Unit 3: Day 4
Mateo 13:1–23
Pambungad
Habang nasa Galilea ang Tagapagligtas, maraming tao ang nagsilapit sa Kanya. Tinuruan Niya ang mga tao gamit ang mga talinghaga, na nagsimula sa talinghaga ng manghahasik.
Mateo 13:1–17
Itinuro ng Tagapagligtas ang talinghaga ng manghahasik
Isipin ang isang hardin o halamang nasa paso. Ano ang ilang katangian ng matabang lupa? Ano ang ilang katangian ng lupang hindi mataba?
Sa Mateo 13:1–23, nabasa natin na inihalintulad ng Tagapagligtas ang iba’t ibang uri ng lupa sa mga puso ng tao. Sa pag-aaral mo ng mga talatang ito ngayon, isipin kung aling uri ng lupa ang higit na katulad ng nadarama ng puso mo ngayon.
Basahin ang Mateo 13:1–3, na inaalam kung paano tinuruan ni Jesus ang maraming tao sa Galilea.
Paano tinuruan ni Jesus ang maraming tao?
Ano ang talinghaga? (Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Talinghaga.”)
Ang talinghaga ay “isang pangkaraniwang kuwento na ginagamit upang ilarawan at ituro ang espirituwal na katotohanan o alituntunin. Ang talinghaga ay batay sa paghahambing ng isang karaniwang bagay o pangyayari sa isang katotohanan” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Talinghaga,” scriptures.lds.org).
Ayon sa Mateo 13:3, ano ang inilalarawan sa talinghaga ng Tagapagligtas?
Ang ibig sabihin ng maghasik ay magsabog o magpunla ng binhi ng halaman. Basahin ang Mateo 13:4–9, na inaalam ang apat na uri ng lupa na pinaghulugan ng mga binhi ng manghahasik.
Sa anu-anong uri ng lupa nahulog ang mga binhi ng manghahasik?
-
Sa iyong scripture study journal, magdrowing ng mga larawan na nagpapakita ng apat na uri ng lupa. Kapag nalaman mo na ang kahulugan ng talinghaga, magdagdag ka ng label sa mga drowing mo.
-
Ang tabi ng daan ay ang pilapil na malapit sa mga bukirin na tumitigas kapag nalalakaran ng mga tao. Matigas ang lupa sa tabi ng daan kaya hindi magkaugat ang mga binhi.
-
Ang mga batuhan ay baku-bakong lugar na natatabunan ng manipis na patong ng lupa. Bagama’t maaaring magkaugat dito ang mga binhi, hindi lumalalim ang pagkakaugat dahil nahaharangan ito ng bato sa ibabaw.
-
Ang lupa na may mga dawag ay mataba, ngunit nadadaig ng mga dawag ang mga halaman dahil inaagawan nila ito ng liwanag, tubig, at sustansya.
-
Ang mabuting lupa ay may sapat na lalim para mapalakas ang ugat.
Nakatala sa Mateo 13:10–11 na tinanong ng mga disipulo ang Tagapagligtas kung bakit gumamit Siya ng mga talinghaga sa pagtuturo. Ipinaliwanag Niya na inihahayag ng mga talinghaga ang mga hiwaga o mga katotohanan ng kaharian ng langit sa mga taong handang tumanggap sa mga ito, habang itinatago ang kahulugan sa mga taong hindi espirituwal na nakahanda (tingnan sa New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 45).
Basahin ang Mateo 13:14–15, na inaalam kung bakit hindi maunawaan ng mga tao ang mga katotohanang itinuro ng Tagapagligtas.
Ano ang sinabi ni Jesus na dahilan kaya hindi makita, marinig, at maunawaan ng mga tao ang mga katotohanang itinuro Niya?
Sinabi ni Propetang Joseph Smith, “Kaya hinatulan ang mga taong hindi tumanggap sa Kanyang salita, ay dahil ayaw nilang makakita ang kanilang mga mata, at makarinig ang kanilang mga tainga; hindi dahil hindi nila kaya, at hindi sila binigyan ng pagkakataong makakita at makarinig, kundi dahil ang puso nila ay puspos ng kasamaan at ng mga bagay na nakasusuklam.” Itinuro din niya, “Kung gayon, kaya pala hindi tinanggap ng mga tao, o ng mundo, na siyang tawag sa kanila ng Tagapagligtas, ang paliwanag tungkol sa Kanyang mga talinghaga, ay dahil sa kawalan nila ng paniniwala” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 345, 348).
Ang ibig sabihin ng mga katagang “kumapal ang puso ng bayang ito” sa talata 15 ay tumigas ang puso at nawalan ng malasakit ang mga tao. Ayon sa talata 15, ano ang mga pagpapalang maaaring mawala sa atin kung patitigasin natin ang ating puso?
Natutuhan natin mula sa mga talatang ito na kung patitigasin natin ang ating puso, hindi tayo makauunawa sa salita ng Diyos o makapagbabalik-loob sa Tagapagligtas at hindi mapagagaling. Isulat ang alituntuning ito sa tabi ng idinrowing mo na lupa sa tabi ng daan sa iyong scripture study journal.
Isipin ang ibig sabihin ng magbalik-loob sa Tagapagligtas at mapagaling.
Kapag ikaw ay nagbalik-loob, ikaw ay binabago at dinadalisay sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala upang ang iyong paniniwala, puso, at buhay ay nakaayon sa kagustuhan ng Ama sa Langit at hindi mo daranasin ang bigat ng kasalanan.
Sa Mateo 13:16–17, sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na pinagpala sila dahil sila ay may mga matang nakakakita at mga taingang nakakarinig.
Mateo 13:18–23
Ibinigay ng Tagapagligtas ang kahulugan ng talinghaga ng manghahasik
Tingnang muli ang idinrowing mo na lupa sa tabi ng daan. Basahin ang Mateo 13:18–19, na inaalam kung saan inihalintulad ng Tagapagligtas ang binhi, ang tabi ng daan, at ang mga ibon na binanggit sa Mateo 13:4. Pagkatapos ay lagyan ng label ang drowing mo ayon sa pagpapakahulugan ng Tagapagligtas. Sa talata 19, ang mga katagang “hindi napaguunawa” ay maaaring tumutukoy sa bunga ng isang pusong tumigas; at ang “masama” ay maaaring kumatawan kay Satanas at sa kanyang mga alagad.
Isipin kung paano nakatutulong ang mga itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa tabi ng daan para mas maunawaan mo ang alituntunin na kung patitigasin natin ang ating puso, hindi natin mauunawaan ang salita ng Diyos o makapagbabalik-loob sa Tagapagligtas at mapagagaling.
Tingnan ang idinrowing mo na batuhan sa iyong scripture study journal. Basahin ang Mateo 13:20–21 at Lucas 8:13, na inaalam ang pagpapakahulugan ng Tagapagligtas sa mga batuhan. Ang ibig sabihin ng salitang pagdaka’y sa talata 20 ay kaagad o di-nagtagal.
Sa mga talatang ito ay itinuro ni Jesus na ang mga halamang tumubo sa mga batuhan ay sumasagisag sa mga taong mababaw na nakaugat ang patotoo. Isulat sa ilalim ng idinrowing mong mga halaman sa mga batuhan ang Patotoo na hindi malalim ang pagkakaugat.
Ayon sa Mateo 13:20–21 at Lucas 8:13, ano ang isinasagisag ng init ng araw? Isulat sa itaas ng idinrowing mo na mga halaman na mababaw ang pagkakaugat ang isinasagisag ng init ng araw.
Isulat ang sumusunod na alituntunin sa tabi ng idinrowing mo na batuhan: Kung hindi natin pagsisikapang palalimin ang ating patotoo, magkukulang tayo ng lakas na kailangan natin upang matiis ang mga paghihirap, pag-uusig, at tukso.
Tingnang muli ang idinrowing mo na dawagan. Basahin ang Mateo 13:22, na inaalam kung ano ang isinasagisag ng mga dawagan. Lagyan ng label ang isinasagisag ng mga dawagan.
Ano ang ilang halimbawa ng pagsusumakit na ukol sa sanglibutan na “umiinis sa salita”?
Ang pagiging makamundo, kasakiman, at mga panggagambalang temporal ay ilang halimbawa ng mga pagsusumakit na “umiinis sa salita” at naglalayo sa atin sa Diyos. Sa tabi ng idinrowing mo na dawagan, isulat ang sumusunod na alituntunin: Ang mga pagsusumakit ng mundo ay maaaring magpahina ng pananampalataya at patotoo natin sa salita ng Diyos.
Tingnang muli ang idinrowing mo na mabuting lupa. Basahin ang Mateo 13:23.
Mapapansin na tinutulungan tayo ng Joseph Smith Translation na maunawaan na ang mga halaman sa mabuting lupa ay lumalago. Mapapansin din na ang mga halaman sa mabuting lupa ay nakabilad din sa parehong sikat ng araw (na naglalarawan sa mga paghihirap, pagsubok, at tukso) tulad din ng mga nalantang halaman sa batuhan. Isipin kung paano mo ibubuod ang isinasagisag ng mabuting lupa, at lagyan ng label ang iyong drowing.
Batay sa natutuhan mo sa Mateo 13:15, ano ang maaaring isagisag ng bunga na binanggit sa talata 23?
Mula sa mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa mabuting lupa, natutuhan natin ang alituntunin na sa pagtanggap natin ng salita ng Diyos, pag-unawa rito, at pagtitiis ng mga paghihirap, pag-uusig, at tukso, higit tayong makapagbabalik-loob sa Tagapagligtas. Isulat ang alituntuning ito sa tabi ng idinrowing mo na mabuting lupa.
Basahin ang mga sumusunod na sitwasyon. Gumuhit ng linya para pagtapatin ang bawat uri ng lupa at ang mga sitwasyong pinakamainam na naglalarawan sa alituntuning itinuro at isinagisag ng lupang iyon sa talinghaga ng manghahasik.
|
Isang dalagita ang gustung-gustong magsimba tuwing Linggo. Gayunman, noong nagdalaga na siya, ilan sa mga kaibigan niya ang nagsimulang pagtawanan siya dahil sa kanyang mga pamantayan. Nagsimula na siyang lumabag sa ilang kautusan. Hindi na siya komportable sa simbahan at nawalan na ng ganang magsimba. |
|
Isang dalagita ang regular na nagsisimba, at tahimik na ipinagdarasal na maramdaman niya ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Kapag nakatanggap siya ng mga pahiwatig, sinusunod niya ito. Nadarama niyang malapit siya sa Panginoon at nagpapasalamat sa mga paraan na nabibigyan siya ng inspirasyon na paglabanan ang tukso. |
|
Isang binatilyo ang regular na nagsisimba, pero bihira lang siyang makibahagi at hindi pinapansin ang inspirasyon mula sa Espiritu Santo. Nagbabasa siya ng impormasyon sa mga website na tumutuligsa sa mahahalagang doktrina ng Simbahan, at hindi na siya sigurado kung naniniwala pa rin ba siya na totoo ang ebanghelyo. |
|
Isang binatilyo ang nag-ukol ng maraming oras sa pag-aaral para makapasok sa kilalang unibersidad. Kapag hindi siya nag-aaral, abala naman siya sa trabaho. Sinabi niya sa kanyang sarili na wala siyang oras para magbasa ng mga banal na kasulatan, magdasal, o magsimba. |
Mahalagang alalahanin na ang puso, tulad ng lupa, ay maaaring mabago at bumuti.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Ano ang maaaring gawin upang ang bawat uri ng lupa ay manatiling magandang lugar sa pagpapalago ng malusog at mabungang halaman?
-
Paano natin maihahalintulad ang pagpapataba sa mga lupang ito sa magagawa nating pagbabago sa ating puso upang ito ay higit na maging handa sa pagtanggap sa salita ng Diyos?
-
Paano nakatulong ang hangarin mong tanggapin at unawain ang salita ng Diyos para mas mapalalim ang pagbabalik-loob mo sa Tagapagligatas?
-
Pag-isipan kung anong lupa ang lubos na naglalarawan ng nadarama ngayon ng iyong puso.
-
Sa iyong scripture study journal, sumulat ng mithiin o goal tungkol sa mga gagawin mo upang mas matanggap at maunawaan ang salita ng Diyos at matiis ang mga paghihirap, pag-uusig, at tukso.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Mateo 13:1–23 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: