Library
Unit 5, Day 4: Mateo 22:15–46


Unit 5: Day 4

Mateo 22:15–46

Pambungad

Habang nagtuturo si Jesus sa templo, sinubukan ng mga Fariseo at mga Saduceo na lituhin Siya sa pamamagitan ng mahihirap na tanong. Mahusay Niyang sinagot ang kanilang mga tanong at sinabi sa kanila na sundin ang mga batas ng lupain at sundin ang dalawang dakilang utos.

Mateo 22:15–22

Sinubukan ng mga Fariseo kung malilito nila ang Tagapagligtas kapag tinanong nila sa Kanya kung tama bang magbayad ng buwis

Ano ang ilang mahahalagang batas na ipinatutupad ng gobyerno sa ating lipunan? Sa palagay mo, bakit mahalaga ang mga ito?

Sa pag-aaral mo ng Mateo 22:15–22, alamin ang itinuro ni Jesucristo tungkol sa pagsunod sa mga batas ng lupain.

Alalahanin na sa huling linggo ng buhay sa mundo ng Tagapagligtas, nagturo Siya sa templo sa Jerusalem. Basahin ang Mateo 22:15, na inaalam kung ano ang tinangkang gawin ng mga Fariseo sa Tagapagligtas. Ang ibig sabihin ng “mahuli … siya sa kanyang pananalita” ay sinusubukan ng mga Fariseo na lituhin ang Tagapagligtas para may masabi Siya na maglalagay sa Kanya sa alanganin.

Basahin ang Mateo 22:16–17, na inaalam kung paano tinangkang lituhin ng mga Fariseo ang Tagapagligtas. Makatutulong na malaman na ang kahulugan ng salitang bumuwis sa talata 17 ay magbayad ng buwis, at na si Cesar ay ang emperador ng Imperyong Romano, na namuno sa buong Israel nang panahong yaon.

Ang itinanong ng mga Fariseo kay Jesus ay isang patibong dahil kung sinabi Niya na dapat lamang magbayad ng buwis sa imperyo ng Roma, maaari Siyang paratangan ng mga Judio na panig Siya sa mga Romano at taksil sa Kanyang sariling mga tao. Kung sinabi naman ng Tagapagligtas na hindi dapat magbayad ng buwis, maaari Siyang akusahan ng mga Fariseo ng pagtataksil at isumbong Siya sa mga pinuno ng mga Romano.

Barya ng Romano

Barya ng Romano na may imahe ni Cesar

Basahin ang Mateo 22:18–21, na inaalam ang isinagot ng Tagapagligtas sa tanong ng mga Fariseo.

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Sa palagay mo, bakit akmang-akma ang isinagot ng Tagapagligtas sa tanong ng mga Fariseo?

Ang mga katagang “kaya’t ibigay ninyo kay Cesar ang sa kay Cesar” sa talata 21 ay tumutukoy sa ating obligasyon na sumunod sa mga batas ng pamahalaan, tulad ng batas na magbayad ng buwis.

Natutuhan natin mula sa mga talatang ito ang sumusunod na katotohanan: Inaasahan ng Panginoon na tayo ay magiging mabubuting mamamayan at sumusunod sa mga batas ng lupain.

Bakit mahalaga sa atin, bilang mga disipulo ni Jesucristo, na maging mabuting mamamayan at sumunod sa mga batas ng lupain? (Tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:12). Bakit inaasahan ng Panginoon na tayo ay magiging mabubuting mamamayan at mabubuting miyembro ng Simbahan at sumusunod sa mga batas ng lupain at sa Kanyang mga batas?

Basahin ang Mateo 22:22, na inaalam ang reaksyon ng mga Fariseo sa isinagot ng Tagapagligtas.

Mateo 22:23–34

Itinuro ng Tagapagligtas sa mga Saduceo ang tungkol sa kasal at sa Pagkabuhay na Mag-uli

Bukod sa mga Fariseo, sinubukan din ng mga Saduceo na lituhin sa Kanyang isasagot ang Tagapagligtas nang magturo Siya sa templo. Basahin ang Mateo 22:23–28, na inaalam kung paano sinubukang lituhin ng mga Saduceo ang Tagapagligtas. Mapapansin na naniniwala ang mga Saduceo na “walang pagkabuhay na maguli” (talata 23).

Paano mo ibubuod ang itinanong ng mga Saduceo sa Tagapagligtas?

Sinadyang baguhin ng mga Saduceo ang pagsunod sa kaugalian sa Lumang Tipan na ginawa para tulungan ang mga balo (tingnan sa Deuteronomio 25:5–6). Tinangka nilang magsabi nang eksaherado o palabisin ang kaugaliang ito upang pabulaanan ang doktrina ng Pagkabuhay na Mag-uli.

Basahin ang Mateo 22:29–30, na inaalam ang isinagot ng Tagapagligtas sa tanong ng mga Saduceo. Bigyang-pansin ang sinabi ni Jesus na hindi maaaring mangyari sa, o sa panahon ng, Pagkabuhay na Mag-uli.

Sa konteksto ng plano ng kaligtasan, ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang Mateo 22:29–30:

Elder Bruce R. McConkie

“Hindi itinanggi kundi binago lamang nang bahagya [ni Jesucristo] ang inaakala ng marami na sa langit ay may ikakasal at ipapakasal. Ang gusto Niyang sabihin ay kung ‘sila’ (ang mga Saduceo) at ‘sila’ (‘ang mga tao sa daigdig na ito’), ang pag-uusapan, hindi sila magkakaroon ng pamilya hanggang sa pagkabuhay na mag-uli. …

“‘Samakatwid, kapag sila [ang mga taong hindi susunod, hindi sumusunod, o hindi makasusunod sa batas ng walang hanggang kasal] ay wala na sa daigdig na ito. sila ay hindi makakasal o maipapakasal.’

“Iyan ay dahil walang pagpapakasal o maipapakasal sa langit para sa mga taong tinukoy ni Jesus; para sa mga taong ni hindi naniniwala sa pagkabuhay na mag-uli, bukod pa sa ibang mga nakapagliligtas na katotohanan; para sa mga taong masasama at di-makadiyos; para sa mga taong namumuhay ayon sa paraan ng mundo; para sa maraming tao na hindi nagsisipagsisi. Lahat sila ay hindi magtatamo ng kabuuang gantimpala matapos ang buhay na ito” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:606.

Inihayag ng Panginoon ang maraming mahalagang katotohanan tungkol sa walang-hanggang kasal kay Propetang Joseph Smith. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 132:15–17, na inaalam ang inihayag ng Panginoon sa Propeta tungkol sa kasal sa mga talatang iyon.

Sino ang tinukoy ng Panginoon na “hindi ikinasal ni ipinakasal” (D at T 132:16) sa Pagkabuhay na Mag-uli?

Ang magpakasal nang “hindi sa pamamagitan ko ni sa aking salita” (D at T 132:15) ay nangangahulugan na hindi ibinuklod ang isang tao sa kanyang asawa sa templo sa awtoridad ng priesthood.

Mula sa Mateo 22:30 at Doktrina at mga Tipan 132:15–17, nalaman natin na ang mga taong hindi ibinuklod ng awtoridad ng priesthood sa kanilang asawa sa buhay na ito o hindi nagawan ng mga ordenansa sa templo ay hindi maikakasal sa kabilang buhay.

Basahin ang Mateo 22:31–33, na inaalam ang iba pang mga katotohanang itinuro ng Tagapagligtas sa mga Saduceo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli. Maaari mong markahan ang sinabi ng Tagapagligtas sa talata 32 na nagsasabi na totoo ang Pagkabuhay na Mag-uli.

Ano ang reaksyon ng mga tao nang marinig nilang ituro ng Tagapagligtas ang mga doktrinang ito?

Mateo 22:34–40

Itinuro ng Tagapagligtas ang dalawang dakilang utos

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat ang lahat ng mga kautusang maiisip mo sa loob ng isang minuto.

Naniniwala ang ilang rabbi na Judio na may 613 batas o utos sa batas ni Moises. Basahin ang Mateo 22:34–36, na inaalam ang isa sa mga itinanong ng mga Fariseo kay Jesus tungkol sa mga utos na ito. Maaari mong markahan ang tanong na ito sa iyong mga banal na kasulatan.

Nang hindi tinitingnan ang sagot ng Tagapagligtas, bilugan ang isang utos sa mga inilista mo sa iyong journal na sa palagay mo ay “dakila,” o pinakamahalagang utos.

Basahin ang Mateo 22:37–40, na inaalam ang isinagot ng Tagapagligtas sa tanong ng Fariseo. (Ang Mateo 22:36–39 ay isang scripture mastery passage. Maaari mo itong markahan sa paraang madali mo itong mahahanap.)

Ang utos ng Panginoon na “iibigin mo ang iyong kapuwa” ay ukol sa paraan ng pakikitungo natin sa iba.

Sa palagay mo, bakit itinuturing ang dalawang utos na ito na pinakadakilang mga utos?

Ang ibig sabihin ng mga katagang “sa dalawang utos na ito’y nauuwi ang buong kautusan, at ang mga propeta” (Mateo 22:40) ay na ang lahat ng utos na inihayag ng Diyos sa batas ni Moises at sa pamamagitan ng mga propeta sa Lumang Tipan ay ginawa upang tulungan ang mga tao na ipakita ang kanilang pagmamahal sa Diyos, sa kanilang kapwa, o sa dalawang ito.

Natutuhan natin mula sa mga talatang ito ang sumusunod na alituntunin: Kung talagang mahal natin ang Diyos at ang ating kapwa na gaya ng ating sarili, magsisikap tayo na sundin ang lahat ng utos ng Diyos.

Tingnan ang isinulat mo na mga utos sa iyong scripture study journal. Maglagay ng isang bituin sa tabi ng mga utos na nagpapakita ng pagmamahal sa Diyos at ng isang kuwadrado sa tabi ng mga utos na nagpapakita ng pagmamahal sa ating kapwa. (Ang ilang utos ay maaaring markahan pareho ng bituin at ng kuwadrado.)

Isipin ang pagkakataon na pinili mong sundin ang isang utos para ipakita na mahal mo ang Diyos o ang isang tao.

Umisip ng isang utos na mas matapat mo pang masusunod para maipakita na mahal mo ang Ama sa Langit o ang ibang tao. Gumawa ng goal o mithiing sundin ang utos na iyan nang mas matapat.

scripture mastery icon
Scripture Mastery—Mateo 22:36–39

Sa bawat scripture mastery passage, dapat matukoy mo ang konteksto, ang doktrina o alituntunin, at kung paano mo ipapamuhay ang katotohanan. (Tingnan ang scripture mastery resources na makukuha sa LDS.org para sa mga resource sa pag-aaral.)

Sa Mateo 22:36–39, ang konteksto ay ang sagot ni Jesucristo sa isang Fariseo na nagtanong kung aling utos ang pinakadakila. Ang isang doktrina o alituntuning itinuro sa talatang iyan ay na ang dalawang pinakadakilang utos ay ibigin ang Diyos at ibigin ang ating kapwa. Mapapansin na sinabi sa talata 37 na “iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo at ng buong pagiisip mo” (idinagdag ang italics). Sa pagsasabuhay ng mga talatang ito, pag-isipan ang mga sumusunod na tanong: Paano mo maipapakita ang iyong pagmamahal sa Diyos nang iyong buong puso, kaluluwa, at pag-iisip? Paano ka magpapakita ng pagmamahal sa mga anak ng Diyos?

  1. journal iconPag-isipan ang ibig sabihin ng iibigin mo ang Diyos nang buong puso mo. Pagkatapos ay pag-isipan ang ibig sabihin ng iibigin mo ang Diyos nang buong kaluluwa mo. Sumunod ay pag-isipan kung paano mo Siya iibigin nang buong pag-iisip mo. Isulat ang iyong mga naisip tungkol sa tatlong ideyang ito sa iyong scripture study journal.

Mateo 22:41–46

Itinanong ni Jesus sa mga Fariseo kung ano ang iniisip nila tungkol kay Cristo

Matapos na mahusay na sinagot ng Tagapagligtas ang tanong ng mga Fariseo at mga Saduceo, nagtanong Siya sa mga Fariseo ng ilang bagay. Basahin ang Mateo 22:41–42, na inaalam ang itinanong ng Tagapagligtas sa mga Fariseo.

Ayon sa mga talatang ito, ano ang mga itinanong ni Jesucristo sa mga Fariseo? Ano ang isinagot ng mga Fariseo?

Alam ng karamihan sa mga Judio na si Cristo, o ang Mesiyas, ay isang inapo ni Haring David. Naniniwala ang mga Fariseo na ang Mesiyas ay magiging hari ng Israel at tutulungan ang mga Judio na talunin ang Roma at matatanggap ang kalayaan nila, tulad ng ginawa noon ni Haring David. Mababasa natin sa Mateo 22:43–46 na itinuro ni Jesus sa mga Fariseo na alinsunod sa kanilang sariling mga banal na kasulatan, si Cristo ay higit pa sa pagiging anak ni David—Siya rin ay Anak ng Diyos. Binigkas ni Jesus ang Mga Awit 110:1 sa mga Fariseo upang maipaliwanag ito (tingnan sa Mateo 22:44).

Elder Bruce R. McConkie

Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie: “May magtatanong pa ba kung paano ipinaliwanag ni Jesus ang kahulugan ng mga salita ng Awit? Ang kahulugan nito ayon sa Kanya ay: ‘Sinabi ng Ama sa Anak, sinabi ni Elohim kay Jehova, maupo ka sa aking kanang kamay, hanggang sa matapos ang iyong ministeryo sa lupa; sa gayon ikaw ay ibabangon ko sa walang-hanggang kaluwalhatian at kadakilaan sa akin, kung saan patuloy kang mauupo sa aking kanang kamay magpakailanman.’ Kaya nakapagtataka ba na tinapos ng inspiradong tala ang bagay na ito sa pagsasabing, ‘At wala sinomang nakasagot sa kaniya ng isang salita, ni wala sinomang nangahas buhat sa araw na yaon na tumanong pa sa kaniya ng anomang mga tanong.’ (Mat. 22:41–46)” (The Promised Messiah: The First Coming of Christ [1978], 102).

  1. journal iconIsipin kung paano mo sasagutin ang mga sumusunod na tanong: Ano si Cristo sa iyo? Kaninong Anak Siya? Isulat ang mga naisip mo sa iyong scripture study journal.

  2. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Mateo 22:15–26 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: