Library
Unit 5, Day 1: Mateo 18–20


Unit 5: Day 1

Mateo 18–20

Pambungad

Itinuro ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo ang mga alituntuning makatutulong sa kanila na pamunuan ang Kanyang Simbahan matapos ang Kanyang Pag-akyat sa Langit. Ibinigay din Niya ang talinghaga ng walang-awang alipin bilang sagot sa itinanong ni Pedro tungkol sa pagpapatawad, at itinuro Niya ang kabanalan ng kasal. Binigyang-diin ng Tagapagligtas ang kahalagahan ng pagpili ng buhay na walang hanggan kaysa sa mga yaman ng mundo, at ibinigay Niya ang talinghaga ng mga manggagawa sa ubasan.

Mateo 18

Itinuro ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo ang mga alituntuning makatutulong sa kanila na pamunuan ang Kanyang Simbahan, at ibinigay Niya ang talinghaga ng walang-awang alipin

Pangulong Thomas S. Monson

Ang sumusunod na salaysay, na ikinuwento ni Pangulong Thomas S. Monson, ay tungkol sa pamilya na namatayan ng dalawang-buwang gulang na sanggol: “Ginawan ng ama na isang karpintero ng magandang kabaong ang kanyang minamahal na anak. Nadama sa malungkot na burol ang dalamhati ng mag-anak. Buhat-buhat ng ama ang maliit na kabaong, tinungo ng mag-anak ang kapilya, kung saan nagtipon na ang ilang mga kaibigan. Pagdating nila doon, nakakandado ang pinto ng kapilya. Nalimutan ng abalang bishop ang burol. Hindi malaman kung saan ito hahagilapin. Dahil hindi alam ang gagawin, binitbit ng ama ang kabaong, at kasama ng kanyang mag-anak na inuwi ito sa gitna [ng] rumaragasang ulan” (“Mga Nakatagong Kalso,” Ensign o Liahona, Mayo 2002, 19).

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Kung miyembro ka ng pamilyang iyon, ano kaya ang naramdaman mo nang hindi nakarating sa burol ang bishop?

    2. Bakit maaaring mahirap na mapatawad ang bishop?

Nabasa natin sa Mateo 18:1–20 na itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo sa Galilea na magpakumbaba at tularan ang maliliit na bata. Ipinaliwanag din Niya na ang mga yaong “mag[bi]bigay ng ikatitisod” o magkakasala sa maliliit na batang naniniwala sa Kanya, o ililigaw sila, ay magdurusa (tingnan sa mga talata 6–7).

Ang pagiging mapagpakumbaba ng maliliit na bata ay maihahalintulad sa pagiging mapagpakumbaba ng mga bagong miyembro ng Simbahan. Ano ang mga matututuhan natin sa mga bagong miyembro? Paano natin mapangangalagaan ang maliliit na bata at ang mga bagong miyembro ng Simbahan?

Pagkatapos ay pinayuhan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga disipulo na alisin sa kanilang buhay ang mga bagay na makasasakit, o magpapahina sa kanila (tingnan sa talata 9). Itinuro rin Niya sa mga Apostol na kung may isang taong nagkasala, o nagkasala laban sa kanila, dapat muna nilang hangaring lutasin ang problema nang sarilinan. Kung ayaw pa ring magsisi ng tao, maaari na siyang iharap sa mga awtoridad ng Simbahan. (Paalala: Ang mga turo ng Tagapagligtas na matatagpuan sa Mateo 18:1–14 ay tatalakayin nang mas detalyado sa mga lesson sa Marcos 9 at Lucas 15.)

Matapos ang pagtuturong ito, nagtanong si Pedro sa Panginoon tungkol sa pagpapatawad. Basahin ang Mateo 18:21, na inaalam kung ano ang itinanong ni Pedro.

Itinuro ng ilang lider ng relihiyon noong panahon ni Pedro na hindi kailangang magpatawad ang isang tao nang higit sa tatlong beses. Nang tanungin ang Panginoon kung dapat pa niyang patawarin ang isang tao nang makapito, inakala marahil ni Pedro na siya ay mapagpatawad na (tingnan sa Bruce R. McConkie, The Mortal Messiah: From Bethlehem to Calvary, 4 tomo [1979–81], 3:91). Basahin ang Mateo 18:22, na inaalam ang isinagot ng Tagapagligtas kay Pedro.

Ang “makapitongpung pito” ay isang paraan ng pagsasabi na hindi natin dapat limitahan ang bilang ng pagpapatawad natin sa iba. Ang sagot ng Tagapagligtas kay Pedro ay nagtuturo ng katotohanan na iniuutos sa atin ng Panginoon na patawarin ang mga taong nanakit o nagkasala sa atin.

Ang patawarin ang iba ay ang pakitunguhan nang may pagmamahal ang taong nanakit o nagkasala sa atin at huwag sumama ang loob sa kanya (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Magpatawad,” scriptures.lds.org; D at T 64:9–11). Ang pagpapatawad ay hindi nangangahulugan na pababayaan na lang nating saktan tayo o hindi na natin pananagutin ang nanakit sa atin, ayon man sa batas o anupaman.

Matapos sagutin ang tanong ni Pedro, itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo ang talinghaga na makatutulong sa atin na maunawaan kung bakit dapat nating patawarin ang iba.

Basahin ang Mateo 18:23–30, na inaalam kung magkano ang utang ng alipin at ng kapwa alipin.

Magkano ang utang ng alipin sa hari?

Magkano ang utang ng kapwa alipin sa alipin?

Gamitin ang sumusunod na impormasyon para matulungan ka sa pagkuwenta kung gaano katagal mababayaran ng bawat nangutang ang kanilang inutang:

Sa panahon ni Jesus “tinatayang ang katumbas ng 10,000 talento ay 100,000,000 denarii [pera ng Romano]. Ang isang denaryo ay ang karaniwang sahod sa isang araw ng pangkaraniwang manggagawa” (Jay A. Parry and Donald W. Parry, Understanding the Parables of Jesus Christ [2006], 95). Kuwentahin kung gaano katagal mababayaran ng alipin na ito ang utang kung hahatiin sa 365 araw ang 100,000,000 denaryo.

Kung ibabayad ang lahat ng kanyang suweldo, gaano karaming araw bago mabayaran ng alipin ang kanyang utang?

In comparison, 100 pence equaled 100 denarii. (Alalahanin na karamihan sa mga manggagawa noon ay kumikita ng isang denario kada araw.) Kalkulahin kung gaano katagal mababayaran ng kapwa alipin ang kanyang utang.

Kung ibabayad ang lahat ng kanyang suweldo, gaano karaming araw bago mabayaran ng kapwa alipin ang kanyang utang?

Basahin ang Mateo 18:31–35, na inaalam kung ano ang itinugon ng hari nang nalaman niya ang ginawa ng alipin laban sa kapwa niya alipin.

Sa palagay mo, bakit sinabi ng hari sa alipin na masama siya dahil hindi niya pinatawad ang kapwa alipin sa inutang nito?

Batay sa nabasa mo sa talata 35, isulat kung sino sa palagay mo ang maaaring katawanin ng bawat isa sa tatlong tao sa talinghaga:

Hari = 

Alipin = 

Kapwa alipin = 

Gamit ang natutuhan mo mula sa talinghagang ito, kumpletuhin ang sumusunod na alituntunin: Kung gusto nating patawarin tayo ng Diyos, tayo ay . Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa margin ng iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng Mateo 18:24–35.)

Ano ang maaaring gawin ng isang tao kung nahihirapan siyang magpatawad?

Itinuro ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan:

Pangulong James E. Faust

“Kailangan nating maunawaan at tanggapin na galit tayo. Kailangan ng pagpapakumbaba para magawa ito, ngunit kung luluhod tayo at hihingi sa Ama sa Langit ng kakayahang magpatawad, tutulungan Niya tayo. Inutusan tayo ng Panginoon, na ‘magpatawad sa lahat ng tao’ [D at T 64:10] para sa ating ikabubuti dahil ‘ang pagkamuhi ay hadlang sa espirituwal na pag-unlad’ [Orson F. Whitney, Gospel Themes (1914), 144]. Sa pagwaksi ng pagkamuhi at kapaitan lamang maaaliw ng Panginoon ang ating puso. …

“… Kapag dumating ang trahedya, huwag nating hangaring maghiganti, sa halip hayaan nating manaig ang katarungan, at magparaya. Hindi madaling magparaya at alisin sa ating puso ang galit. Nag-alok ang Tagapagligtas ng mahalagang kapayapaan sa ating lahat sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, ngunit dumarating lamang ito kapag handa tayong iwaksi sa ating damdamin ang galit, pagkayamot, o paghihiganti. Para sa ating lahat na nagpapatawad ‘sa mga tao ng kanilang mga kasalanan,’ maging yaong nakagawa ng mabibigat na krimen, ang Pagbabayad-sala ay nagdudulot ng kapayapaan at aliw” (“Ang Nakapagpapahilom na Kapangyarihan ng Pagpapatawad,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 69).

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat ang pagkakataon na tinulungan ka ng Panginoon na patawarin ang isang tao na nagkasala o nanakit sa iyo.

Pangulong Thomas S. Monson

Ang sumusunod ay ang katapusan ng ikinuwento ni Pangulong Monson sa simula ng lesson na ito: “Kung mababaw ang pagkatao ng mag-anak, maaaring sinisi nila ang bishop at nagtanim ng sama ng loob. Nang malaman ng bishop ang trahedya, dinalaw niya ang mag-anak at humingi ng tawad. Kahit na nakikita pa rin sa mukha niya ang hinanakit, lumuluhang pinatawad ng ama ang bishop, at nagyakap ang dalawa nang nagkakaunawaan” (“Mga Nakatagong Kalso” 19).

Isipang mabuti kung sino ang mga taong hindi mo pa napapatawad sa buhay mo. Ipagdasal na magkaroon ka ng hangaring magpatawad at kakayahang kalimutan ang sakit at galit upang matulungan ka ni Jesucristo na madama ang kapayapaan at kapanatagan sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.

Mateo 19:1–12

Itinuro ng Tagapagligtas ang kabanalan ng kasal

mga lalaki at babaeng ikakasal na nasa bakuran ng templo

Ang doktrina ng Panginoon hinggil sa kasal at diborsyo ay kaiba sa karaniwang pinaniniwalaan ng mundo.

Ano ang ilang paniniwala ng mundo tungkol sa kasal at diborsyo?

Sa pag-aaral mo ng Mateo 19:1–12, alamin ang mga itinuro ng Panginoon tungkol sa kasal at diborsyo at isipin ang kahalagahan ng mga turong ito sa iyo.

Basahin ang Mateo 19:1–3, na inaalam ang itinanong ng mga Fariseo kay Jesus.

Ang mga katagang “ihiwalay ng isang lalake ang kaniyang asawa sa bawa’t kadahilanan” (Mateo 19:3) ay tumutukoy sa isang lalaking hinihiwalayan ang asawa sa kahit anumang dahilan, kahit wala itong kuwenta o pansariling kapakanan lang.

Basahin ang Mateo 19:4–6, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa kasal at diborsyo.

Ang mga talatang ito ay nagtuturo na ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay isang banal na relasyon at itinatag ng Diyos. Maaari mong isulat ang doktrinang ito sa margin ng iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng Mateo 19:6. Pinagtibay ng Panginoon sa makabagong paghahayag na “ang bago at walang hanggang tipan ng kasal” (ang kasal sa templo) ay kinakailangan sa kadakilaan (tingnan sa D at T 131:1–4).

Basahin ang Mateo 19:7, na inaalam kung ano pa ang itinanong ng mga Fariseo kay Jesus.

Nakatala sa Mateo 19:8–9 na sinabi ng Tagapagligtas sa mga Fariseo na hinayaan ni Moises na magkaroon ng diborsyo sa kanyang panahon dahil sa katigasan ng puso ng mga tao. Ang salitang “ihiwalay” sa mga talatang ito ay maaari ding mangahulugang hiwalayan o iwanan.

Elder Dallin H. Oaks

Ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol ay tumutulong na maipaliwanag kung paano nauugnay ang turong ito sa ating panahon: “Ang uri ng kasal na kailangan para sa kadakilaan—na nagtatagal sa kawalang-hanggan at makadiyos—ay hindi nag-iisip ng diborsyo. Sa mga templo ng Panginoon, ang mga magkasintahan ay ikinakasal para sa kawalang-hanggan. Ngunit hindi nararating ng ilang mag-asawa ang mithiing iyon. Dahil ‘sa katigasan ng [ating mga] puso’ [Mateo 19:8], hindi ipinatutupad ngayon ng Panginoon ang mga bunga ng paglabag sa selestiyal na pamantayan. Pinapayagan Niyang mag-asawang muli ang mga taong nakipagdiborsyo at hindi sila nagkasala sa tinukoy sa mas mataas na batas sa paggawa nito” (“Diborsyo,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 70)

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat ang ilang paraan ng paghahanda mo para sa “uri ng kasal na kailangan para sa kadakilaan” tulad nang inilarawan ni Elder Oaks. Ano ang magagawa mo para maikasal para sa kawalang-hanggan na may malakas na determinasyong ayusin ang hindi pagkakaunawaan nang walang diborsyo o hiwalayan?

Mateo 19:13–20:34

Itinuro ni Jesus ang tungkol sa buhay na walang hanggan, at ibinigay ang talinghaga ng mga manggagawa sa ubasan

Nakatala sa Mateo 19:13-30 na hinikayat ni Jesus ang Kanyang mga tagasunod na maghangad ng buhay na walang hanggan sa halip na yaman ng mundo. Tinanong ni Pedro kung ano ang tatanggapin ng mga disipulo dahil iniwan nila ang kanilang ari-arian para sundin ang Tagapagligtas. (Paalala: Ang mga pangyayaring tinalakay sa mga talatang ito ay ituturo nang mas detalyado sa Marcos 10.)

mga manggagawa sa ubasan

Nabasa natin sa Mateo 20:1–16 na itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo ang isang talinghaga na makatutulong sa kanila na maunawaan ang hangarin ng Ama sa Langit na bigyan ang lahat ng Kanyang mga anak ng pagkakataong matanggap ang buhay na walang hanggan. Sa talinghagang ito, isang lalaki ang umupa ng mga manggagawa na magtatrabaho sa kanyang ubasan sa iba’t ibang oras sa buong maghapon, at pagkatapos ay binayaran niya sila ng pare-parehong sweldo matapos ang araw.

Nakatala sa Mateo 20:17–34 na sinabi ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo na Siya ay ipagkakanulo at hahatulan ng kamatayan sa pagbalik Niya sa Jerusalem. Itinuro Niya sa Kanyang mga disipulo na sa halip na maghangad ng posisyon at awtoridad, dapat nilang tularan ang Kanyang halimbawa at paglingkuran ang iba.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Mateo 18–20 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: