Unit 17: Day 4
Mga Gawa 3–5
Pambungad
Sa pintuan ng templo, pinagaling nina Pedro at Juan ang isang lalaking isinilang na pilay. Pagkatapos ay tinuruan ni Pedro ang mga taong nakasaksi sa pagpapagaling sa lalaking ito. Bunga nito, dinakip sina Pedro at Juan at inutusan sila ng Sanedrin na itigil ang pagtuturo sa pangalan ni Jesus. Ipinamuhay ng mga miyembro ng Simbahan ang batas ng paglalaan, ngunit dalawa sa kanila ang namatay dahil sa pagsisinungaling kay Pedro at sa Diyos. Patuloy na gumawa sina Pedro at Juan ng mga himala, na nagpagalit sa mga pangulong saserdote. Muli silang dinakip at ibinilanggo, ngunit pinalaya sila ng isang anghel. Sinabi ng anghel na pumunta sila sa templo at ipangaral ang ebanghelyo.
Mga Gawa 3:1–11
Pinagaling ni Pedro ang isang lalaking isinilang na pilay
Isipin ang isang pagkakataon na humiling ka ng isang partikular na bagay (marahil isang regalo sa kaarawan o Pasko) pero iba ang natanggap mo. Paano nahahalintulad ang karanasang ito sa paghingi ng mga pagpapala sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng panalangin?
Sa iyong pag-aaral ng Mga Gawa 3, alamin ang isang alituntunin na makatutulong sa iyo kapag hindi mo natanggap ang mga sagot o pagpapalang inaasahan mo mula sa Panginoon.
Basahin ang Mga Gawa 3:1–3, na inaalam kung sino ang nakita nina Pedro at Juan sa pintuan ng templo.
Pag-isipan kung ano ang pakiramdam kung ikaw ang nasa kalagayan ng lalaking pilay. Mula sa iyong karanasan, ano kaya ang ilang karaniwang reaksyon ng mga tao sa pamamalimos ng lalaking ito, o paghingi ng pera o pagkain?
Basahin ang Mga Gawa 3:4–7, na inaalam ang ginawa ni Pedro para sa lalaking ito.
Ano ang napansin mo tungkol sa ginawa at sinabi ni Pedro?
Basahin ang Mga Gawa 3:8, na inaalam kung ano ang ginawa ng lalaki pagkatapos na “siya’y itinindig” (Mga Gawa 3:7) ni Pedro.
Sa paanong paraan mas malaki ang pagpapalang natanggap ng lalaking ito kaysa sa limos (pera) na una niyang hiningi?
Maihahalintulad natin ang talang ito sa ating buhay. Maaaring hindi sagutin ng Ama sa Langit ang ating mga panalangin sa mga paraang gusto natin o inasahan natin mula sa Kanya, ngunit ang Kanyang mga sagot ay palaging para sa ating higit na ikabubuti.
Sa tala na nasa Mga Gawa 3:1–8, makikita na mas malaki ang natanggap ng lalaking ito kaysa sa hiningi niya. Gayunman, sa ibang mga sitwasyon ay maaaring hindi natin malinaw na makita na mas malaki ang natatanggap natin kaysa hinihingi natin.
-
Sa iyong scripture study journal, sumulat ng isang karanasan kung saan ang isinagot ng Panginoon sa iyong mga panalangin ay iba sa mga sagot na gusto mo pero para sa higit mong ikabubuti ang naging resulta nito.
Isipin kunwari na kasama ka ng mga taong naroon sa templo na nasaksihan ang pagpapagaling sa lalaking pilay. Lagi mong nakikita ang pilay na lalaki na nanlilimos kapag pumapasok ka sa pintuan ng templo. Pagkatapos, isang araw, makikita mo siyang palukso-lukso at tumatakbo pagkatapos niyang mapagaling. Paano sa palagay mo mababago ang iyong iniisip tungkol kina Pedro at Juan matapos mong masaksihan ang himalang ito?
Basahin ang Mga Gawa 3:9–11, na inaalam ang naging reaksyon ng mga tao sa pagpapagaling sa lalaking ito.
Mga Gawa 3:12–26
Si Pedro ay nagpatotoo tungkol kay Jesucristo at nangaral ng pagsisisi
Basahin ang Mga Gawa 3:12–18, na inaalam kung paano ipinaliwanag ni Pedro sa mga tao ang pagpapagaling sa lalaking pilay. Pansinin kung kanino nagbigay-puri si Pedro para sa pagpapagaling sa lalaki.
Mula sa mga ginawa at salita ni Pedro, nalaman natin na makagagawa ng mga himala ang mga tagapaglingkod ni Jesucristo sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanyang pangalan.
Basahin ang Mga Gawa 3:19, na inaalam ang paanyaya ni Pedro sa mga tao. (Ang Mga Gawa 3:19–21 ay isang scripture mastery passage. Maaari mo itong markahan sa kakaibang paraan para madali mo itong mahanap.)
Nagbigay ng pag-asa si Pedro sa mga kausap niya sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila na malilinis rin sila kalaunan sa pamamagitan ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.
Pansinin ang mga katagang “mga panahon ng kaginhawahan” sa Mga Gawa 3:19. Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang itinalagang panahong ito, ang panahon ng kaginhawahan, ay mangyayari sa ikalawang pagparito ng Anak ng Tao, sa araw na isugong muli ng Panginoon si Cristo sa lupa.
“… Ito ang panahong ‘ang mundo ay babaguhin at matatanggap nito ang malaparaisong kaluwalhatian.’ (Ikasampung Saligan ng Pananampalataya.) Panahon ito ng ‘bagong lupa’ na nakita ni Isaias (Isa. 65:17), ang mangyayari sa mundo kapag tumigil ang kasamaan, kapag dumating ang panahon ng milenyo” (sa Conference Report, Okt. 1967, 43).
Basahin ang Mga Gawa 3:20–21, na inaalam kung ano pa ang mangyayari sa panahong ito.
Ang mga katagang “mga panahon ng pagsasauli sa dati ng lahat ng mga bagay” sa Mga Gawa 3:21 ay tumutukoy sa Panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw. Mula sa Mga Gawa 3:20–21, nalaman natin na ang nagpropesiya ang mga propeta sa lahat ng panahon tungkol sa Panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw.
Tulad ng nakatala sa Mga Gawa 3:22–26, nagpatotoo si Pedro na si Moises “at ang lahat ng mga propetang mula kay Samuel at ang mga nagsisunod” (Mga Gawa 3:24) ay nagsipagsalita tungkol kay Jesucristo at nagbabala tungkol sa mga ibubunga ng hindi pagtanggap sa Kanya (tingnan sa Mga Gawa 3:23). Inulit ng anghel na si Moroni ang talatang ito kay Joseph Smith sa makabagong paghahayag, na pinagtitibay ang mga ibubunga ng hindi pagtanggap kay Jesucristo (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:41).
Scripture Mastery—Ang Mga Gawa 3:19–21
-
Isipin kunwari na ikaw ay isang missionary at na isang investigator ang nagtanong, “Saan makikita sa Biblia na ipanunumbalik ang ebanghelyo sa mga huling araw?” Sa iyong scripture study journal, sagutin ang tanong na ito gamit ang Mga Gawa 3:19–21 at isa pang ibang talata sa Biblia. Maaari mong tingnan ang “Ebanghelyo, Panunumbalik ng” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.
Mga Gawa 4–5
Dinakip at pinalaya sina Pedro at Juan; nagsinungaling kay Pedro sina Ananias at Safira
Nalaman natin sa Mga Gawa 4:1–31 at Mga Gawa 5:12–42 ang sumusunod: Sina Pedro at Juan ay dinakip dahil sa pagpapagaling at pangangaral sa pangalan ni Jesucristo. Buong tapang na inihayag ni Pedro ang ebanghelyo sa Sanedrin, na “senado ng Judio at ang pinakamataas na korte ng Judio maging sa mga bagay na sibil at pansimbahan” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sanedrin,” scriptures.lds.org). Pagkalaya nina Pedro at Juan, patuloy silang nangaral sa pangalan ni Jesus at muling dinakip. Sila ay binugbog, at sinabihang muli na itigil ang pagtuturo sa pangalan ni Jesus at pagkatapos ay pinalaya. Gayunman, hindi sila tumigil sa pagtuturo sa pangalan ni Jesus.
Isipin ang sumusunod na sitwasyon: Isang binata ang naghahandang magmisyon. Alam niyang magtatanong ang bishop tungkol sa kanyang pagiging karapat-dapat na magmisyon, at iniisip niya kung sasabihin niya o hindi sa bishop ang tungkol sa isang mabigat na kasalanan na nagawa niya noon.
Sa iyong pag-aaral ng Mga Gawa 4:32–5:11, alamin ang alituntunin na makatutulong sa iyo na maunawaan ang pangangailangang maging matapat sa mga tagapaglingkod ng Diyos.
Nalaman natin sa Mga Gawa 4:32 na ang mga Banal (mga miyembro ng Simbahan) sa panahon ni Pedro ay ipinamumuhay ang batas ng paglalaan, na ibig sabihin ay nakipagtipan sila sa Diyos na kusa nilang ibabahagi ang kanilang mga ari-arian nang sa gayon ay matugunan ang mga pangangailangan ng bawat isa.
Basahin ang Mga Gawa 4:34–35, na inaalam kung paano nila inilaan ang kanilang mga ari-arian sa Panginoon.
Basahin ang Mga Gawa 5:1–2, na inaalam kung ano ang ginawa ng mag-asawang Ananias at Safira sa perang pinagbentahan ng lupa.
Ano ang ginawa nina Ananias at Safira na isang mabigat na kasalanan?
Basahin ang Mga Gawa 5:3–4, na inaalam ang sinabi ni Pedro kay Ananias.
Ayon sa talata 4, kanino talagang nagsinungaling si Ananias?
Mula sa sinabi ni Pedro, nalaman natin na kung nagsisinungaling tayo sa mga tagapaglingkod ng Diyos, nagsisinungaling din tayo sa Kanya.
Basahin ang Mga Gawa 5:5–11, na inaalam kung ano ang nangyari kina Ananias at Safira bunga ng hindi nila pagtupad sa kanilang tipan at pagsisinungaling kay Pedro at sa Diyos.
Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang tungkol sa ilang mangyayari sa atin kung magsisinungaling tayo sa Panginoon o sa Kanyang mga tagapaglingkod: “Sa ating panahon, ang mga natuklasang nagsisinungaling ay hindi namamatay na katulad nina Ananias at Safira, ngunit may namamatay sa kanilang kalooban. Nagiging manhid ang konsiyensya, humihina ang pagkatao, nawawala ang paggalang sa sarili, naglalaho ang integridad” (“We Believe in Being Honest,” Ensign, Okt. 1990, 4).
-
Rebyuhin ang sitwasyon ng binatang naghahanda sa interbyu para sa pagmimisyon. Sa iyong scripture study journal, magsulat ng liham para sa binatang ito, na ipinapaliwanag ang dapat niyang malaman tungkol sa pagsisinungaling sa isang priesthood leader.
Isiping mabuti ang mga pagpapalang darating sa pagiging lubos na matapat sa mga tagapaglingkod ng Panginoon.
Mula sa tala tungkol kina Ananias at Safira, nalaman natin na kinakailangang maging lubos tayong matapat sa ating mga priesthood leader. Bukod pa rito, dapat tayong maging matapat sa lahat ng pakikitungo natin sa iba. Ano ang ibig sabihin sa iyo ng maging matapat sa iyong pakikitungo sa iba?
Itinuro pa ni Pangulong Hinckley: “Nalalaman ng mga taong sumusunod sa alituntunin ng katapatan na pinagpapala sila ng Panginoon. Nasa kanila ang karapatang mamuhay nang taas-noo sa liwanag ng katotohanan, walang ikinahihiya sa sinumang tao. Sa kabilang banda, kung may kinakailangang baguhin sa sinumang miyembro ng Simbahang ito, magsimula na tayo ngayon, sa mismong oras na ito” (“We Believe in Being Honest,” 5).
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Mga Gawa 4–5 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: