Library
Pambungad sa Mga Taga Roma


Pambungad sa Mga Taga Roma

Bakit Kailangang Pag-aralan ang Aklat na Ito?

Ang Sulat sa Mga Taga Roma ang pinakamahaba sa mga sulat ni Apostol Pablo at itinuturing ng maraming tao na pinakamaganda sa kanyang mga isinulat. Ipinaliwanag niya nang lubos sa sulat na ito ang doktrina ng pagbibigay-katwiran sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo sa halip na sa pagtupad sa batas ni Moises. Naglalaman ito ng maraming turo tungkol sa mga doktrina ng kaligtasan at ng praktikal na pagsasabuhay ng mga doktrinang iyon sa araw-araw. Sa pag-aaral mo ng aklat na ito, mas mapapahalagahan mo ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo at ang pag-asa at kapayapaan na maaaring matagpuan ng lahat ng tao kay Cristo.

Sino ang Sumulat ng Aklat na Ito?

Si Apostol Pablo ang may-akda ng Sulat sa mga Taga Roma (tingnan sa Mga Taga Roma 1:1). Sa pagsulat nito, tumulong kay Pablo ang isang eskriba, si Tercio, na sumulat ng kanyang sariling pagbati sa mga Banal sa Roma sa bandang huli ng sulat (tingnan sa Mga Taga Roma 16:22).

Kailan at Saan Ito Isinulat?

Ginawa ni Pablo ang Sulat sa Mga Taga Roma noong nasa Corinto siya nang patapos na ang kanyang pangatlong paglalakbay. Batay sa ilang palatandaan, maaaring isinulat ito ni Pablo noong nasa Corinto siya nang tatlong buwan (tingnan sa Mga Gawa 20:2–3; ang salitang Grecia sa mga talatang ito ay tumutukoy sa Corinto), marahil sa pagitan ng A.D. 55 at 56. (Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat ni Pablo, Mga.”)

Para Kanino Ito Isinulat at Bakit?

Ang Sulat ni Pablo sa Mga Taga Roma ay para sa mga miyembro ng Simbahan sa Roma (tingnan sa Mga Taga Roma 1:7). Hindi alam kung kailan nagsimula ang Simbahan sa Roma ngunit maaaring naganap ito hindi nagtagal matapos ang araw ng Pentecostes, nang narinig ng mga Judiong bumibisita mula sa Roma ang pangangaral ni Pedro (tingnan sa Mga Gawa 2:10). Kahit hindi pa nakapunta si Pablo sa Roma, binati niya sa kanyang sulat ang mga Banal na dati na niyang kilala o nakilala sa pamamagitan ng ibang nanirahan sa Roma, tulad nina Priscila at Aquila (tingnan sa Mga Gawa 18:1–2, 18; Mga Taga Roma 16:1–16, 21).

Tila may tatlong pangunahing dahilan kung bakit ipinadala ni Pablo ang sulat na ito sa mga taga Roma:

(1) Upang ihanda ang kanyang pagdating sa Roma. Matagal nang gustong ipangaral ni Pablo ang ebanghelyo sa Roma (tingnan sa Mga Gawa 19:21; Mga Taga Roma 1:15; 15:23). Umasa rin siya na magsisilbing himpilan ang Simbahan sa Roma para makapagmisyon siya sa Espanya (tingnan sa Mga Taga Roma 15:22–24, 28).

(2) Upang linawin at ipaglaban ang kanyang mga turo. Paulit-ulit na sinalungat si Pablo ng mga tao na mali ang pagkaunawa o binabaluktot ang kanyang mga turo tungkol sa batas ni Moises at pananampalataya kay Cristo (tingnan sa Mga Gawa 13:45; 15:1–2; 21:27–28; Mga Taga Roma 3:8; II Ni Pedro 3:15–16). Malinaw na may dahilan siya para maghinala na ang mga maling pagkaunawang iyon ay nakarating sa mga miyembro ng Simbahan sa Roma, kaya sumulat siya para ayusin ang anumang problema bago siya dumating.

(3) Upang mapagkaisa ang mga Judio at gentil na mga miyembro ng Simbahan. Bago ginawa ni Pablo ang sulat na ito, ang mga Kristiyanong Judio na pinalayas mula sa Roma ni emperador Claudio (tingnan sa Mga Gawa 18:2) ay nagsimulang bumalik sa Roma at sa mga kongregasyon na karamihan ng miyembro ay mga Kristiyanong gentil. Ang sitwasyong ito ay maaaring nagdulot ng tensiyon at problema sa pagitan ng mga Kristiyanong Judio at gentil. Bilang “apostol ng mga Gentil” (Mga Taga Roma 11:13), hinangad ni Pablo na mapabilang sa Simbahan ang mga sumaping gentil; ngunit bilang Judio (tingnan sa Mga Taga Roma 11:1), nakaramdam din siya ng matinding hangarin na tanggapin ng kanyang sariling kalahi ang ebanghelyo. Pinagtibay niya ang pagkakaisa sa Simbahan sa pamamagitan ng pagtuturo kung paano naaakma para sa lahat ng Banal ang mga doktrina ng ebanghelyo (tingnan sa Mga Taga Roma 3:21–4:25; 11:13–36; 14:1–15:13).

Ano ang Ilang Kakaibang Katangian ng Aklat na Ito?

Pagkatapos ng pagbati, nagsimula ang sulat sa pagpapahayag ng tema nito: “Ang evangelio [ni Cristo] … [ang] siyang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas” sa lahat ng “mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya” kay Jesucristo (Mga Taga Roma 1:16–17).

Bagama’t ang Sulat ni Pablo sa Mga Taga Roma ay nagkaroon ng mahalagang papel sa kasaysayan ng mga Kristiyano, ito rin, sa kasamaang-palad, ay “pinagmulan ng maraming di-pagkakaunawaan, maling interpretasyon, at kalituhan sa doktrina kaysa sa iba pang aklat sa Biblia,” ayon kay Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 2:211). Kahit sa mga Kristiyano noong unang panahon, ang mga sulat ni Pablo ay itinuring na “mahirap unawain,” at ang mga turo niya kung minsan ay binabaluktot at hindi naituturo nang tama (II Ni Pedro 3:15–16).

Outline

Mga Taga Roma 1–3. Ipinaliwanag ni Pablo ang doktrina ng pagbibigay-katwiran sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo. Inilarawan niya ang mahirap na kalagayang dinaranas ng lahat ng tao na nagkakasala at itinuro na ang solusyon ng Diyos sa problemang ito ng lahat ay ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Sa pamamagitan ng tapat na pagtanggap sa Pagbabayad-sala ni Cristo, ang lahat ng tao ay mabibigyang-katwiran (mapapatawad) at maliligtas.

Mga Taga Roma 4–8. Binanggit ni Pablo ang halimbawa ni Abraham para mailarawan ang doktrina ng pagbibigay-katwiran sa pamamagitan ng pananampalataya. Ipinaliwanag pa niya ang mga doktrina ng kaligtasan at itinuro kung paano nakakaapekto ang mga doktrinang iyon sa buhay ng lahat ng nananampalataya kay Cristo.

Mga Taga Roma 9–16. Isinulat ni Pablo ang katayuan ng Israel bilang mga taong hirang, ang hindi nila pagtanggap sa ebanghelyo, at ang kanilang kaligtasan kalaunan. Pinayuhan niya ang mga Judio at gentil na mga miyembro ng Simbahan na ipamuhay ang ebanghelyo para magkaroon ng kapayapaan at pagkakaisa sa Simbahan. Nakiusap siya sa mga Banal sa Roma na patuloy na sumunod sa mga utos.