Library
Pambungad sa II Mga Taga Corinto


Pambungad sa II Mga Taga Corinto

Bakit Kailangang Pag-aralan ang Aklat na Ito?

Ang sulat na ito ni Apostol Pablo sa mga miyembro ng Simbahan sa Corinto ay kilala dahil sa mga tema na tinatalakay nito tungkol sa kapanatagan sa gitna ng paghihirap, lakas sa kabila ng kahinaan (tulad mismo ng ipinakita ni Pablo), at pag-alam kung ang isang guro ay totoo o bulaan. Ang halimbawa at mga turo ni Pablo na nakatala sa II Mga Taga Corinto ay makahihikayat sa iyo na manatiling tunay at tapat sa walang-hanggang tipan na ginawa mo sa Diyos, ang Walang Hanggang Ama, ano pa man ang mga sitwasyon o bunga nito.

Sino ang Sumulat ng Aklat na Ito?

Ginawa ni Pablo ang sulat na ito sa mga Banal sa Corinto (tingnan sa II Mga Taga Corinto 1:1).

Kailan at Saan Ito Isinulat?

Pagkatapos isulat ni Pablo ang I Mga Taga Corinto, nagkaroon ng gulo sa Efeso dahil sa pagsalungat sa kanyang mga turo (tingnan sa Mga Gawa 19:23–41), at umalis siya patungong Macedonia (tingnan sa Mga Gawa 20:1; II Mga Taga Corinto 2:13;; 7:5). Maaaring isinulat niya ang II Mga Taga Corinto noong siya ay nasa Macedonia, nang mga A.D. 55–57 ( tingnan sa Bible Dictionary sa LDS English version ng Biblia, “Pauline Epistles”; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat Ni Pablo, Mga,” scriptures.lds.org).

Para Kanino Ito Isinulat at Bakit?

Isinulat ang II Mga Taga Corinto para sa mga miyembro ng Simbahan sa Corinto. Habang nasa Macedonia si Pablo sa pangatlong misyon niya, ibinalita sa kanya ni Tito mula sa Corinto na ang naunang sulat na ipinadala niya ay tinanggap nang buong puso ng mga Banal doon (tingnan sa II Mga Taga Corinto 7:6–13). Umuunlad ang sangay ng Simbahan sa Corinto, ngunit nalaman din ni Pablo ang tungkol sa mga bulaang guro na binabaluktot ang dalisay na mga doktrina ni Cristo. Matapos ang una at marahil pangalawang pagbisita ni Pablo sa Corinto (tingnan sa II Mga Taga Corinto 1:15–16), kung kailan tila pinagsabihan niya ang ilan sa mga Banal (tingnan sa II Mga Taga Corinto 2:1; 12:21), may mga mangangaral mula sa Jerusalem na pumunta sa Corinto at nagsimulang ituro sa mga Banal na dapat nilang tularan ang mga kaugalian ng mga Judio, na kabaliktaran ng mga turo ni Pablo. Karamihan ng nilalaman ng II Mga Taga Corinto ay tumutugon sa mga problemang idinulot ng mga bulaang gurong ito.

Ang sulat ni Pablo ay para sa mga nagnanais pa na makarinig ng karagdagan niyang mga salita (tingnan sa II Mga Taga Corinto 1–9) at sa mga nag-aatubiling tanggapin ang kanyang mga turo (tingnan sa II Mga Taga Corinto 10–13). Sa kabuuan, inihahayag ng nilalaman ng II Mga Taga Corinto ang ilang layunin ng sulat na ito:

  • Upang pasalamatan at palakasin ang mga Banal na malugod na tumanggap sa nauna niyang sulat

  • Upang magbabala laban sa mga bulaang guro na nagbabaluktot ng dalisay na mga doktrina ni Cristo

  • Upang ipagtanggol ang kanyang pagkatao at awtoridad bilang isang Apostol ni Jesucristo (tingnan sa II Mga Taga Corinto 10–13)

  • Upang hikayatin ang mga Banal sa Corinto na dagdagan pa ang ibinibigay na perang panustos sa mahihirap na Banal sa Jerusalem (tingnan sa II Mga Taga Corinto 8–9)

Ano ang Ilang Kakaibang Katangian ng Aklat na Ito?

Bagama’t marami sa mga sulat ni Pablo ang nakatuon sa doktrina, malaking bahagi ng liham na ito ay nagbibigay-diin sa kaugnayan o relasyon ni Pablo sa mga Banal sa Corinto at sa kanyang pagmamahal at pagmamalasakit sa kanila. Matindi man ang pagsalungat ni Pablo sa mga bumabatikos sa kanya, makikita natin siya sa buong II Mga Taga Corinto bilang isang magiliw na lider ng priesthood na iniisip ang kaligayahan at kapakanan ng mga Banal. Ibinahagi rin niya ang ilang detalye ng kanyang buhay at isinulat ang kanyang “tinik sa laman” (II Mga Taga Corinto 12:7).

Sa espirituwal na karanasan na nakatala sa II Mga Taga Corinto 12:2–4, inilarawan ni Pablo ang kanyang sarili bilang “isang lalake kay Cristo” na “inagaw hanggang sa ikatlong langit,” kung saan niya nakita at narinig ang mga bagay na hindi masasambit. Ang pangitain na ito, pati ang kanyang naunang pahayag tungkol sa pagkakaiba-iba sa kaluwalhatian ng mga nabuhay na mag-uli (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:35–44), ay maituturing na kahalintulad ng pangitain na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76.

Outline

II Mga Taga Corinto 1–5. Nagpatotoo si Pablo na inaaliw o pinapanatag ng Diyos ang Kanyang mga anak sa kanilang mga paghihirap. Hinikayat niya ang mga Banal na magmahalan at patawarin ang isa’t isa. Ang ebanghelyo at mga gawain ng Espiritu ng Panginoon ay mas maluwalhati kaysa sa batas ni Moises. Pinalakas ni Pablo ang loob ng kanyang mga mambabasa na dumaranas ng mga pagsubok at ipinaalala sa kanila ang walang hanggang pagmamahal at kaluwalhatian ng Diyos. Tinulungan niya ang mga mambabasa na maunawaan na kailangan nilang makipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

II Mga Taga Corinto 6–13. Habang dumaranas ng pagbatikos at pagsalungat mula sa mga bulaang guro, pinanindigan ni Pablo ang katapatan niya bilang tagapaglingkod ng Panginoon at hinikayat ang kanyang mga mambabasa na iwasan ang kamunduhan. Itinuro niya ang “kalumbayang mula sa Dios” (tingnan sa II Mga Taga Corinto 7:10). Nagpasalamat si Pablo sa mga Banal sa Corinto sa kanilang mga ibinigay sa mahihirap sa Jerusalem at hinikayat silang patuloy na magbigay. Nagbabala siya nang matindi laban sa “mga bulaang apostol” (II Mga Taga Corinto 11:13). Pinuri niya ang Panginoon at ibinahagi ang mga detalye ng kanyang paghihirap at pananampalataya kay Jesucristo. Isinulat niya ang kanyang pangitain tungkol sa ikatlong langit at inanyayahan niya ang mga Banal na suriin ang kanilang sarili at patunayan ang kanilang katapatan.

Print