Library
Unit 11, Day 3: Lucas 16


Unit 11: Day 3

Lucas 16

Pambungad

Itinuro ni Jesus ang isang talinghaga ng di-tapat na katiwala. Narinig ng mga Fariseo ang mga turo ni Jesus at kinutya Siya. Pinagsabihan ni Jesus ang mga Fariseo at itinuro sa kanila ang talinghaga ng taong mayaman at ni Lazaro.

Lucas 16:1–12

Itinuro ni Jesus ang talinghaga ng di-tapat na katiwala

Sa patlang, maglista ng ilang bagay na madalas hangarin ng mga tao at sinisikap na makamtam:

Ilista ngayon ang ilan sa mga walang-hanggang kayamanan na nais ng Ama sa Langit na hangarin natin (tulad ng walang-hanggang pamilya at kapayapaan):

Matatamasa natin ang ilan sa mga walang hanggang kayamanang ito sa buhay na ito. Bilugan ang isa o dalawang walang hanggang kayamanan na inilista mo na talagang mahalaga sa iyo. Sa pag-aaral mo ng Lucas 16, alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo na matamo ang mga walang hanggang kayamanan.

Matapos ituro ang mga talinghaga ng nawawalang tupa, ng nawawalang isang putol na pilak o barya, at ng alibughang anak, itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo ang talinghaga ng di-tapat na katiwala. Ang katiwala ay isang taong namamahala sa negosyo, pera, o ari-arian ng ibang tao.

Basahin ang Lucas 16:1–2, na inaalam ang nalaman ng mayamang lalaki sa kanyang katiwala.

Pansinin ang ginawa ng katiwala sa mga pag-aari ng mayamang lalaki. Bunga ng pag-aaksaya ng katiwala, mawawala sa kanya ang kanyang tungkulin bilang katiwala.

Sa Lucas 16:3–7, nalaman natin na nag-alala ang katiwala kung ano ang gagawin niya kapag nawalan siya ng trabaho dahil hindi niya kaya ang mabibigat na trabaho at nahihiyang manghingi. Gumawa siya ng isang plano na naisip niya na maaaring magbigay sa kanya ng trabaho sa ibang mga bahay. Binisita niya ang dalawang may utang sa mayamang lalaki at binawasan nang malaki ang mga utang nila, sa pag-asang makakahingi siya ng pabor sa kanila.

Basahin ang Lucas 16:8, na inaalam ang sinabi ng mayamang lalaki tungkol sa ginawa ng kanyang katiwala. Makatutulong na malaman na ang “mga anak ng sanglibutang ito” ay ang mga taong makamundo ang isipan at na ang “mga anak ng ilaw” ay ang mga tagasunod ng Diyos, o mga taong espirituwal ang isipan.

Mapapansin na pinuri ng mayamang lalaki ang katalinuhan ng katiwala dahil nakagawa ito ng paraan na makakagaanan siya ng loob ng mga may utang sa mayamang lalaki. Hindi niya pinupuri ang hindi pagiging tapat ng katiwala.

Elder James E. Talmage

Ipinaliwanag ni Elder James E. Talmage ng Korum ng Labindalawang Apostol kung ano ang itinuturo ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng talinghaga ng di-tapat na katiwala: “Ang layunin ng ating Panginoon ay ipakita ang pagkakaiba ng pangangalaga, pagmamalasakit, at katapatan ng mga tao sa mga bagay na may kinalaman sa pagpapayaman o pagkita ng pera sa mundo, at ang di-lubos na katapatan ng marami na nagsasabing hinahangad nila ang mga espirituwal na kayamanan. Ang mga taong nakatuon sa kayamanan ng mundo ay hindi nakakaligtaan ang panustos para sa kanilang kinabukasan, at kadalasan ay nagkakasala sa paghahangad ng marami; samantalang ang ‘mga anak ng ilaw,’ o yaong mga naniniwala na ang mga espirituwal na kayamanan ay higit sa lahat ng ari-arian sa mundo, ay hindi gaanong mapaghangad, masinop, o matalino” (Jesus the Christ, 3rd ed. [1916], 463).

Basahin ang Lucas 16:10–12, na inaalam ang sinabi ng Tagapagligtas na dapat nating gawin para mabiyayaan ng mga walang hanggang kayamanan. Tandaan na ang kayamanan sa talata 11 ay tumutukoy sa mga kayamanan sa mundo, kasama ang pera at mga ari-arian. Maaari ding makatulong na malaman na ang ibig sabihin ng maging “mapagtapat sa kakaunti” (Lucas 16:10) ay gamitin nang tama ang mga kayamanan sa mundo.

Mula sa mga turo ng Tagapagligtas sa Lucas 16:1–12, nalaman natin na kung matalino nating paghahandaan ang ating walang-hanggang hinaharap at gagamitin nang tama ang mga kayamanan sa mundo, tayo ay mabibiyayaan ng mga walang-hanggang kayamanan.

  1. journal iconSagutin ang isa o lahat ng mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Paano ipinapakita ng tamang paggamit natin ng mga kayamanan sa mundo na karapat-dapat tayong pagkatiwalaan ng mga walang hanggang kayamanan?

    2. Bilang isang kabataan, paano mo magagamit nang tama ang mga kayamanan sa mundo? Paano mo ito magagawa kapag matanda ka na? (Tingnan sa Jacob 2:17–19.)

Lucas 16:13–31

Pinagsabihan ni Jesus ang mga Fariseo at itinuro ang talinghaga ng taong mayaman at ni Lazaro.

Sa pag-aaral mo ng Lucas 16:13–26, pag-isipang mabuti kung paano makahahadlang sa ilang tao ang mga kayamanan sa mundo sa pagtatamo ng mga walang hanggang kayamanan.

Tulad ng nakatala sa Lucas 16:13–14, itunuro ng Tagapagligtas na “hindi kayo [sabay na] makapaglilingkod sa Dios at sa mga kayamanan” (Lucas 16:13). Narinig ng mga Fariseo ang mga itinuro ng Tagapagligtas at Siya ay kanilang “tinuya” (Lucas 16:14), o kinutya. Hanapin sa Lucas 16:14 ang salitang naglalarawan sa mga Fariseo at magbigay ng isang paliwanag kung bakit kinutya nila ang Tagapagligtas dahil sa Kanyang mga itinuro.

Ang mga Fariseo ay mapag-imbot, na ibig sabihin ay gusto nilang magkaroon ng mas maraming ari-arian, lalo na ng mga bagay na pag-aari ng iba. Pinag-imbutan nila ang kayamanan at kapangyarihan ng mundo (tingnan sa Mateo 23:2–6, 14). Sa iyong palagay, bakit ang pagiging mapag-imbot nila ay nag-udyok sa kanila na kutyain ang Tagapagligtas?

Basahin ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Lucas 16:16–23 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan) na inaalam ang matututuhan pa sa pag-uusap ng mga Fariseo at ng Tagapagligtas.

Nalaman natin mula sa mga talatang ito na ang nagsisilbing batas para sa mga Fariseo ay ang batas ni Moises, at dahil dito, hindi nila tinanggap si Jesus bilang kanilang hukom. Ipinaliwanag ni Jesus na ang batas ni Moises at ang mga propeta ay nagpapatotoo tungkol sa Kanya. Pinagsabihan Niya ang mga Fariseo sa pagtanggi nila sa mga yaong nakasulat at kinagalitan sila dahil kanilang “inililigaw ang tamang daan” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Lucas 16:21). Upang matulungan ang mapag-imbot na mga Fariseong ito na matanto ang kanilang pag-uugali at ang mga ibubunga nito, inihalintulad sila ng Tagapagligtas sa mayamang lalaki sa talinghagang nakatala sa Lucas 16:19–31.

Sa pagbabasa mo ng Lucas 16:19–31, ilarawan sa iyong isipan ang mga tauhan sa talinghagang ito at ang mga nangyari sa kanila. Maaari mong basahin nang malakas ang mga talatang ito, na parang ikaw ay nasa harap ng mga tao, na sinasabi ang mga salita ng Tagapagligtas (Lucas 16:19–23), ng taong mayaman (Lucas 16:24, 27, 28, 30), at ni Abraham (Lucas 16:25, 26, 29, 31). Makatutulong na malaman na ang “sinapupunan ni Abraham” (Lucas 16:22) ay tumutukoy sa paraiso sa daigdig ng mga espiritu at na ang “hades” (Lucas 16:23) o impiyerno ay tumutukoy sa bilangguan ng mga espiritu (tingnan sa Bible Dictionary, “Abraham’s Bosom,” Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Impiyerno”).

diagram ng bilangguan at paraiso

Paano nagkaiba ang buhay sa mundo ng taong mayaman at ni Lazaro?

Paano nakaapekto sa taong mayaman ang kanyang pag-iimbot o pagmamahal sa mga kayamanan sa mundo pagkatapos niyang mamatay?

Ano sa palagay mo ang nais ituro ng talinghagang ito sa mga Fariseo?

Ang isang alituntunin na matututuhan natin sa talinghagang ito ay kung tayo ay mapag-imbot at hindi ginamit nang tama ang ating mga kayamanan sa mundo, makakaranas tayo kalaunan ng paghihirap at panghihinayang (tingnan din sa D at T 104:18).

pulubi at mga aso

Hinimuran ng mga aso ang mga sugat ni Lazaro, ang taong mahirap na nasa pintuan ng taong mayaman.

May matututuhan pa tayong katotohanan mula sa talinghagang ito. Ayon sa Lucas 16:30, ano ang pinaniniwalaang mangyayari ng taong mayaman kung magpapakita si Lazaro sa mga kapatid ng taong mayaman?

Naniniwala ang taong mayaman na magsisisi at magbabalik-loob sa katotohanan ang kanyang mga kapatid kung si Lazaro ang magpapakita sa kanila. Ang tunay na pagbabalik-loob ay “pagbabago ng isang tao sa paniniwala, nasasapuso, at buhay upang tanggapin at sundin ang kalooban ng Diyos” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagbabalik-loob, Nagbalik-loob,” scriptures.lds.org).

Ayon sa Lucas 16:29, 31, bakit hindi isinugo ni Abraham si Lazaro sa mga kapatid ng taong mayaman?

Sa pagbanggit kay “Moises at ang mga propeta,” muling tinutukoy ng Tagapagligtas ang mga banal na kasulatan na sinasabi ng Fariseo na pinaniniwalaan nila at ipinamumuhay ngunit sa katunayan ay hindi nila tinatanggap.

Mula sa talinghagang ito, matututuhan natin na ang pagbabalik-loob ay nangyayari sa pamamagitan ng paniniwala at pagsunod sa mga salita ng mga propeta, hindi dahil sa nakitang mga himala o mga anghel.

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Sa iyong palagay, bakit nangyayari ang pagbabalik-loob sa pamamagitan ng paniniwala at pagsunod sa mga salita ng mga propeta sa halip na sa pamamagitan ng nakitang mga himala o mga anghel?

    2. Anong partikular na mga turo mula sa mga propeta ang nakaimpluwensya sa iyong pagbabalik-loob?

Sa isang papel, sumulat ng isang mithiin kung paano mo mas paniniwalaan o mas susundin ang mga turo o payo ng mga propeta upang lalo pang tumatag ang iyong pagbabalik-loob at pananalig. Para sa mga ideya, maaari mong rebyuhin ang polyetong Para sa Lakas ng mga Kabataan. Ilagay ang papel na ito kung saan mo ito makikita araw-araw, puwedeng sa mga banal na kasulatan mo, upang mapaalalahanan ka sa iyong mithiin.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Lucas 16 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: