Library
Pambungad sa Mga Taga Colosas


Pambungad sa Mga Taga Colosas

Bakit Kailangang Pag-aralan ang Aklat na Ito?

Isinulat ni Apostol Pablo ang kanyang Sulat sa mga Taga Colosas dahil sa balitang sila ay nagsisimulang gumawa ng malalaking pagkakamali (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat ni Pablo, Mga”). Ang mga maling turo at gawain sa Colosas ay nakaimpluwensya sa mga Banal doon at naglagay sa panganib sa kanilang pananampalataya. Ang gayon ding sitwasyon ay humahamon sa mga miyembro ng Simbahan ngayon. Bahagi ng kahalagahan ng sulat na ito ay makikita sa kung paano nito natukoy at nailantad ang mga kasinungalingan habang binibigyang-diin ang kabanalan at nakapagliligtas na gawain ni Jesucristo. Sa pag-aaral ng aklat ng Mga Taga Colosas, mapapalalim mo ang iyong pagbabalik-loob sa Tagapagligtas at makatatanggap ng proteksyon laban sa panlilinlang at kasalanan.

Sino ang Sumulat ng Aklat na Ito?

Ang Sulat sa mga Taga Colosas ay ipinadala nina Pablo at Timoteo (tingnan sa Mga Taga Colosas 1:1, 23; 4:18). Tila si Pablo ang mismong nagsulat ng kanyang pagpupugay sa pagtatapos ng sulat (tingnan sa Mga Taga Colosas 4:18), nagpapahiwatig na isang tagasulat, marahil si Timoteo, ang tumulong sa kanya sa pagsulat sa katawan o nilalaman ng liham.

Kailan at Saan Ito Isinulat?

Isinulat ni Pablo ang Sulat sa mga Taga Colosas sa una niyang pagkabilanggo sa Roma, noong mga A.D. 60–62 (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat ni Pablo, Mga,” scriptures.lds.org). Marahil ay isinulat niya ito kasabay sa pagsulat niya sa Mga Taga Filipos, Mga Taga Efeso, at Kay Filemon.

Para Kanino Ito Isinulat at Bakit?

Isinulat ito para sa matatapat na Banal sa Colosas, isang lugar sa Turkey sa panahon ngayon. Tinagubilinan ni Pablo ang mga Banal sa Colosas na ibahagi ang sulat sa mga miyembro ng Simbahan sa kalapit na Laodicea (tingnan sa Mga Taga Colosas 4:16).

Ginawa ni Pablo ang sulat na ito “pagkatapos siyang dalawin ni Epafras, ang ebangelista ng Simbahan sa [Colosas] [tingnan sa Mga Taga Colosas 1:7–8]. Sinabi ni Epafras kay Pablo na nagsisimulang gumawa ng malaking pagkakamali ang mga taga-Colosas—inaakala nilang higit silang mabubuti kaysa ibang tao dahil sa maingat nilang pagtupad sa ilang natatanging panlabas na ordenansa [tingnan sa Mga Taga Colosas 2:16], pinagkakaitan ang kanilang sarili ng ilang pangangailangang pisikal, at sumasamba sa mga anghel [tingnan sa taga Colosas 2:18]. Inakala ng mga taga Colosas na sa pamamagitan ng mga kaugaliang ito sila ay napapabanal. Inakala rin nilang nauunawaan nila ang mga hiwaga ng sandaigdigan nang higit sa iba pang kasapi ng Simbahan. Sa kanyang sulat, itinuwid sila ni Pablo sa pamamagitan ng pagtuturo na darating lamang ang pagtubos sa pamamagitan ni Cristo at kinakailangan tayong maging marunong at maglingkod sa kanya” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Taga-Colosas, Sulat sa Mga,” scriptures.lds.org).

Ano ang Ilang Kakaibang Katangian ng Aklat na Ito?

Sa Sulat sa mga Taga Colosas, itinuwid ni Pablo ang mga maling turo sa Colosas sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa kabanalan, nakapagliligtas na misyon, at kapangyarihan ni Jesucristo (tingnan sa Mga Taga Colosas 1:15–23). Itinuro niya na si Cristo mismo ang larawan ng Diyos Ama, ang Lumikha, ang Pinuno ng Simbahan, ang una sa nabuhay na mag-uli, at ang Manunubos. Siya ang “pangulo ng lahat na pamunuan at kapangyarihan” (Mga Taga Colosas 2:10), at tinutupad Niya ang Kanyang banal na misyon sa ilalim ng tagubilin ng Ama (tingnan sa Mga Taga Colosas 1:19; 3:1).

Nagbabala si Pablo laban sa mga yaong nagturo na natatamo ang totoong espirituwalidad sa pamamagitan ng mga natatanging ritwal, kapistahan, at pagkain (tingnan sa Mga Taga Colosas 2:16–18, 20, 23). Sa halip ay itinuro niya na ang espirituwal na kahustuhan ng isip at kaalaman tungkol sa Diyos ay nakikita sa pagtutuon ng ating “pagiisip sa mga bagay na nangasa itaas” (Mga Taga Colosas 3:2), pag-aalis ng masasamang gawain (tingnan sa Mga Taga Colosas 3:5–9), at pagkakaroon ng mga katangian ni Cristo (tingnan sa Mga Taga Colosas 3:12–17). Pinayuhan ni Pablo ang kanyang mga mambabasa na manatiling “nababaon at matitibay” sa ebanghelyo (Mga Taga Colosas 1:23) at “nangauugat at nangatatayo [kay Jesucristo], at matibay sa [kanilang] pananampalataya” (Mga Taga Colosas 2:7).

Outline

Mga Taga Colosas 1:1–23. Binati ni Pablo ang mga Banal sa Colosas at ipinahayag na si Jesucristo ang Manunubos, ang Panganay sa lahat ng nilalang, ang Lumikha, at ang Panginoon ng lahat ng kabanalan, na sa Kanya ay ipinakipagkasundo ang sansinukob. Hinikayat ni Pablo ang mga Banal na patatagin ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo.

Mga Taga Colosas 1:24–2:23. Nagbabala si Pablo laban sa paniniwala sa anumang maling pilosopiya o tradisyon ng tao, kabilang na ang pagsamba sa mga anghel at paggawa ng kalabisan sa pamamagitan ng pagkakait sa sarili ng mga pangunahing pisikal na pangangailangan bilang isang uri ng espirituwal na pagdidisiplina.

Mga Taga Colosas 3:1–4:18. Pinayuhan ni Pablo ang mga Banal na ilagak ang kanilang mga puso sa mga bagay na nangasa itaas, na talikuran ang mga kasalanan ng kanilang dating buhay, at maging maawain sa isa’t isa. Nagbigay siya ng tagubilin kung paano dapat sumamba ang mga Banal, at pagkatapos ay nagpayo siya sa mga babaeng may-asawa, mga lalaking may-asawa, mga anak, mga magulang, mga alipin o tagapaglingkod, at mga panginoon o amo. Tinapos niya ang Sulat sa mga Taga Colosas na nagpupuri, nagpupugay, at nagbibigay ng mga huling tagubilin at mga pagpapala.