin ni Filemon kay Onesimo, ang tumakas na alipin ni Filemon.

Hiniling ni Pablo kay Filemon na tanggapin si Onesimo sa kanyang tahanan at huwag itong patawan ng matitinding parusa na karaniwang natatanggap ng mga tumakas na alipin. Tulad ng nakasaad sa tagubilin ni Pablo kay Filemon, natutuhan natin na nahahabag at nagpapatawad ang mga disipulo ni Jesucristo sa iba.

Bakit kung minsan ay mahirap mahabag at magpatawad sa iba?

Ipaliwanag na ang pagpapakita ng habag at pagpapatawad sa mga taong nagkasala sa atin ay hindi nangangahulugan na hahayaan natin sila na makaligtas mula sa mga bunga ng kanilang mga ginawa, o kaagad nating ibabalik ang tiwala natin sa kanila. Sa halip, ibig sabihin nito ay mahahabag tayo sa iba at alisin ang anumang hinanakit, galit, o sakit na nararamdaman pa rin natin. Kapag angkop, maaari din nating hayaan ang mga yaong nagkasala sa atin na gawin ang makakaya nila para maibalik nila ang tiwala natin sa kanila.

Basahin ang Kay Filemon 1:18–21, na inaalam ang inialok ni Pablo na gagawin niya para kay Onesimo.

Tulad ni Pablo na namagitan para sa kapakanan ni Onesimo, si Jesucristo ay mamamagitan para sa atin at magsusumamo para sa ating kapakanan sa harapan ng Ama sa Langit (tingnan sa D at T 45:3–5). Binayaran din ni Jesucristo ang espirituwal na utang natin dahil sa ating mga kasalanan.

Paano makatutulong sa atin ang pag-alaala sa ginawa ni Jesucristo para sa atin na kahabagan at patawarin natin ang iba?

  1. Sagutin sa iyong scripture study journal ang isa o higit pa sa mga sumusunod na pangkat ng mga tanong (tiyakin na huwag magsulat ng anumang bagay na masyadong personal o pribado):

    1. Tulad ni Filemon, kailan mo kinailangang kahabagan at patawarin ang isang tao? Paano mo naipakita ang iyong habag at kapatawaran sa taong ito? Paano ka napagpala sa paggawa nito?

    2. Tulad ni Onesimo, kailan mo kinailangang kahabagan at patawarin ng isang tao? Paano mo hinangad ang habag at pagpapatawad ng taong ito? Paano ka napagpala sa paggawa nito?

    3. Tulad ni Pablo, kailan ka pumagitan sa isang taong naghahanap ng kapatawaran at sa isang taong kailangang magpatawad at magpakita ng habag? Paano mo natulungan ang nagkasala na makatanggap ng kapatawaran at ang taong nasaktan na mapatawad ang nagkasala?

Pag-isipan ang magagawa mo para kahabagan at patawarin ang iba. Kapag hinangad mong isama, tanggapin, at ibigay ang pagpapatawad sa iba, tutulungan ka ng Panginoon sa iyong mga pagsisikap.

  1. Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Kay Filemon at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser:

Print