Library
Unit 24, Day 3: Mga Taga Galacia


Unit 24: Day 3

Mga Taga Galacia

Pambungad

Pinagsabihan ni Apostol Pablo ang mga Banal sa Galacia dahil sa pagsunod sa mga maling turo, at pinagsabihan niya ang mga bulaang guro na naglilihis sa kanila mula sa tamang landas. Itinuro rin niya na tulad ni Abraham na naging tagapagmana ng Diyos, ang mga Banal sa Galacia ay maaaring maging mga tagapagmana ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya at pagsunod kay Jesucristo sa halip na sa pagsunod sa mga ritwal na ipinagagawa ng batas ni Moises.

Mga Taga Galacia 1–2

Pinagsabihan ni Pablo ang mga Banal dahil sa pagsunod sa mga bulaang guro at hinikayat sila na bumalik sa ebanghelyo

Isipin kunwari na sinabi sa iyo ng isa sa mga kapatid o mga kaibigan mo na hindi na siya sigurado kung totoo ang mga turo ng Simbahan. Dahil dito, ang taong ito ay hindi na nagsimba at hindi na ipinamumuhay ang ebanghelyo.

  1. journal iconIsulat sa iyong scripture study journal ang mga sasabihin mo sa iyong kapatid o kaibigan na tutulong sa kanya na maniwalang muli sa mga turo ng Simbahan.

Habang pinag-aaralan mo ang Mga Taga Galacia 1 at nalaman kung bakit tinalikuran ng mga Banal sa Galacia ang totoong ebanghelyo, hanapin ang isang katotohanan na makatutulong sa iyong kapatid o kaibigan na manampalatayang muli.

Ang Galacia ay isang rehiyon sa hilagang-gitnang bahagi ng Asia Minor na kinabibilangan ng maraming lungsod na napuntahan ni Apostol Pablo sa kanyang pangalawa at pangatlong pangmisyonerong paglalakbay (tingnan sa Mga Gawa 16:6; 18:23; (tingnan din sa Mga Mapa sa Biblia, Mapa blg. 13, “Ang Una at Pangalawang Paglalakbay ni Apostol Pablo,” at “Ang Mga Paglalakbay ni Apostol Pablo Bilang Misyonero” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan). Basahin ang Mga Taga Galacia 1:6–7, na inaalam ang naging problema sa mga miyembro ng Simbahan sa Galacia.

Ang mga nanliligalig sa mga Banal sa Galacia at binabaluktot ang mga turo ng ebanghelyo ay naging sanhi ng pag-aalinlangan nila tungkol sa mga turo ni Pablo na dumarating lamang ang kaligtasan sa pamamagitan ni Jesucristo. Ang mga bulaang guro na ito ay mga Kristiyanong Judio na kilala bilang Judaizers. Sinabi nila na kailangang matuli ang mga Banal sa Galacia at gawin ang mga ritwal ng batas ni Moises para maligtas sila.

Basahin ang Mga Taga Galacia 1:8–9, na inaalam ang sinabi ni Pablo tungkol sa mga nangaral ng ibang ebanghelyo na taliwas sa ebanghelyong ipinangaral niya bilang Apostol ng Panginoon.

Basahin ang Mga Taga Galacia 1:10–12, na inaalam kung saan nanggaling ang mga turo ni Pablo. Maaari mong markahan o isulat sa iyong banal na kasulatan ang nalaman mo.

Natutuhan natin mula sa mga turo ni Pablo na inihahayag ni Jesucristo ang totoong doktrina sa Kanyang mga propeta.

  1. journal iconSagutin ang dalawa o lahat ng sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Paano nakatutulong na alalahanin na ang Diyos ang pinagmumulan ng totoong doktrina kapag may mga tanong tayo tungkol sa mga turo ng mga propeta?

    2. Ano ang magagawa natin para makatanggap tayo ng paghahayag mula sa Diyos upang malaman natin para sa ating sarili na totoo ang turo ng mga propeta?

    3. Paano makatutulong ang katotohanang ito sa isang tao na nahihirapang paniwalaan ang mga turo ng propeta?

Tulad ng nakatala sa Mga Taga Galacia 1:13–2:21, ikinuwento ni Pablo sa mga Banal ang tungkol sa kanyang pagbabalik-loob at unang pangmisyonerong paglalakbay. Ipinaliwanag din niya kung bakit hindi na kailangang umasa ng mga Kristiyanong gentil sa kinagisnang paniniwala na nasa mga batas ni Moises ang kaligtasan, at sa halip, ito ay sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo na napapatawad (o nabibigyang-katwiran) tayo. Nagpatotoo si Pablo na namuhay siya “sa pananampalataya … sa Anak ng Dios, na sa akin ay umibig, at ibinigay ang kaniyang sarili dahil sa akin” (Mga Taga Galacia 2:20).

Mga Taga Galacia 3–4

Hinikayat ni Pablo ang mga taga Galacia na kamtin ang lahat ng pagpapalang ipinangako kay Abraham sa pamamagitan ni Jesucristo

Bakit maaaring madama ng mga sumusunod na indibidwal na tila hindi sila makatatanggap ng lahat ng pagpapala ng Panginoon, kumpara sa iba sa Simbahan na nalaman ang ebanghelyo at tapat dito mula noong bata pa sila?

  • Isang binatilyo ang lumaki sa isang di-gaanong aktibong pamilya at hindi naturuan ng ebanghelyo noong siya ay bata pa. Bumabalik na ngayon sa Simbahan ang kanyang pamilya at nagsisimulang matutuhan at ipamuhay ang ebanghelyo.

  • Maraming taon nang kinukutya at pinipintasan ng isang babae ang Simbahan. Kamakailan ay nakaranas siya ng pagbabago ng puso at nabinyagan.

Sa pag-aaral mo ng Mga Taga Galacia 3–4, alamin ang mga katotohanang makatutulong sa iyo na maunawaan ang mga pagpapalang makakamtan ng lahat ng tao, anuman ang kanyang sitwasyon o mga pinili o desisyon noon.

Dahil marami sa mga Banal sa Galacia ay mga gentil na naging mga Kristiyano, hindi sila literal na inapo ni Abraham, na pinangakuan ng lahat ng pagpapala ng Diyos.

Basahin ang Mga Taga Galacia 3:7–9, na inaalam ang itinuro ni Pablo sa “mga sa pananampalataya” (Mga Taga Galacia 3:7), o sa mga taong naniniwala kay Jesucristo.

Ayon sa talata 8, ano ang ipinangako ng Panginoon kay Abraham?

Ayon sa talata 9, ano ang mangyayari sa mga nananampalataya kay Jesucristo?

Si Abraham sa mga Kapatagan ng Mamre

Tumutukoy ang mga katagang “pinagpapala kay Abraham na may pananampalataya” (Mga Taga Galacia 3:9) sa pagtanggap sa mga pagpapala ng tipang ginawa ng Diyos kay Abraham na sa pamamagitan niya ay matatamo ng lahat ng tao ang mga pagpapala ng nakatataas na priesthood, selestiyal na kasal, at kadakilaan (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Tipang Abraham,” scriptures.lds.org).

Mababasa natin sa Mga Taga Galacia 3:10–25 na ang batas ni Moises ay hindi nilayon na maging paraan upang “[ariing]-ganap” ang mga tao (Mga Taga Galacia 3:11), ibig sabihin nito ay mapatawad sila sa kasalanan at maipahayag na walang-sala. Ito ay nilayong maging gabay o “tagapagturo” (Mga Taga Galacia 3:24) upang tulungan ang mga Israelita na lumapit kay Jesucristo at ariing-ganap o mapatawad sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya sa Kanya. Tandaan na ang ibig sabihin ng inaring-ganap ay “mapatawad mula sa kaparusahan sa kasalanan at maipahayag na walang sala” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagbibigay-katwiran, Pangatwiranan,” scriptures.lds.org).

Kumpletuhin ang sumusunod na chart sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga scripture passage at pagsagot sa mga tanong:

Mga Taga Galacia 3:26–27. Ano ang kailangan nating gawin upang matanggap ang mga pagpapalang ipinangako kay Abraham?

Mga Taga Galacia 3:28–29; 4:7. Anuman o sinuman tayo noon, ano ang mangyayari sa atin kapag pumasok tayo sa tipan ng ebanghelyo sa pamamagitan ng binyag?

Nalaman natin mula sa Mga Taga Galacia 3:26–29; 4:7 na lahat ng nananampalataya kay Jesucristo at pumapasok sa tipan ng ebanghelyo ay magiging iisa kay Cristo at mga tagapagmana ng Diyos.

Bakit mahalagang malaman na ipinangako ng Diyos ang mga pagpapalang ito sa lahat ng nakipagtipan, anuman ang kanyang sitwasyon o mga pinili o desisyon noon?

Mababasa natin sa Mga Taga Galacia 4:8–31 na inanyayahan ni Pablo ang mga Banal sa Galacia na bumalik kay Jesucristo at tumakas sa pagkaaliping dulot ng pagtatangkang sundin ang maraming tradisyon ng batas ni Moises.

Mga Taga Galacia 5–6

Hinikayat ni Pablo ang mga Banal sa Galacia na ibalik ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo

Ano ang ilan sa mga pinakamahirap na tukso na naranasan mo? Paano mo mapaglalabanan ang mga tuksong ito?

Sa pag-aaral mo ng Mga Taga Galacia 5–6, alamin ang mga alituntunin na makatutulong sa iyo na mapaglabanan ang mga tukso.

Basahin ang Mga Taga Galacia 5:16–17, na inaalam ang dalawang magkalabang puwersa na inilarawan ni Pablo.

Ang ibig sabihin ng “magsilakad kayo ayon sa Espiritu” (Mga Taga Galacia 5:16) ay mamuhay nang marapat at sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Ang ibig sabihin ng “gagawin ang mga pita ng laman” (Mga Taga Galacia 5:16) ay magpatangay sa tuksong magkasala.

Kumpletuhin ang sumusunod na alituntunin ayon sa natutuhan mo sa Mga Taga Galacia 5:16: Kapag nagsilakad tayo ayon sa Espiritu, mapaglalabanan natin ang .

Isipin kung paanong ang paglakad o pamumuhay ayon sa Espiritu ay makatutulong sa iyo na mapaglabanan ang mga tukso.

Basahin ang Mga Taga Galacia 5:22–23, na inaalam ang iba pang bunga ng pamumuhay ayon sa Espiritu. (Tandaan na ang Mga Taga Galacia 5:22–23 ay isang scripture mastery passage. Maaari mo itong markahan sa paraang madali mo itong mahahanap.)

scripture mastery icon
Scripture Mastery—Mga Taga Galacia 5:22–23

drowing, puno na may mga bunga
  1. journal iconPara matulungan kang isaulo ang Mga Taga Galacia 5:22–23, magdrowing sa iyong scripture study journal ng isang puno na may siyam na pirasong bunga—tatlong hanay na may tigtatatlong pirasong bunga sa bawat isa. Sa itaas ng puno, isulat ang Datapuwa’t ang bunga ng Espiritu ay … Sa ibaba ng puno, isulat ang sa mga gayong bagay ay walang kautusan. Simula sa itaas na hanay ng mga bunga, isulat ang unang letra ng bawat bunga na inilahad ni Pablo. Subukang bigkasin ang scripture mastery na tinitingnan ang drowing na ito at ang scripture passage kung kinakailangan. Patuloy na bigkasin ito hanggang sa maulit mo ang scripture mastery nang hindi tinitingnan ang drowing o ang iyong mga banal na kasulatan. Bigkasin ang scripture mastery passage sa isang kapamilya o sa seminary class.

  2. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Paano nakadaragdag ang pagtataglay ng mga kaloob na ito sa kakayahan mong tulungan ang mga tao?

Basahin ang Mga Taga Galacia 6:1–2, na inaalam ang itinuro ni Apostol Pablo tungkol sa kung paano dapat na makitungo ang mga miyembro ng Simbahan sa isang taong nagkasala. Ang ibig sabihin ng “masumpungan sa anomang pagsuway” (Mga Taga Galacia 6:1) ay magkasala.

Bakit mahalagang magkaroon ng “espiritu ng kahinhinan” (Mga Taga Galacia 6:1) o kababaang-loob habang sinisikap nating tulungan ang isang tao na makabalik sa landas ng ebanghelyo?

Tulad ng nakatala sa Mga Taga Galacia 6:3–5, itinuro ni Pablo na hindi tayo dapat maging mayabang at mapagmagaling at na ang bawat tao ay “magpapasan ng kaniyang sariling pasan” (Mga Taga Galacia 6:5), o mananagot sa kanyang mga pagpili o pasiya.

Ano ang tutubo kapag itinanim mo ang bawat isa sa mga sumusunod na uri ng binhi? Isulat ang mga hula mo sa kaukulang patlang. (Ang mga sagot ay nasa katapusan ng lesson.)

a.

binhi ng sunflower

b.

binhi ng kalabasa

c.

beans

Ginamit ni Pablo ang mga binhi para maituro ang mga espirituwal na katotohanan. Basahin ang Mga Taga Galacia 6:7–8, na inaalam ang itinuro ni Pablo kung ano ang maaasahan natin kapag naghasik, o nagtanim tayo ng mga binhi. Ang mga turo ni Pablo sa mga talatang ito ay kadalasang tinatawag na batas ng pag-aani.

Basahin ang Mga Taga Galacia 6:9–10, na inaalam kung bakit itinuro ni Pablo ang batas ng pag-aani matapos niyang anyayahan ang mga taga-Galacia na tulungan ang isa’t isa na manatili o bumalik sa landas ng ebanghelyo.

Natutuhan natin mula sa mga talatang ito na kung masigasig tayo sa paggawa ng mabuti, aanihin natin ang mga pagpapala na bunga ng ating paggawa.

  1. journal iconSagutin ang kahit dalawa sa mga sumusunod na assignment sa iyong scripture study journal:

    1. Paanong makatutulong sa atin ang pangakong mag-aani tayo “sa kapanahunan” para hindi tayo “manganghihimagod” (Mga Taga Galacia 6:9), o kaya’y sumuko sa pagsisikap nating paglingkuran ang iba at ipamuhay ang ebanghelyo?

    2. Kailan ka napagpala o ang isang kakilala mo sa pagsisikap na gumawa ng mabuti kahit hindi agad dumarating ang mga pagpapala?

    3. Mapanalanging pag-isipan kung sino ang matutulungan mo na makabalik sa landas ng ebanghelyo. Habang iniisip mo ang taong ito, sumulat ng mithiin kung paano ka magiging masigasig sa paggawa ng mabuti habang sinisikap mong tulungan siya, kahit hindi mo agad makita ang resulta ng iyong gagawin.

Tulad ng nakatala sa Mga Taga Galacia 6:11–18, tinapos ni Pablo ang kanyang sulat sa mga Banal sa Galacia sa pagpapatotoo na ang kapayapaan at habag ni Jesucristo ay para sa lahat ng mga naging bagong nilalang sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanyang pangalan.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Mga Taga Galacia 1–6 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: