Library
Unit 22, Day 4: I Mga Taga Corinto 12–14


Unit 22: Day 4

I Mga Taga Corinto 12–14

Pambungad

Isinulat ni Apostol Pablo ang tungkol sa maraming kaloob ng Espiritu. Ikinumpara niya ang Simbahan sa isang pisikal na katawan at ipinaliwanag na tulad ng kung paano kailangan ng katawan na gumana nang maayos ang bawat bahagi nito, kailangan din ng Simbahan na gamitin ng bawat miyembro nito ang mga kaloob ng Espiritu para matulungan at mapalakas ito. Ipinayo ni Pablo sa mga Banal na sikaping magkaroon ng pag-ibig [sa kapwa] at ng espirituwal na kaloob na propesiya.

I Mga Taga Corinto 12

Itinuro ni Pablo ang tungkol sa mga espirituwal na kaloob

Basahin ang mga sumusunod na pahayag, at bilugan kung ano sa palagay mo ang mas tumpak:

  • Ang patotoo ay dapat pinagsisikapang matamo.

  • Ang patotoo ay isang kaloob.

Ipaliwanag ang iyong sagot:

Sa pag-aaral mo ng I Mga Taga Corinto 12, alamin ang alituntuning makatutulong sa iyo na malaman kung paano magtamo ng malakas na personal na patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.

Nabasa natin sa I Mga Taga Corinto 12:1–2 na gustong ituro ni Apostol Pablo sa mga miyembro ng Simbahan sa Corinto ang tungkol sa mga espirituwal na kaloob.

Basahin ang I Mga Taga Corinto 12:3, na inaalam kung paano natin malalaman sa ating sarili na si Jesus ay Panginoon at Tagapagligtas. Itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang salitang makapagsasabi sa I Mga Taga Corinto 12:3 ay dapat maunawaan bilang makaaalam (tingnan sa History of the Church, 4:602).

Gamit ang natutuhan mo mula sa I Mga Taga Corinto 12:3, kumpletuhin ang sumusunod na katotohanan: Tanging sa pamamagitan ng tayo magkakaroon ng patotoo na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas.

Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan na kailangan nating makatanggap ng personal na patotoo:

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

“Ang patotoo ay isang napakahalagang pag-aari dahil hindi ito natatamo sa pagiging matalino o makatwiran, hindi ito naipagpapalit sa mga makamundong bagay, at hindi ito inireregalo o ipinamamana ng ating mga ninuno. Hindi tayo puwedeng umasa sa mga patotoo ng ibang tao. Kailangan nating malaman sa ating sarili. Sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley, ‘Bawat Banal sa mga Huling Araw ay may responsibilidad na malaman sa kanyang sarili ang katiyakang walang pagdududa na si Jesus ang nabuhay na mag-uli at buhay na Anak ng buhay na Diyos’ (‘Fear Not to Do Good,’ Ensign, Mayo 1983, 80) …

“Nagkakaroon tayo ng patotoong ito kapag kinakausap ng Banal na Espiritu ang ating espiritu. Tatanggap tayo ng panatag at di-natitinag na katiyakang pagmumulan ng ating patotoo at paniniwala” (“Ang Bisa ng Personal na Patotoo,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 38).

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Bakit mahalagang maunawaan na ang patotoo kay Jesucristo ay darating lamang sa pamamagitan ng Espiritu Santo?

    2. Ano ang magagawa natin para maanyayahan ang Espiritu Santo sa ating buhay at matanggap ang patotoong iyan?

Tulad ng nakatala sa I Mga Taga Corinto 12:4–31, itinuro ni Pablo sa mga Banal sa Corinto na maraming espirituwal na kaloob ang ibinibigay upang pakinabangan ng lahat ng anak ng Ama sa Langit at tulungan ang mga miyembro ng Simbahan na paglingkuran ang isa’t isa. Ang mga kaloob ng Espiritu ay mga pagpapala o kakayahan na ibinibigay sa pamamagitan ng Espiritu Santo, at nagbibigay ang Diyos ng kahit isang kaloob sa bawat miyembro ng Simbahan (tingnan sa D at T 46:11). Ikinumpara ni Pablo ang Simbahan sa katawan ng tao. Kung paano kailangan ng katawan na gumana nang maayos ang bawat bahagi nito, magagamit din ng bawat miyembro ng Simbahan ang mga kaloob ng Espiritu para matulungan at mapalakas ang Simbahan. Dahil dito, ipinayo ni Pablo sa mga Banal na “maningas ninyong nasain [o hangarin] ang lalong dakilang mga kaloob” (I Mga Taga Corinto 12:31).

I Mga Taga Corinto 13

Itinuro ni Pablo na mahalagang magkaroon ng pag-ibig sa kapwa

Basahin ang mga sumusunod na sitwasyon, at isipin kung ano ang mga pinsalang idudulot ng mga pananaw at pag-uugaling ito.

  • Kadalasan ay naiinis at nagagalit ka sa ugali ng kapatid mo.

  • Hindi ka nirerespeto ng kaklase mo, kaya hindi mo rin siya nirerespeto.

  • Naiinggit ka sa mga talento at magagandang nagagawa ng kaibigan mo.

  • Madali lang para sa iyo na itsismis o pagsalitaan nang masama ang ibang kasama mo sa priesthood quorum o sa Young Women class.

Sa pag-aaral mo ng I Mga Taga Corinto 13, alamin ang mga katotohanang makatutulong sa iyo na maiwasan ang mga pananaw at pag-uugaling makahahadlang sa kaligayahan mo at sa magandang relasyon mo sa iba.

Basahin ang I Mga Taga Corinto 13:1–3, na inaalam ang katangian at kaloob ng Espiritu na pinuri nang lubos ni Pablo.

Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay “ang pinakadakila, pinakamarangal, pinakamasidhing uri ng pag-ibig, hindi lamang pagkagiliw” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pag-ibig sa Kapwa-tao”).

Pansinin sa mga talatang ito kung paano inilarawan ni Apostol Pablo ang mga taong may iba pang espirituwal na kaloob pero walang pag-ibig sa kapwa-tao (tingnan din sa D at T 88:125).

Ang mga katagang “tanso na tumutunog” at “batingaw na umaalingawngaw” sa talata 1 ay tumutukoy sa mga instrumentong malalakas ang tunog. Sa konteksto ng I Mga Taga Corinto 13:1, ang ibig sabihin ng mga katagang ito ay pagsasalita nang hindi taos sa puso o walang kabuluhan kapag walang pag-ibig sa kapwa-tao ang nagsasalita.

Inilarawan ni Pablo ang mga kabutihan at katangian ng pag-ibig sa kapwa para mas maunawaan ng mga Banal sa Corinto ang kaloob na ito. Basahin ang I Mga Taga Corinto 13:4–8, na inaalam ang paglalarawan ni Pablo sa pag-ibig sa kapwa. Maaari mong markahan ang nalaman mo.

Basahin ang mga sumusunod na paliwanag sa mga katagang mahirap unawain: Ang katagang “mapagpahinuhod” (talata 4) ay naglalarawan ng isang taong mapagtiis sa pagsubok. Ang “hindi nananaghili” (talata 4) ay naglalarawan ng isang taong hindi nainggit sa iba. Ang “hindi nagmamapuri” (talata 4) ay naglalarawan ng isang taong hindi mayabang. Ang “hindi mapagpalalo” (talata 4) ay naglalarawan ng pagiging mapagpakumbaba. Ang “hindi naguugaling mahalay” (talata 5) ay naglalarawan ng isang taong magalang o maalalahanin. Ang “hindi hinahanap ang kaniyang sarili” (talata 5) ay naglalarawan ng kakayahang unahin muna ang Diyos at ang iba bago ang sarili. Ang “hindi nayayamot” (talata 5) ay naglalarawan ng isang taong hindi madaling magalit. Ang “lahat ay pinaniniwalaan” (talata 7) ay naglalarawan ng isang taong tinatanggap ang lahat ng katotohanan.

Kaninong buhay ang kakikitaan ng lahat ng halimbawa ng pag-ibig sa kapwa-tao na inilarawan ni Pablo?

Nabasa natin sa Moroni 7:47 na itinuro ng propetang si Mormon na “ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo.” Maaari mong isulat ang depinisyon at reperensyang ito sa tabi ng I Mga Taga Corinto 13:4–8.

  1. journal iconPumili ng dalawa o tatlong deskripsyon ng pag-ibig sa kapwa-tao mula sa I Mga Taga Corinto 13:4-8. Sa iyong scripture study journal, ipaliwanag kung paano nito inilalarawan si Jesucristo, at magbigay ng halimbawa mula sa Kanyang buhay para sa bawat deskripsyon na pinili mo.

Ang isang katotohanang matututuhan natin mula sa I Mga Taga Corinto 13:4–8 ay kapag hinangad nating magkaroon ng espirituwal na kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao, nagiging mas katulad tayo ng ating Tagapagligtas, na si Jesucristo.

Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “ang pagibig ay hindi nagkukulang kailan man” sa talata 8?

Elder Jeffrey R. Holland

Inilarawan ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang isang paraan kung bakit hindi nagkukulang kailanman ang pag-ibig sa kapwa-tao: “Ang buhay ay puno ng takot at kabiguan. Kung minsan nangyayari ang mga bagay-bagay na iba sa ating inaasahan. Kung minsan ay binibigo tayo ng mga tao, o nawawalan tayo ng kabuhayan o negosyo o nagkukulang sa atin ang gobyerno. Ngunit isang bagay sa buhay na ito o sa kawalang-hanggan ang hindi bibigo sa atin—ang dalisay na pag-ibig ni Cristo” (Christ and the New Covenant [1997], 337).

Nabasa natin sa I Mga Taga Corinto 13:9–12 na itinuro ni Pablo kung bakit ang mga espirituwal na kaloob na kaalaman at paghuhula [propesiya] ay maglalaho kalaunan. Sinabi ni Pablo na ang kaalaman sa buhay na ito ay kulang at matatamo lamang natin ang ganap na kaalaman sa kawalang-hanggan.

Basahin ang I Mga Taga Corinto 13:13, na inaalam ang tatlong kaloob ng Espiritu na itinuro ni Pablo na nananatili, na ibig sabihin ay magtatagal o magpapatuloy.

Batay sa nabasa mo sa I Mga Taga Corinto 13:13, kumpletuhin ang sumusunod na katotohanan: ____________________ ang pinakadakilang kaloob ng Espiritu.

Sa palagay mo, bakit pinakadakilang kaloob ng Espiritu ang pag-ibig sa kapwa-tao?

Tulad ng nakatala sa I Mga Taga Corinto 14:1, pinayuhan ni Pablo ang mga Banal na “sundin … ang pag-ibig.” Basahin ang Moroni 7:48, na inaalam kung ano ang itinuro ni Mormon sa kanyang mga tao na gawin upang magkaroon ng kaloob na pag-ibig.

Paano tayo magkakaroon nito at ng ibang mga espirituwal na kaloob? Ayon kay Mormon, kanino ibinibigay ng Ama sa Langit ang kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao?

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Paano mapagbubuti ng pagkakaroon natin ng pag-ibig sa kapwa-tao ang ating pakikipag-ugnayan sa ating pamilya, mga kaibigan, at kakilala?

    2. Kailan mo nadama ang pag-ibig ng tao sa kanyang kapwa batay sa pakitutungo niya sa iyo at sa iba?

    3. Alin sa mga katangiang nakasaad sa I Mga Taga Corinto 13:4–7 ang sa palagay mo ay mahihirapan kang taglayin? Bakit? Sumulat ng mithiin tungkol sa gagawin mo para mapagsikapan at matamo ang kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao.

I Mga Taga Corinto 14

Itinuro ni Pablo na ang kaloob na panghuhula o pagpropesiya ay mas dakila kaysa kaloob na mga wika

Ipinayo ni Pablo sa mga Banal sa I Mga Taga Corinto 14:1–3 na hangaring magkaroon ng kaloob na propesiya. Sinabi niya na ang kaloob na propesiya ay mas nagpapatibay, o nangangaral sa ibang tao, kaysa sa kaloob na mga wika.

“Ang isang propesiya ay naglalaman ng banal na mga salita o kasulatan, na tinatanggap ng isang tao sa pamamagitan ng paghahayag mula sa Espiritu Santo. Ang patotoo ni Jesus ay diwa ng propesiya (Apoc. 19:10). … Kapag ang isang tao ay nagpopropesiya, siya ay nangungusap o sumusulat ng mga yaong nais ng Diyos na malaman niya, para sa kanyang sariling kabutihan o sa kabutihan ng iba” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Propesiya, Pagpopropesiya,” scriptures.lds.org).

Natutuhan natin sa I Mga Taga Corinto 14:1–3 na kapag nagtuturo at nagpapatotoo tayo sa pamamagitan ng inspirasyon, makatutulong tayo na mapatibay at mapanatag ang iba. Isang paraan na mapapayuhan natin ang iba (tingnan sa talata 3) ay ang paghikayat sa kanila.

Isipin ang pagkakataon na naturuan, nahikayat, o napanatag ka ng pangaral o patotoo ng isang tao.

Sa I Mga Taga Corinto 14:4–40, pinag-ingat ni Pablo ang mga Banal sa Corinto tungkol sa kaloob na pagsasalita ng mga wika. Nagbabala siya na kung hindi tama ang paggamit, ang kaloob na mga wika ay hindi magpapatibay o magpapatatag ng Simbahan at mahahadlangan nito ang paghahangad ng mga miyembro ng mas mabubuting espirituwal na kaloob. Itinuro rin Pablo na “ang Dios ay hindi dios ng kaguluhan” (I Mga Taga Corinto 14:33) at ang lahat ng bagay sa Simbahan ay dapat gawin sa wastong kaayusan.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang I Mga Taga Corinto 12–14 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: