Unit 17: Day 1
Mga Gawa 1:1–8
Pambungad
Nagministeryo si Jesucristo sa Kanyang mga Apostol nang 40 araw pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Inihanda Niya sila na maging mga saksi Niya sa buong mundo.
Mga Gawa 1:1–8
Nagministeryo si Jesus sa Kanyang mga disipulo nang 40 araw
Isipin kunwari na nilapitan ka ng isang kaibigan na iba ang relihiyon dahil nais niyang may mas malaman pa tungkol sa iyong Simbahan at nagtanong, “Sino ang namumuno sa inyong Simbahan?” Paano mo sasagutin ito?
Sa pag-aaral mo ng Mga Gawa 1:1–8, alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo na masagot ang tanong na iyan at maunawaan na ang mga Apostol na namuno noon sa Simbahan ay mga saksi ni Jesucristo at may tungkuling ibahagi ang patotoong iyan sa buong mundo. May gayon ding pagpapala at responsibilidad ang mga Apostol na kasalukuyang namumuno sa Simbahan ngayon.
Buklatin ang aklat ng Mga Gawa sa iyong banal na kasulatan, at alamin ang buong pamagat ng aklat na ito.
Mahalagang transisyon sa Bagong Tipan ang aklat ng Mga Gawa. Naglalaman ang mga Ebanghelyo ayon kina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan ng mga tala tungkol sa mortal na ministeryo at Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Nakatala naman sa aklat ng Mga Gawa ang ministeryo ng mga Apostol matapos ang Pag-akyat sa Langit ng Tagapagligtas.
Basahin ang Mga Gawa 1:1–2, na inaalam kung para kanino isinulat ang aklat na ito.
Si Lucas ang may-akda ng aklat ng Mga Gawa, at ang “unang kasaysayan” na binanggit sa talata 1 ay ang Ebanghelyo Ayon kay Lucas, na isinulat din sa isang di-kilalang indibiduwal na nagngangalang Teofilo. Ang layunin ni Lucas sa pagsulat ay tulungan si Teofilo na magkaroon ng sariling patotoo kay Jesucristo (tingnan sa Lucas 1:1–4).
Basahin ang Mga Gawa 1:2, na inaalam kung paano patuloy na pinamunuan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli.
Ayon sa talata 2, paano pinamunuan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan kahit wala na Siya sa mundo?
Nalaman natin sa Mga Gawa 1:2 na pinamumunuan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag ng Kanyang kalooban sa Kanyang mga Apostol sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na patuloy na pinamunuan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli:
“Mula sa [unang talata ng aklat ng Mga Gawa] … ang pahayag na ang Simbahan ay patuloy na pinamumunuan ng Diyos, hindi ng tao. … Sa katunayan, ang maaaring mas kumpletong pangalan para sa aklat ng Mga Gawa ay ‘Ang mga Gawa ng Nabuhay na Mag-uling Cristo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu sa Buhay at Ministeryo ng Kanyang mga Inordenang mga Apostol.’ …
“Ang pamamahala sa Simbahan ay gayundin. Hindi na pinamamahalaan ng Tagapagligtas ang Simbahan mula sa lupa kundi mula sa langit, bagamat ang pamamahala at pamumuno ay magkatulad” (“Pagtuturo, Pangangaral, Pagpapagaling,” Liahona, Ene. 2003, 17).
Pag-isipan kung bakit mahalagang malaman na patuloy na pinamumunuan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag sa panahong ito.
-
Pag-isipan ang mga karanasan na nagpalakas ng iyong patotoo na pinamumunuan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa panahong ito sa pamamagitan ng paghahayag. Isulat ang iyong mga karanasan sa iyong scripture study journal. Kung sa palagay mo ay wala kang ganoong karanasan, hilingin sa isang aktibong miyembro ng Simbahan na ibahagi sa iyo kung paano niya nalaman na pinamumunuan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag. Sa iyong scripture study journal, isulat ang nalaman mo sa inyong pag-uusap.
Nag-ukol si Jesus ng 40 araw sa pagbibigay ng personal na tagubilin sa mga Apostol bago ang Kanyang Pag-akyat sa Langit at nagsimulang pamunuan ng mga Apostol ang Simbahan dito sa lupa sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Basahin ang Mga Gawa 1:3, na inaalam ang naranasan at natutuhan ng mga Apostol sa loob ng 40 araw na iyon.
Sa talata 3, tinutukoy ng salitang makapaghirap ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas at ang Kanyang mga pagdurusa. Tinutukoy ng mga katagang “mga katunayan” ang hindi maikakailang katibayan na ibinigay ni Jesus na Siya ay nabuhay na mag-uli.
Basahin ang Mga Gawa 1:4–5, na inaalam kung ano ang iniutos ni Jesus na gawin ng Kanyang mga Apostol. Maaari mong markahan ang nalaman mo.
Iniutos ni Jesus na manatili ang mga Apostol sa Jerusalem hanggang mabinyagan sila sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Tumutukoy ito sa pagtanggap nila ng Espiritu Santo na makakasama nila sa tuwina, na hindi kinailangan ng mga Apostol noong kasama pa nila ang Panginoon.
Basahin ang Mga Gawa 1:8, na inaalam ang ipinagawa sa mga Apostol matapos nilang matanggap ang Espiritu Santo.
Mula sa itinuro ng Tagapagligtas sa talata 8, nalaman natin na ang mga Apostol ay mga saksi ni Jesucristo at nagpapatotoo sa Kanya sa buong mundo.
Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang tungkol sa responsibilidad ng mga Apostol sa panahong ito na maging mga saksi ni Jesucristo: “Tumawag ang Panginoon sa ating panahon ng 15 natatanging saksi upang magpatotoo sa Kanyang kabanalan sa buong mundo. Natatangi ang kanilang tungkulin; sila ay mga Apostol ng Panginoong Jesucristo, na Kanyang pinili at inatasan. Inutusan silang magpatotoo sa katotohanan ng Kanyang buhay sa pamamagitan ng kapangyarihan at awtoridad ng banal na pagka-apostol na ipinagkaloob sa kanila” (sa “Special Witnesses of Christ,” Ensign, Abr. 2001, 4).
Basahin ang pahayag na “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” na kasama sa lesson na ito. Markahan ang mga bahagi sa patotoo ng mga Apostol na pinakamahalaga sa iyo.
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Paano nakaimpluwensya sa iyong personal na patotoo kay Jesucristo ang patotoo ng mga Apostol ngayon?
Bagama’t partikular na tinutukoy ng Mga Gawa 1:8 ang tungkulin ng mga Apostol bilang mga natatanging saksi ng Tagapagligtas, itinuturo rin nito kung ano ang makatutulong sa atin upang maging mga saksi tayo ni Jesucristo sa buong mundo.
Batay sa pangako ng Panginoon sa mga Apostol sa Mga Gawa 1:8, nalaman natin na sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, maaari tayong maging mga saksi ni Jesucristo.
Sa paanong paraan nakatutulong ang kapangyarihan ng Espiritu Santo upang maging mga saksi tayo ng Tagapagligtas?
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Kailan mo nadama ang Espiritu Santo habang nagpapatotoo ang iba tungkol kay Jesucristo?
-
Kailan mo nadama na tinulungan ka ng Espiritu Santo na magpatotoo sa iba tungkol kay Jesucristo?
-
Maghanap ng mga pagkakataong maibahagi sa iba ang iyong patotoo kay Jesucristo, at magtiwala na pagtitibayin ng Espiritu Santo ang katotohanan ng pinatototohanan mo sa kanila.
Mga Gawa–Apocalipsis: Buod ng Pangalawang Bahagi ng Bagong Tipan
Hindi lamang nagtuturo ang Mga Gawa 1:8 ng mga katotohanan tungkol sa responsibilidad ng mga Apostol, ngunit nagbibigay rin ito ng buod ng huling bahagi ng Bagong Tipan. Ayon sa Mga Gawa 1:8, saan ipinropesiya ng Tagapagligtas na magpapatotoo ang Kanyang mga disipulo tungkol sa Kanya?
Gamitin ang mga mapa na matatagpuan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan at hanapin ang mga lugar na binanggit sa mga banal na kasulatan na makatutulong sa iyo na mailarawan sa iyong isipan ang mga paglalakbay ng mga Apostol at ang katuparan ng propesiya ng Tagapagligtas.
Nakatala sa Mga Gawa 1–5 ang paglilingkod ng mga Apostol sa Jerusalem, nakatala sa Mga Gawa 6–9 ang paglilingkod ng mga Apostol sa buong Judea at Samaria, at nakatala sa Mga Gawa 10–28 ang paglilingkod ng mga Apostol sa buong Imperyo ng Roma, o “sa kahulihulihang hangganan ng lupa” (Mga Gawa 1:8). Maaari mong isulat ang outline na ito ng aklat ng Mga Gawa sa margin ng iyong banal na kasulatan sa tabi ng Mga Gawa 1:8.
Buklatin ang table of contents ng iyong Biblia. Tingnan ang mga aklat ng Bagong Tipan na kasunod ng aklat ng Mga Gawa. Ang mga aklat ng I Mga Taga Corinto hanggang sa Sa Mga Hebreo ay mga sulat (liham) na ginawa ni Apostol Pablo. Malalaman mo ang tungkol sa pagbabalik-loob at paglilingkod ni Pablo sa pag-aaral mo ng Mga Gawa 9, 13–28.
Tingnan ang mapa ng “Buod ng mga Gawa ng mga Apostol,” na nagpapakita ng mga bayan o lugar na may kaugnayan sa marami sa mga sulat ni Pablo. Ginawa ang marami sa mga sulat sa Bagong Tipan para sa mga kongregasyon ng Simbahan sa iba’t ibang bayan para tugunan ang kanilang mga pangangailangan. Halimbawa, ang mga taong nakatira sa bayan ng Tesalonica ang mga taga Tesalonica, at pinaniniwalaang pinakaunang sulat ni Pablo ang aklat ng I Mga Taga Tesalonica. Bukod pa sa pagsulat sa mga kongregasyon ng mga Banal, sumulat si Pablo sa mga indibiduwal na gaya nina Timoteo, Tito, at Filemon.
Tingnan sa table of contents ang mga sulat na kasunod ng Sa Mga Hebreo. Bukod pa kay Pablo, sumulat ang iba pang mga Apostol at mga lider ng Simbahan sa mga miyembro ng Simbahan. Ilan sa mga sulat na ito ay ang aklat nina Santiago, Pedro, Juan, at Judas. Nakatala sa aklat ng Apocalipsis ang isang pangitain na nakita ni Apostol Juan.
Sa iyong patuloy na pag-aaral ng pangalawang bahagi ng Bagong Tipan, maging mapanalangin nang sa gayon ay maliwanagan ka at matulungan ka ng Espiritu Santo na mas maunawaan pa ang mga turo ng mga Apostol sa Bagong Tipan.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Mga Gawa 1:1–8 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: