Unit 15: Day 1
Juan 11
Pambungad
Nagpadala ng mensahe sina Maria at Marta kay Jesus na maysakit si Lazaro. Ipinagpaliban ni Jesus ang pagpunta Niya at dumating apat na araw matapos mamatay si Lazaro. Dahil sa pagmamahal at pagkahabag, muling binuhay ni Jesus si Lazaro. Binigyang-diin ng pangyayaring ito na si Jesus ang Mesiyas at may kapangyarihan Siyang daigin ang kamatayan. Matapos marinig ang himalang ito, nagplano ang mga punong saserdote at mga Fariseo na patayin sina Jesus at Lazaro.
Juan 11:1–46
Pinabangon ni Jesus si Lazaro mula sa kamatayan
-
Mag-isip ng isang pagsubok o hamon na napagdaanan o pinagdaraanan mo (o ng isang taong kilala mo). Pagkatapos ay sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Sa anong mga paraan naaapektuhan ang pananampalataya ng mga tao sa Diyos kapag dumaranas sila ng mga pagsubok o hamon sa mga buhay nila?
-
Bakit pinipili ng ilang tao na talikuran ang kanilang paniniwala sa Diyos dahil sa mga kinakaharap nilang mga pagsubok o hamon?
-
Sa pag-aaral mo ng Juan 11, alamin ang mga katotohanang makatutulong sa iyo na mapalakas ang iyong pananampalataya sa Diyos habang dumaranas ka ng mga pagsubok at hamon sa buhay.
Basahin ang Juan 11:1–3, na inaalam ang isang pagsubok na dinaranas ng ilang kaibigan ni Jesus.
Sa palagay mo, bakit nagpadala ng mensahe kay Jesus ang mga kapatid ni Lazaro tungkol sa sakit nito?
Nasa Betabara sa Perea si Jesus (tingnan sa Juan 1:28; 10:40), na mga isang araw na paglalakbay pasilangan mula sa Betania. Samakatwid, aabutin ang isang tao nang isang araw para madala ang mensaheng ito kay Jesus at isa pang araw para kay Jesus na makarating sa Betania.
Basahin ang Juan 11:4–7, na inaalam ang isinagot ni Jesus matapos marinig na may sakit si Lazaro.
Dahil alam nilang mahal ni Jesus sina Marta, Maria, at Lazaro, inasahan marahil ng mga disipulo na agad maglalakbay si Jesus patungong Betania at pagagalingin si Lazaro. O marahil ay magsasalita si Jesus at pagagalingin si Lazaro kahit malayo ito, tulad ng ginawa ni Jesus sa anak ng isang maharlika (tingnan sa Juan 4:46–53.) Gayunman, dalawang araw pang nanatili si Jesus sa Perea.
Ayon sa Juan 11:4, ano ang sinabi ni Jesus na maisasakatuparan sa pamamagitan ng pagkakasakit ni Lazaro?
Nalaman natin sa Juan 11:8–10 na pinayuhan ng ilang mga disipulo si Jesus na huwag bumalik sa Judea, kung saan matatagpuan ang Betania, dahil hangad ng mga pinunong Judio sa dakong iyon na patayin Siya.
Ibinigay ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na paliwanag tungkol sa isinagot ng Tagapagligtas na nakatala sa Juan 11:9–10: “Siguradong pupunta si Jesus sa Judea kahit na may mga pagbabanta sa buhay niya roon. [Itinuro ni Jesus sa mga talatang ito:] ‘Kahit nasa ikalabing-isang oras na ang aking buhay, mayroon pa ring labindalawang oras sa maghapon, at sa itinakdang panahong iyon, gagawin ko ang itinalaga sa akin nang hindi nadarapa o nag-aalangan. Ito ang oras na ibinigay sa akin upang gawin ang aking gawain. Hindi ko mahihintay ang gabi na nagbabakasakaling mawawala ang oposisyon. Siya na umiiwas sa kanyang mga tungkulin at ipinagpapaliban ang kanyang gawain hanggang gumabi ay matitisod sa kadiliman at mabibigo sa kanyang gawain’” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:531).
Basahin ang Juan 11:11–15, na inaalam ang sinabi ni Jesus tungkol sa kalagayan ni Lazaro.
Maaari mong markahan ang sinabi ng Tagapagligtas tungkol sa kung bakit Siya nagagalak na wala Siya roon upang pagalingin ang sakit ni Lazaro—“upang kayo’y magsipaniwala” (Juan 11:15). Ipinahihiwatig Niya na ang Kanyang gagawin sa Betania ay tutulong upang mapalakas ang pananampalataya ng mga disipulo sa Kanya.
Sa Juan 11:16, hinikayat ni Apostol Tomas ang kanyang mga kapwa disipulo na sumama sa kanya sa pagpunta sa Judea kasama si Jesus kahit nangangahulugan ito na mamatay kasama Siya.
Basahin ang Juan 11:17, na inaalam kung gaano katagal nang patay si Lazaro nang dumating si Jesus sa Betania.
Ipinaliwanag ni Elder McConkie ang kahalagahan ng pagkamatay ni Lazaro nang apat na araw: “Nagsimula na ang pagka-agnas; natiyak na nang walang alinlangan ang kamatayan. … Para sa mga Judio, may espesyal na kahulugan ang apat na araw; naniniwala sila na sa ika-apat na araw, tuluyan nang nilisan ng espiritu ang katawan nito” (Doctrinal New Testament Commentary, 1:533).
Kung ikaw si Marta o Maria, ano kaya ang maiisip o mararamdaman mo nang hindi dumating si Jesus hanggang sa apat na araw nang patay si Lazaro?
Basahin ang Juan 11:18–27 upang malaman kung paano tumugon si Marta sa dinaranas na pagsubok na ito. Maaari mong markahan ang mga pahayag na nagpapakita ng pagpili ni Marta na sumampalataya kay Jesucristo sa panahong dinaranas ang pagsubok na ito. Isipin ang bawat pahayag na natukoy mo at ang pinakahinahangaan mo sa mga ito.
Malalaman natin mula sa halimbawa ni Marta na maaari nating piliing sumampalataya kay Jesucristo sa mga panahong sinusubukan tayo.
Sa sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, alamin ang kailangang gawin natin sa pagsampalataya natin kay Jesucristo:
“Ang unang alituntunin ng ebanghelyo ay pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Ang ibig sabihin ng pananampalataya ay pagtitiwala—pagtitiwala sa kalooban ng Diyos, pagtitiwala sa paraan Niya ng paggawa sa mga bagay-bagay, at sa Kanyang panahon. Hindi natin dapat ipilit ang ating panahon sa kanya. …
“Talagang hindi tayo magkakaroon ng tunay na pananampalataya sa Panginoon nang walang lubos na pagtitiwala sa Kanyang kalooban at panahon” (“Itinakdang Panahon ng Panginoon,” Liahona, Okt. 2003, 12).
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Sa palagay mo, bakit mahalaga para sa atin na magtiwala sa kalooban ng Panginoon at sa Kanyang itinakdang panahon habang dumaranas tayo ng mga pagsubok?
-
Paano mo mapipiling sumampalataya habang dumaranas ka ng mga pagsubok sa kasalukuyan? (O paano mo mapipiling sumampalataya kapag dumating ang mga pagsubok sa buhay mo?)
-
Basahing muli ang Juan 11:25–26, na inaalam ang mga katotohanang malalaman natin mula sa itinuro ng Tagapagligtas kay Marta. Maaaring makatulong na malaman na ang tinutukoy ng katagang “hindi mamamatay magpakailan man” sa talata 26 ay ang hindi pagdanas ng ikalawang kamatayan, o ang mapalayas mula sa mga kaharian at kinaroroonan ng Diyos.
Ang sumusunod ay dalawang katotohanang nalaman natin mula sa mga salita ng Tagapagligtas: Si Jesucristo ang pagkabuhay na mag-uli at ang buhay. Kung maniniwala tayo kay Jesucristo, magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan.
Basahin ang Juan 11:28–37, na inaalam ang sinabi ni Maria kay Jesus at paano Siya tumugon. Pansinin na ang ibig sabihin ng salitang nalagim, na ginamit sa mga talata 33 at 38 ay nagdalamhati o nahapis.
Paano ipinakita ng sinabi ni Maria sa talata 32 ang kanyang pananampalataya sa Tagapagligtas?
Pag-isipang mabuti ang Juan 11:35. Sa palagay mo, bakit tumangis o umiyak si Jesus?
Basahin ang Juan 11:38–46, na inaalam ang ginawa ng Tagapagligtas matapos Siyang umiyak kasama nina Maria at Marta.
Mahalagang malaman na hindi nabuhay na muli si Lazaro mula sa kamatayan patungo sa imortalidad. Ibinalik ang espiritu niya sa kanyang pisikal na katawan, ngunit ang kanyang pisikal na katawan ay mortal at maaaring mamatay muli.
Itinuro ni Elder McConkie ang mahalagang layuning nagawa ng Tagapagligtas sa pagpapabangon kay Lazaro mula sa kamatayan: “Hinanda niya ang lahat, upang maipakita ang isa sa kanyang mga pinakadakilang turo: Na siya ang pagkabuhay na mag-uli at ang buhay, na ang imortalidad o kawalang-kamatayan at buhay na walang-hanggan ay dumating sa pamamagitan niya, at ang mga naniniwala at sumusunod sa kanyang mga salita ay hindi kailanman daranas ng espirituwal na kamatayan” (Doctrinal New Testament Commentary, 1:531).
Paano ibinadya ng himalang ito ang Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas at ipinakita ang kapangyarihan Niyang daigin ang kamatayan? Paano tayo mapagpapala ng pagkaunawa sa kapangyarihan ng Tagapagligtas na magbigay ng imortalidad at buhay na walang hanggan?
Pansinin sa Juan 11:40 na ipinaalala ni Jesus kay Marta na kung maniniwala siya, makikita niya ang kaluwalhatian ng Diyos. Isipin kung paano ipinakita nina Marta at Maria ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo habang dinaranas nila ang pagsubok na ito. Tandaan na sa simula’y nagpakita ng pananampalataya kay Jesucristo sina Marta at Maria sa pagpapadala sa Kanya ng mensahe noong maysakit si Lazaro at nagpatuloy sa paniniwala at pagtitiwala sa Kanya kahit namatay na si Lazaro.
Natutuhan natin sa Juan 11 na kung pipiliin nating sumampalataya kay Jesucristo sa mga panahong dumaranas tayo ng pagsubok, titibay at lalalim ang pananampalataya natin sa Kanya. Mahalagang alalahanin na, tulad ng mga karanasan nina Marta at Maria, dumarating ang ganoong pagpapatibay ng pananampalataya ayon sa karunungan at itinakdang panahon ng Panginoon.
Paano pinagtibay at pinalakas ng pagbuhay kay Lazaro kahit na apat na araw na siyang patay ang pananampalataya hindi lamang nina Marta at Maria sa Tagapagligtas ngunit maging ng Kanyang mga disipulo?
-
Sagutin ang isa o lahat ng sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Kailan mo piniling sumampalataya kay Jesucristo sa mga panahong dumaranas ka ng pagsubok at napagtibay at napalakas ang pananampalataya mo dahil dito?
-
Ano ang gagawin mo upang matulungan kang pumiling manampalataya kay Jesucristo sa mga pagsubok na dinaranas mo ngayon o sa mga darating na panahon?
-
Juan 11:47–57
Nagplano ang mga punong saserdote at mga Fariseo na patayin si Jesus
Ang pagpapabangon kay Lazaro mula sa kamatayan ay katibayan na may kapangyarihan si Jesus na daigin ang kamatayan. Basahin ang Juan 11:47–48, na inaalam ang naging reaksyon ng mga punong saserdote at mga Fariseo sa mga balitang pinabangon ni Jesus si Lazaro mula sa kamatayan.
Tulad ng nakatala sa Juan 11:49–57, si Caifas, ang mataas na saserdote, ay sinuportahan ang pagpatay kay Jesus upang pigilan ang mga Romano na bawiin ang kanilang “kinaroroonan at gayon din naman ang “[kanilang] bansa” (Juan 11:48). “Dahil sa mga huwad na pagkasaserdote at mga kasamaan” (2 Nephi 10:5), ayaw ng mga pinunong Judio na mawala ang kanilang impluwensya sa kanilang bansa. Determinado sila na patayin si Jesus at iniutos na sinumang may alam ng Kanyang kinaroroonan ay dapat ipabatid sa kanila upang madakip Siya.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Juan 11 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: