Library
Pambungad sa Mga Taga Efeso


Pambungad sa Mga Taga Efeso

Bakit Kailangang Pag-aralan ang Aklat na Ito?

Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol na “ang Mga Taga Efeso ay isang sulat para sa buong mundo, para sa mga Judio at Gentil, para sa mag-asawa, para sa magulang at anak, para sa panginoon at tagapaglingkod. Ito ang kaisipan at kalooban ng Diyos sa panahon ni Pablo; ito ang tinig ng inspirasyon sa ating panahon; ito ay sulat na mapahahalagahan at maipamumuhay ng lahat ng tao.

“… Ito ay naglalaman ng ilan sa pinakamagagandang sulat ni Pablo at isa itong dokumento na naglalahad ng mga pangunahing alituntunin, at ng ebanghelyo ng Diyos sa lahat ng nakapagliligtas na kaluwalhatian nito” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 2:489).

Ang pag-aaral ng Sulat sa Mga Taga Efeso ay maaaring maghikayat sa iyo na isantabi ang mga bagay ng mundong ito at maaaring makatulong sa iyong espirituwal na pag-unlad at matutong makiisa at makipagkapatiran nang mas lubusan sa Simbahan.

Sino ang Sumulat ng Aklat na Ito?

Isinulat ni Apostol Pablo ang Sulat sa mga Taga Efeso (tingnan sa Mga Taga Efeso 1:1).

Kailan at Saan Ito Isinulat?

Sinabi ni Pablo na nakabilanggo siya nang gawin niya ang Sulat sa Mga Taga Efeso (tingnan sa Mga Taga Efeso 3:1; 4:1; 6:20). Maaaring isinulat ang Mga Taga Efeso noong unang pagkabilanggo ni Pablo sa Roma, mga A.D. 60–62 (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat ni Pablo, Mga,” scriptures.lds.org). Sa panahong ito ay ikinulong si Pablo sa isang bahay, ngunit may kalayaan siyang tumanggap ng mga bisita at ituro ang ebanghelyo (tingnan sa Mga Gawa 28:16–31).

Para Kanino Ito Isinulat at Bakit?

Nakasaad sa King James Version ng Biblia, Ephesians 1:1 na ang Sulat sa Mga Taga Efeso ay para sa “mga banal na nangasa Efeso.” Gayunman, ang mga pinakaunang manuskrito ng Mga Taga Efeso ay hindi naglalaman ng mga salita “na nangasa Efeso.” Ipinahihiwatig nito ang posibilidad na maaaring hindi ginawa ni Pablo ang sulat para lamang sa mga taga Efeso ngunit para din sa ilang kongregasyon ng mga Banal, kabilang ang nasa Efeso. Ang Efeso ang nagsilbing punong himplian o headquarters ni Pablo sa kanyang pangatlong pangmisyonerong paglalakbay (tingnan sa Mga Gawa 19:9–10; 20:31), at malaki ang pagmamahal niya para sa mga taong ito (tingnan sa Mga Gawa 20:17, 34–38).

Sa sulat na ito, tinukoy ni Pablo ang mga gentil na miyembro ng Simbahan (tingnan sa Mga Taga Efeso 2:11) na marahil ay mga bagong miyembro (tingnan sa Mga Taga Efeso 1:15). Sumulat siya upang makatulong sa pagpapalakas ng espirituwalidad at patotoo ng mga yaong matagal nang miyembro. Ang kanyang mga pangunahing layunin ay tulungan ang mga nagbalik-loob na ito na umunlad sa kanilang espirituwal na kaalaman tungkol sa Diyos at sa Simbahan (tingnan sa Mga Taga Efeso 1:15–18; 3:14–19); palakasin ang pagkakaisa, lalo na ng mga Banal na gentil at Judio (tingnan sa Mga Taga Efeso 2:11–22; 4:1–16; 5:19–6:9); at hikayatin ang mga Banal na mapaglabanan ang puwersa ng kasamaan (tingnan sa Mga Taga Efeso 4:17–5:18; 6:10–18). Maraming Banal sa Efeso ang namumuhay nang matwid, sapat upang mabuklod sa kawalang-hanggan (tingnan sa Mga Taga Efeso 1:13; Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 2:493–94).

Ano ang Ilang Kakaibang Katangian ng Aklat na Ito?

Ang Mga Taga Efeso ay naglalaman ng maraming turo at ideya na pamilyar sa mga Banal sa mga Huling Araw, kabilang na ang pag-oorden noon pa man, ang dispensasyon ng kaganapan ng panahon, ang Banal na Espiritu ng Pangako, ang kahalagahan ng mga propeta at mga apostol, ang pagkakaroon ng isang totoo at nagkakaisang Simbahan, at ang iba’t ibang katungkulan, tungkulin, at gawain sa organisasyon ng Simbahan. Ang sulat na ito ay naglalaman din ng ilan sa mga pinakabanal na turo tungkol sa pamilya na matatagpuan saanman sa banal na kasulatan.

Outline

Mga Taga Efeso 1:1–4:16. Isinulat ni Pablo ang tungkol sa pag-oorden noon pa man ng mga Banal na tanggapin ang ebanghelyo; ang dispensasyon ng kaganapan ng panahon; pagbubuklod sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ng Pangako; kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya; ang pagkakaisa ng mga Banal na gentil at Judio sa Simbahan; isang Panginoon, isang pananampalataya, isang binyag; ang layunin ng Simbahan; at ang organisasyon ng Simbahan sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga propeta at mga apostol, na si Jesucristo ang pangulong bato sa panulok. Itinuro ni Pablo na sama-samang titipunin ng Diyos ang lahat ng bagay kay Cristo sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon.

Mga Taga Efeso 4:17–6:24. Hinikayat ni Pablo ang mga Banal na ipamuhay araw-araw ang totoong doktrina. Hinikayat niya sila na iwanan ang dating pagkatao (mga dati nilang kasalanan) at mangagbihis ng bagong pagkatao na natamo nila sa pamamagitan ni Cristo. Pinayuhan niya ang mga mag-asawa, mga anak, mga magulang, mga alipin o tagapaglingkod, mga amo o panginoon, at mga kongregasyon. Hinikayat niya ang mga Banal na “mangagbihis … ng buong kagayakan ng Dios” (Mga Taga Efeso 6:11).

Print