Pambungad sa Mga Taga Galacia
Bakit Kailangang Pag-aralan ang Aklat na Ito?
Ang Sulat ni Apostol Pablo sa mga Taga Galacia ay para sa mga Kristiyanong Judio na nalilihis mula sa Panginoon dahil sa muling pag-asa sa mga gawang ayon sa batas ni Moises. Hinangad ni Apostol Pablo na itama ang problemang ito sa pagbibigay-diin sa pagkakaiba ng mabigat na “pamatok” ng batas ng Moises, na humahantong sa espirituwal na pagkaalipin, at ng ebanghelyo ni Jesucristo, na humahantong sa espirituwal na kalayaan. Ang pag-aaral ng sulat na ito ay makatutulong sa iyo na mas pahalagahan ang kalayaang ibinigay sa pamamagitan ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Sino ang Sumulat ng Aklat na Ito?
Isinulat ni Apostol Pablo ang Mga Taga Galacia (tingnan sa Mga Taga Galacia 1:1).
Kailan at Saan Ito Isinulat?
Malamang na ginawa ni Pablo ang kanyang Sulat sa Mga Taga Galacia habang naglalakbay sa Macedonia sa kanyang pangatlong pangmisyonerong paglalakbay noong mga A.D. 55–57 (tingnan sa Bible Dictionary sa LDS English version ng Biblia, “Pauline Epistles”).
Para Kanino Ito Isinulat at Bakit?
“Hindi gaanong matiyak kung saang simbahan pinatutungkol ang sulat na ito. Maaaring sa simbahan sa hilagang Galacia, ang distrito na ang kabisera ay Ancyra, o sa distrito na nasa mga hangganan ng Frigia at Galacia na binisita ni Pablo sa kanyang unang pangmisyonerong paglalakbay. Alinman dito, tiyak namang nabisita ni Pablo ang mga simbahan sa Galacia sa kanyang pangalawa (Mga Gawa 16:6) at pangatlong (Mga Gawa 18:23) paglalakbay” (Bible Dictionary sa LDS English version ng Biblia, “Pauline Epistles”).
Sumulat si Pablo sa mga Banal sa Galacia dahil labis ang pag-aalala niya na lumilihis na sila mula sa Panginoon sa pagsunod sa mga turo ng ilan na naghangad na “pasamain ang evangelio ni Cristo” (tingnan sa Mga Taga Galacia 1:6–7). Ang mga Kristiyanong Judio ay nagturo sa mga Kristiyanong gentil ng maling doktrina na kailangan nilang matuli at sumunod sa mga ritwal ng batas ni Moises para maligtas (tingnan sa Mga Taga Galacia 6:12; tingnan din sa Mga Gawa 15:1). Tinanggap ng ilang Banal sa Galacia ang mga turo ng mga taong ito (tingnan sa Mga Taga Galacia 4:10).
Ang mga pangunahing layunin ni Pablo sa paggawa ng sulat na ito ay kinabibilangan ng:
-
Pagtatanggol sa kanyang sarili laban sa mga paratang ng mga huwad na guro na kumakalaban sa kanya.
-
Pagtuturo na ang lahat ng tao, Judio man o Gentil, ay maliligtas dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa pamamagitan ng pananampalataya nila kay Jesucristo sa halip na pag-asa sa mga gawang ayon sa batas ni Moises.
-
Paglilinaw sa ginagampanan ng batas ni Moises sa plano ng Diyos.
-
Pagpapaliwanag sa kaibhan ng lumang tipan na ginawa ng Diyos sa pamamagitan ni Moises at ng bagong tipan kay Cristo.
-
Pananawagan sa mga Banal na mamuhay nang karapat-dapat ayon sa Espiritu.
Ano ang Ilang Kakaibang Katangian ng Aklat na Ito?
Ang aklat ng Mga Taga Galacia ay itinuturing na pinakamadamdaming sulat ni Pablo, kung saan nagbigay siya ng tahasang pagsaway kapwa sa mga miyembro ng Simbahan na nalilihis ng landas at sa mga bulaang guro na naglilihis sa kanila. Ang Mga Taga Galacia ay naglalaman ng pinakaunang nakasulat na pagtuturo ni Pablo tungkol sa doktrina ng pag-aaring ganap o pagbibigay-katwiran—tayo ay hindi aariing-ganap o bibigyang-katwiran sa pamamagitan ng mga gawang ayon sa batas ni Moises kundi sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo. Ikinumpara sa sulat ang kaibhan ng “mga gawa ng laman” sa “bunga ng Espiritu” (tingnan sa Mga Taga Galacia 5:16–25).
Outline
Mga Taga Galacia 1–2. Sumulat si Pablo sa mga Banal sa Galacia dahil sila ay lumihis mula sa Panginoon at sinunod ang mga maling turo. Ipinagtanggol niya ang kanyang katungkulan bilang Apostol sa pamamagitan ng muling pagsasalaysay ng pang-uusig niya noon sa Simbahan at ng kanyang pagbabalik-loob. Binibigyang-diin niya na tumanggap siya ng paghahayag mula mismo sa Diyos at nilinaw na sinang-ayunan ng mga Apostol ang kanyang pangangaral sa mga Gentil. Sinabi niya na minsa’y hindi siya umayon kay Pedro hinggil sa mga Banal na gentil. Itinuro niya na hindi aariing ganap o bibigyang-katwiran ang mga tao sa pamamagitan ng mga gawang ayon sa batas ni Moises kundi sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo.
Mga Taga Galacia 3–4. Ipinagtanggol ni Pablo ang mensahe ng ebanghelyo. Itinuro niya na si Abraham ay isang halimbawa ng isang taong inaring-ganap o binigyang-katwiran dahil sa pananampalataya at hindi dahil sa mga gawang ayon sa batas ni Moises. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, tinubos ni Jesucristo ang sangkatauhan mula sa sumpa ng batas. Ang layunin ng batas ni Moises ay maging “tagapagturo natin upang ihatid tayo kay Cristo” (Mga Taga Galacia 3:24). Sa pamamagitan ng pananampalataya at binyag, natanggap ng mga Banal ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala, nakapasok sa tipan ng ebanghelyo, naging mga tagapagmana ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo, at hindi na mga tagapaglingkod kundi mga anak ng Diyos.
Mga Taga Galacia 5–6. Hinikayat ni Pablo ang mga Banal na manatiling matatag sa tipan ng ebanghelyo na ibinigay ni Cristo. Ikinumpara ni Pablo ang buhay ng isang tao na sumasama sa “mga gawa ng laman” (Mga Taga Galacia 5:19) sa isang taong nagtatamasa ng “bunga ng Espiritu” (Mga Taga Galacia 5:22). Itinuro niya na dapat magpasan ang mga Banal ng mga pasanin ng isa’t isa at huwag mapagod sa paggawa ng mabuti. Inaani natin ang ating itinanim.