Unit 30: Day 1
II Ni Pedro
Pambungad
Hinikayat ni Apostol Pedro ang mga Banal na mas kilalanin si Jesucristo sa pamamagitan ng pagsisikap na maging katulad Niya. Nagbabala rin si Pedro na inililigaw ng mga bulaang propeta at guro ang mga tao. Ipinropesiya niya na sa mga huling araw, kukutyain ng masasama ang mabubuti dahil naniniwala ang mga ito na babalik si Jesucristo. Hinikayat ni Pedro ang mga Banal na masigasig na maghanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.
II Ni Pedro 1:1–11
Itinuro ni Pedro kung paano makakabahagi sa likas na kabanalan ni Jesucristo
Umisip ka ng mga katangian na hinahangaan mo sa isang miyembro ng iyong pamilya o sa isang kaibigan. Naniniwala ka ba na maaari mong taglayin ang gayunding mabubuting katangian? Kung ikaw ay kabataang babae, isipin ang bahagi ng tema ng mga Kabataang Babae, na nagsasaad: “Kami ay mga anak na babae ng aming Ama sa Langit, na nagmamahal sa amin, at mahal namin Siya.” Isipin ang mga pinahahalagahan na nakapaloob sa temang ito, lalo na ang banal na katangian.
Ikaw man ay isang kabataang babae o lalaki, ano ang ibig sabihin sa iyo ng “banal na katangian”?
Ginawa ni Apostol Pedro ang sulat na ito para sa mga miyembro ng Simbahan na sumasampalataya kay Jesucristo. Tulad ng nakatala sa II Ni Pedro 1:1–4, itinuro niya sa kanila na maaaring “makabahagi [sila] sa kabanalang mula sa Dios” (talata 4). Ang mga katagang “kabanalang mula sa Dios” ay tumutukoy sa mga katangian ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
Basahin ang II Ni Pedro 1:5–7, na inaalam ang ilang banal na katangian ng Ama at ng Anak. Sa chart sa ibaba, isulat ang mga katangiang makikita mo sa talatang ito. Pagkatapos, sa scale na 1 hanggang 10, suriin kung gaano mo pinagsisikapang taglayin ang mga katangiang ito sa buhay mo (1 = Hindi pinagsisikapang taglayin; 10 = Pinagsisikapang taglayin). Ang unang banal na katangian ay nakasulat na. Ang ibig sabihin ng salitang pagpipigil sa talata 6 ay disipilina sa sarili.
Mga Banal na katangian | |
---|---|
Pananampalataya |
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 |
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 | |
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 | |
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 | |
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 | |
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 | |
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 | |
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 |
Basahin ang II Ni Pedro 1:8–11, na inaalam kung ano ang mga pagpapalang darating sa mga taong nagsisikap na magtaglay ng mga banal na katangian ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng mga katagang “mangapanatag kayo sa pagkatawag at pagkahirang sa inyo” sa talata 10 ay natanggap mo na sa buhay na ito ang katiyakan o pangakong ibinigay ng Diyos na makakamit mo ang buhay na walang hanggan; tinukoy ito ni Pedro bilang pagkakaroon ng “lalong panatag na salita ng hula” (II Ni Pedro 1:19).
Itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang pagkatawag at pagkahirang ng isang tao ay natitiyak matapos mapatunayang tapat sa Panginoon ang taong iyon: “Pagkatapos magkaroon ng pananampalataya kay Cristo ang isang tao, nagsisi ng kanyang mga kasalanan, at nabinyagan para sa ikapagpapatawad ng kanyang mga kasalanan at natanggap ang Espiritu Santo (sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay), na siyang unang Mangaaliw, hayaan siyang patuloy na magpakumbaba sa harapan ng Diyos, na nagugutom at nauuhaw sa kabutihan, at nabubuhay sa bawat salita ng Diyos, at hindi magtatagal sasabihin sa kanya ng Panginoon, Anak, ikaw ay dadakilain. Kapag lubusan na siyang napatunayan ng Panginoon, at nakita na determinado ang tao na maglingkod sa Kanya kahit ano pa ang mangyari, malalaman ng tao na ang kanyang pagkatawag at pagkahirang sa kanya ay tiyak na” (sa History of the Church, 3:380).
II Ni Pedro 1:12–21
Ibinahagi ni Pedro ang kanyang patotoo kay Jesucristo at nagturo tungkol sa banal na kasulatan
Sa palagay mo, bakit pinupuna ng ilang tao ang mga edad ng ilan sa mga propeta at mga apostol? Ano ang isasagot mo sa mga pumupuna na ang mga propeta at mga apostol ngayon ay napakatanda na para makapaglingkod na mabuti? Sa patuloy na pag-aaral mo ng II Ni Pedro 1, alamin ang isang katotohanan tungkol sa mga propeta at mga apostol na mas mahalaga kaysa mga edad nila.
Tulad ng nakatala sa II Ni Pedro 1:12–19, alam ni Apostol Pedro na malapit na siyang mamatay, kaya ibinahagi niya ang kanyang patotoo bilang saksi kay Jesucristo. Binanggit niya sa kanyang patotoo ang “lalong panatag na salita ng hula” (II Ni Pedro 1:19). Ang “lalong panatag na salita ng hula” na ito ay mas malinaw na ipinaliwanag sa Doktrina at mga Tipan 131:5 bilang kaalamang natanggap ng tao sa buhay na ito sa pamamagitan ng paghahayag na siya “ay ibinuklod sa buhay na walang hanggan.” Ito ay tinukoy rin bilang “[pagtiyak sa] pagkatawag at pagkahirang” (II Ni Pedro 1:10), na napag-aralan mo sa unang bahagi ng II Ni Pedro 1.
Basahin ang II Ni Pedro 1:20–21, na inaalam kung ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa tungkulin ng “[mga tao ng] Dios,” o mga propeta. Pansinin na mababasa sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng II Ni Pedro 1:20 na, “Na malaman muna ito, na alin mang propesiya ng kasulatan ay hindi ibinibigay sa sariling kalooban ng isang tao.”
Batay sa itinuro ni Pedro, matutukoy natin ang sumusunod na katotohanan: Tinatanggap ng mga propeta ang banal na kasulatan sa pamamagitan ng Espiritu Santo. (Maaari mo itong markahan o lagyan ng tanda sa iyong mga banal na kasulatan.) Ang mga banal na kasulatan ay “mga salita na kapwa isinulat at sinabi, ng mga banal na tao ng Diyos kapag pinakikilos ng Espiritu Santo” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Banal na Kasulatan, Mga,” scriptures.lds.org; tingnan din sa D at T 68:2–4).
Ang ilang banal na kasulatan ay ginawa nang kanoniko. Ang kanoniko ay “isang kinikilala, pinagsama-samang mga banal na talaan na nararapat sundin. Sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang mga kanonikong aklat ay tinatawag na mga pamantayang gawa at kabilang dito ang Luma at Bagong Tipan, ang Aklat ni Mormon, ang Doktrina at mga Tipan, at ang Mahalagang Perlas” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kanoniko,” scriptures.lds.org).
Sa pagbabasa mo ng sumusunod na patotoo ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawa, hanapin ang patotoo niya na ang mga propeta ay patuloy na nakatatanggap ng mga banal na kasulatan: “Ang linya ng priesthood ang paraan ng pakikipag-usap ng Diyos sa Kanyang mga anak sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan noong unang panahon. At ang linyang ito ang paraan ng pakikipag-usap Niya ngayon sa pamamagitan ng mga turo at payo ng mga buhay na propeta at apostol at iba pang mga lider na binigyang-inspirasyon” (“Dalawang Linya ng Pakikipag-ugnayan,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 84).
Isipin kung bakit mahalaga na alam natin na gumamit at gumagamit pa rin ang Diyos ng mga propeta para maibigay ang mga banal na kasulatan sa Kanyang mga anak.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Anong mga talata sa banal na kasulatan, mula sa mga propeta noon o sa mga propeta ngayon, ang nakaimpluwensya sa buhay mo?
-
Paano ka napagpala ng mga banal na kasulatang iyon?
-
Pagnilayang muli ang patotoo ni Elder Oaks at humanap ng pagkakataon sa mga susunod na araw na makapagpatotoo ka sa iba ayon sa patnubay ng Espiritu, tungkol sa katotohanan ng mga propeta at sa kahalagahan ng pagtanggap at pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
II Ni Pedro 2
Nagbabala si Pedro na huwag magpalinlang sa mga bulaang guro
Bakit pinipili ng mga tao na magkasala kahit alam nila na mali ang kanilang ginagawa?
Nabasa natin sa II Ni Pedro 2 na nagbabala si Apostol Pedro sa mga Banal na layuan ang mga taong naghahangad na linlangin sila. Sa pag-aaral mo ng II Ni Pedro 2, alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo na malaman at maiwasan ang mga panlilinlang na hahantong sa kasalanan.
Basahin ang II Ni Pedro 2:1–3, na inaalam ang babala ni Pedro tungkol sa mga magtatangkang linlangin ang mga Banal. Ipaliwanag na ang “mga makakapahamak na mga hiduwang pananampalataya” (II Ni Pedro 2:1) ay mga turo na mali at nakasisira.
Ang isang katotohanan na matututuhan natin sa mga talatang ito ay na hangad ng mga bulaang guro na linlangin tayo.
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol, na inaalam ang itinuturo ng mga bulaang propeta ngayon para malinlang tayo:
“Ang mga bulaang propeta at mga bulaang guro ay nagpapahayag na si Propetang Joseph Smith ay isang manlilinlang; hindi sila naniniwala na totoong nangyari ang Unang Pangitain. Sinasabi nila na ang Aklat ni Mormon at ang iba pang pamantayang aklat ay hindi mga sinaunang tala o banal na kasulatan. Tinatangka rin nilang baguhin ang likas na katangian ng Panguluhang Diyos, at hindi sila naniniwala na nagbigay at patuloy na nagbibigay ang Diyos ng pahayag ngayon sa Kanyang mga inordenan at sinang-ayunan na mga propeta.
“Ang mga bulaang propeta at mga guro ay ipinagmamalaki pa na tangka nilang gumawa ng mga bagong interpretasyon ng mga banal na kasulatan upang ipakita na hindi dapat ituring ang mga sagradong tekstong ito na mga salita ng Diyos kundi mga salita lang ng mga taong walang gaanong nalalaman kundi ang kanilang maling opinyon at kinikilingang kultura. Dahi diyan, ikinakatwiran nila na kailangan ng mga banal na kasulatan ng bagong interpretasyon at sila lamang ang may kakayahang ibigay ang interpretasyong iyan.
“Marahil ang pinakakasumpa-sumpa pa, ay ikinakaila nila na naganap ang Pagkabuhay na Mag-uli at ang Pagbabayad-sala ni Cristo, at iginigiit na walang Diyos na makapagliligtas sa atin. Hindi sila naniniwalang kailangan ang isang Tagapagligtas. Sa madaling salita, ang mga mapanirang-puring ito ay nagtatangkang ibahin ang mga doktrina ng Simbahan upang umakma sa sarili nilang mga pananaw, at ang bunga nito ay itinatatwa ang Cristo at ang Kanyang tungkulin bilang Mesiyas.
“Ang mga bulaang propeta at mga bulaang guro ay nagtatangka rin na baguhin ang mga ibinigay ng Diyos at ang batay sa banal na kasulatan na mga doktrina na nangangalaga sa kasal, sa likas na katangian ng pamilya, at sa mahahalagang doktrina tungkol sa pansariling moralidad. Hinihimok nila na bigyan ng ibang pagpapakahulugan ang moralidad upang pangatwiranan ang pangangalunya, pakikiapid, at mga ugnayang homoseksuwal. Ang ilan ay hayagang sinusuportahan ang legalisasyon ng kasal ng dalawang taong magkapareho ng kasarian” (“Beware of False Prophets and False Teachers,” Ensign, Nob. 1999, 63–64)
Isipin ang mga pagkakataon na maaaring nakabasa o nakarinig ka ng mga turo o mensahe mula sa mga bulaang guro. Bakit nakatutulong na alam natin ang mga mensahe at mga turo ng mga bulaang guro?
Nabasa natin sa II Ni Pedro 2:4–17 ang ilang halimbawa ng nangyari sa mga taong sumunod sa mga bulaang guro noong unang panahon, kabilang na ang mga sumunod kay Satanas sa premortal na buhay, ang mga taong nabuhay sa panahon ni Noe, at ang mga tao sa Sodoma at Gomorra. Nagbigay rin si Pedro ng mga halimbawa ng mga taong hindi naimpluwensyahan ng mga bulaang guro, tulad nina Noe at Lot. Pagkatapos ay inilarawan ni Pedro ang masamang pag-uugali ng mga bulaang guro.
Paano namimingwit ng isda ang mangingisda?
Ang pamamaraan ng mangingisda sa pamimingwit ng isda ay katulad ng pamamaraan ng bulaang guro. Basahin ang II Ni Pedro 2:18–19, na inaalam kung paano inaakit ng mga bulaang guro ang mga Banal na sundin ang kanilang mga turo.
Paano nakakatulad ng pamaing insekto o patibong ang mga turo ng mga bulaang propeta at guro?
Nalaman natin sa II Ni Pedro 2:19 na nangangako ng kalayaan ang mga bulaang guro. Sa madaling salita, itinuturo nila na ang kasalanan, sa halip na ang pagsunod sa mga kautusan, ang nagdudulot ng mas higit na kalayaan.
Malalaman natin sa mga talatang ito na pinapaniwala tayo ng mga bulaang propeta na nagiging mas malaya tayo dahil sa kasalanan.
Basahing muli ang talata 19 na inaalam ang nangyayari sa mga tao na natatangay ng mga maling turo at kasalanan.
-
Sa iyong scripture study journal, magsulat ng dalawa o tatlong halimbawa ng mga maling turo na parang nagbibigay ng kalayaan pero ang totoo ay humahantong sa pagkaalipin.
Basahin ang II Ni Pedro 2:20–22, na inaalam ang itinuro ni Pedro tungkol sa mga taong binabalikan muli ang kasalanan matapos na takasan ito.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Sa iyong palagay, bakit ang mga yaong “[tumatakas] sa mga pagkahawa sa sanglibutan sa pamamagitan ng pagkilala sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo” (II Ni Pedro 2:20) ay maaaring matuksong bumalik sa masasamang gawi?
-
Ano ang maipapayo mo para tulungan ang isang tao na manatiling tapat kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo sa halip na bumalik sa dating mga kasalanan?
-
II Ni Pedro 3
Nagpatooo si Pedro tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo
Sa pagtatapos ni Apostol Pedro ng sulat na ito, na marahil ay isa sa mga huling patotoo niya na naisulat, ipinaalala niya sa mga Banal ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo at itinuro sa kanila kung paano ito paghandaan. Tulad ng nakatala sa II Ni Pedro 3:1–9, itinuro niya na sa mga huling araw ay may mga tao na manlalait at mangungutya sa mga naniniwala sa Ikalawang Pagparito.
Basahin ang II Ni Pedro 3:10–14, na inaalam ang itinuro ni Pedro tungkol sa Ikalawang Pagparito. Ang salitang pamumuhay sa talata 11 ay tumutukoy sa pag-uugali, at ang “pinakananasa” sa talata 12 ay ang masidhing pag-asam sa isang bagay.
Anong payo ang ibinigay ni Pedro sa mga Banal upang ihanda sila sa Ikalawang Pagparito?
Ang mga katagang “walang dungis at walang kapintasan” sa talata 14 ay ang pagiging malinis mula sa kasalanan. Ang mga yaong nalinis mula sa kasalanan ay nakipagkasundo na sa Diyos, o naging kapanalig at kaisa Niya, at makadarama ng kapayapaan sa piling ng Tagapagligtas kapag dumating Siya. Natutuhan natin mula sa mga turo ni Pedro na makapaghahanda tayo sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng mabuting pamumuhay at pag-asam sa Kanyang Pagparito. Maaari mong isulat o lagyan ng tanda ang alituntuning ito sa iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng II Ni Pedro 3:11–14.
Ano ang ilang bagay na magagawa natin para makapamuhay nang mabuti habang tapat na inaasam ang Ikalawang Pagparito?
Nabasa natin sa II Ni Pedro 3:15–18 na sinabi ni Pedro na mahirap unawain ang ilan sa mga turo ni Pablo. Nagbabala rin siya na iwasang matuksong gumawa ng masama. Hinikayat niya ang mga Banal na “magsilago … sa biyaya at sa pagkakilala sa ating Panginoon” (II Ni Pedro 3:18)
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang II Ni Pedro at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: