Pambungad sa II Ni Pedro
Bakit Kailangang Pag-aralan ang Aklat na Ito?
Sinabi ni Propetang Joseph Smith, “Si Pedro ang nakapagsulat ng pinakadakilang mga kataga sa lahat ng mga apostol” (sa History of the Church, 5:392). Ang ibig sabihin ng pinakadakila ay dakila sa kaisipan, katang-tangi, at kahanga-hanga.
Bilang saksi ng Pagbabagong-anyo ni Jesucristo (tingnan sa II Ni Pedro 1:16–18), hinikayat ni Pedro ang kanyang mga mambabasa na mas kilalanin pa si Jesucristo at hangaring magtaglay ng mabubuting pag-uugali para makabahagi sila sa “kabanalang mula sa Dios” (tingnan sa II Ni Pedro 1:4–8). Tiniyak ni Pedro sa kanyang mga mambabasa na ang espirituwal na pag-unlad na ito ay makatutulong sa kanila na “mangapanatag sa pagkatawag at pagkahirang” (II Ni Pedro 1:10). “Tiniyak muli ni Pedro na darating ang Panginoon mula sa langit na may dakilang kaluwalhatian at kahatulan sa lupa” (Bible Dictionary, “Peter, Epistles of”). Sa pag-aaral ng ikalawang sulat ni Pedro, magkakaroon ka ng mas malakas na pananampalataya kay Jesucristo at makatatanggap ng tagubilin at inspirasyon na makatutulong sa iyo na maging higit na katulad Niya.
Sino ang Sumulat ng Aklat na Ito?
Ang may-akda ng Ikalawang Pangkalahatang Sulat ni Pedro ay si Simon Pedro, ang punong Apostol ni Jesucristo (tingnan sa II Ni Pedro 1:1).
Kailan at Saan Ito Isinulat?
Hindi natin alam kung kailan at kung saan talaga ginawa ang sulat na ito. Pinaniniwalaan ng nakararami na isinulat ito ni Pedro sa Roma, pagkatapos ng sulat na kilala bilang I Ni Pedro, na malamang na isinulat noong A.D. 64 (tingnan sa Bible Dictionary, “Peter, Epistles of”).
Para Kanino Ito Isinulat at Bakit?
Sinabi ni Pedro na sumusulat siya sa “nagsipagkamit na kasama namin ng mahalagang pananampalataya” (II Ni Pedro 1:1). Ipinapahiwatig nito na malamang na ang mga mambabasa ni Pedro ay ang mga Kristiyanong Gentil din na tumanggap sa kanyang unang sulat (tingnan sa II Ni Pedro 3:1). Ang nilalaman ng II Ni Pedro 1:12–15 ay nagsasaad na ginawa ni Pedro ang sulat na ito bilang mensahe ng pamamaalam sa kanyang mga mambabasa.
Hindi tulad ng Unang Sulat ni Pedro, na tinulungan ang mga Banal na harapin ang pang-uusig sa labas ng Simbahan, ang ikalawang sulat ni Pedro ay tumalakay sa apostasiya sa loob ng Simbahan, na naging banta sa kinabukasan ng Simbahan. Nagkakalat ang mga bulaang propeta at guro ng “mga makakapahamak na mga hiduwang pananampalataya [mga maling turo], na itatatuwa pati ang Panginoon na bumili sa kanila” (II Ni Pedro 2:1). Ginawa ni Pedro ang sulat na ito upang hikayatin ang mga Banal na mas kilalanin ang Panginoon at sikaping “mangapanatag [sila] sa pagkatawag at pagkahirang” (II Ni Pedro 1:10).
Ano ang Ilang Kakaibang Katangian ng Aklat na Ito?
“Ang ikalawang sulat ay malinaw na para sa mga simbahan ding iyon tulad sa naunang sulat (3:1). Ito ay isinulat sa panahon na tila nalalapit na ang posibleng kamatayan (1:14) at naglalayong magbabala laban sa apostasiya” (Bible Dictionary, “Peter, Epistles of”). Naglalaman din ito ng ilan sa pinakamatitinding salita at mga huling patotoo ni Pedro.
Ang pangunahing tema sa II Ni Pedro ay ang kahalagahan ng higit na pagkakilala kay Jesucristo. Ipinangako ni Pedro sa kanyang mga mambabasa na kung maghahangad sila ng mabubuting pag-uugali at magtataglay ng banal na katangian, sila ay “hindi … pababayaang maging mga tamad o mga walang bunga sa pagkakilala sa ating Panginoong Jesucristo” (II Ni Pedro 1:8) at “mangapanatag … sa pagkatawag at pagkahirang” (II Ni Pedro 1:10).
Ikinumpara ni Pedro ang tunay na kaalaman tungkol kay Jesucristo mula sa mga maling kaalaman at turo na ikinakalat ng mga nag-apostasiya (tingnan sa II Ni Pedro 2). Sa pagtatapos ng sulat na ito, nagbigay si Pedro ng huling paanyaya sa mga Banal na “magsilago … sa biyaya, at sa pagkakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo” (II Ni Pedro 3:18).
Outline
II Ni Pedro 1. Ipinaliwanag ni Pedro na ang mga pangako ni Jesucristo ay nagtutulot sa mga Banal na “makabahagi sa kabanalang mula sa Dios” (II Ni Pedro 1:4). Hinikayat niya sila na “mangapanatag … sa pagkatawag at pagkahirang” (II Ni Pedro 1:10). Ginunita ni Pedro ang kanyang karanasan sa Bundok ng Pagbabagong-anyo, nang masaksihan niya ang niluwalhating Cristo at narinig ang tinig ng Ama. Sinabi ni Pedro na “kami ay mayroong lalong panatag na salita ng hula” [II Ni Pedro 1:19.
II Ni Pedro 2. Nagbabala si Pedro sa mga miyembro ng Simbahan tungkol sa mga bulaang propeta at mga bulaang guro na darating sa kanila at ililigaw ang mga Banal. Ang masasamang gurong ito ay magtatatwa sa Panginoon at pagsasalitaan ng masama ang “daan ng katotohanan” (II Ni Pedro 2:2). Itinuro ni Pedro na mas makabubuting huwag tanggapin ang ebanghelyo kaysa gumawa ng mga tipan ngunit hindi naman ipinamumuhay ang mga ito.
II Ni Pedro 3. Tiniyak muli ni Pedro na tunay ngang si Cristo ay paparito sa Kanyang sariling panahon, lilinisin ang daigdig sa pamamagitan ng apoy, pupuksain ang masasama, at ililigtas ang masisikap at matatapat. Hinikayat ni Pedro ang mga Banal na “magsilago … sa biyaya at sa pagkakilala … [kay] Jesucristo” (II Ni Pedro 3:18)