Library
Unit 9, Day 3: Lucas 2


Unit 9: Day 3

Lucas 2

Pambungad

Sina Jose at Maria ay naglakbay patungong Betlehem, at si Jesus ay isinilang doon. Sinunod ng mga pastol ang tagubilin ng isang anghel na hanapin ang bagong silang na sanggol na si Jesus, at pagkatapos ay ibinalita nila sa iba ang pagsilang ni Jesus. Binasbasan ni Simeon si Jesus sa templo, at nagpatotoo si Ana na isinilang na ang Manunubos. Lumaki si Jesus “sa karunungan at pangangatawan at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao” (Lucas 2:52).

Lucas 2:1–20

Si Jesus ay isinilang sa Betlehem

Ang Pagsilang ni Jesus

Gaano ang nalalaman mo tungkol sa mga kaganapang nangyari sa pagsilang ng Tagapagligtas? Alamin kung gaano ang nalalaman mo sa pagsagot sa sumusunod na quiz. Isulat kung tama (T) o mali (M) ang bawat pahayag.

  • ____ 1. Nagpunta sina Maria at Jose sa Betlehem para magbayad ng buwis.

  • ____ 2. Naglakbay sina Maria at Jose nang 27 milya (44 na kilometro) mula Nazaret patungo sa Betlehem.

  • ____ 3. Inihiga ang sanggol na si Jesus sa sabsaban dahil wala nang bakante sa bahay-tuluyan.

  • ____ 4. Sinundan ng mga pastol ang bituin hanggang sa sabsaban kung saan nakahiga si Jesus.

  • ____ 5. Bukod kina Maria at Jose, ang unang mga taong nakakita kay Jesus ayon sa nakatala ay ang mga pastol.

  • ____ 6. Sinabi ng anghel sa mga pastol na huwag sabihin kaninuman ang nakita nila.

Sa pag-aaral mo ng Lucas 2, hanapin ang mga sagot sa mga tanong na ito upang malaman mo kung tama ang mga sagot mo.

Basahin ang Lucas 2:1–5, na inaalam kung bakit nagpunta sina Jose at Maria sa Betlehem.

Gusto ni Cesar na magparehistro, o mabilang, ang mga tao. Ginawa ito para sa mga layunin ng pagbubuwis.

Tingnan ang Mga Mapa sa Biblia, blg. 11, “Ang Banal na Lupain Noong Panahon ng Bagong Tipan,” na nasa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Hanapin ang mga lungsod ng Nazaret at Betlehem sa mapa.

Mapapansin mo na ang “Betlehem [ay] tinatayang nasa 85–90 milya (137–145 kilometro) sa timog ng Nazaret, aabutin ng mga apat hanggang limang araw na paglalakad, at marahil mas mahaba pa dahil sa kalagayan ni Maria” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 143).

Isipin kung ano kaya sa palagay mo ang pinakanararapat na mga kalagayan para sa pagsilang ng Lumikha at Tagapagligtas ng daigdig. Basahin ang Lucas 2:6–7, na inaalam ang mga kalagayan sa pagsilang ni Jesus.

Basahin ang Lucas 2:8–14, na inaalam kung paano ibinalita ang pagsilang ng Tagapagligtas.

anghel kasama ang mga pastol

Mapapansin na inilarawan sa Lucas 2:10 ang maaari nating maramdaman dahil sa pagsilang ng Tagapagligtas. Maaari mong isulat sa iyong mga banal na kasulatan ang sumusunod na katotohanan: Dahil isinilang ang Tagapagligtas sa mundo, makadarama tayo ng malaking kagalakan.

Sa iyong patuloy na pag-aaral ng Lucas 2, maghanap ng mga halimbawa kung paano nakapagdulot ng kagalakan sa iba ang kaalamang isinilang ang Tagapagligtas.

Basahin ang Lucas 2:15–20, na minamarkahan ang mga salita o mga kataga na nagpapakita kung paano tumugon ang mga pastol sa mga tagubilin ng anghel.

Mapapansin na kaagad sumunod ang mga pastol sa mensahe ng anghel. Ano ang nasaksihan o natanggap na patotoo ng mga pastol dahil sinunod nila ang mensaheng ito?

Tingnang muli ang Lucas 2:17–20, na inaalam ang ginawa ng mga pastol pagkatapos nilang makatanggap ng patotoo kay Jesucristo. Sa iyong palagay, bakit ibinahagi ng mga pastol sa ibang tao ang naranasan at narinig nila?

  1. journal iconKumpletuhin ang mga sumusunod na assignment sa iyong scripture study journal:

    1. Batay sa nalaman mo mula sa mga ginawa ng mga pastol, kumpletuhin ang sumusunod na alituntunin: Kapag nakatanggap tayo ng patotoo kay Jesucristo, gusto nating .

    2. Isipin ang pagkakataong ninais mong ibahagi ang iyong patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo sa ibang tao. Isulat kung bakit nakadama ka ng gayong pagnanais.

Lucas 2:21–39

Inihayag nina Simeon at Ana na si Jesus ang Tagapagligtas ng sanlibutan

Nabasa natin sa Lucas 2:21–24 na walong araw pagkatapos ng pagsilang ni Jesus, dinala Siya nina Maria at Jose sa templo alinsunod sa batas ng mga Judio (tingnan sa Exodo 13:2). Nakilala ng dalawang tao sa templo nang araw na iyon ang sanggol na si Jesus bilang ang Mesiyas.

Basahin ang tala tungkol kay Simeon sa Lucas 2:25–32. (Unawain na ang mga katagang “nag-aantay ng kaaliwan ng Israel” sa Lucas 2:25 ay tumutukoy sa paghihintay sa pagdating ng Mesiyas.) Pagkatapos ay basahin ang tala tungkol kay Ana sa Lucas 2:36–38. Sa dalawang tala, alamin kung paano nagdulot ng kagalakan sa mga taong ito ang kaalaman tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas.

Sa paanong paraan pinatotohanan nina Simeon at Ana si Jesucristo?

Nabasa natin sa Lucas 2:34–35 na binasbasan din ni Simeon sina Maria at Jose. Nilinaw ng Joseph Smith Translation ang propesiya ni Simeon kay Maria: “Oo, isang sibat ang lalagos sa kanya na ikasusugat din ng iyong sariling kaluluwa; upang mangahayag ang mga pagiisip ng maraming puso” (Joseph Smith Translation, Luke 2:35).

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, ipaliwanag kung bakit nakadama ka ng kagalakan sa kaalamang isinilang ang Tagapagligtas. Maaari mong ibahagi ang patotoong ito sa isang kaibigan o sa oras ng family home evening.

Ayon sa Lucas 2:39, matapos dalhin si Jesus sa templo, sina Maria at Jose ay umuwi kasama si Jesus sa kanilang tahanan sa Nazaret.

Lucas 2:40–52

Ang batang si Jesus ay lumaki “sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao”

Ang Kabataan ni Jesucristo
ang batang si Jesus na hawak ang scroll

Isulat ang ilang bagay na gusto mong pagbutihin sa iyong sarili:

Paano makatutulong sa iyo ang nalaman mo tungkol kay Jesus noong Siya ay kaedad mo upang maging ang taong gusto mo para sa iyong sarili?

Kakaunti lang ang detalyeng nakasulat sa mga banal na kasulatan tungkol sa kabataan ni Jesus, ngunit ang mga detalyeng iyon ay maaaring maging malaking pagpapala at gabay sa atin sa paghahangad nating mas mapagbuti pa ang ating sarili. Basahin ang Lucas 2:40, na inaalam kung paano inilarawan ni Lucas ang kabataan ni Jesus. Tandaan na ang ibig sabihin ng lumalakas ay humuhusay o umuunlad.

Pagkatapos, basahin ang Lucas 2:41–49, na inaalam ang ginawa ni Jesus noong Siya ay 12 taong gulang.

Bakit nagpaiwan ang batang si Jesus sa templo? (Basahin ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Lucas 2:46 sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, na inaalam kung paano nilinaw ng Pagsasalin ni Joseph Smith kung ano ang ginawa ni Jesus sa templo.)

nagtuturo ang batang si Jesus sa templo

video iconKung may video, maaari mong panoorin ang “Young Jesus Teaches in the Temple” (2:30) mula sa The Life of Jesus Christ Bible Videos, makukuha sa LDS.org, upang mapanood ang paglalarawan ng nangyari nang makita nina Jose at Maria si Jesus sa templo. Kung walang makukuhang video, basahin ang Lucas 2:48–50, na inaalam ang sinabi ni Jesus kina Maria at Jose nang Siya ay matagpuan nila.

Ano ang inihahayag ng talang ito tungkol sa kaalaman ni Jesus sa Kanyang banal na pagkatao noong bata pa Siya?

Propetang Joseph Smith

Inihayag ni Propetang Joseph Smith ang sumusunod tungkol sa kabataan ni Jesucristo: “Noong bata pa, taglay na Niya ang lahat ng talinong kailangan upang mapamunuan at mapamahalaan Niya ang kaharian ng mga Judio, at makapangatwiran sa pinakamatatalino at pinakamarurunong na dalubhasa sa batas at mga bagay na espirituwal, at pagmukhaing kahangalan ang kanilang mga teorya at gawain kung ihahambing sa taglay Niyang karunungan; ngunit Siya ay isang bata lamang, at kulang sa pisikal na lakas upang ipagtanggol ang Kanyang sarili, at daranas ng lamig, gutom at kamatayan” (sa History of the Church, 6:608).

Basahin ang Lucas 2:51–52, na inaalam kung paano lumaki si Jesus (tingnan din sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 3:24–26 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]).

Itinuro sa Lucas 2:52 na si Jesus ay “lumaki sa karunungan.” Nalaman din natin sa talatang iyan na lumaki Siya sa tatlong iba pang aspeto. Ang ibig sabihin ng lumaki sa “pangangatawan” ay lumakas ang pisikal na katawan. Ang mga katagang “sa pagbibigay lugod sa Dios,” ay tumutukoy sa kagalingang espirituwal, at ang mga katagang “sa pagbibigay lugod sa … mga tao” ay tumutukoy sa pakikisalamuha at pakikipag-ugnayan sa mga tao. Kaya, batay sa pag-aaral natin sa talatang ito, maaari nating matutuhan ang sumusunod na alituntunin: Matutularan natin ang halimbawa ni Jesus sa pamamagitan ng pagtatamo ng karunungan at pagpapalakas ng katawan at espirituwalidad, at pagkatutong makihalubilo sa mga tao.

Isiping mabuti ang mga sumusunod na tanong:

  • Bakit mahalaga sa atin na lumakas sa bawat isa sa apat na aspetong ito?

  • Paano ka napagpapala kapag sinisikap mong tularan ang halimbawa ni Jesus sa pagpapalakas ng Kanyang sarili sa mga aspetong ito?

  1. journal iconKopyahin ang sumusunod na chart sa iyong scripture study journal. Pagkatapos ay sumulat sa ilalim ng bawat isa sa mga kategorya ng isang mithiin para sa iyong personal na pag-unlad at isang plano kung ano ang gagawin mo para makamtan ang mithiing iyan sa mga darating na linggo.

Tutularan ko ang halimbawa ni Jesus sa pagpapalakas ng …

Kategorya:

Intelektuwal

Pisikal

Espirituwal

Sosyal

Ang aking mithiin at plano para makumpleto ang aking mithiin:

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Lucas 2 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser:

  • Mga sagot sa quiz na tama-mali: 1. Tama; 2. Mali; 3. Tama; 4. Mali; 5. Tama; 6. Mali.