Library
Unit 3, Day 3: Mateo 11–12


Unit 3: Day 3

Mateo 11–12

Pambungad

Pinatotohanan ni Jesucristo na ipinadala si Juan Bautista upang ihanda ang daan sa pagdating Niya, at nangako Siya ng kapahingahan sa lahat ng lalapit sa Kanya. Sinagot Niya ang mga paratang ng mga Fariseo na ang Kanyang kapangyarihan ay nagmula sa diyablo. Binalaan Niya sila laban sa pagpaparatang at paghahanap ng mga tanda, at itinuro ang talinghaga ng bahay na walang laman.

Mateo 11

Pinatotohanan ni Jesucristo na ipinadala si Juan Bautista upang ihanda ang daan sa pagdating Niya

Nakaunipormeng pulis, doktor na nagpapakita ng x-ray, Panginoong Jesucristo

Bakit mahalagang malaman na ang mga taong nagpapakilala bilang mga pulis o doktor ay totoong mga ganoon nga? Paano mo malalaman na ang nakikita sa mga taong ito ay kung sino talaga sila?

Sa panahon ng mortal na ministeryo ni Jesucristo, sa Kanyang paggawa ng mga himala at pagtuturo sa mga tao, gustong malaman ng maraming tao kung ang nakikita ba nila kay Jesus ay Siya nga bang talaga—ang ipinangakong Mesiyas. Sa panahong ito hinuli at ikinulong ni Haring Herodes si Juan Bautista. Basahin ang Mateo 11:2–3, na inaalam kung paano tinulungan ni Juan Bautista ang dalawa sa kanyang mga alagad na mapatunayan sa kanilang sarili kung sino si Jesus.

Bakit pinapunta ni Juan ang kanyang mga alagad kay Jesus?

Sa tanong na ito sa talata 3, itinatanong ng mga alagad ni Juan kay Jesus kung Siya ba ang Mesiyas. Alalahanin na alam na ni Juan Bautista na si Jesus ang Mesiyas (tingnan sa Mateo 3:11, 13–14; Juan 1:29–34).

Sa iyong palagay, bakit ipinadala ni Juan ang kanyang mga alagad para malaman sa kanilang sarili kung si Jesus ang Mesiyas samantalang kilala na niya kung sino si Jesus?

Basahin ang Mateo 11:4–5, na inaalam kung paano sinagot ni Jesus ang kanilang tanong.

Sa halip na patunayan lang na Siya ang Mesiyas, ano ang ipinagawa ni Jesus sa mga alagad ni Juan Bautista?

Maaari namang sabihin kaagad ni Jesus sa mga alagad ni Juan na Siya ang Mesiyas. Sa halip, inanyayahan Niya silang pagnilayan ang Kanyang mga gawa at pagkatapos ay bumalik kay Juan at patotohanan ang mga bagay na kanilang narinig at nakita na ginawa ni Jesus.

Paano mas nakatulong sa mga alagad ni Juan Bautista ang pagninilay sa mga gawa ni Jesus para makatanggap ng mas malakas na patotoo tungkol sa Tagapagligtas kaysa kung sinabi lamang Niya sa kanila kung sino Siya?

Natutuhan natin mula sa talang ito na kapag hinangad nating malaman ang tungkol kay Jesucristo at kapag nagpapatotoo tayo tungkol sa Kanya, mapalalakas ang ating sariling patotoo sa Kanya.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat kung paano mo nalaman sa iyong sarili na si Jesucristo ang Anak ng Diyos.

Nakatala sa Mateo 11:7–27 na pagkaalis ng dalawang alagad, sinabi ni Jesus sa maraming tao na si Juan Bautista ang propetang pinili upang ihanda ang daan para sa Mesiyas. Kinondena ni Jesus ang mga taong hindi tumanggap sa Kanya at kay Juan Bautista kahit na malinaw nilang nasaksihan ang pagiging Diyos ni Jesus.

Basahin ang Mateo 11:28–30, na inaalam ang paanyaya at ang pangakong ibinigay ni Jesus sa lahat ng tatanggap sa kanya bilang Mesiyas. (Ang Mateo 11:28–30 ay isang scripture mastery passage. Maaari mong markahan ang scripture mastery passage na ito sa paraang madali mo itong mahahanap.)

Kumpletuhin ang sumusunod na alituntunin batay sa natutuhan mo mula sa mga talata 28–30: Kung lalapit tayo kay Jesucristo, tayo ay Kanyang .

  1. journal iconIsulat ang iyong sagot sa sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Kailan mo nadama na pinagaan ng Tagapagligtas ang iyong mga problema sa paglapit mo sa Kanya?

scripture mastery icon
Scripture Mastery—Mateo 11:28–30

  1. journal iconPara matulungan kang maisaulo ang Mateo 11:28–30, mag-isip ka ng mga aksyong maaaring maglarawan sa mga salita o mga kataga sa bawat talata. Ituro ang mga aksyon na ito sa iba (tulad ng mga miyembro ng pamilya sa oras ng family home evening o sa isang kaibigan). Gawin ang mga aksyong ito habang binabasa ang mga talata hanggang sa mabigkas ang lahat ng talata nang saulado. Sa iyong scripture study journal, sumulat ng pangungusap na nagsasaad na nakumpleto mo na ang assignment na ito.

Mateo 12:1–42

Pinagsabihan ni Jesucristo ang mga Fariseo sa kanilang mga paratang at paghahanap ng mga tanda

Si Cristo at ang mga Fariseo

Natutuhan natin sa Mateo 12:1–21 na matapos pagalingin ni Jesus ang isang lalaki sa araw ng Sabbath, hinangad ng ilang Fariseo na gawan Siya ng masama. Nang napagaling Niya ang isang taong sinapian ng demonyo, tinangka nilang siraan Siya sa harap ng mga tao nang paratangan nila Siya na ginagawa niya ang mga bagay na iyon sa pamamagitan ng kapangyarihan ng diyablo. Alam ni Jesus ang kanilang mga iniisip at ipinahayag na kabaligtaran ang sinabi nila, dahil sa pagpapalabas ng mga demonyo, ipinapakita Niya na Siya ay ang Mesiyas at nagtatayo ng kaharian ng Diyos.

Basahin ang Mateo 12:30, na inaalam ang itinuro ni Jesus tungkol sa mga ayaw sumama sa Kanya.

Ayon sa talata 30, kung gusto nating maging bahagi ng kaharian ng Diyos, dapat maging lubos ang katapatan natin kay Jesucristo.

Pag-isipan ang ilang paraan na maipapakita mo ang iyong lubos na katapatan kay Jesucristo.

Nakatala sa Mateo 12:31–42 na ipinahayag muli ni Jesus na ang Kanyang mabubuting gawa ay katibayan na Siya ay sa Diyos at hindi sa demonyo. Nagbabala rin Siya sa mga Fariseo na pananagutan nila sa Diyos ang kanilang mga pagpaparatang. Humingi ang ilan sa mga eskriba at mga Fariseo ng isang tanda, at sila ay pinagsabihan ni Jesus dahil humingi sila ng tanda at hindi nila nakita na Siya ay mas dakila kaysa sinumang naging propeta o hari sa Israel. Kinondena rin ng Panginoon ang mga naghahangad ng tanda sa ating panahon at itinuro na ang pananampalataya ay hindi dumarating matapos makakita ng mga tanda (tingnan sa D at T 63:7–11).

Ano ang ibig sabihin ng “kapusungang laban sa Espiritu” (Mateo 12:31)?

Propetang Joseph Smith

Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith kung paano nagagawa ng isang tao ang kasalanang ito: “Kailangan niyang tanggapin ang Espiritu Santo, mabuksan sa kanya ang kalangitan, at makilala ang Diyos, at pagkatapos ay magkasala laban sa Kanya. Matapos magkasala ang isang tao laban sa Espiritu Santo, wala ng pagsisisi sa kanya. Sasabihin na niya na hindi sumisikat ang araw habang nakikita niya ito; itatatwa na niya si Jesucristo kahit nabuksan na sa kanya ang kalangitan, at itatatwa ang plano ng kaligtasan habang nakadilat ang kanyang mga mata sa katotohanan nito; at simula sa oras na iyon siya ay isa nang kaaway” (sa History of the Church, 6:314).

Kung minsan ay ikinababahala ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kasalanan na kalapastangan o pagtatatwa sa Espiritu Santo. Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Ang kasalanan laban sa Espiritu Santo ay nangangailangan ng gayong kaalaman kung kaya’t lubos na imposible para sa isang karaniwang miyembro ng Simbahan na magawa ang gayong kasalanan” (The Miracle of Forgiveness [1969], 123).

Sa Mateo 12:39–40, kinondena ng Tagapagligtas ang paghahanap ng tanda. Nagpahayag si Propetang Joseph Smith tungkol sa itinurong ito ng Tagapagligtas: “Siya na naghahangad ng mga tanda ay isang mapangalunyang tao; at ang alituntuning iyan ay walang hanggan, hindi nagbabago, at singtatag ng haligi ng langit; sapagkat tuwing makikita ninyo ang isang tao na naghahanap ng palatandaan, maaari ninyo nang isipin na isa siyang mapangalunya” (sa History of the Church, 3:385).

Sinabi ni Propetang Joseph Smith kalaunan: “Noong ako ay nangangaral sa Philadelphia, isang Quaker ang humingi ng tanda. Sinabi ko sa kanya na tumahimik. Pagkatapos ng sermon, humingi siyang muli ng tanda. Sinabi ko sa kongregasyon na mapangalunya ang lalaki; na ang masama at mapangalunyang henerasyon ay humihingi ng tanda; at na inihayag sa akin ng Panginoon, na sinumang naghahangad ng tanda ay mapangalunya. ‘Totoo iyan,’ sabi ng isa, ‘dahil nahuli ko siya mismo sa akto,’ na ipinagtapat naman ng lalaki nang siya ay mabinyagan” (sa History of the Church, 5:268).

Mateo 12:43–50

Itinuro ni Jesus ang talinghaga ng bahay na walang laman

Isipin na kunwari ay isa sa mga kaibigan mo ang humingi ng payo kung paano iiwasan ang dating kasalanang sinisikap niyang talikuran. Ano ang ipapayo mo para matulungan ang kaibigan mo na mapaglabanan ang tukso?

Si Jesucristo ay nagbigay ng isang talinghaga tungkol sa isang karumal-dumal na espiritu na pinaalis mula sa isang tao. Sa pag-aaral mo ng talinghagang ito, alamin ang alituntuning makatutulong sa kaibigan mo na malaman kung paano daigin ang tukso.

Basahin ang Mateo 12:43–44, na inaalam ang ginawa ng karumal-dumal na espiritu matapos mapaalis sa lalaki.

Ano ang ginawa ng karumal-dumal na espiritu nang wala na itong mapahingahan saan man?

Anong mga salita ang naglalarawan sa kalagayan ng “bahay,” o ng tao, nang bumalik ang karumal-dumal na espiritu?

Basahin ang Mateo 12:45, na inaalam ang ginawa ng karumal-dumal na espiritu matapos madatnan ang “bahay,” o ang tao, na walang laman.

Paano nailalarawan ng talinghagang ito ang isang tao na nagsisi sa kasalanan at nagsisikap na labanan ang tukso?

Matapos na maalis ang demonyo, ano ang hindi nagawa ng lalaki kaya nakabalik ang karumal-dumal na espiritu?

Habang binabasa mo ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball, pag-isipan kung paano nakakatulad ng lalaki sa talinghaga ng Tagapagligtas ang isang taong nagsisikap na labanan ang tukso:

Pangulong Spencer W. Kimball

“Alam ng diyablo kung saan manunukso, saan mabisa ang kanyang pag-atake. Nakikita niya ang mahinang bahagi. Saan man mahina ang isang tao noon, pinakamadali pa rin siyang matutukso roon.

“Sa pagtalikod sa kasalanan, hindi ito basta paghahangad na mapabuti. Dapat niya itong gawin. … Dapat niyang tiyakin na hindi lamang niya tinalikuran ang kasalanan kundi binago ang mga sitwasyong nakapalibot sa kasalanan. Dapat niyang iwasan ang mga lugar at sitwasyon at pangyayari kung saan nangyari ang kasalanan, sapagkat maaring higit itong handang umusbong muli. Dapat niyang talikdan ang mga taong kasama niya sa pagkakasala. Maaaring hindi niya kinamumuhian ang mga taong kasangkot subalit dapat niyang iwasan sila at lahat ng bagay na may kinalaman sa kasalanan. … Dapat niyang alisin ang lahat ng bagay na magpapaalala sa nakaraan.

“Ibig bang sabihin nito ay nadama ng taong ito … na may pagkakataong hungkag ang buhay? Ang mga bagay na pinili niyang gawin at kahumalingan at palaging isipin ay wala na, ngunit wala pang ipinapalit na mas mabubuting bagay. Sasamantalahin na ito ni Satanas …

“Natuklasan ng maraming tumigil sa masasamang gawi na ang pagpapalit ng gawi ay isa sa solusyon, at nadadaig ang isang masamang gawi kapag pinapalitan ito ng mabuti o hindi nakakasama” (The Miracle of Forgiveness, 171–73; idinagdag ang italics).

Ang isang alituntunin na maaari nating matutuhan mula sa talinghaga ng Tagapagligtas ay na maitataboy natin ang masasamang impluwensya kapag pinapalitan natin ito ng kabutihan. Maaari mong isulat ang katotohanang ito sa margin ng iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng Mateo 12:43–45.

Pag-aralan ang sumusunod na pahayag, at markahan ang mga paraan na malalabanan natin ang masasamang impluwensya sa pamamagitan ng pagpuno sa ating buhay ng kabutihan:

“Hindi sapat na basta sikaping daigin ang kasamaan o huwag magkasala. Dapat ninyong puspusin ng kabutihan ang inyong buhay at makibahagi sa mga gawaing nagdadala ng espirituwal na kapangyarihan. Maging masipag kayo sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Araw-araw na manalangin sa Panginoon na bigyan kayo ng karagdagang lakas. Paminsan-minsan, mag-ayuno para sa mga espesyal na pagpapala.

“Ang lubusang pagsunod ay naghahatid ng ganap na kapangyarihan ng ebanghelyo sa inyong buhay, pati na ibayong lakas na madaig ang inyong mga kahinaan. Kabilang sa pagsunod na ito ang mga gawaing maaaring sa simula ay hindi ninyo ituring na bahagi ng pagsisisi, tulad ng pagdalo sa mga miting, pagbabayad ng ikapu, paglilingkod, at pagpapatawad sa iba” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2004], 157).

  1. journal iconPag-isipan ang ilang bagay na magagawa mo para mapuno ng kabutihan ang iyong buhay. Ilista ang mga ito sa iyong scripture study journal, at ipaliwanag kung paano mapapalakas ang ating espirituwalidad at kakayahang labanan ang masasamang impluwensya sa paggawa ng mga bagay na ito.

Nakatala sa nalalabing bahagi ng Mateo 12 na habang nagtuturo si Jesus, may nagsabi sa Kanya na may ilang miyembro ng Kanyang pamilya ang gustong kumausap sa Kanya. Pagkatapos ay itinuro ng Panginoon na lahat ng sumusunod sa kagustuhan ng Ama ay kabilang sa Kanyang pamilya.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Mateo 11-12 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: