Library
Unit 28, Day 1: Sa Mga Hebreo 5–6


Unit 28: Day 1

Sa Mga Hebreo 5–6

Pambungad

Itinuro ni Apostol Pablo na ang mga tumatanggap ng priesthood ay dapat tinawag ng Diyos at na si Jesucristo ay “pinanganlan [tinawag] ng Dios [para maging] dakilang saserdote ayon sa pagkasaserdote ni Mequisedec” (Sa Mga Hebreo 5:10). Hinikayat ni Pablo ang mga miyembro ng Simbahan na maging masigasig, manampalataya, magtiyaga, at umasang matamo ang mga pangako ng Diyos.

Sa Mga Hebreo 5

Itinuro ni Pablo na ang mga tumatanggap ng priesthood ay dapat tinawag ng Diyos

Kunwari ay may kakilala ka na isinulat ang titulong Doktor sa isang pirasong papel at ikinabit ito sa kanyang kamiseta. Kahit nakadamit siya na may label ng tamang titulo, ano ang ipag-aalala mo kapag tinangka ng taong ito na operahan ka matapos kang maaksidente? Ano ang ipag-aalala mo kapag naglagay siya ng titulong Pulis at nagtangkang bigyan ka ng tiket dahil may nilabag ka?

Bakit mag-aatubili kang pagtiwalaan ang taong ito na gawin ang mga bagay na may kinalaman sa mga titulong inangkin niya?

Kahit may nakakabit pa na tamang titulo, walang karapatan at kakayahan ang taong ito na gawin ang mga responsibilidad na iyon. Tulad ng lipunan na nagtakda ng mga paraan para magkaroon ng awtoridad na magsagawa ng ilang responsibilidad, ang Diyos ay nagtakda rin ng paraan na matamo ang Kanyang awtoridad upang maisagawa ang ilang responsibilidad sa Kanyang Simbahan. Sa pag-aaral mo ng Sa Mga Hebreo 5, alamin ang huwarang itinakda ng Diyos para matamo ang Kanyang awtoridad.

Inilarawan ni Apostol Pablo ang Tagapagligtas bilang “isang lubhang dakilang saserdote” (Sa Mga Hebreo 4:14). Basahin ang Sa Mga Hebreo 5:1–3, na inaalam kung ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa papel ng dakilang saserdote sa mga Israelita sa ilalim ng batas ni Moises.

“Sa ilalim ng batas ni Moises, ang namumunong opisyal ng Aaronic Priesthood ay tinatawag na mataas na saserdote. Ang katungkulan ay namamana at nagmula sa panganay sa pamilya ni Aaron, na si Aaron mismo ang unang mataas na saserdote ng orden ni Aaron.” Ang mataas na saserdote ay karaniwang naglilingkod hanggang sa katapusan ng kanyang buhay, ngunit kalaunan ay nakontrol ng masasamang tao ang katungkulang ito. “Ang matataas na saserdote ay hinihirang nang di wasto at tinatanggal sa sandaling naisin ni Herodes at ng mga Romano. Ang katungkulan ay pinunan ng 28 iba’t ibang kalalakihan sa pagitan ng 37 B.C. at A.D. 68” (Bible Dictionary, “High priest”).

Basahin ang Sa Mga Hebreo 5:4, na inaalam kung paano pinipili ang mataas na saserdote.

Para maunawaan kung paano “[tinawag] ng Dios” si Aaron (Sa Mga Hebreo 5:4), basahin ang Exodo 28:1, na nagtala ng pangyayaring naganap sa pagitan ng Diyos at ni Moises sa Bundok ng Sinai.

Isipin kung bakit mahalaga na ipinahayag ng Diyos kay Moises ang pagtawag kay Aaron sa halip na ipahayag ito mismo kay Aaron o sa iba. Si Moises ang propeta at, samakatwid, ang awtorisadong tumanggap ng gayong paghahayag at pamahalaan ang paggamit ng priesthood sa mundo.

Mula sa itinuro ni Pablo sa Sa Mga Hebreo 5:4, natutuhan natin na ang mga yaong inorden sa priesthood ay dapat tawagin ng Diyos sa pamamagitan ng paghahayag sa Kanyang mga awtorisadong lingkod. Sa Simbahan ngayon, ang mga awtorisadong lider ng priesthood ay dapat interbyuhin ang bawat kandidato sa ordenasyon at hangarin ang patnubay ng Espiritu Santo para malaman ang kahandaan at pagiging karapat-dapat ng kandidatong ioorden sa priesthood.

Paano nauugnay ang katotohanang ito sa pagtawag ng mga taong maglilingkod sa iba pang tungkulin sa Simbahan?

Basahin ang Mga Saligan ng Pananampalataya 1:5, na inaalam kung paanong ang katotohanang unang nabanggit sa Sa Mga Hebreo 5:4 at ang mga katagang “tawagin siya ng Dios na gaya ni Aaron” ay naipahiwatig sa isinulat ni Propetang Joseph Smith. Pansinin na ang propesiya ay tumutukoy sa paghahayag.

Ayon sa ikalimang saligan ng pananampalataya, bukod sa “[matawag] ng Diyos sa pamamagitan ng propesiya,” ano ang dapat pang mangyari upang mabigyan ng karapatan ang isang tao na “ipangaral ang Ebanghelyo at mangasiwa sa mga ordenansa [nito]”?

Tinawag ni Moises si Aaron sa Ministeryo

Nakatala kapwa sa Luma at Bagong Tipan na natanggap ng mga propeta, mga mayhawak ng priesthood, at mga guro ng ebanghelyo ang kanilang mga tungkulin sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng awtorisadong mayhawak ng priesthood (tingnan sa Mga Bilang 27:18–23; Mga Gawa 6:5–6; 13:2–3; I Kay Timoteo 4:14).

  1. journal iconSagutin ang isa o lahat ng mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Paano naipapakita sa pagtawag ng mga tao para sa mga tungkulin sa Simbahan ngayon ang huwarang itinakda sa mga banal na kasulatan?

    2. Bakit mahalagang malaman na ang awtoridad ng priesthood ay matatanggap lamang sa ganitong paraan?

Basahin ang Sa Mga Hebreo 5:5–6, na inaalam kung sino ang nagbigay sa Tagapagligtas ng Kanyang awtoridad.

Ayon sa mga talatang ito, ibinigay ng Ama sa Langit ang priesthood sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Siya ay magiging isang “saserdote magpakailan man ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec” (Sa Mga Hebreo 5:6).

Bilang isang katungkulan sa Melchizedek Priesthood, ang katungkulan ng mataas na saserdote (o high priest) ay “ipinatutungkol … kay Jesucristo ang dakilang Mataas na Saserdote. Si Adan at ang lahat ng patriyarka ay mataas na saserdote rin. Ngayon, binubuo ng tatlong namumunong mataas na saserdote ang Panguluhan ng Simbahan at namumuno sa lahat ng iba pang may mga hawak ng pagkasaserdote at sa mga kasapi ng Simbahan. Karagdagang mga karapat-dapat na lalaki ay inordenang mataas na saserdote na akma sa buong Simbahan ngayon” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Mataas na Saserdote,” scriptures.lds.org).

Basahin ang Sa Mga Hebreo 5:7–10, at isipin mong markahan sa talata 9 ang kinahinatnan ni Jesucristo. Ang mga talata 7–8 ay tumutukoy kay Melquisedec, na propeta at hari na nabuhay noong panahon ni Abraham.

Elder Bruce R. McConkie

Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang mga talatang ito ay “kapwa tumutukoy kay Melquisedec at kay Cristo, dahil si Melquisedec ay halimbawa ni Cristo at ang ministeryo ng propetang iyan ay inihalimbawa at ipinahiwatig ang ministeryo ng ating Panginoon” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 3:157).

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Paano naging “[tagagawa] ng walang hanggang kaligtasan” (Sa Mga Hebreo 5:9) si Jesucristo sa lahat ng mga sumusunod sa Kanya?

Tulad ng nakatala sa Sa Mga Hebreo 5:11–14, ipinahayag ni Pablo na nais pa niyang magturo tungkol sa paksang ito ngunit ang mga tao ay kulang sa espirituwal na pag-unawa at kahustuhan ng isipan upang maunawaan ang mas malalalim na turo.

Sa Mga Hebreo 6

Ang mga Banal ay hinikayat na maging masigasig, manampalataya, magtiyaga, at umasang matamo ang mga pangako ng Diyos

Ipinangako ng Diyos sa Kanyang mga anak ang mga pagpapalang tulad ng kapayapaan, kaligayahan, pagpapatawad, mga sagot sa panalangin, mga basbas na binanggit sa patriarchal blessing, pagkabuhay na mag-uli, at buhay na walang hanggan. Ilan sa mga pagpapalang ito ay ibinibigay depende sa mga pagpili natin.

Ano ang isang ipinangakong pagpapala na inaasam mong matanggap?

Tulad ng nakatala sa Sa Mga Hebreo 6, hinikayat ni Pablo ang mga Banal na huwag sumukong pagsikapan ang mga ipinangakong pagpapala ng Panginoon. Habang binabasa mo ang kabanatang ito, alamin ang mga katotohanang makatutulong sa iyo na matanggap ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos.

Basahin ang Sa Mga Hebreo 6:1–3, na inaalam ang itinuro ni Pablo na pagsikapang gawin ng mga Banal. Ipaliwanag na sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Sa Mga Hebreo 6:1 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan), nakasaad na, “Kaya nga, hindi iniiwan ang mga alituntunin ng doktrina ni Cristo” (idinagdag ang italics). Nakasaad sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Sa Mga Hebreo 6:3 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan), “At tayo ay magpapatuloy tungo sa pagiging ganap kung ipahihintululot ng Diyos.”

Ang maging ganap ay maging lubos na matwid o buo (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ganap,” scriptures.lds.org). Mababasa natin sa Sa Mga Hebreo 6:1–2 na ang mga unang alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo ay huhubog sa pundasyong dapat nating saligan habang nagsisikap tayong maging ganap, o husto sa espirituwalidad.

Tulad ng nakatala sa Sa Mga Hebreo 6:4–8, inilarawan ni Pablo ang mga taong tinukoy bilang mga anak na lalaki ng kapahamakan—ang mga taong may lubos at ganap na kaalaman na si Jesus ang Cristo at tinalikuran ang katotohanang ito at naging mga kaaway ng Diyos. Sinabi ni Pablo na ang mga taong ito ay kabaligtaran ng matatapat na Banal na kanyang kinakausap sa sulat na ito, na nagsigawa sa pangalan ni Cristo (tingnan sa Sa Mga Hebreo 6:9–10).

Basahin ang Sa Mga Hebreo 6:11–15, na inaalam kung ano ang hinikayat ni Pablo na gawin ng mga Banal sa kanilang pagsisikap na mamana ang mga ipinangakong pagpapala ng Diyos. Makatutulong na malaman na ang mga katagang “magpakita ng gayon ding sikap sa ikalulubos ng pagasa” sa talata 11 ay tumutukoy sa pagiging masigasig hanggang sa matanggap ang mga pagpapala ng Diyos.

Inilarawan ni Pablo si Abraham bilang halimbawa ng sigasig, pananampalataya, at pagtitiyaga sa paghahangad ng mga ipinangakong pagpapala ng Diyos. Si Abraham ay 75 taong gulang nang pinangakuan siya ng Diyos ng mga inapo, at naghintay siya nang 25 taon bago natupad ang pangakong ito sa pamamagitan ng pagsilang ni Isaac. Natutuhan natin mula sa itinuro ni Pablo na sa pamamagitan ng kasigasigan hanggang wakas, pananampalataya kay Jesucristo, at pagtitiyaga, maaari nating manahin ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos.

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Sa palagay mo, bakit mahalaga ang pagsisikap, pananampalataya kay Jesucristo, at pagtitiis para sa hangarin nating matanggap ang mga ipinangakong pagpapala ng Diyos?

    2. Kailan ka tumanggap ng ipinangakong pagpapala sa pamamagitan ng pagsusumigasig, pananampalataya kay Jesucristo, at pagtitiyaga?

Tulad ng nakatala sa Sa Mga Hebreo 6:16–18, itinuro ni Pablo na tutuparin ng Diyos ang Kanyang mga pangako at hindi magsisinungaling. Kaya nga, umasa tayo sa Kanyang mga pangako at matitiyak ang mga katuparan nito.

Basahin ang Sa Mga Hebreo 6:19–20, na inaalam kung paano maaapektuhan ang buhay natin ng pag-asa sa mga pangako ng Diyos.

Ang isang katotohanan na matutukoy natin sa Sa Mga Hebreo 6:19 ay na ang pag-asa natin sa mga pangako ng Diyos ay espirituwal na angkla sa ating mga kaluluwa. Ang pag-asa ay “tiwalang pag-asa ng at pananabik sa mga ipinangakong biyaya ng kabutihan” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pag-asa,” scriptures.lds.org).

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, magdrowing ng larawan ng isang angkla. Isipin kung ano ang gamit ng angkla sa barko. Isulat kung paano naging espirituwal na angkla para sa iyo ang pag-asa mo sa mga pangako ng Diyos.

Pagnilayan kung paano mo mas ganap na mapag-iibayo ang sigasig, pananampalataya, tiyaga, at pag-asa. Maaari mong isulat ang mga impresyong natanggap mo sa iyong personal journal.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Sa Mga Hebreo 5–6 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: